Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 2: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo


“Kabanata 2: Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo,” Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Russell M. Nelson (2023)

“Kabanata 2,” Mga Turo: Russell M. Nelson

si Jesucristo habang nananalangin sa Getsemani

Kabanata 2

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang Kanyang Bugtong na Anak

Mula sa Buhay ni Russell M. Nelson

Tatlong linggo bago ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2023, nahulog si Pangulong Russell M. Nelson at napinsala ang kanyang likod. Dahil dito, hindi siya nakadalo sa kumperensya nang personal. Sa isang paunang inirekord na mensahe, ikinuwento niya ang natutuhan niya sa kanyang pagrekober:

19:15

“Habang tinitiis ko ang matinding sakit na dulot ng aking pinsala kamakailan, nakadama ako ng mas malalim na pagpapahalaga kay Jesucristo at sa di-maunawaang kaloob ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isipin ninyo ito! Dumanas ang Tagapagligtas ng ‘mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso’ [Alma 7:11] upang tayo ay Kanyang mapanatag, mapagaling, masagip sa oras ng mga pangangailangan. Inilarawan ni Jesucristo ang Kanyang karanasan sa Getsemani at sa Kalbaryo: ‘Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat’ [Doktrina at mga Tipan 19:18]. Dahil sa aking pinsala, paulit-ulit kong pinagnilayan ang ‘kadakilaan ng Banal ng Israel’ [2 Nephi 9:40]. Sa aking pagpapagaling, ipinakita ng Panginoon ang Kanyang banal na kapangyarihan sa mapayapa at di-mapag-aalinlanganang mga paraan.”

Mga Turo ni Russell M. Nelson

Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan

2:3

Bago pa itinatag ang mundo, inihanda na ang plano ng kaligtasan. Kasama rito ang maluwalhating posibilidad na magkaroon ng banal na pamana sa kaharian ng Diyos.

Ang sentro ng planong iyon ay ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa mga kapulungan bago pa ang buhay na ito, Siya ay inordenan na noon pa ng Kanyang Ama upang magbayad-sala sa ating mga kasalanan at malagot ang mga gapos ng pisikal at espirituwal na kamatayan. Ipinahayag ni Jesus, “Ako ang … inihanda mula pa sa pagkakatatag ng daigdig upang tubusin ang aking mga tao. … Sa akin ang buong sangkatauhan ay magkakaroon ng buhay, at yaong walang hanggan, maging sila na maniniwala sa aking pangalan” [Eter 3:14].

14:50

Tinutukoy nating mga Banal sa mga Huling Araw ang misyon [ni Cristo] bilang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, kaya naging realidad ang pagkabuhay na mag-uli para sa lahat at naging posible ang buhay na walang hanggan para sa mga nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at tumatanggap at tumutupad ng mga kinakailangang ordenansa at tipan.

Sa doktrinal na pananalita, hindi sapat ang mga pinaikling pahayag sa pagtukoy sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Panginoon, gaya ng “Pagbabayad-sala” o “nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad sala” o “paggamit ng Pagbabayad-sala sa ating buhay” o “pinalalakas ng Pagbabayad-sala.” Nanganganib na iligaw ng mga salitang ito ang ating pananampalataya kung ituturing ang pangyayari na parang ito ay may sariling buhay at mga kakayahan na hiwalay sa ating Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo.

Sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit, ang Tagapagligtas ang nagdusa. Ang Tagapagligtas ang nagkalag ng mga gapos ng kamatayan. Ang Tagapagligtas ang tumubos sa ating mga kasalanan at paglabag at bumubura sa mga ito kapag nagsisi tayo. Ang Tagapagligtas ang nagpapalaya sa atin sa pisikal at espirituwal na kamatayan.

Walang entidad na walang hugis na tinatawag na “Pagbabayad-sala” na maaari nating hingan ng tulong, pagpapagaling, kapatawaran, o kapangyarihan. Si Jesucristo ang pinagmumulan nito. Ang mga sagradong salitang tulad ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ay naglalarawan sa ginawa ng Tagapagligtas, alinsunod sa plano ng Ama, upang mabuhay tayo nang may pag-asa sa buhay na ito at magtamo ng buhay na walang-hanggan sa daigdig na darating. Ang nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas—ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan—ay higit na mauunawaan at mapapahalagahan kapag tuwiran at malinaw natin itong iniugnay sa Kanya.

Turuan ninyo ang inyong mga anak at ang isa’t isa ng tungkol sa Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo, at ito ang pundasyon ng ating relihiyon. Lahat ng iba pa tungkol sa ating relihiyon ay resulta nito.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano ninyo ipapaliwanag ang banal na misyon ng Tagapagligtas sa isang 10-taong gulang? Bakit ang Pagbabayad-sala ang pinakatampok na kaganapan sa kasaysayan ng buong sangkatauhan?

Ang Tagapagligtas lamang ang makapagsasagawa ng Pagbabayad-sala

2:3

Kailangan ang isang sukdulang pagbabayad-sala upang matubos sina Adan, Eva, at ang lahat ng kanilang mga inapo. Kailangang itulot ng pagbabayad-salang iyon na mabuhay na muli at magbago ang ating pisikal na mga katawan sa isang katawang walang dugo, na hindi na magkakasakit, manghihina, o mamamatay.

Ayon sa walang-hanggang batas, ang pagbabayad-salang iyon ay nangangailangan ng personal na sakripisyo ng isang imortal na nilalang na hindi napapailalim sa kamatayan. Gayunman kailangan Siyang mamatay at muling buhayin ang Kanyang sariling katawan. Ang Tagapagligtas lamang ang makagagawa nito. Mula sa Kanyang mortal na ina, namana Niya ang makaranas ng pisikal na kamatayan. Mula sa Kanyang Ama ay nagkaroon Siya ng kapangyarihang daigin ang kamatayan. …

Ipinahayag ng Panginoon na, “ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Siya na lumikha ng mundo ay pumarito sa mortalidad upang tuparin ang kalooban ng Kanyang Ama at ang lahat ng propesiya tungkol sa Kanyang pagbabayad-sala. At ang Kanyang pagbabayad-sala ang tumutubos sa bawat kaluluwa mula sa mga kaparusahan ng personal na paglabag, sa kondisyon ng pagsisisi.

Tanong sa Pag-aaral

Bakit walang sinuman maliban sa Tagapagligtas ang makapagsasagawa ng Pagbabayad-sala?

Maraming magagandang kahulugan ang matutuklasan sa pag-aaral ng salitang pagbabayad-sala

2:3

Maraming magagandang kahulugan ang matutuklasan sa pag-aaral ng salitang pagbabayad-sala sa mga wikang Semitiko noong panahon ng Lumang Tipan. Sa Hebreo, ang pangunahing salita para sa pagbabayad-sala ay kaphar, isang pandiwa na ang ibig sabihin ay “takpan” o ”patawarin.” Malapit sa wikang Hebreo ang salitang Aramaic at Arabic na kafat, ibig sabihin ay “mahigpit na yakap.” … Ang mga reperensya sa yakap na iyon ay makikita sa Aklat ni Mormon. May isa na nagsasaad na “tinubos ng Panginoon ang aking kaluluwa … ; namasdan ko ang kanyang kaluwalhatian, at ako ay nayayakap magpakailanman ng mga bisig ng kanyang pagmamahal” [2 Nephi 1:15]. May isa pang naglalahad ng maluwalhating pag-asa na tayo ay “niyakap … ng mga bisig ni Jesus” [Mormon 5:11].

Umiiyak ako sa kagalakan kapag pinagninilayan ko ang kahulugan ng lahat ng ito. Ang matubos ay mabayaran ang pagkakasala—matanggap sa mahigpit na yakap ng Diyos na hindi lamang nagpapakita ng Kanyang pagpapatawad, kundi ng pagiging isa sa ating puso at isipan. Napakagandang pribilehiyo! At malaking kapanatagan ito para sa ating mga mahal sa buhay na lumisan na sa ating pamilya papunta sa pintuang tinatawag nating kamatayan! …

Samantalang ang mga salitang magbayad-sala o pagbabayad-sala, sa alinmang anyo ng mga ito, ay isang beses lamang lumitaw sa pagsasalin ng King James ng Bagong Tipan, 35 beses lumitaw ang mga ito sa Aklat ni Mormon. Bilang isa pang tipan ni Jesucristo, nagbibigay ito ng mahalagang kaliwanagan sa Kanyang Pagbabayad-sala, gayundin ang Doktrina at mga Tipan at ang Mahalagang Perlas. Marami nang nadagdag ang paghahayag sa mga huling araw sa ating batayan ng pag unawa sa Biblia.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Paano nagbibigay sa inyo ng kapanatagan ang pag-unawa sa kahulugan ng salitang pagbabayad-sala? Ano ang kahulugan sa inyo ng mayakap sa mga bisig ng Tagapagligtas?

Ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang hanggan

2:3

Sa mga panahon ng paghahanda sa Lumang Tipan, ang pagsasagawa ng pagbabayad-sala ay may hangganan—ibig sabihin ay may katapusan ito. Ito ay masimbolong paglalarawan ng tiyak na Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang katapusan—walang wakas. Ito ay walanghanggan din dahil maililigtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-katapusang kamatayan. Ito ay walang hanggan dahil sa Kanyang matinding pagdurusa. Ito ay walang hanggan sa panahon, na tumapos sa naunang nakaugaliang pag-aalay ng hayop. Ito ay walang hanggan sa saklaw—ito ay dapat gawin nang minsanan para sa lahat. At ang awa ng Pagbabayad-sala ay hindi lamang para sa walang-hanggang bilang ng mga tao, kundi para din sa walang-hanggang bilang ng mga mundong Kanyang nilikha. Ito ay walang hanggan na hindi kayang sukatin ng anumang panukat ng tao o unawain ng sinuman.

Si Jesus lamang ang makapag-aalay ng gayong walang hanggang pagbabayad-sala, dahil Siya ay isinilang sa isang mortal na ina at isang imortal na Ama. Dahil sa natatanging pinagmulang angkan, si Jesus ay isang walang hanggang Nilalang.

Tanong sa Pag-aaral

Sa anong mga paraan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay walang katapusan?

Ang mahigpit na paghawak ng pisikal na kamatayan ay pansamantala dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

2:3

May mga nagsasabing walang kasing-permanente ng kamatayan. Hindi iyan totoo! Ang mahigpit na paghawak ng pisikal na kamatayan ay pansamantala lamang. Nagsimula ito sa pagkahulog ni Adan; natapos ito sa pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang panahon ng paghihintay sa paraiso ay pansamantala rin. Nagtatapos ito sa muling pagkabuhay. Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin na “ang paraiso ng Diyos ay tiyak na palalayain ang mga espiritu ng mga matwid, at ang libingan ay palalayain ang katawan ng mga matwid; at ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa sarili nito, at lahat ng tao ay magiging walang kabulukan, at walang kamatayan, at sila ay mga buhay na kaluluwa.” (2 Nephi 9:13.) …

Ang Panginoon na lumikha sa atin sa simula pa lamang ay walang alinlangang may kapangyarihang gawin ito muli. Ang mga kinakailangang elemento na nasa ating mga katawan ay naririyan pa rin—sa Kanyang utos. Ang gayunding natatanging genetic code na nakabaon sa bawat isa sa ating mga buhay na selula ay magagamit pa rin upang bumuo ng mga bagong code. Ang himala ng pagkabuhay na mag-uli, na tunay na magiging kamangha-mangha ay kagila-gilalas na katumbas ng himala ng ating pagkalikha sa simula pa lamang.

2:3

Ang pagkabuhay na mag-uli ay kailangan para sa walang-hanggang kasakdalan. Dahil sa pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang ating katawan, na nabulok sa mortalidad, ay hindi na mabubulok pa. Ang ating pisikal na kalagayan, na nakararanas ng sakit, kamatayan, at pagkabulok, ay magkakaroon ng imortal na kaluwalhatian. Ang ating katawan na kasalukuyang sinusuportahan ng dugo ng buhay at patuloy na tumatanda ay susuportahan ng espiritu at hindi na magbabago at hindi na masasaklaw pa ng kamatayan.

Tanong sa Pag-aaral

Anong kapanatagan ang natanggap ninyo sa kaalamang totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo?

Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, mapagagaling tayo ni Jesucristo at matutulungan tayong makayanan ang ating mga pagsubok

2:3

Sa pagsisimula ng Kanyang mortal na ministeryo, ipinahayag ni Jesus na siya ay isinugo “upang magpagaling ng mga bagbag na puso” [Lucas 4:18]. Saan man Niya sila tinuruan, hindi nagbago ang Kanyang huwaran. Habang binabanggit ko ang mga sinabi Niya sa apat na iba’t ibang pagkakataon at lugar, pansinin ang huwaran.

  • Sa mga tao sa banal na lupain, sinabi ng Panginoon na ang Kanyang mga tao ay dapat na “mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakarinig ng kanilang mga tainga, at mangakaunawa ng kanilang puso, at muling mangagbalik loob, at sila’y aking paga[ga]lingin” [Mateo 13:15].

  • Sa mga tao sa sinaunang Amerika, ibinigay ng nabuhay na mag-uling Panginoon ang paanyayang ito: “[Magbalik] sa akin, … [magsisi] sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo” [3 Nephi 9:13].

  • Sa mga namumuno sa Kanyang Simbahan, itinuro Niya, “Kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila” [3 Nephi 18:32].

  • Kalaunan, sa oras ng “pagsasauli sa dati ng lahat ng mga bagay” [Mga Gawa 3:21] itinuro ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith ang hinggil sa mga pioneer, “Matapos ng kanilang mga tukso, at maraming pagdurusa, masdan, ako, ang Panginoon, ay maaawa sa kanila, at kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin” [Doktrina at mga Tipan 112:13].

Dahil sa sakripisyo ng Tagapagligtas, magagamit natin ang Kanyang kapangyarihang magpagaling. Pagagalingin Niya ang ating puso, bibigyan tayo ng lakas kapag tayo ay mahina, bibigyan tayo ng kakayahan na gawin ang mga bagay na hindi natin magagawa sa sarili nating kakayahan, at pagagalingin tayo mula sa kasalanan kapag nagsisisi tayo. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay makatutulong sa atin na makayanan ang dalamhati, kalungkutan, kahinaan, takot, pagkabalisa, lahat ng bagay na bahagi ng mga pagsubok sa buhay na ito.

Kung minsan ay mahirap ang buhay. Naalala ko pa noong biglang namatay ang asawa kong si Dantzel nang tumigil ang tibok ng puso niya. Lahat ng aking kaalaman bilang isang siruhano sa puso ay hindi makapagligtas sa kanya. Kanser ang kumitil sa buhay ng dalawa sa aming mga anak na babae. Nauunawaan ko ang dalamhati ng mawalay sa mga mahal sa buhay.

Pero si Jesus ang Liwanag na nagniningning sa dilim. Siya “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” [Juan 14:6]. Siya ang ating sandigan kapag tayo ay lubhang nangangailangan.

Tanong sa Pag-aaral

Paano nakatulong ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas para mapagaling kayo at ang mga mahal ninyo sa buhay?

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tayo ay maaaring maging ganap sa Kanya

Mangyaring ituro at muling ituro na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, ang isang tao ay maaaring maging ganap o perpekto sa Kanya. Pero ang kalagayang iyon ng pagiging ganap o perpekto ay hindi nangyayari dito at ngayon. Sa buhay na ito, lahat tayo ay mga hindi perpektong nilalang. Oo, lahat tayo ay nagkakamali. Pero dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo naging posible na madaig natin ang mga ito at talikuran ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Mapapatawad tayo kung tayo ay magsisisi. Sa tunay na pagsisisi, lubos na mababago ang ating isip, kaalaman, espiritu, at maging ang mga ninanais ng ating puso. Sa patuloy at tapat na pagsisisi lamang tayo magiging matatapat na disipulo ng Panginoon.

Tanong sa Pag-aaral

Paano nakatulong sa inyo ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para mabago ang inyong puso, isipan, at espiritu?

Ang mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo ay sumisimbolo sa Pagbabayad-sala ng Tagapaligtas

2:3

Ang mahahalagang ordenansa ng ebanghelyo ay sumisimbolo sa Pagbabayad-sala. Ang pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay simbolo ng kamatayan, paglilibing, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Manunubos. Ang pagtanggap ng sakramento ay nagpapanibago ng mga tipan sa binyag at nagpapanibago rin sa ating alaala tungkol sa nabugbog na katawan ng Tagapagligtas at sa dugong itinigis Niya para sa atin. Ang mga ordenansa sa templo ay simbolo ng pakikipagkasundo natin sa Panginoon at nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. Sa pagsunod sa mga sagradong tipang ginawa sa mga templo tayo ay nagiging marapat para buhay na walang hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao—ang “layunin at wakas ng ating buhay.”

Tanong sa Pag-aaral

Paano nakatulong sa inyo ang mga ordenansa ng ebanghelyo para mas maunawaan ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas?

Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang pinakadakilang pagpapakita ng pagmamahal sa buong kasaysayan

2:3

Ang pagdurusang naranasan sa Pagbabayad-sala ay nangyari sa lungsod ng Jerusalem. Doon naganap ang pinakadakila at nag-iisang pagpapakita ng pagmamahal sa lahat ng nakatalang kasaysayan. Paglabas sa silid sa itaas, si Jesus at ang Kanyang mga kaibigan ay tumawid sa malalim na bangin sa silangan ng lungsod at nakarating sa isang halamanan ng mga puno ng olibo sa mas mababang dalisdis ng Bundok ng mga Olibo. Doon sa halamanan na nagtataglay ng pangalang Hebreo na Getsemani—na ibig sabihin ay “pisaan”—ang mga olibo ay binabayo at pinipisa upang magbigay ng langis at pagkain. Doon sa Getsemani, ay “tiniis [ng Panginoon] ang mga pasakit ng lahat ng tao, upang ang lahat … ay magsisi at lumapit sa kanya” [Doktrina at mga Tipan 18:11]. Inako Niya ang bigat ng mga kasalanan ng buong sangkatauhan, at tiniis ang napakabigat na pasanin kung kaya’t nilabasan Siya ng dugo sa bawat butas ng Kanyang balat.

Kalaunan Siya ay binugbog at hinagupit. Isang koronang may matatalim na tinik ang isinaksak sa Kanyang ulo bilang karagdagang uri ng pagpapahirap. Siya ay kinutya at pinagtawanan. Naranasan Niya ang bawat paghamak sa kamay ng Kanyang sariling mga tao. “Pumaroon ako sa sariling akin,” wika Niya, “at hindi ako tinanggap ng sariling akin” [3 Nephi 9:16]. Sa halip na mainit na yakap, tinanggap Niya ang kanilang malupit na pagtanggi. Pagkatapos ay pinilit Siya na pasanin ang Kanyang sariling krus papunta sa Kalbaryo, kung saan Siya ay ipinako sa krus na iyon at pinahirapan ng di-makayanang sakit.

Kalaunan ay sinabi Niya, “Nauuhaw ako” [Juan 19:28]. Sa isang doktor ng medisina, ito ay isang napakamakabuluhang pagpapahayag. Alam ng mga doktor na kapag na-shock ang isang pasyente dahil sa pagkawala ng dugo, tiyak na ang pasyente—kung may malay pa—na ang katawan ay nanunuyo at kuluntoy ay hihingi ng tubig.

Kahit alam na noon pa man ng Ama at ng Anak ang dapat maranasan, ang aktuwal na pagdanas nito ay nagdulot ng di-maipaliwanag na pagdurusa. “At sinabi [ni Jesus], ‘Abba, Ama, para sa iyo ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari. Ilayo mo sa akin ang kopang ito, gayunma’y hindi ang nais ko, kundi ang sa iyo’” [Marcos 14:36]. Pagkatapos ay sumunod si Jesus sa kalooban ng Kanyang Ama. Pagkaraan ng tatlong araw, tulad ng ipinropesiya, bumangon Siya mula sa libingan. Siya ang naging unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Naisakatuparan Niya ang Pagbabayad-sala, na makapagbibigay ng imortalidad at buhay na walang hanggan sa lahat ng taong masunurin. Lahat ng bagay na mali na itinulot ng Pagkahulog, itinama ng Pagbabayad-sala.

Pinagpapala ng Pagbabayad-sala [ni Cristo] ang bawat isa sa atin sa napaka-personal na paraan. Pakinggan ninyong mabuti ang paliwanag na ito mula kay Jesus:

“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;

“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;

“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—

“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 19:16–19).

Tinupad ni Jesus ang Kanyang maluwalhating pangako na ginawa sa mga kapulungan bago tayo isinilang sa mundo sa pamamagitan ng pagbabayad-sala para sa Pagkahulog nina Adan at Eva nang walang kondisyon at para sa ating mga kasalanan sa kondisyon na tayo ay magsisisi.

Mga Tanong sa Pag-aaral

Ano ang itinuturo sa inyo ng pagdurusa ni Cristo tungkol sa Kanyang pagmamahal sa atin? Ano ang nararamdaman ninyo sa Kanya dahil dito?

Maaaring lumakas ang ating loob at magsaya dahil nadaig ng Tagapagligtas ang mundo

18:44

Bago ipinailalim ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili sa matinding paghihirap sa Getsemani at Kalbaryo, ipinahayag Niya sa Kanyang mga Apostol, “Sa sanlibutan ay nahaharap kayo sa paguusig. Ngunit lakasan ninyo ang inyong loob, dinaig ko na ang sanlibutan” [Juan 16:33; idinagdag ang diin]. Pagkatapos, nakiusap Siya sa bawat isa sa atin na gayon din ang gawin nang sabihin Niyang, “Aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan” [Doktrina at mga Tipan 64:2; idinagdag ang diin].

Mahal na mga kapatid, ang aking mensahe sa inyo ngayon na dahil nadaig ni Jesucristo ang masamang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang makasalanan, makasarili, at madalas na nakapapagod na mundong ito.

Dahil ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, ay tinubos ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo, kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.

Madaraig ninyo ang mga nakapapagod na espirituwal at emosyonal na salot ng mundo, pati na ang kayabangan, kapalaluan, galit, imoralidad, pagkamuhi, kasakiman, inggit, at takot. Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinaka-nakayayamot na problema.”

Tanong sa Pag-aaral

Paano tayo tinutulungan ng kaalaman na nadaig ng Tagapagligtas ang mundo na maging malakas ang loob at masaya kahit sa mahihirap na panahon?

Mga Paanyaya at mga Pangako

Mapanatag at mapayapa sa pamamagitan ng walang hanggang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

18:44

Mahal na mga kapatid, ang aking mensahe sa inyo ngayon na dahil nadaig ni Jesucristo ang masamang mundong ito, at dahil nagbayad-sala Siya para sa bawat isa sa atin, madaraig din ninyo ang makasalanan, makasarili, at madalas na nakapapagod na mundong ito.

Dahil ang Tagapagligtas, sa pamamagitan ng Kanyang walang hanggang Pagbabayad-sala, ay tinubos ang bawat isa sa atin mula sa kahinaan, mga pagkakamali, at kasalanan, at dahil naranasan Niya ang bawat pasakit, pag-aalala, at pasaning naranasan ninyo, kapag tunay kayong nagsisisi at humihingi ng tulong sa Kanya, madaraig ninyo ang kasalukuyang walang-katiyakang mundong ito.

Madaraig ninyo ang mga nakapapagod na espirituwal at emosyonal na salot ng mundo, pati na ang kayabangan, kapalaluan, galit, imoralidad, pagkamuhi, kasakiman, inggit, at takot. Sa kabila ng mga kalituhan at pagbabaluktot ng katotohanan sa ating paligid, makasusumpong kayo ng tunay na kapahingahan—ibig sabihi’y ginhawa at kapayapaan—maging sa gitna ng inyong mga pinaka-nakayayamot na problema.”

Ituro sa inyong mga anak ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Turuan ninyo ang inyong mga anak at ang isa’t isa ng tungkol sa Panginoong Jesucristo. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng mundo, at ito ang pundasyon ng ating relihiyon. Lahat ng iba pa tungkol sa ating relihiyon ay resulta nito.

Ituro na maaari tayong gawing perpekto ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas

Mangyaring ituro at muling ituro na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, ang isang tao ay maaaring maging ganap o perpekto sa Kanya. Pero ang kalagayang iyon ng pagiging ganap o perpekto ay hindi nangyayari dito at ngayon. Sa buhay na ito, lahat tayo ay mga hindi perpektong nilalang. Oo, lahat tayo ay nagkakamali. Pero dahil sa Pagbabayad-sala ni Cristo naging posible na madaig natin ang mga ito at talikuran ang ating mga kasalanan at pagkakamali. Mapapatawad tayo kung tayo ay magsisisi. Sa tunay na pagsisisi, lubos na mababago ang ating isip, kaalaman, espiritu, at maging ang mga ninanais ng ating puso. Sa patuloy at tapat na pagsisisi lamang tayo magiging matatapat na disipulo ng Panginoon.

Mga Video

Special Witnesses of Christ—President Russell M. Nelson

5:47

Atonement—Not a One-Time Thing

3:0

Mga Kaugnay na Mensahe

Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas” (Abril 2023 Liahona)

Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2022)

18:44

Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” (pangkalahatang kumperensya ng Abr. 2017)

14:50

Kaligtasan at Kadakilaan” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 2008)

2:3

Jesucristo—ang Dakilang Tagapagpagaling” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2005)

2:3

A Testimony of the Book of Mormon” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1999)

15:50

Gratitude for the Mission and Ministry of Jesus Christ” (Brigham Young University devotional, Ago. 18, 1998)

The Atonement” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1996)

2:3

Perfection Pending” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1995)

2:3

Constancy amid Change” (pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 1993)

2:3

Doors of Death” (pangkalahatang kumperensya ng Abril 1992)

2:3

Jesus Christ—Our Master and More” (Brigham Young University devotional, Peb. 2, 1992)

Mga Tala

  1. Isipin ang Kahariang Selestiya!Liahona, Nob. 2023, 117.

  2. Saligan Nati’y Kaytibay,” Liahona, Mayo 2002, 75.

  3. Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2017, 40.

  4. “Keep God’s Commandments” (mensahe sa mga miyembro sa South America, Okt. 20, 2018), hindi inilathala.

  5. Constancy amid Change,” Ensign, Nob. 1993, 34.

  6. The Atonement,” Ensign, Nob. 1996, 34–35.

  7. The Atonement,” 35.

  8. Doors of Death,” Ensign, Mayo 1992, 73–74.

  9. Perfection Pending,” Ensign, Nob. 1995, 87.

  10. Jesucristo—ang Dakilang Tagapagpagaling,” Liahona, Nob. 2005, 86.

  11. “The Happiest Place on Earth” (debosyonal sa Orlando, Florida, Hunyo 9, 2019), hindi inilathala.

  12. “Epistles of the Lord” (mensaheng ibinigay sa isang seminar para sa mga bagong mission president, Hunyo 25, 2015), hindi inilathala.

  13. The Atonement,” 35; sinipi kay Bruce R. McConkie, The Promised Messiah (1978), 568.

  14. The Atonement,” 35.

  15. “Jesus the Christ—Our Master and More” (mensaheng ibinigay sa Church Educational System Symposium, Ago. 11, 1992), hindi inilathala.

  16. Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” Liahona, Nob. 2022, 96.

  17. Daigin ang Mundo at Makasumpong ng Kapahingahan,” 96.

  18. “Keep God’s Commandments,” hindi inilathala.

  19. “Epistles of the Lord,” hindi inilathala.