Mga Tulong para sa Mga Bata at Kabataan
Pambungad


“Pambungad,” Mga Bata at Kabataan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw: Isang Panimulang Gabay para sa mga Magulang at Lider (2019)

“Pambungad”

Pambungad

Sa sama-samang pagsisikap, tinutulungan ng mga magulang at lider ang mga bata at kabataan na palalimin ang kanilang pagbabalik-loob, maging karapat-dapat na mga disipulo ng Panginoong Jesucristo, at maging mga lalaki at babaeng may integridad sa pamamagitan ng:

  • Pag-aaral ng ebanghelyo na naghihikayat ng katapatan.

  • Paglilingkod at mga aktibidad na nagpapatatag sa katawan at espiritu.

  • Personal na pag-unlad na nagbubunga ng nakasisiyang paglago.

Ang mga gabay na alituntunin at pangkalahatang responsibilidad na nakalahad sa buklet na ito ay maiaangkop. Maraming tamang paraan para maipamuhay ang mga ito. Ang ilang mga ideya at halimbawa ay makukuha online sa ChildrenandYouth.ChurchofJesusChrist.org. Humingi ng inspirasyon para malaman kung ano ang pinakamainam para sa bawat indibiduwal (tingnan sa “Iakma at Iangkop”).

Ang Bagong Henerasyon

nakangiting kabataan

Sinabi ng mga propeta na ang henerasyong ito ng mga bata at kabataan ay kabilang sa mga pinakamahuhusay na ipinadala ng Panginoon sa lupa (tingnan sa Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel,” pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018, 16). Sila ay may kakayahang makaimpluwensya nang malaki sa mundo. Sila ay inanyayahan na tumulong sa pagtipon sa Israel sa magkabilang panig ng tabing. Kinakailangan ang mas dakila at mas banal na pamamaraan sa pangangalaga at pagmi-minister sa kanila. Ang paraang ito ay makatutulong sa mga bata at kabataan na:

  • Malaman ang kanilang walang hanggang identidad at layunin.

  • Mapalalim ang kanilang pagbabalik-loob kay Jesucristo, maitimo sa kanilang puso ang Kanyang ebanghelyo at mahikayat sila na piliing sumunod sa Kanya.

  • Magampanan ang mga tungkulin sa Aaronic Priesthood.

  • Makibahagi nang magkakasama sa gawain ng kaligtasan.

  • Mapaunlad ang sarili nang may suporta ng mga magulang at mga lider na tumutulong kung kinakailangan.

  • Maging karapat-dapat na makapunta sa templo at magkaroon ng nagtatagal na kagalakan sa landas ng tipan.

Kapag ang mga bata at kabataan ay tumatanggap ng paghahayag para sa kanilang buhay, bumubuo ng mga ugnayan na nakasentro sa ebanghelyo, at ginagamit ang kanilang kalayaan habang sila ay lumalaki, sila ay magtatagumpay sa pagsasakatuparan ng mga layuning ito.

Sikaping Tularan at Sundin ang Tagapagligtas

Sa Kanyang kabataan, kinailangang alamin ni Jesus ang Kanyang banal na pagkatao at misyon, tulad ng dapat gawin ng bawat anak ng Diyos. Siya ay “lumalaki sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52). Siya ay lumaki na balanse sa lahat ng aspeto, at magagawa rin ito ng lahat ng mga bata at kabataan.

Tulungan ang mga bata at kabataan na gawing bahagi ang Tagapagligtas sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay—hindi lamang sa araw ng Sabbath. Kapag sinisikap nilang isentro si Jesucristo sa kanilang buhay, nangangako Siya na isusugo ang Espiritu Santo upang panatagin at gabayan sila.

Katunayan, ang pagsunod at pagtulad sa Tagapagligtas ay nagsisimula sa tahanan. Ang mga lider ng Simbahan ay makapagbibigay ng mahalagang suporta para sa mga indibiduwal at pamilya.

Nakasentro sa Tahanan

pamilyang nakaupo sa mahabang bangko

Ang mga magulang ay nagpaplano ng mga gagawin at tatalakayin ng pamilya para maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo at matugunan ang magkakaibang mga pangangailangan ng bawat anak. Nangyayari ito kapag ang mga pamilya ay gumagawa at nagsasaya nang magkakasama sa mga paraan na nagtuturo ng mahahalagang kasanayan, nagpapatatag ng pagkatao, at nagbibigay ng mga pagkakataong umunlad.

Maghikayat ng Pag-unlad

  • Manalangin na mapatnubayan. Kilala ng Ama sa Langit ang inyong mga anak at tutulungan Niya kayong turuan sila.

  • Tulungan ang inyong mga anak na matamo at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.

  • Magpakita ng pagmamahal at madalas na purihin ang inyong mga anak sa kanilang mga pagsisikap na gumawa ng mabuti at sa mga katangian ni Cristo na nakikita ninyo sa kanila.

  • Humanap ng mga pagkakataong maglingkod sa iba bilang isang pamilya.

Gumabay

  • Tulungan ang inyong mga anak na makita kung paano nila maipamumuhay ang ebanghelyo sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay.

  • Gabayan ang inyong mga anak at hikayatin sila na magtakda ng sarili nilang mga mithiin at plano.

  • Tulungan silang mag-isip ng sarili nilang mga solusyon sa mga problema.

  • Patuloy na sumuporta, tumulong, at manghikayat.

Kausapin ang mga Lider

Kausapin ang mga guro at lider para malaman nila kung paano nila pinakamainam na masusuportahan ang inyong mga anak. Ingatang huwag masira ang tiwala ng inyong mga anak o mapahiya sila.

Suportado ng Simbahan

Nakasentro sa Tahanan (Pamilya)

icon ng pag-aaral ng ebanghelyo
icon ng paglilingkod at mga aktibidad
icon ng personal na pag-unlad

Sinusuportahan ng Simbahan (Mga Lider)

Kasama sa gawain ng Simbahan ang pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo, paglalaan ng mga ordenansa, at pagsuporta sa tahanan. Sinusuportahan ng mga lider at guro ang mga magulang sa pamamagitan ng pagtatatag ng malakas at mapagkalingang ugnayan sa mga bata at kabataan na pinaglilingkuran nila.

Kausapin ang mga Magulang

  • Kausapin ang mga magulang upang malaman kung paano susuportahan ang kanilang mga anak. Ibahagi ang mga kalakasan na napapansin ninyo.

  • Itanong kung ano ang inaasahan nila na mararanasan at matututuhan ng kanilang mga anak sa mga korum ng Aaronic Priesthood, sa mga klase ng Young Women, at sa mga aktibidad.

Kapag ang mga magulang ay hindi aktibong mga miyembro ng Simbahan:

  • Ipaliwanag sa mga magulang ang pagsisikap na ito na suportahan ang mga bata at kabataan, at itanong kung gusto nilang makibahagi ang kanilang mga anak at kung paano nila gustong makibahagi ang mga ito.

  • Itanong sa mga bata o kabataan kung anong klaseng tulong ang gusto nila.

  • Pag-usapan sa ward council kung paano maisasama ang mga magulang hangga’t maaari.

Tulungan ang mga Bata at Kabataan

  • Tulungan ang mga bata at kabataan na makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo.

  • Itanong sa kanila kung ano ang gusto nilang matutuhan at maranasan sa mga korum at klase at sa mga aktibidad.

  • Hikayatin sila na mamuno sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga aktibidad.

  • Suportahan ang mga mayhawak ng Aaronic Priesthood sa pagtupad ng mga responsibilidad sa korum.

Pag-aaral ng Ebanghelyo

pamilya na magkakasamang nag-aaral

Sa Tahanan

Ang personal na pag-aaral at pag-aaral ng pamilya ay tutulong sa mga bata at kabataan na madama at makilala ang impluwensya ng Espiritu Santo at matutuhang mahalin ang Tagapagligtas. Ang mga indibiduwal at pamilya ay hinihikayat na gamitin ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya at ang mga salita ng mga buhay na propeta sa pag-aaral ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Sa Simbahan

Ang mga bata at kabataan ay sama-samang nagtitipon upang matutuhan ang ebanghelyo ni Jesucristo. Natututuhan ng mga bata ang ebanghelyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa klase at sa oras ng pag-awit sa Primary. Natututuhan ng mga kabataan ang doktrina sa mga klase at korum. Ang mga bata at kabataan ay inaanyayahang magbahagi ng mga natututuhan nila sa tahanan at ipamuhay ang ebanghelyo.

Paglilingkod at mga Aktibidad

mga boluntaryo ng Mormon Helping Hands

Sa Tahanan

Ang paglilingkod at mga aktibidad ay nagtatatag ng mabubuting gawi sa araw-araw, nagpapalakas ng mga ugnayan ng pamilya, nagtuturo ng mga kasanayan sa buhay, humahantong sa pagkakaroon ng mga katangiang taglay ni Cristo, at tumutulong sa pag-unlad ng mga bata at kabataan. Ang paglilingkod at mga aktibidad ng pamilya ay maaaring magtuon sa mga pangangailangan ng indibiduwal at pamilya at maglaan ng mga pagkakataong ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa araw-araw.

Sa Simbahan

Ang paglilingkod—kabilang ang pangangasiwa sa ordenansa ng sacrament ng mga mayhawak ng Aaronic Priesthood—at regular na mga aktibidad ay nagbibigay ng mga pagkakataon na magsama-sama, matuto ng mga bagong kasanayan, gumawa ng mahihirap na gawain, at bumuo ng mga ugnayang nakasentro sa ebanghelyo sa mga kaibigan at lider. Ang mga pagkakataong ito ay tumutulong sa mga bata at kabataan na umunlad sa espirituwal, sosyal, pisikal, at intelektuwal at maglingkod nang makabuluhan sa iba. Ang JustServe (JustServe.org) ay isang mahalagang sanggunian para sa mga pagkakataong maglingkod sa komunidad.

Kabilang sa mga aktibidad ng mga kabataan na isinasagawa nang ilang araw ang For the Strength of Youth (FSY) conference, youth conference, youth camp, at iba pang pagtitipon. Ang mga aktibidad na ito ay makatutulong sa kabataan na palalimin ang kanilang hangaring tularan at sundin ang Tagapagligtas, alisin sila sa kanilang mga nakagawian, at tulungan silang makita na sila ay bahagi ng mas malaking grupo ng mga kabataan na may mabubuting mithiin.

FSY Brazil 2016

Personal na Pag-unlad

Sa Tahanan

Pinipili ng mga bata at kabataan ang makakaya nilang gawin para umunlad at matutuhang sundin ang Tagapagligtas. Makatutulong sa mga bata at kabataan ang mga magulang para makita nila kung gaano kalaki na ang kanilang pag-unlad at kung saan nila kinakailangan pang umunlad. Lahat ng aktibidad, kabilang na ang sa simbahan, paaralan, pakikipagkaibigan, sports, sining, trabaho, at iba pang mga indibiduwal na interes ay makatutulong sa mga bata at kabataan na tularan at sundin si Jesucristo.

Sa Simbahan

Minamahal at pinaglilingkuran ng mga lider ang bawat bata at kabataan at inaalam ang kanilang mga pangangailangan at interes. Sa pamamagitan ng ugnayang may pagmamahal, ang mga lider ay makapagbibigay ng natatangi at malakas na impluwensya na tutulong at hihikayat sa mga bata at kabataan sa kanilang indibiduwal na paglilingkod at pag-unlad.

Iakma at Iangkop

dalawang kabataang babae na nakangiti

Bawat tao, pamilya, at kongregasyon ay magkakaiba. Ang epektibo sa isa ay maaaring hindi epektibo sa iba. Gawin kung ano ang epektibo para sa inyong pamilya, klase, korum, o ward. Pag-usapan ang inyong mga oportunidad at mga problema, at humingi ng paghahayag kung paano iaakma ang inisyatibong ito upang matulungan ang bawat bata at kabataan na maabot ang kanilang banal na potensyal.

Halimbawa, ang mga bata at kabataan ay magkakaiba sa paraan kung paano gagawin ang personal na pag-unlad: ang uri, bilang, at dalas ng mga mithiin, pati na rin kung gaano kalaking suporta ang kinakailangan nila, ay dapat tukuyin para sa bawat indibiduwal. Ang mga klase at korum ay inaangkop din para matugunan ang mga pangangailangan. Bukod pa rito, ang uri at dalas ng mga aktibidad ay maaaring magkakaiba ayon sa mga lokal na kalagayan.

Panatilihin itong simple. Gawin kung ano ang epektibo.

Paghikayat at Pagkilala

batang lalaki na nakatayo sa klase

Paghikayat

Ang mga bata at kabataan ay kusang mahihikayat kapag nadarama nila na sila ay minamahal, umuunlad, humuhusay, at nadarama ang Espiritu Santo sa kanilang buhay. Kapag ang pagbabago at pag-unlad ay naging mahirap para sa kanila, hikayatin silang humanap ng mga paraan para madaig ang mga hamon o iakma ang kanilang mga plano. Ang ugnayang matibay at may tiwala sa mga magulang, lider, at mga kaibigan ay makapagbibigay ng lakas sa kanila na patuloy na magsikap.

Pagkilala

Kapag ang mga bata at kabataan ay umuunlad, purihin ang kanilang mga pagsisikap at hikayatin sila. Bigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang mga natututuhan nila, at ikatuwa ang kanilang pag-unlad. Bukod pa rito, lahat ng mga bata at kabataan ay maaaring tumanggap ng mga bagay tulad ng singsing o medalyon para ipaalala sa kanila na sila ay bahagi ng isang pandaigdigang grupo na nagsisikap na tularan at sundin si Jesucristo. Kapag natutupad ng mga bata at kabataan ang kanilang mga mithiin sa aspetong espirituwal, sosyal, pisikal, at intelektuwal, maaari silang tumanggap ng mga karagdagang emblem.