“Paghahanda ng Inimbak na Pagkaing Pang-emergency,” Kahandaan sa Emergency (2023)
Paghahanda ng Inimbak na Pagkaing Pang-emergency
Pambungad
Sa mga banal na kasulatan, tinuruan na tayong isaayos ang ating sarili at “ihanda ang bawat kinakailangang bagay” (Doktrina at mga Tipan 109:8). Maaari kang maghanda para sa mahihirap na panahon sa pamamagitan ng pag-iimbak ng mga pagkaing pang-emergency at iba pang mahahalagang bagay para malagpasan mo ang di-inaasahang mahihirap na panahon. Alam natin na lahat ng tao sa iba’t ibang panig ng mundo ay magkakaiba ng sitwasyon sa buhay, at maaaring hindi tayo makabili o makapag-imbak ng magkakaparehong dami ng pagkain. Gamitin ang mga mungkahing ito sa pag-iimbak ng pagkain para makagawa ng mga mithiin para sa sarili mong sitwasyon na tutulong sa iyo na maging handa hangga’t maaari.
Ano ang Kahalagahan ng Pag-iimbak ng Pagkain?
Hinihikayat ang mga miyembro ng Simbahan na maghanda para sa mga emergency sa pamamagitan ng pagkakaroon ng pangunahing supply ng pagkain, tubig, at iba pang mga pangangailangan. Hindi natin alam kung kailan darating ang kalamidad na dulot ng kalikasan, krisis sa ekonomiya, o iba pang emergency. Sa pag-iimbak ng mga pagkaing pang-emergency at iba pang mahahalagang bagay nang may pananampalataya kay Jesucristo, maaari tayong manatiling matatag sa harap ng paghihirap.
May dalawang pangunahing bahagi ang inimbak na pagkain:
-
Supply ng pagkain (panandalian at pangmatagalan)
Sa pag-klik sa mga link sa itaas, makahahanap ka ng iba pang impormasyon tungkol sa bawat bahagi.
Anong Pagkain ang Dapat Kong Imbakin?
Para sa panandaliang inimbak na pagkain, mag-imbak ng mga pagkaing bahagi ng iyong normal na pagkain. Bumili ng mga pagkain mula sa iba’t ibang grupo ng pagkain para matiyak ang wastong nutrisyon at palitan nang regular ang mga item na ito para maiwasan ang pagkasira.
Para sa pagkain na maiimbak nang pangmatagalan, magtuon sa mga pagkaing tulad ng trigo, bigas, pasta, oats, dry beans, potato flakes, at iba pang mga pagkaing makatutulong sa mga tao na manatiling buhay na maaaring tumagal nang 30 taon o mahigit pa kapag nakapakete nang wasto at nakatago sa malamig at tuyong lugar. Para sa iba pang impormasyon tungkol sa pangmatagalang inimbak na pagkain, sumangguni lamang sa aming gabay sa pangmatagalang inimbak na pagkain.
Mahalagang tandaan na hindi ka dapat magpalabis kapag nag-iimbak ka ng pagkain. Halimbawa, hindi makabubuting mangutang para makapag-imbak agad ng pagkain. Unti-unti itong dagdagan upang hindi ito maging mabigat sa bulsa. Para sa checklist ng uri ng mga pagkain na dapat mong imbakin, i-download ang “An Approach to Long Term Food Storage”
Habang pinag-iisipan mo kung anong mga pagkaing pang-emergency ang kailangan mong imbakin, isipin din ang mga pangunahing pangangailangan tulad ng mapagkukunan ng vitamin C, mga hygiene supply, gamot, mahahalagang dokumento, damit, at iba pa. Mahalaga ring isama ang imbak na tubig at reserbang pera sa iyong mga emergency supply. Alamin kung ano ang iimbakin para sa partikular na mga pangangailangan ng inyong lugar sa gabay sa temporal na kahandaan para sa inyong lugar.
Gaano Karaming Pagkain ang Kailangan Kong Imbakin para sa Bawat Tao?
Ang dami ng pagkaing iimbakin mo para sa iyong household ay depende sa inyong sitwasyon. Bilang pangkalahatang tuntunin, sundin ang mga rekomendasyong ito sa pag-iimbak ng pagkain.
Para sa panandaliang inimbak na pagkain, magsimula sa pag-iimbak ng sapat na pagkain para mapakain ang iyong pamilya sa loob ng isang araw. Gawing pitong beses ang daming iyon ng pagkain para makabuo ng isang-linggong supply. Kapag mayroon ka nang imbak na pagkain para sa isang linggo, maaari mo itong unti-unting dagdagan hanggang sa maging isang buwan, at mahigit pa.
Para sa pangmatagalang inimbak na pagkain, unti-unting paramihin ang supply ng pagkain na tatagal nang mahabang panahon at magagamit mo para manatiling buhay sa loob ng mahabang panahon. Bilhin ang mga item na ito nang paunti-unti para maiwasan ang pangungutang. Para sa iba pang impormasyon kung gaano karaming pagkain ang dapat mong imbakin nang pangmatagalan, sumangguni sa aming gabay sa pangmatagalang inimbak na pagkain.
Para sa mga partikular na tip kung gaano karami ng bawat uri ng pagkain ang dapat mong imbakin para sa bawat tao sa iyong household, gamitin itong gabay sa pagkalkula kung gaano karaming pagkain ang iimbakin para sa bawat tao.
Sumangguni sa gabay sa temporal na kahandaan para sa inyong lugar para sa iba pang impormasyon tungkol sa kahandaan sa pagkain.
Saan Ko Dapat Iimbak ang mga Pagkaing Pang-emergency?
Ang ilan sa pinakamaiinam na lugar para itago ang iyong pangmatagalang inimbak na pagkain ay sa mga basement, bodega, silong, at iba pang mga lugar na malamig, madilim o hindi direktang nasisikatan ng araw, at tuyo. Maaari ding mag-imbak sa mga garahe at attic pero kadalasa’y mainit doon at maaaring mas mabilis na masira ang pagkain. Kung mainit sa lugar na pinag-iimbakan mo, gamitin kaagad ang pagkaing inimbak at palitan ito ng bago. Maaari mo ring itago ang supply ng iyong pagkaing pang-emergency sa mga aparador ng damit, sa matataas na istante, sa ilalim ng kama, sa mga muwebles na may taguan, sa mga kabinet sa kusina, o sa iba pang mga vertical space. Kung nalaman mo na wala kang espasyo para sa inimbak na pagkain, o ipinagbabawal ng batas na mag-imbak ka ng maraming pagkain, mag-imbak lamang ayon sa ipinahihintulot ng iyong sitwasyon.
Sa paghahanap ng lugar na pag-iimbakan ng iyong pagkaing pang-emergency, isaisip ang sumusunod na mga tip sa pag-iimbak:
-
Siguraduhing naka-package nang wasto ang iyong inimbak na pagkain sa isang airtight container o lalagyan na may mahigpit na takip. Ilagay ang mga item na naka-pack sa mga plastic bag o kahon sa isang lalagyan na may takip o sa isang naka-seal na kahon na hindi mapapasok ng mga daga at ipis.
-
Iimbak ang mga pagkain sa isang malamig, tuyo, at madilim na lugar. Ang pagkalantad sa init, halumigmig, o liwanag ay nakakasira sa shelf life ng pagkain.
-
Kung mag-iimbak ng pagkain sa sahig, huwag ilapag ang pagkain sa kongkreto. Maaaring mangalawang ang mga lata sa kongkreto at ma-absorb ng mga plastik na bote ang moisture o halumigmig mula sa sahig. Maglagay ng harang sa pagitan ng pagkain at ng sahig para maprotektahan ang pagkain mula sa moisture o halumigmig.
-
Ilista kung saan nakaimbak ang iyong pagkain para maalala mo kung nasaan iyon at anong mga pagkain ang mayroon ka.
Saan Ako Makakabili ng Inimbak na Pagkain?
Maraming lugar na mabibilhan mo ng inimbak na pagkain. Ang pinakamadaling paraan ng pagbili ng inimbak na pagkain ay mula sa inyong lokal na grocery store. Kapag namili ka ng grocery, bumili ng ilang de-latang pagkain at iba pang pangmatagalang pagkain na maidaragdag sa iyong inimbak na pagkaing pang-emergency. Maaari ka ring gumawa ng sarili mong pagkain na iimbakin sa pamamagitan ng pagpepreserba ng pagkain tulad ng nakasaad sa gabay sa pangmatagalang inimbak na pagkain.
Kung interesado kang bumili ng iimbaking pagkain online, maraming available na resources at kit. Kung ikaw ay nasa Estados Unidos, makakakita ka ng ilang item na maiimbak nang pangmatagalan na mabibili sa online store ng Simbahan.
Mga Home Storage Center
Kung ikaw ay nasa Estados Unidos o Canada, ang mga home storage center ay isa pang magandang resource sa pagtitipon ng mga item para sa pag-iimbak ng pagkain. Sa mga home storage center, makakakita ka ng maraming pre-packaged na pangunahing pagkain na maiimbak nang pangmatagalan, tulad ng trigo, dry beans, at bigas. Makakakita ka ng iba pang impormasyon tungkol sa mga home storage center dito.
Magkano ang Nagagastos para sa Imbak na Pagkain?
Maaaring iba-iba ang halaga depende sa kung saan at paano ka bumibili ng iyong imbak na pagkain. Mahalagang tandaan na hindi ka dapat magpalabis; halimbawa, huwag mangutang para lang makapag-imbak ka kaagad ng pagkain. Unti-unti itong dagdagan para hindi sabay-sabay ang gastos upang hindi ito maging mabigat sa bulsa.
Maaaring magastos ang mag-imbak ng pagkain. Maaari mong mapababa ang halaga ng iyong imbak na pagkain sa pagpepreserba ng sarili mong pagkain sa pamamagitan ng pagpapatuyo, paglalagay sa bote, at paglalagay sa freezer. Isiping magtanim at magkaroon ng halamanan bilang karagdagan sa iyong imbak na pagkain.
Kaugnay na mga Link
-
Gumawa ng plano