Naghihintay kay Ian
“Anong nangyari sa akin?” tanong ni Ian.
“Kumusta ka; aming pagbati sa ‘yo. Kumusta ka! Mabuti’t nandito nang makapiling sa Primary” (Aklat ng mga Awiting Pambata, 130).
Nang gumising si Ian, narinig niya ang kanyang inang umaawit. Ito ay “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo.” Iyon ang paboritong awitin ni Ian sa Primary! Nagsimula siyang sumabay sa kanyang umawit.
“Gising ka na pala!” sabi niya. Nakangiti siya at may luha sa kanyang mga mata. Nakita ni Ian na magkatabing nakaupo ang kanyang ama at ina. Mukha rin siyang masaya.
“Araw-araw kong kinakanta sa iyo ang paborito mong awitin,” sabi ni Inay.
Gumanti ng ngiti si Ian—ngunit masakit ang kanyang ulo. Sa katunayan, masakit ang buong katawan niya, lalo na ang binti niya. Pagkatapos ay napansin niyang may benda ang kanyang ulo at nakasemento ang kanyang binti.
Tumingin siya sa paligid. Wala siya sa kanilang tahanan. Nakahiga siya sa isang metal na kama sa isang kakaibang kuwarto. Pagkatapos ay nakakita siya ng narses at maraming kama sa paligid. “Ospital yata ito,” naisip niya.
“Anong nangyari sa akin?” tanong niya.
Naging malungkot ang mukha ni Inay. “Nagkaroon ka ng matinding aksidente. Nabagsakan ka ng metal na tarangkahan. Dalawang linggo ka nang nasa ospital, ngunit magiging OK ka na.”
Dalawang linggo! “Wow, matagal na panahon iyon para matulog,” naisip ni Ian. Ang huling bagay na naalala niya ay naroon siya sa gusali ng simbahan, nagsasanay para sa programa sa Primary …
Ay naku! Ang programa!
“Hindi ko na ba inabutan ang programa ng Primary?” tanong ni Ian. Napakatagal niyang hinintay iyon! Gustong-gusto niyang umawit kasama ang mga kaibigan niya.
Ngumiti si Inay at umiling. “Hindi, aabutan mo ito. Nagpasiya ang ward na huwag muna itong ituloy hanggang sa magising ka para makasama ka.”
“Talaga po?”
“Oo,” sabi ni Itay. “Lahat ng mga bata sa Primary ay nakiusap sa bishop na maghintay. Gusto nilang naroon ka kapag ginawa ito. Alam nila kung gaano ka kasabik na maganap ito ngayong taon.”
Nagalak si Ian na maaari pa rin siyang maging bahagi ng programa ng Primary. Subalit kailangan niya munang gumaling. At nangailangan iyon ng matagal na panahon. Kailangan niyang manatili pa nang matagal sa ospital. Nang sa wakas ay nakauwi na siya, hindi pa rin siya makalakad o makapaglaro.
Ngunit dumadalaw ang mga kaibigan niya. Tinatanong sila ni Ian tungkol sa simbahan at paaralan. At tatanungin naman nila siya kung kailan siya babalik.
“Kapag gumaling na ang binti ko,” ang sinasabi niya sa kanila. “Hindi pa rin ako makalakad.”
Ang Oktubre ay naging Nobyembre, at unti-unting gumaling si Ian. Isang araw ay niyaya siya ng kanyang mga kaibigan na pumunta at manood ng pelikula kasama nila. Tinulungan si Ian ng kanyang ina at ama na makarating doon.
“Masakit pa rin ba ang binti mo?” tanong sa kanya ng kaibigan niyang si Chaís.
“Oo,” sabi ni Ian. “Pero bumubuti siya sa araw-araw.”
“Nakakalakad ka na ba?” tanong ni Chaís.
“Hindi ko alam,” sabi ni Ian.
“Tara, subukan natin,” sabi ni Chaís. Tinulungan siya nitong tumayo. Dahan-dahan, ibinaba ni Ian ang paa niya. Iniusad niya ang kanyang katawan. Nakatayo pa rin siya! Ito ang unang hakbang niya nang mahigit sa isang buwan! Pumalakpak ang lahat.
“Ibig sabihin nito ay makakabalik ka na sa simbahan!” sabi ni Chaís.
At tama siya. Sa loob ng ilang linggo pa, tuluyan nang hindi sumakit ang binti ni Ian. Inalis ng mga doktor ang semento sa binti niya at sa halip ay inilagay ang brace. Nang sumapit ang Linggo, oras na para sa programa ng Primary.
Sa oras ng sacrament meeting, naglakad si Ian papunta sa harapan ng chapel kasama ang mga kaibigan niya. Tuwid siyang tumayo at ngumiti sa kanyang ina at ama. Habang kumakanta, umawit siya nang malakas sa abot ng kanyang makakaya. Nang siya na ang magsasalita, tumayo siya sa may mikropono at nagbahagi ng kanyang patotoo. Nagpasalamat siya sa kanyang mga kaibigan sa Primary. At masaya siyang maging bahagi ng programa ng Primary.