Mga Calling sa Mission
4. Kalusugan ng Katawan


binabasbasan ni Jesus ang isang tao

4

Kalusugan ng Katawan

4.0

Pambungad

Ang gawaing misyonero ay nangangailangan ng kahandaan sa pangangatawan at sa damdamin. Ang mga pamantayan sa bahaging ito at sa Pag-adjust sa Buhay-Missionary ay tutulong sa iyo na maihanda ang iyong isip at katawan para mas mahusay na mapaglingkuran ang Panginoon at maisakatuparan ang Kanyang layunin. Regular na repasuhin ang mga pamantayang ito sa buong misyon mo.

4.1

Nutrisyon at Paghahanda ng Pagkain

Ang tamang pag-inom ng tubig at nutrisyon ay mahalaga sa iyong kalusugan.

4.1.1

Mga Pangkalahatang Tagubilin para sa Nutrisyon

Sundin lamang ang pangkalahatang tagubilin para sa nutrisyon sa ibaba:

  • Uminom ng 6 hanggang 12 baso (48 hanggang 96 ounce o 1.5 hanggang 3 litro) ng malinis na tubig araw-araw. Maaaring kailanganin mo ng mas maraming tubig at asin kung pinawisan ka nang husto sa buong maghapon o sa pag-eehersisyo.

  • Kumain ng balanseng pagkain na may kasamang mga gulay, prutas, butil, healthy fat, at protina.

  • Limitahan ang pagkain ng mga junk food, carbonated drink, processed food, at fast food.

4.1.2

Ligtas at Malinis na Paghahanda ng Pagkain

Sundin ang mga sumusunod na tagubilin para matiyak na ligtas at malinis na naihahanda ang inyong pagkain:

  • Linisin ang paghahandaan ng pagkain gamit ang malinis, mainit, at may sabong tubig bago at pagkatapos magluto.

  • Hugasan ang mga gamit sa pagluluto at pagkain gamit ang malinis, mainit, at may sabong tubig pagkatapos ng bawat paggamit ng mga ito.

  • Ihiwalay ang hilaw na karne, manok, mga itlog, at seafood mula sa iba pang mga pagkain habang nagluluto.

  • Lutuing mabuti ang karne, isda, at manok.

  • Iwasan ang pagkain ng hindi pa gaanong luto o hilaw na karne.

  • Balatan ang hilaw na mga prutas at gulay, o hugasang maigi ang mga ito.

  • Ilagay sa refrigerator ang mga tirang pagkain at ang mga pagkaing madaling mapanis. Upang makaiwas sa sakit, itapon ang anumang pagkain na lampas na sa petsang nakalagay sa pakete nito.

  • Sikaping iwasan ang pagkain ng mga pagkaing itinitinda sa kalye o mga street food, dahil hindi natin alam kung saan ito nanggaling at kung malinis ang paghahanda o pagkakaluto nito.

Palaging sundin ang mga tagubiling ito, kahit hinihimok ka ng iba (kabilang ang ibang mga missionary) na hindi mahalaga iyon o kalabisan na iyon.

Panoorin ang video na ito para sa karagdagang impormasyon tungkol sa tamang nutrisyon at ligtas at malinis na pagkain.

4.1.3

Kaligtasan sa Tubig at mga Produktong mula sa Gatas

Malinis na tubig lamang at mga pasteurized na produkto mula sa gatas ang ligtas inumin o kainin.

Sundin ang mga ito at ang anumang iba pang mga tagubilin na ibinigay ng inyong mission:

  • Gumamit ng mga water filter kung naglilingkod ka sa lugar kung saan hindi madaling makakuha ng purified water.

  • Gumamit ng malinis na tubig sa pagsisipilyo ng ngipin at paghuhugas at paghahanda ng pagkain.

  • Kumain lamang ng pasteurized na mga produkto mula sa gatas.

Dapat mong malaman na sa ilang lugar, ang mga ice cube at soft drinks sa mga restawran o palengke ay maaaring gawa sa hindi purified na tubig. Maging maingat, at huwag gumamit ng yelo o uminom ng soft drink kung hindi ligtas ang mga ito.

4.2

Ehersisyo

Ang pag-eehersisyo ay nagpapalusog at tumutulong sa pag-alis ng stress. Gawin itong bahagi ng iyong gawain sa araw-araw (tingnan sa 2.4.2). Kontakin ang mission office kung may mga tanong ka. Sundin ang mga partikular na tagubilin ng mission gayon din ang mga sumusunod na pangkalahatang tagubilin:

  • Iba-iba ang gawing ehersisyo sa buong isang linggo, kabilang ang cardio, strength, at flexibility training. Para sa iyong kaligtasan, iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat na weights.

  • Kung mayroon kang mobile device, maaari mong gamitin ang isang app na inaprubahan ng inyong mga mission leader para maiplano ang iyong pag-eehersisyo.

  • Hindi ka dapat mag-ehersisyo sa mga gym na pampubliko o pangkomersiyal.

4.3

Pagdaig sa Stress

Mahirap ang gawaing misyonero, at normal ang stress na nararamdaman paminsan-minsan. Maihahanda mo ang iyong katawan at isip para mas makayanan ang stress sa pamamagitan ng suporta ng pamilya (tingnan sa 3.9.1) at pagkain ng masusustansyang pagkain (tingnan sa 4.1.1), regular na pag-eehersisyo (tingnan sa 4.2), regular na pagtulog, pagpapahinga, at pagpapalakas ng espirituwalidad (kabilang ang pagdarasal, pagninilay, at pag-aaral).

Habang nasa misyon, gamitin ang Pag-adjust sa Buhay-Missionary upang matulungan ka na madaig o makayanan ang stress at matulungan ang iba pang mga missionary. Kung nadarama mo o ng iyong kompanyon na nahihirapan kayong daigin ang stress sa mabubuting paraan, o kung may emergency, kontakin ang inyong mga mission leader.

Kung niresetahan ka ng gamot para sa stress, sundin ang nakasaad sa reseta at ang mga payo ng iyong doktor.

Nagsalita si Apostol Pablo tungkol sa kanyang mga pagsisikap bilang missionary at itinuro na palalakasin, susuportahan, at tutulungan ng Panginoon ang mga naghahanap sa Kanya. Hindi ka pababayaan ng Panginoon. Itinuro ni Pablo:

“Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo. … Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pagasa; pinaguusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira. … Mayroong gayon ding espiritu ng pananampalataya, na gaya ng nasusulat, Sumampalataya ako, at kaya’t nagsalita ako; kami naman ay nagsisisampalataya, at kaya’t kami naman ay nangagsasalita. … Sapagka’t ang aming magaang kapighatian, na sa isang sangdali lamang, ay siyang gumagawa sa amin ng lalo’t lalong bigat ng kaluwalhatiang walang hanggan” (II Mga Taga Corinto 4:6, 8–9, 13, 17).

Para sa karagdagang impormasyon tingnan sa bahagi 7.6, “Mahihirap na Sitwasyon.”

4.4

Pangangalagang Medikal

Bigyang-pansin ang kalusugan ng iyong katawan at damdamin. Ipaalam sa mission medical coordinator ang lahat ng isyung medikal (tulad ng mga gamot na iniinom mo, mga allergy mo, o mga aktibidad na dapat mong iwasan) para matanggap mo ang tulong na kailangan mo. Kontakin ang mission office kung may mga tanong ka tungkol sa kalusugan.

Para sa iyong kaligtasan:

  • Huwag ibahagi sa sinuman ang mga gamot na inireseta sa iyo o gamitin ang iniresetang gamot sa ibang tao.

  • Huwag hilingin sa iyong pamilya o mga kaibigan na padalhan ka ng mga gamot na bawal sa bansa o lugar na pinaglilingkuran mo.

Kung biglaan ang pagkakasakit mo, kumilos nang may mabuting pagpapasiya para mailigtas ka o magamot kaagad. Tumawag sa mga lokal na emergency service (tulad ng 911 sa Estados Unidos) maliban kung binigyan kayo ng iba pang tagubilin sa inyong mission. Kaagad na kontakin ang iyong mga mission leader.

Kung kailangan mo ng non-emergency medical care, tumawag agad sa medical coordinator. Ang non-emergency visit ay dapat aprubahan nang maaga ng medical coordinator. Ituturo sa iyo ng medical coordinator kung saan ka magpapagamot sa inyong area.

Para sa karagdagang impormasyon tingnan sa bahagi 7.7, “Mga Problemang Pangkalusugan sa Katawan at Pangkaisipan.”

4.5

Mga Mapanganib na Sitwasyon at mga Banta

Maraming posibleng panganib ang maiiwasan sa pamamagitan ng matalinong pagpapasiya at pagsunod sa mga pamantayan ng mission, kabilang ang pamamalagi sa lugar na makikita at maririnig mo ang iyong kompanyon. Gayunman, may mga tao pa ring maaaring manakit sa iyo kahit umiiwas ka na sa panganib. Kung may problema, agad ireport ito sa sinuman sa iyong mga mission leader.

Umalis agad kung sa pakiramdam mo o ng kompanyon mo na delikado ang isang lugar, tao, o sitwasyon (kabilang ang sitwasyong nagtuturo kayo). Makinig sa mga espirituwal na pahiwatig. Maaari mong iwan ang iyong kompanyon kung sa palagay mo ay nanganganib ka sa kanya. Kung iniwan mo ang iyong kompanyon, tumawag agad sa sinuman sa iyong mga mission leader.

Para sa karagdagang impormasyon tingnan sa bahagi 7.8, “Mga Mapanganib na Sitwasyon.”

4.6

Tirahan

Magpakita ng paggalang sa inyong tirahan, sa may-ari ng pasilidad o kasera, at sa inyong mga kapitbahay. Kung mayroon kang nasira, responsibilidad mong bayaran ang mga gastusin sa pagpapaayos gamit ang iyong personal na pondo. Kausapin ang mission housing coordinator kung mayroon kang anumang problema tungkol sa inyong tirahan.

Para sa karagdagang impormasyon tingnan sa bahagi 7.9, “Kaligtasan sa Tirahan.”

4.7

Transportasyon

Palaging sundin ang lokal na mga patakaran, batas, at mga tuntunin sa trapiko habang nagbibiyahe. Gamitin ang matalinong pagpapasiya, maging alisto sa nangyayari sa inyong kapaligiran, maging pamilyar sa inyong area, at sundin ang pangkalahatang mga pamantayan para sa kaligtasan na nasa hanbuk na ito.

Para sa karagdagang impormasyon tingnan sa bahagi 7.10, “Kaligtasan sa Transportasyon.”

4.8

Pera

Ang mga perang iniambag mo, ng pamilya mo, at ng mga miyembro ng Simbahan upang suportahan ka sa iyong misyon ay sagradong mga pondo at dapat gamitin nang mabuti at tapat.

4.8.1

Mga Pondo ng Mission

Gamitin ang mga pondo ng mission para bayaran ang mga gastusin. Nang may kaunting eksepsiyon, dapat mong gamitin ang lahat ng iyong pondong galing sa mission kada buwan. Huwag mag-impok ng pera mula sa mga pondong ito o magbigay ng pera sa sinuman, kahit sa iyong pamilya. Huwag mangutang o manghiram ng pera.

Maaaring kabilang sa iyong budget para sa mga pondo ng mission ang mga sumusunod:

  • Mga handog-ayuno na ibinabayad sa ward o branch kung saan ka naglilingkod.

  • Masusustansiyang pagkain na iluluto (tingnan sa 4.1.1).

  • Transportasyon, pati gas o pamasahe.

  • Mga aytem para sa pangangalaga ng buhok at para sa personal hygiene.

  • Mga suplay sa paglilinis at paglalaba.

  • Mga ginastos sa selyo o internet para sa lingguhang pakikipag-ugnayan sa pamilya (tingnan sa 3.8).

  • Pagkain sa restawran o mga fast-food meal.

Hindi mo kailangang magbayad ng ikapu gamit ang mga pondo ng mission.

Tingnan sa 4.8.2 para sa listahan ng mga bagay na dapat bayaran gamit ang mga personal na pondo.

4.8.2

Mga Personal na Pondo

Ang mga personal na pondo ay perang tuwirang ipinadadala sa iyo ng iyong pamilya. Gamitin ang mga personal na pondo para sa:

  • Pamalit na damit at sapatos.

  • Pagbili ng bisikleta, pambayad sa pagpapaayos, at pagpapakumpuni nito.

  • Mga gastusing medikal na hindi binabayaran ng mission, tulad ng copayments, regular na pagpapatingin ng mata o pagpunta sa dentista, at regular na check-up.

  • Mga multa sa paglabag sa batas trapiko.

  • Pagpapakumpuni ng tirahan kung ikaw ang nakasira.

  • Mga audio o video device.

  • Mga souvenir at regalo.

Ang ikapu sa mga personal na pondong natanggap at anumang kita sa negosyo o investment na naiwan mo ay dapat bayaran gamit ang mga personal na pondo sa pamamagitan ng iyong home ward o online donation.

4.8.3

Plano sa Self-Reliance at Paggastos

Maging self-reliant sa iyong misyon sa pamamagitan ng paggawa at pagsunod sa isang spending plan o plano para sa mga gastusin. Ang kasanayang ito ay tutulong at magpapala sa iyo sa buong buhay mo. Huwag humingi sa mga kompanyon o pamilya ng ekstrang pondo maliban kung kailangang-kailangan.

Ang paggawa at pagsunod sa isang plano sa paggastos ay kinabibilangan ng paglilista ng lahat ng kailangan mong bilhin para sa isang buwan at pagkatapos ay piliin ang mga aytem na pinakamahalaga at bayaran muna ang mga ito. Laging piliin kung ano ang kailangan mo bago piliin kung ano ang gusto mo.

Kung kailangan mo ng karagdagang pera o may mga tanong tungkol sa mga gastusin, kausapin ang financial secretary o ang iyong mga mission leader.

4.9

Pananamit at Pag-aayos ng Sarili

Ang iyong pananamit at ayos o hitsura ay dapat kakitaan ng kababaang-loob, paggalang, at pananampalataya. Ang paraan kung paano mo inaayos ang iyong sarili ay nakakaimpluwensya sa iniisip ng mga tao tungkol sa iyo at sa Simbahan ng Panginoon at makatutulong na maprotektahan ka laban sa panganib.

4.9.1

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pananamit

May mga aytem at istilo ng kasuotan na irerekomenda para umangkop sa kultura at klima ng iyong mission. Sa preparation day, dapat kang magsuot ng karaniwang isinusuot ng missionary sa publiko. Gayunman, kung kailangan sa isang partikular na aktibidad, maaari kang magsuot ng mas kaswal na damit. Mangyaring repasuhin ang mga pamantayang matatagpuan sa missionaryclothing.ChurchofJesusChrist.org.

Gumamit ng insect repellant kung kinakailangan para mapangalagaan ang iyong kalusugan, at sa mga lugar na kinakailangan ito, lagyan hangga’t maaari ang buong katawan (tingnan sa 7.7.4).

4.9.2

Mga Pangkalahatang Pamantayan para sa Pag-aayos ng Sarili

Sundin ang mga pamantayan sa pag-aayos ng sarili:

  • Maligo araw-araw, kung maaari.

  • Regular na magsipilyo.

  • Gumamit ng deodorant araw-araw.

  • Madalas na hugasan ang iyong buhok.

  • Hugasan ang iyong kamay nang regular, pati bago maghanda at magluto ng pagkain at pagkatapos gumamit ng banyo.

  • Gumamit ng sunscreen.

  • Pumili ng maayos at propesyonal na gupit at ayos ng buhok na madaling ayusin.