“Mga Tip para sa Kahandaan ng Damdamin,” Kahandaan sa Emergency (2023)
Mga Tip para sa Kahandaan ng Damdamin
Pambungad
Ang mga hamon at trahedya ay may epekto sa ating katawan, damdamin, pakikihalubilo sa ibang tao, isipan, at espirituwalidad. Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson ang kanyang pag-aalala tungkol sa ating kahandaan: “Hinihikayat ko kayong gumawa ng mga hakbang para maging temporal na handa. Ngunit mas inaalala ko ang inyong espirituwal at emosyonal na paghahanda” (“Yakapin ang Bukas nang may Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2020, 74).
Mahalagang maging handa ang ating damdamin para sa lahat ng hamon ng buhay, kabilang na ang:
-
Mga oras ng emergency (sakuna na dulot ng kalikasan, pandemya, kaguluhan sa pulitika, digmaan, krimen, at iba pa)
-
Personal na mga krisis (pagkawala ng trabaho, kamatayan ng isang mahal sa buhay, hamon sa kalusugan, at iba pa)
-
Mga pagbabago sa buhay (pagreretiro, pagkakaroon ng anak, pagbabago sa relasyon, at iba pa)
-
Mga pang-araw-araw na sitwasyon (pagkabalisa, stress sa trabaho, pag-init ng ulo, hamon ng pamilya, at iba pa)
Ang mga damdamin ay bahagi ng ating karanasan bilang mga tao, at ang mga ito ay hindi likas na mabuti o masama. Ang isang paraan para makayanan ang matitinding damdamin ay ang paghahandang harapin ang mga pagsubok at nakaka-stress na sitwasyon bago pa man mangyari ang mga ito.
Ang sumusunod na tips ay makatutulong sa iyo na maihanda ang iyong damdamin na harapin ang mahihirap na sitwasyon pati na rin ang mga karaniwang hamon sa buhay.
Matuto ng mga Skill o Kasanayan para Makontrol ang Matitinding Damdamin
Ang isang matinding insidente o sakuna ay maaaring pumukaw ng takot, galit, kalungkutan, pag-aalala, at pagkabalisa. Alamin at gamitin ang iba’t ibang paraan sa pagkontrol ng damdamin sa panahon ng kagipitan. Narito ang ilang paraan na maaari mong gamitin:
-
Gumawa ng isang emotional first aid kit na magagamit mo kapag nalulula ka sa mga damdaming iyong nadarama. Maaaring kabilang sa kit na ito ang bagay na magpapaalala sa iyo na manatiling mahinahon, tulad ng mga retrato, mga bagay na nagbibigay sa iyo ng kapanatagan, kagamitan (kumot, damit), musika, aklat, journal, to-do list, mga mithiin, o iba pang mga bagay na makatutulong sa iyo. Maaari mo ring isaalang-alang ang mga rekomendasyon mula sa Feelings First Aid Kit.
-
Magpraktis na gamitin ang maraming paraan para makayanan ang pagkabalisa ng damdamin (tingnan ang Pagharap sa mga Hamon: Isang Gabay sa Pagtulong sa Sarili para sa mga mungkahing pamamaraan). Ang pagpraktis sa mga kasanayan sa pagkontrol sa mga emosyon na ito ngayon ay makatutulong sa iyo na maging handa.
Tandaan ang ilang resources na ginagamit sa pagharap sa mga suliranin ay maaaring hindi available kapag mayroon nang emergency. Kung may iniinom kang gamot ngayon, kausapin ang iyong doktor kung paano ka makakakuha nito sa kapag may emergency.
Para sa karagdagang kasanayan, tingnan ang “Ways to Stay Calm in an Emergency” (DisasterReady [video, Hulyo 5, 2022], 6:26).
Bumuo ng Mabubuting Ugnayan
Ang mabubuting koneksyon ay may positibong epekto sa kalusugan ng damdamin. Makipag-ugnayan sa ibang tao. Masisimulan mo ito sa pagpapalakas ng ugnayan mo sa iyong pamilya at sa iyong asawa (tingnan sa Strengthening Marriages and Families). Kung hindi posible ang pakikipag-ugnayan sa mga kapamilya o mahal sa buhay, makipag-ugnayan sa mga nakatira malapit sa iyo, tulad ng mga kapitbahay, katrabaho, kasama sa simbahan, kaibigan, at komunidad.
Magplano para sa Kaligtasan at Komunikasyon
Karaniwang nag-aalala tayo para sa ating mga mahal sa buhay kapag may emergency. Gumawa ng emergency communication plan para malaman ninyo kung paano ninyo kokontakin ang isa’t isa kapag may sakuna. Kung minsan, nagkakahiwa-hiwalay ang mga kaibigan at kapamilya kapag mayroong emergency o sakuna. Isaalang-alang ang paggawa ng plano kung paano kayo makikipag-ugnayan sa isa’t isa pagkatapos ng sakuna. Ang Aktibidad sa Pagpaplano para sa Komunikasyon at Pagtitipon sa inyong Area Temporal Preparedness Guide ay makatutulong sa paggawa mo ng plano. Makatutulong ito para maibsan ang pag-aalala mo tungkol sa kaligtasan ng iyong mga mahal sa buhay at para makahanap ng mga taong makatutulong sa iyo.
Tukuyin ang mga Mapagkakatiwalaang Sources
Madalas kailangang subaybayan ang pinakabagong mga balita, pero ang sobrang pagsubaybay sa balita ay maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa kalusugan ng pag-iisip. Tukuyin ang mapagkakatiwalaang mapagkukunan ng impormasyon, at magplano na limitahan ang mga balita at komunikasyon sa social media na nakakabalisa o hindi maaasahan (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw 38.8.40). Ang ligtas, nagbibigay-suporta, at maaasahang impormasyon ay mahalaga kapag ikaw ay nakakaranas ng isang krisis sa sarili, pamilya, o komunidad.
Tukuyin ang Iyong mga Kalakasan at Kung Paano Ka Makakatulong
Maghandang tumulong sa panahon ng emergency at pagkatapos nito sa pamamagitan ng pagbabahagi ng iyong mga kasanayan at kalakasan. Ang ilang tao ay tumutulong sa pagbibigay ng pisikal na tulong, ang iba naman ay nagbibigay ng espirituwal o emosyonal na pangangalaga. Maaari mong tingnan ang JustServe.org para makahanap ng mga paraan na magboluntaryo ngayon at kapag mayroong krisis (tingnan sa Mosias 18:9 at sa Discussion Guide: How Can I Minister to Others During a Crisis?). Kahit na nadarama mong mahina ka o wala kang magagawa, magagamit mo ang iyong mga talento at kalakasan para makatulong.
Isiping Magpatulong sa Isang Propesyonal
Habang ang ilang tao ay kayang magkaroon ng katatagan ng damdamin at makabangon mula sa mga pagsubok at stress nang mag-isa, ang iba naman ay nangangailangan ng karagdagang tulong. Kung nakaranas ka na ng matinding pagkabagabag ng damdamin o kasalukuyang pinaglalabanan ang depresyon, pagkabalisa, o iba pang malubhang pagsubok sa emosyon, isaalang-alang na magpagamot sa isang propesyonal. Ang mga counselor ay maaaring makatulong sa iyo na harapin ang iyong mga karanasan, tutulungan kang mapaglabanan ang mga masasamang kaisipan, bibigyan ka ng mga paraan para makayanan ang mga pagsubok, at maghahanda sa iyo na gumawa ng mabubuting desisyon para sa kalusugan ng iyong isipan at sa pakikihalubilo mo sa ibang tao. Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang “What Is Counseling and How Can It Help Me” (DisasterReady [video, Hulyo , 2022], 7:03). Sa ilang sitwasyon, maaari ka ding humingi ng tulong-medikal para makontrol ang mga pisikal na sintomas ng kasalukuyang mga hamon mo sa kalusugan ng iyong pag-iisip.
Tandaan na Magkaroon ng Pag-asa
Magkaroon ng makatotohanang kumpiyansa at pag-asa. Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland na “dahil pinagtibay muli ng Pagpapanumbalik ang saligang katotohanan na kumikilos nga ang Diyos sa daigdig na ito, makaaasa tayo, dapat tayong umasa, kahit pa nahaharap tayo sa pinakamahihirap na laban” (“Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Liahona, Mayo 2020, 83).
Kapag mayroong mga pagsubok sa buhay, karaniwan ang pakiramdam na gumuguho ang iyong mundo. Maghanda ngayon sa pamamagitan ng papapatibay ng iyong pag-asa. Tingnan ang “Pag-asa” (sa Mga Paksa ng Ebanghelyo) at “President Russell M. Nelson on the Healing Power of Gratitude.”