Mensahe mula sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Mahal na Kapwa Missionary:
Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, nagpakita si Jesucristo sa Kanyang mga disipulo at inutusan silang “gawin ninyong alagad” (tingnan sa Mateo 28:19, footnote a) “ang lahat ng mga bansa, bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo, at turuan silang sundin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo” (Mateo 28:19–20).
Ikaw ay tinawag sa pamamagitan ng paghahayag sa mga hinirang na lingkod ng Diyos upang tulungan ang mga Apostol sa dakilang gawaing ito na dalhin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa mundo upang gawing mga disipulo ang lahat ng bansa.
Kapag naglilingkod ka sa misyon nang buong puso, tumutulong kang maisakatuparan ang dalawang dakilang utos: “Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos … [at] ibigin ninyo ang inyong kapwa gaya ng sa inyong sarili” (Doktrina at mga Tipan 59:5–6).
Para maging mahusay na missionary, dapat kang maging isang tapat na disipulo ni Jesucristo. Inaanyayahan ka namin na palawakin ang iyong mga talento at kakayahan para sa kaluwalhatian ng Diyos. Palalakasin ka ni Jesucristo. Mahal ka ng Ama sa Langit, at tutulungan ka Niya na mahalin at pagpalain ang Kanyang mga anak saan ka man naglilingkod. Bibigyan ka Niya ng kakayahan at ang mga taong pinaglilingkuran mo, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na maging tunay na “nagbalik-loob sa Panginoon” (Alma 23:6).
Ang mga pamantayang ito ng missionary ay inaprubahan ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang mga ito ay tutulong sa iyo para maprotektahan sa pisikal, espirituwal, at emosyonal at tutulong sa iyo na maging disipulo ni Jesucristo na siyang kinakailangan mong kahinatnan.
Kung mayroon kang mga tanong tungkol sa isang pamantayan, mapanalanging hilingin sa Panginoon na tulungan kang maunawaan ang kahalagahan nito, at kung kinakailangan, magpatulong sa iyong kompanyon, sa mga nakababatang missionary leader, o sinuman sa mga mission leader mo. Regular na pag-aralan ang mga pamantayang ito kasama ang iyong kompanyon at sikaping masunod ang mga ito.
Binabati ka namin sa pagtanggap sa tawag na maglingkod sa full-time mission, at dalangin namin na mahanap mo ang tunay na kapayapaan at kagalakan sa paglilingkod sa Panginoong Jesucristo.
Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw