Library
Tips para sa Pagkakaroon ng Personal na Lakas at Pagtulong sa Iba


“Tips para sa Pagkakaroon ng Personal na Lakas at Pagtulong sa Iba,” Kahandaan sa Emergency (2023)

Tips para sa Pagkakaroon ng Personal na Lakas at Pagtulong sa Iba

Pambungad

Kapag nahaharap sa mga hamon, karaniwan na makadama tayo ng maraming klase ng damdamin, kabilang na ang stress, pagkabalisa, depresyon, at kalungkutan. Para sa ilang tao, ang mga damdaming ito ay saglit lamang at ayon lamang sa sitwasyon, ngunit para sa iba naman, ang mga damdaming ito ay maaaring pangmatagalan. Kung ikaw ay nagkakaroon ng paulit-ulit at mabibigat na emosyonal na problema sa kalusugan o sa pakikipag-ugnayan sa iba, isiping makipag-usap sa isang propesyonal. Gaano man kadalas ang pagharap mo sa mabibigat na pagsubok, may ilang simpleng estratehiya na makatutulong sa iyong emosyonal na pangangalaga.

Paano Ako Makasusumpong ng Lakas sa Mahihirap na Panahon?

  • Makipag-ugnayan sa isang taong pinagkakatiwalaan mo.

  • Muling pasiglahin ang iyong espiritu sa pamamagitan ng panalangin, pagninilay, pag-unawa sa nangyayari sa sarili, at mahabaging pangangalaga sa sarili at sa ibang tao.

  • Pagtuunan ang mga bagay sa iyong buhay na nasa maayos na kalagayan at kaya mong kontrolin.

  • Pagnilayan kung ano ang mahalaga sa iyo.

  • Patuloy na gamitin ang angkop na mga estratehiya na alam mong nakakatulong sa iyo.

Ano ang Magagawa Ko Para Mabawasan ang Stress?

Kapag ikaw ay nakadarama ng stress, ang mga aktibidad na tulad ng pag-eehersisyo, pakikihalubilo sa ibang tao, pagtulog nang sapat, at pagkain ng masustansya ay makatutulong. Isaalang-alang ang sumusunod na mga ideya:

  • Huminga nang malalim at mag-unat-unat.

  • Gumawa ng aktibidad na nakaka-relax, tulad ng yoga o tai chi.

  • Itigil ang iyong ginagawa para umidlip, magpahinga, o kumuha ng lakas.

  • Magbasa o makinig sa nakakapagbigay-inspirasyong media.

  • Uminom ng maraming tubig at kumain ng masusustansyang pagkain.

  • Maglibang kasama ang ibang tao.

  • Makinig, tumugtog, o umawit ng nakakapagbigay-inspirasyong musika.

  • Pansamantalang tumigil sa pagbabasa ng balita.

  • Maglakad-lakad o mag-ehersisyo.

  • Isulat ang mga bagay na ipinagpapasalamat mo.

  • Maghanap ng mga paraan para makatulong at makapaglingkod sa iba (tingnan sa JustServe.org).

  • Tingnan ang iba pang mga ideya at resources sa HowRightNow.org.

tatlong lalaking nakangiti

Paano Ko Matutulungan ang Iba na Nahaharap sa Mahihirap na Panahon?

  • Magpahayag ng pagkahabag: Ipakita na ikaw ay may malasakit. Ang personal na pagsama sa tao ay makatutulong na.

  • Makinig: Hayaan ang tao na ipahayag ang kanyang iniisip at nadarama.

  • Magpahayag ng pakikiramay: Ipakita na sinisikap mo siyang maunawaan, at tulungan siyang madama na ayos lang kung hindi siya OK ngayon.

  • Talakayin kung paano haharapin ang sitwasyon: Pag-usapan ang mabubuting gawi, tulad ng wastong nutrisyon, pag-inom ng tubig, hygiene, ehersisyo, pagtulog, at iniresetang mga gamot.

  • Magbigay ng pag-asa: Magbahagi ng panghihikayat, suporta, at resources.

Ano ang Masasabi Ko sa Isang Taong Nahihirapan ang Damdamin?

Ang ilang tao ay natatakot na baka may mali silang masabi sa isang taong may pinagdaraanang pagsubok. Maaaring nag-aalala sila baka ang sabihin nila ay maging sanhi para ang tao ay makadama ng depresyon o maisipang magpakamatay. Mahalagang tiyakin mo na alam ng mga taong may pinagdaraanan na nariyan ka para sa kanila. Ang pakikipag-ugnayan nang may pagkahabag ay maaaring humantong sa mabisa at makatutulong na mga pag-uusap.

Narito ang ilang bagay na maaari mong sabihin:

  • Mahal kita at nagmamalasakit ako sa iyo.

  • Hindi ko lubos na nauunawaan, pero nagmamalasakit ako.

  • Narito ako para sa iyo, at maaari akong makinig.

  • Ano ang mga estratehiya mo para makayanan ang mga bagay-bagay?

  • Ano ang ipinag-aalala mo sa ngayon?

  • Ano ang nakatulong sa iyo noon?

  • Ano ang mga alalahanin mo tungkol sa hinaharap?

  • Narito lang ako para sa iyo.

  • Hindi masama na madama mo ang nadarama mo ngayon.

  • May kilala akong mga taong makakatulong.

Karagdagang Resources

Discussion Guide: How Can I Minister to Others During a Crisis?

Counseling Resources,” sa Counseling Resources, Gospel Library