Library
Mga Tagubilin sa Pag-iimbak at Pag-purify ng Tubig na Pang-emergency


Mga Tagubilin sa Pag-iimbak at Pag-purify ng Tubig na Pang-emergency

batang lalaking umiinom ng tubig

Pambungad

Ang pagkakaroon ng tubig na maiinom para sa agarang paggamit ay isa sa pinakamahahalagang paraan ng pagtulong sa iyong pamilya na maging handa para sa emergency. Mas mahalaga ang tubig kaysa sa pagkain para manatiling buhay, kaya isa ito sa mga unang item na dapat mong ipunin at imbakin. Sundin ang mga tagubiling ito sa pagkakaroon ng supply ng tubig na pang-emergency para matiyak na sapat at ligtas gamitin ang iyong supply ng tubig.

Ano ang Dapat Kong Gamitin para sa Pag-iimbak ng Tubig?

Ang pinaka-karaniwang mapagkukunan ng tubig na iimbakin ay ang bottled water, tubig sa gripo, at tubig na nakaimbak sa tangke.

  • Bottled water: Ang pag-iimbak ng nabibiling bottled water sa mga plastik na lalagyan na yari sa polyethylene terephthalate (PETE o PET) ay ligtas at madaling opsiyon. Iwasan ang mga plastik na lalagyan na hindi PETE plastic.

  • Tubig sa gripo: Ang paglalagay sa lalagyan at pag-iimbak ng tubig mula sa gripo ay nangangailangan ng oras at paggawa pero napakatipid kung pipiliin.

  • Tangke: Kung may budget at espasyo, maaari kang mag-imbak ng tubig sa isang tangke. Ang malalaking tangkeng ito ay kadalasang nakatago sa ilalim ng lupa para masalo ang tubig-ulan pero maaari din itong punuin ng tubig mula sa iba pang mga mapagkukunan.

Paano Ko Ihahanda ang Tubig na Iimbakin?

Kung pipiliin mong mag-imbak ng tubig na pang-emergency, isipin ang sumusunod na mga tagubilin:

Pagpili ng Lalagyan

Ang mga lalagyan ng tubig ay dapat airtight at hindi madaling mabasag o masira. Ang mga plastik na bote ng soda ay karaniwang ginagamit. Huwag gumamit ng mga lalagyan na dating pinag-imbakan ng mga produktong hindi pagkain, at huwag gumamit ng mga plastik na milk jug dahil hindi maise-seal nang maayos ang mga ito at lumulutong sa paglipas ng panahon. Anumang lalagyan na plano mong gamitin, hugasan ito nang husto at linising mabuti bago lagyan ng tubig.

Pretreatment ng Tubig

Gamitin ang mga tagubiling ito sa treatment ng tubig bago ito ilagay sa isang lalagyan:

  • Chlorinated, malinaw: Kung nalagyan na ng chlorine ang tubig ng isang water utility, hindi mo na kailangang lagyan ito bago imbakin.

  • Hindi chlorinated, malinaw: Kung ang tubig ay hindi chlorinated at malinaw, magdagdag ng 8 patak ng household bleach (5 hanggang 9 na porsiyentong sodium hypochlorite) sa bawat galon. Gamitin ang household bleach lamang na walang mga thickener, pabango, o additive.

  • Hindi chlorinated, malabo: Kung ang tubig ay hindi chlorinated at malabo, maglagay ng 16 na patak ng household bleach sa bawat galon.

Paano Ko Ligtas na Maiimbak ang Tubig?

Kapag ang tubig ay na-purify na at nailagay na sa mga lalagyan, gawin ang mga sumusunod:

  • I-seal nang mahigpit ang mga lalagyan.

  • Sulatan ng petsa ang lalagyan.

  • Ilagay sa isang malamig at madilim na lugar.

Dahil maraming lalagyan na malinaw at maaaring tumagos ang liwanag sa mga ito, maaari mong takpan o ilagay ang mga ito sa itim na mga plastic bag. Ang ilang lalagyan ay maaari ding mangailangan ng proteksyon mula sa sobrang lamig. Itago lamang ang tubig kung saan hindi mapipinsala ng maaaring pagtagas nito ang iyong bahay o apartment. Kung gumagamit ka ng bottled water na binili sa tindahan, gamitin ang petsa sa “best if used by” bilang rotation guideline. Kung hindi, palitan ang tubig kada anim na buwan.

batang babae na umiinom mula sa water bottle

Gaano Karaming Tubig ang Dapat Kong Imbakin?

Bagama’t mahirap at hindi praktikal na mag-imbak ng napakaraming tubig, inirerekomenda ng mga eksperto na mag-imbak ka ng dalawang-linggong supply ng tubig dahil ang mga kalamidad na dulot ng kalikasan ay maaaring magparumi sa tubig o masira nito ang daluyan ng mga supply ng tubig nang ganyan katagal. Kailangang uminom ang mga adult ng hindi bababa sa 2 quart ng tubig bawat araw. Ang mga bata, nagpapasusong ina, at maysakit o mga may karamdaman ay maaaring mangailangan ng higit pa riyan. Kailangan ng dagdag na tubig para sa paghahanda ng pagkain at hygiene na aabot sa kabuuang 1 galon bawat adult bawat araw. Para sa dalawang-linggong supply, mag-imbak ng 14 na galon (53 litro) ng tubig bawat adult.

Ano ang Mainam na Pagkunan ng Tubig sa Panahon ng Emergency?

Kung naubos ang inimbak na tubig o wala kang supply, may iba pang mga mapagkukunan ng tubig na magagamit mo sa emergency. Kakailanganin mong i-purify ang tubig mula sa ilan sa mga mapagkukunan ng tubig na ito para matiyak na ligtas itong gamitin. Huwag gamitin ang tubig kung ito ay nilagyan ng kemikal o kontaminado. Kabilang sa mga posibleng mapagkukunan ng tubig ang:

Sa Loob ng Bahay

  • Water heater

  • Tubig na natitira sa mga tubo [ng tubig]

  • Mga de-latang prutas at gulay

  • Tangke ng inidoro

  • Mga ice cube

Sa Labas ng Bahay

  • Tubig-ulan

  • Tubig sa balon

  • Mga bukal

  • Mga batis at ilog

  • Mga pond at lawa

Bukod pa sa mga mapagkukunang ito, maaari mong gamitin ang tubig mula sa mga swimming pool at spa para sa hygiene at paglilinis—gayunman, hindi ito dapat inumin.

Paano Ko Malalaman Kung Ligtas Gamitin ang Tubig?

Kung marumi ang tubig mo, dapat mong i-purify ito bago gamitin. Kung sa palagay mo ay kontaminado ang tubig mo, huwag itong gamitin. Ang pag-inom ng tubig na kontaminado ng mga kemikal, gasolina, lason, putik, o dumi ay maaaring humantong sa malubhang sakit. Gayunman, kung minsa’y lasang kalawang ang tubig matapos itong iimbak. Hindi ito nangangahulugan na kontaminado na ito. Ang lasa ng inimbak na tubig ay mapapasarap sa pamamagitan ng pagbubuhos nito nang palipat-lipat sa dalawang lalagyan bago inumin.

Paano Ko Ipu-purify ang Tubig?

Kung hindi mo alam kung ligtas ang supply ng tubig mo o kung narumihan ito, dapat itong i-purify bago gamitin. Ang pag-purify ng tubig ay karaniwang may dalawang step o hakbang at gagawin nitong ligtas na gamitin ang tubig.

Step 1: Pagpapalinaw ng Tubig

Ang malabo o maruming tubig ay kailangan munang palinawin. Dapat itong paraanin sa filter paper, pinong tela, o iba pang pansala. Maaari mo ring hayaang mag-settle o matining ang dumi sa ilalim, at pagkatapos ay maingat na salukin ang malinaw na tubig sa ibabaw. Ang na-filter o malinaw na tubig ay dapat palaging i-disinfect bago gamitin.

Step 2: Pag-disinfect ng Tubig

  • Pagpapakulo: Ang pagpapakulo sa tubig nang 3–5 minuto ay papatay sa halos lahat ng microorganism na nasa tubig. Ang tubig na nasa mas mataas na lugar ay kailangang pakuluan nang mas matagal. Gayunman, ang matagal na pagpapakulo ng kakaunting tubig ay maaaring magpa-concentrate ng nakalalasong mga contaminant kung mayroon nito ang tubig.

  • Paglalagay ng bleach: Ang paglalagay ng 8 patak ng bagong likidong household chlorine bleach (5 hanggang 9 na porsiyentong sodium hypochlorite) sa bawat 4 na litro (1 galon) ng tubig ay papatay sa halos lahat ng microorganism. Gamitin ang household bleach lamang na walang mga thickener, pabango, o additive. Ang paggamit ng bleach ay hindi pumapatay sa nakalalasong contaminant.

  • Mga water filter: Ang ilang nabibiling water filter ay maaaring epektibong mag-filter at mag-purify ng tubig na kontaminado ng mga microorganism, nakalalasong mga kemikal, at metal. Ang pagiging epektibo ng mga ito ay depende sa disenyo, kundisyon, at wastong paggamit.