Mga Young Adult
Ang Perpektong Plano
Kailan huling nabigo ang iyong mga plano? Noong nakaraang linggo? Nangyari iyan sa akin. Gaano man kaperpekto ang ating mga plano, ang mga hindi inaasahang pagbabago sa buhay ay tila isang bagay na nangyayari sa lahat ng tao. Hindi ko kailanman pinlano na apat na beses malaglagan ng anak sa pagitan ng aming dalawang anak, ngunit nangyari iyon sa akin. Kapag ang mga plano na ginawa natin nang may panalangin ay bumigla sa atin sa hindi inaasahang paraan—o hindi natupad—ano ang gagawin natin? Sa isyung ito, ang mga young adult na nagmula sa magkakaibang sitwasyon ay nagbahagi ng mga sagot na natagpuan nila para sa tanong na ito nang hindi nangyari ang ipinlano nila sa pamilya.
Para sa aming mag-asawa, ang pagkalaglag ng aming mga anak ay nagpabago sa aming mga plano at bumagbag sa aming puso (tingnan sa pahina 44). Para kay Katherine at sa kanyang asawa, ang pag-uuri sa mga opinyon ng lipunan upang mahanap ang tinig ng Panginoon ay naging balakid sa kanilang landas (tingnan sa pahina 48).
Sa karagdagang mga artikulo na digital lamang, ibinahagi ni Christina ang kanyang mga pangamba at alinlangan tungkol sa pagiging ina, at idinetalye ni Brian kung paanong ang pagkadestino niya sa gawaing militar ay halos nakahadlang sa plano nilang mag-asawa. Si Katie, isang young single adult, ay nagbigay ng ideya tungkol sa walang hanggang katangian ng ating identidad bilang mga magulang.
Naghihintay man kayo na mabiyayaan ng mga anak ang inyong tahanan, magkaroon ng mas maraming anak kaysa sa orihinal ninyong ipinlano, o naghihintay na maikasal, isang bagay ang sigurado: Ang Ama sa Langit ay mayroong perpektong plano, at palagi Niyang ginagabayan at tinutulungan ang bawat isa sa atin habang iniaayon natin ang ating kalooban sa Kanyang kalooban.
Anuman ang kalabasan, ang simpleng pagnanais na magsilang ng mga anak sa mundong ito ay magbibigay sa atin ng mas magandang pananaw sa dakilang plano ng kaligayahan ng Ama sa Langit. Saanmang yugto kayo naroon sa pangangalaga ng inyong pamilya, habang binabasa ninyo ang aming mga kuwento, taos-puso kong inaasam na gagabayan kayo ng Espiritu Santo sa mga ideya o sagot na makatutulong sa inyo.
Maligayang pagbabasa!
Marianne von Bracht