“Ang Katatagan ng Damdamin ay Tumutulong na Maihanda Tayo para sa mga Emergency,” Kahandaan sa Emergency (2023)
Ang Katatagan ng Damdamin ay Tumutulong na Maihanda Tayo para sa mga Emergency
Pambungad
Ang katatagan ng damdamin marahil ay hindi ang unang bagay na sasagi sa iyong isipan kapag inisip mo ang kahandaan sa emergency. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ang kanyang pag-aalala tungkol sa kahandaan ng damdamin: “Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga hakbang para maging temporal na handa. Ngunit mas inaalala ko ang inyong espirituwal at emosyonal na paghahanda” (“Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 74). Ang tibay at katatagan ng damdamin ay mahahalagang katangian na magpapabuti ng iyong buhay sa mga panahong maayos ang lahat at tutulong rin sa iyo na malampasan ang mga pagsubok sa buhay.
Narito ang ilang bagay na dapat mong malaman para maging handa ang iyong damdamin para sa mahihirap na sitwasyon tulad ng isang emergency o iba pang krisis.
Ano ang Katatagan ng Damdamin?
Ang katatagan ng damdamin (minsan ay tinutukoy na tibay ng damdamin o psychological resilience) ay ang kakayahang matiis, makayanan, at makabangon mula sa stress at pagsubok.
Ayon sa U.S. Department of Health and Human Services, kasama rin sa katatagan ng damdamin ang kakayahan ng isang tao na “mapanatili o makabalik sa maayos na antas ng kalusugan ng pag-iisip sa pamamagitan ng paggamit ng mga estratehiya para makayanan ang mga pagsubok.” Ayon sa American Psychological Association, ang katatagan ng damdamin ay ang kakayahang emosyonal na maharap ang mga pagsubok ng buhay.
Mga Benepisyo ng Katatagan ng Damdamin
Maraming sitwasyon ang maaaring magdulot ng emosyonal na stress. Para sa isang tao na limitado ang kakayahang maging matatag, ang stress na ito ay maaaring magdulot ng problema sa kalusugan ng katawan at isipan. Nasasaktan pa rin naman ang damdamin ng mga taong matatag ang damdamin, ngunit sila ay may kakayahang matiis, makayanan, at makabangon mula rito.
Ang pagkakaroon ng katatagan ng damdamin bago ang isang emergency ay makatutulong na mabawasan ang pangmatagalang pagkabalisa ng isipan at damdamin. Ang pagkatutong makontrol ang ating damdamin ay tutulong sa atin na maunawaan ang ating mga nadarama, magamit ang ating mga damdamin bilang impormasyon, at makakapili tayo kung paano tutugon.
Kapag pumipili tayo kung paano tayo tutugon, sa halip na basta lamang magpakita ng reaksyon, tayo ay malamang na kikilos sa paraang naaayon sa nais nating kahinatnan natin—higit na naaayon sa ating mga pinahahalagahan (tingnan sa 2 Nephi 2:26). Ang pagkaunawa, pagdama, at pagkontrol ng ating sariling mga damdamin ay tutulong sa atin na mapangalagaan ang ibang tao. Tayong lahat ay maaari ding maging mas mabisa sa aspektong ito kapag sinikap nating makahanap ng kinakailangang resources.
Mga Katangian ng Katatagan ng Damdamin
Ang mga matatatag ang damdamin ay natutong harapin nang maayos ang mga sitwasyon sa kanilang damdamin, isipan, at pag-uugali. Sila ay bumubuo at nagpapanatili ng ligtas at malapit na mga ugnayan. Maaaring natuto rin silang magkaroon ng partikular na mga estratehiya na tumutulong sa kanilang makayanan ang mahihirap na karanasan. Ginagamit nila ang mga alituntunin ng pag-asa at pananampalataya para magkaroon ng tibay ng damdamin.
Dahil sa mga kasanayang ito, ang mga taong matatatag ang damdamin ay may higit na kakayahang maharap ang kanilang mga sitwasyon sa paraang mababawasan ang emosyonal at psychological na pagkabahala.
Bakit Mahalaga ang Katatagan ng Damdamin sa Oras ng Emergency?
Ito man ay sakuna na dulot ng kalikasan, hindi inaasahang pagkamatay ng isang tao, o pagkawala ng trabaho, ang mga emergency ay maaaring lubhang nakakabalisa. Ang karaniwang reaksyon sa mga pagsubok na ito ay kinabibilangan ng higit na pagkabahala at pag-aalala, higit na pagkatakot at kawalan ng pag-asa, kawalan ng kapanatagan, at pagkadama ng galit. Maraming tao rin ang nakakaranas ng mga pisikal na sintomas ng matinding stress, tulad ng pagpapawis, pakiramdam na nasusuka, at hindi makatulog, pati na rin ang paghina ng kanilang paniniwala sa kanilang relihiyon o sa kahalagahan ng buhay.
Ang mga pakiramdam na ito ay maaring mabigat pasanin. Ang sobra-sobrang stress ay maaaring humantong sa paggawa ng hindi magandang desisyon, na nagpapahirap sa pagtugon nang tama sa emergency. Ang pagkalula sa pagkakaroon ng mabibigat na damdamin ay nagpapahirap sa isang tao na mapangalagaan ang kanyang sarili at ang iba at muling makabalik sa normal na pamumuhay. Kung hindi bibigyan ng pansin, ang mabibigat na damdamin ay maaaring humantong sa hindi normal na pagkilos, pagkasira ng mga ugnayan, at mga hamon sa kalusugan ng isipan.
Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin bago ang isang Krisis
Ang pagkakaroon ng katatagan bago pa magkaroon ng sakuna ay isang magandang paraan para maging handa. Ang katatagan ng isipan ay hindi basta-basta nangyayari, kaya paano ka magkakaroon nito?
Mga Alituntunin para sa Araw-Araw
Magsimula sa mga hamong kinakaharap mo ngayon. Kahit na wala kang kinakaharap na emergency ngayon, malamang ay mayroon kang bagay na kinakaharap na nagpapataas ng antas ng iyong pagkabalisa o sikolohikal na pagkabahala. Ang mga sitwasyong ito na nagdudulot ng stress ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para magkaroon ka ng katatagan ng damdamin.
Ang katatagan ng damdamin ay talagang nauugnay sa mga alituntunin na tulad ng pagkaunawa at pagkahabag sa sarili at sa iba. Isipin kung paano magiging mas mabuti ang mga sitwasyong nagbibigay ng stress sa iyong buhay kung ikaw ay magiging mas mahabagin. Paano makatutulong ang pagkaunawa mo sa mga tao at sitwasyon? Kadalasan, ang paggamit ng mga alituntuning ito ay hindi magpapabago sa sitwasyon, ngunit mababago ng mga ito kung paano mo titingnan ang sitwasyon at emosyonal na tumugon dito. Mababawasan nito ang stress at mapapalakas nito ang katatagan ng iyong damdamin.
Maging matiyaga, at tiisin ang mga paghihirap na yaon, nang may matatag na pag-asa na kayo balang araw ay mamamahinga sa lahat ng inyong mga paghihirap. (Alma 34:41)
Pagkakaroon ng Lakas sa Panginoon: Kurso para sa Emosyonal na Katatagan
Ang Simbahan ay mayroong kurso sa self-reliance tungkol sa katatagan ng damdamin. Sa kursong ito, matututuhan mo ang tungkol sa kalusugan ng pag-iisip, katatagan ng damdamin, at kung paano gamitin ang mga alituntunin ng pag-asa at pananampalataya para mas mahusay na malampasan ang mga pagsubok sa buhay. Ang mga kalahok ay kasali sa mga grupo, na tumutulong magbigay ng suporta at koneksyon mula sa ibang tao na kinakailangan ng mga taong matatag ang damdamin para magtagumpay.
Paano Ako Magiging Mas Matatag sa Isang Krisis?
Kung ikaw ay kasalukuyang mayroong emergency at nalulula sa pagkabalisa at stress, may mga bagay na maaari mong magawa para mapabuti ang emosyonal na aspekto ng iyong buhay—kahit na limitado ang iyong karanasan sa pagkakaroon ng kasanayan sa pagiging matatag.
Tanggapin at Damhin ang Iyong mga Damdamin
Una, tandaan na ang pagkakaroon ng katatagan ng damdamin ay hindi nangangahulungang hindi pagpansin sa iyong mga nadarama. Ang pagtugon sa pamamagitan ng matitinding damdamin ay maaaring normal na bahagi ng isang krisis. Ang matatatag na tao ay naghahanap ng mainam na mga pamamaraan na tutulong sa kanila sa pagharap nila sa kanilang mga hamon. Paano mo ito gagawin sa gitna ng isang krisis?
Pangalagaan ang Iyong Katawan
Sa mga panahon ng krisis, karaniwang tumutugon ang ating karawan na labanan o iwasan ang sitwasyon, o sa iba pang pamamaraan para protektahan ang ating sarili. Maaaring makaranas ka ng sobrang pag-iisip na may banta sa iyo (hypervigilance), pagkatakot, pagkapoot, o pagkamanhid ng damdamin (emotional shutdown). Maaaring mawalan ka ng gana kumain at mahirapang makatulog. Ang mga pagtugon na ito ng katawan ay maaaring magprotekta sa iyo sa panahon ng krisis, ngunit kung tumagal ang ganitong mga karanasan, maaaring hindi na ito malusog. Kaya paalalahanan mo ang sarili mo na magpahinga. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para makakuha ng sapat na tulog. Kumain, uminom ng tubig, at mag-ehersisyo. Huwag kalimutang pangalagaan ang iyong katawan para maging malinaw ang iyong isipan at maging handang tulungan ang iyong sarili at ibang tao.
Patatagin ang Iyong Ugnayan sa Ibang Tao
Mahalaga ring tandaan na ang pagkakaroon ng katatagan ng damdamin ay hindi nangyayari nang mag-isa. Ang matatatag na tao ay umaasa sa suporta ng ibang tao at espirituwal na suporta. Panatilihin ang iyong ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Palakasin ang iyong support network, maglingkod sa iba, at hikayatin ang pagkahabag sa iyong sarili at sa iyong komunidad. Ang pakikipag-ugnayan sa Diyos at pagtulong sa iba ay magpapababa ng iyong stress, na magpapabawas ng pangmatagalang epekto ng isang emergency. Huwag kalimutang sabihin ang iyong mga pangangailangan. Ang mga taong may katatagan ng damdamin ay hindi sinusubukang gawin nang mag-isa ang lahat ng bagay; sila ay humihingi ng tulong kapag kailangan.
Magtuon sa Paglutas ng Problema
Ang matatatag na tao ay nagsisikap din na panatilihing makatotohanan at positibo ang kanilang iniisip. Kung ikaw ay nasa isang krisis, maaaring makatulong ang pagtuon mo sa paglutas ng problema. Ang pagtutuon sa mga mithiin ay makatutulong sa kalusugan ng iyong damdamin habang nakakaranas ka ng mga positibong damdamin dahil sa pagsisikap na makamit ang isang mithiin—kahit na ang mithiing ito ay kasing simple lang ng paggising, pagdarasal, at paghahanda para sa maghapon. Ang paggamit ng iyong sense of humor o pagkamasayahin ay makatutulong din.
Ang Katatagan ng Damdamin ay Isang Mahalagang Kasanayan sa Kahandaan
Lahat ng tao, anuman ang kanilang kalagayan, ay nakakaranas ng paghihirap. Ang katatagan ng damdamin ay isang mahalagang kasanayan na makatutulong sa iyo na matiis, makayanan, at makabangon mula sa mga hamon ng buhay. Sa matitinding paghihirap, ang katatagan ng damdamin ay makatutulong na mabawasan ang pangmatagalang pagkabalisa na sanhi ng trahedya at matinding pagkabagabag ng damdamin.
Habang sinisikap mong maging mas handa para sa lahat ng uri ng emergency, huwag kalimutan na patatagin ang iyong damdamin. Humingi ng suporta mula sa iyong mga kaibigan at kapamilya. Habang ginagawa mo ito, maaari kang maging huwaran ng katatagan ng damdamin na magiging inspirasyon para sa pagbuo ng mga kasanayan sa katatagan sa iyong pamilya at komunidad.
Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan. (Deuteronomio 31:6)