Alamin ang tungkol sa Magmahal, Magbahagi, at Mag-anyaya
Inatasan ng nabuhay na mag-uling Panginoon ang Kanyang mga Apostol, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha” (Marcos 16:15). Ang banal na atas na ito ay para din sa atin ngayon. Sa Doktrina at mga Tipan, inanyayahan tayo ng Tagapagligtas na “[buksan ang ating] bibig upang ipahayag ang aking ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 30:5).
Ipinaalala sa atin ni Elder Gary E. Stevenson na “maisasakatuparan ang dakilang atas ng Tagapagligtas sa simple at madaling maunawaang mga alituntunin na itinuro sa bawat isa sa atin noong bata pa tayo: magmahal, magbahagi, at mag-anyaya” (“Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 85). Ang mga alituntuning ito ay magkakasama at makapangyarihang paraan na magagamit ninyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa mga tao sa normal at natural na mga paraan. Walang name badge o liham na kailangan. Walang pormal na calling na kailangan.
Pagmamahal: “Pagmamahal sa iba ang malinaw na pagpapahayag ng ikawalang dakilang utos na ibigin ang ating kapwa; ipinapakita nito ang nagpapadalisay na proseso ng Banal na Espiritu na pumupukaw sa ating sariling kaluluwa. Sa pagpapamalas ng pagmamahal ni Cristo sa iba, mahihikayat natin ang mga nakakakita sa ating mabubuting gawa na “luwalhatiin [ang ating] Ama na nasa langit’ [Mateo 5:16]” (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” 85).
Magbahagi: “Lahat tayo’y nagbabahagi ng kung anu-ano sa iba. Madalas nating ginagawa iyon. Ibinabahagi natin ang mga pelikula at pagkaing gusto natin, mga nakakatawang bagay na nakikita natin, mga lugar na binibisita natin, sining na nagugustuhan natin, mga siping nagbibigay-inspirasyon sa atin. Paano natin simpleng maidaragdag sa listahan ng mga bagay na ibinabahagi na natin kung ano ang gustung-gusto natin tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?” (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” 86).
Mag-anyaya: “Daan-daang paanyaya ang maipararating natin sa iba. Maaari nating anyayahan ang iba na ‘pumarito at tingnan’ ang isang sacrament service, isang aktibidad ng ward, isang online video na nagpapaliwanag sa ebanghelyo ni Jesucristo. Ang ‘pumarito at tingnan’ ay maaaring maging isang paanyayang basahin ang Aklat ni Mormon o bisitahin ang isang bagong templo sa open house nito bago ito ilaan” (Gary E. Stevenson, “Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” 86).
Manalangin para sa mga pagkakataon na maibahagi ang ebanghelyo. Gagabayan ka ng Ama sa Langit para malaman mo kung ano ang handang tanggapin ng mga tao sa paligid mo at kung anong paanyaya ang ibibigay mo sa kanila.
Huwag mag-alala kung tanggihan ng isang tao ang iyong paanyaya. “Ang iyong tagumpay ay hindi nakasalalay sa tugon ng mga tao sa iyo, sa iyong mga paanyaya, o sa iyong tapat na pagpapakita ng kabutihan. … Ang nais ng Panginoon ay ang pinakamahusay mong pagsisikap—ang paglingkuran mo Siya ‘nang [iyong] buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas’ (Doktrina at mga Tipan 4:2; idinagdag ang pagbibigay-diin) (Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo ni Jesucristo. [2023], 15).
Habang ipinamumuhay mo ang iyong pananampalataya at sinusunod ang mga pahiwatig ng Espiritu na ibahagi ang ebanghelyo, mararanasan mo ang kagalakang mula sa pagtulong sa mga tao na mapalapit kay Cristo araw-araw. “Ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay nagdudulot ng kagalakan at pag-asa sa mga kaluluwa ng nagbibigay at tumatanggap. Tunay ngang, ‘anong laki ng inyong kagalakan’ [Doktrina at mga Tipan 10:15] kapag ibinabahagi ninyo ang ebanghelyo!” (Marcus B. Nash, “Itaas Ninyo ang Inyong Ilawan,” Liahona, Nob. 2021, 71).