“Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2023.
Ang mga Himala ni Jesus
Si Jesucristo ang Ating Tagapagligtas
Sumasaksi ako na sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at ng Pagpapanumbalik ng Kanyang ebanghelyo, binuksan ni Jesucristo sa lahat ang pagkakataong magdaan sa tabing patungo sa kinaroroonan ng Kanyang Ama.
“Bakit ka umiiyak?” tanong ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas kay Maria Magdalena habang nakatayo siya sa labas ng libingang walang laman.
“Ginoo,” sagot niya, “kung ikaw ang kumuha sa kanya ay sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya’y aking kukunin.”
“Maria,” sabi ni Jesus.
“Rabboni,” sagot niya nang makilala niya ang Panginoon. (Tingnan sa Juan 20:15–16.)
Mula sa pagpapakita ng Tagapagligtas kay Maria hanggang sa mga pagpapakita Niya sa Kanyang mga Apostol sa silid sa itaas (tingnan sa Lucas 24:36–43), sa 500 kapatid na lalaki nang sabay-sabay (tingnan sa 1 Corinto 15:6), sa 2,500 tao sa lupaing Masagana (tingnan sa 3 Nephi 11:7–17), at kay Joseph Smith sa ating panahon,1 ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli ay isa sa mga kaganapang idinokumento nang napakaingat sa kasaysayan ng sangkatauhan.
Ito rin ang pinakamahalagang kaganapan sa buong kasaysayan.
Sa panahon ng Kanyang ministeryo sa lupa, ibinangon ni Jesucristo mula sa mga patay ang anak na lalaki ng isang balo (tingnan sa Lucas 7:11–15), ang anak na babae ni Jairo (tingnan sa Marcos 5:38–42), at ang Kanyang kaibigang si Lazaro (tingnan sa Juan 11:39–44). Pagkatapos, nang magwakas ang Kanyang ministeryo sa mortalidad, at sa pamamagitan ng kapangyarihang ipinagkaloob sa Kanya ng Diyos Ama, ibinangon ni Jesus ang Kanyang sarili.
“Gibain ninyo ang templong ito,” sinabi Niya tungkol sa Kanyang katawan, “at aking itatayo sa loob ng tatlong araw” (Juan 2:19; idinagdag ang diin).
“Dahil dito’y minamahal ako ng Ama,” pahayag din Niya, “sapagkat ibinibigay ko ang aking buhay, upang ito’y kunin kong muli.
“Walang nag-aalis nito sa akin, kundi kusa kong ibinibigay. May kapangyarihan akong ibigay ito, at may kapangyarihan akong kunin itong muli. Tinanggap ko ang utos na ito mula sa aking Ama” (Juan 10:17–18; idinagdag ang diin).
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ang pinakadakilang tagumpay, ang pinakadakilang himala,2 bunga ng pag-oorden noon pa man, ng hindi maipaliwanag na pagdurusa, at ng banal na kapangyarihan mula sa itaas. Sa pamamagitan ng di-maunawaang kapangyarihang iyon—na gumagana sa pamamagitan ng pagmamahal, walang-hanggang karunungan, at walang-hanggang kapangyarihan ng Kanyang Ama—si Jesucristo ang naging “unang bunga” (1 Corinto 15:23) ng Pagkabuhay na Mag-uli.
Ang Kahulugan ng Pagkabuhay na Mag-uli para sa Atin
Nagpapasalamat ako na nasa bahay ako noong Sabadong iyon ng 2005. Natapos namin ng unang asawa kong si Dantzel ang aming mga gawaing-bahay at nagpasiya kaming magpahinga nang ilang minuto. Naupo kami sa sopa, naghawak-kamay, at nagsimulang manood ng isang programa sa telebisyon.
Sa loob ng ilang sandali, bigla at di-inaasahang pumanaw nang payapa si Dantzel. Walang ibinunga ang mga pagsisikap kong buhayin siya. Nabigla ako at nalungkot. Halos 60 taon nang nawala ang pinakamatalik kong kaibigan.
Sampung taon bago iyon, namatay sa kanser ang anak kong babae. Si Emily ay 37 taong gulang lamang noon. Noong 2019, namatay ang pangalawang mahal kong anak na babae sa malubhang sakit na iyon. Si Wendy ay 67 taong gulang pa lang noon.
Sa mga panahong iyon ng kawalan, lubos akong nagpapasalamat sa aking patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo. Sa Kanyang tagumpay laban sa kamatayan, nakikita natin ang pangako ng sarili nating pagkabuhay na mag-uli.
“Lahat ng awtoridad sa langit at sa ibabaw ng lupa ay ibinigay na sa akin” (Mateo 28:18), pahayag ng Tagapagligtas kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli. Kabilang sa kapangyarihang iyan ang mga susi ng Pagkabuhay na Mag-uli. Alam ko na gagamitin Niya ang mga susing iyon para ibangon sina Dantzel, Emily, at Wendy, tulad ng paggamit Niya sa mga susing iyon para ibangon ang iba pang mga pamilya ng tao.
Para sa mga anak ng Diyos, ang pagkabuhay na mag-uli ay nangangahulugan na mawawala na ang pagtanda, panghihina, at pagkabulok. “Ang may kamatayang ito ay mabibihisan ng kawalang-kamatayan” (Mosias 16:10), at “ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa kanyang ganap na anyo” (Alma 11:43).
Ginagawa ring posible ng Pagkabuhay na Mag-uli ang isa pang muling pagsasama-sama—ang muling pagsasama-sama ng mga pamilya. Sama-sama tayong namumuhay nang may pagmamahal, kaya tayo umiiyak kapag namatay ang isang mahal sa buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 42:45). Pero tulad ni Maria Magdalena, maaaring mapalitan ng mga luha ng kagalakan ang ating mga luha ng kalungkutan habang inaasam natin ang hinaharap mula sa pananaw ng isang walang-hanggang pamilya.
Sa pamamagitan ng bago at walang-hanggang tipan ng ebanghelyo, ikinakasal tayo sa templo para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan. Kapag tinutupad natin ang mga tipang ginagawa natin doon at pinagninilayan ang mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga pinagtipanang tao, nawawala ang takot natin sa kamatayan. Sa halip, inaasahan natin nang may masayang pag-asam na muling makapasok sa presensya ng Diyos sa piling ng ating mga mahal sa buhay.
Ang selestiyal na kasal ang tipan ng kadakilaan. Sa mga ikinasal sa gayong paraan, nangangako ang Panginoon, “ay magbabangon sa unang pagkabuhay na mag-uli … at magmamana ng mga trono, kaharian, pamunuan, at kapangyarihan, mga sakop, … tungo sa kanilang kadakilaan at kaluwalhatian sa lahat ng bagay” (Doktrina at mga Tipan 132:19).
Ang mga layunin ng Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala ay nagtatagpo sa mga templo. Kailangan ng mundo ang nakaaaliw na kaalamang ito. Iyan ang dahilan kaya natin tinitipon ang Israel.
Maghanda para sa Inyong Walang-Hanggang Hinaharap
Ang pagkamatay ni Dantzel at ng aking mga anak na babae ay nagpapaalala sa akin ng isang mahalagang katotohanan: “Ang buhay na ito ang panahon para [maghanda ang mga tao] sa pagharap sa Diyos; oo, masdan, ang araw ng buhay na ito ang araw para [gampanan ng mga tao] ang kanilang mga gawain’ (Alma 34:32).
Buong buhay niya, naghanda si Dantzel sa pagbalik sa kanyang tahanan sa langit. Alam niya noon na mahalaga ang kanyang panahon sa lupa. Nabuhay siya bawat araw na para bang iyon na ang kanyang huli.
Itinanong ni Job, “Kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14). Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang sagot sa tanong ni Job ay isang malinaw na oo! Lahat tayo ay mabubuhay na mag-uli. Ang tanong na kailangang sagutin ng bawat isa sa atin ay ito: “Magiging handa ba akong mabuhay sa piling ng Diyos matapos akong mabuhay na mag-uli?”
Ang ilan sa mga anak ng Diyos ay namumuhay na parang wala silang planong mamatay. Ang iba ay namumuhay na parang wala silang pananagutan sa kanilang mga kilos. Gumagawa ba tayo ng mga desisyon para sa kawalang-hanggan o para sa ngayon lamang? Hindi tayo maaaring magtakda ng ating mga prayoridad sa mga temporal na bagay ng mundong ito at magiging handa para sa mga bagay na walang hanggan ng susunod na mundo.
Ang ilan sa atin ay mahaba ang buhay; ang ilan sa atin ay maikli ang buhay. Mahaba man o maikli, bilang ang ating mga araw. Ang kamatayan ay mahalagang bahagi ng ating walang-hanggang pag-unlad at naghihintay ang kaganapan ng kagalakan sa matatapat na Banal. Kapag nauunawaan natin ang ating buhay mula sa walang-hanggang pananaw, nauunawaan natin na ang kamatayan ay isang maawaing bahagi ng plano ng kaligtasan. Ito ang pasukan pabalik sa piling ng Diyos.
Maaga lamang ang pagkamatay kung hindi tayo handang humarap sa Diyos. Kaya, kailangang maghanda tayo.
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pananatiling nakatuon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagsampalataya, pag-angkop sa “nagbabayad-salang dugo ni Cristo” (Mosias 4:2) sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo.
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagtanggap ng endowment at pagbubuklod sa banal na templo.
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagpili batay sa katwiran kaysa sa pagnanasa, pangangalaga sa ating katawan upang “dalisay itong iharap sa Diyos sa kahariang selestiyal.”3
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga katangiang tulad ng kay Cristo at pagmamahal sa Diyos at sa ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–40).
Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pagtupad sa ating mga tipan, pagpayag na manaig ang Diyos sa ating buhay, pagtitipon ng Israel sa magkabilang panig ng tabing, at pagtitiis hanggang sa mamatay.
Patotoo ng Isang Apostol
Sa pagkamatay ng Tagapagligtas, ang lupa ay nayanig, ang mga bato ay nabiyak, ang mga libingan ay bumukas, at ang tabing ng templo sa Jerusalem “ay napunit sa dalawa, mula sa itaas hanggang sa ibaba” (Mateo 27:51; tingnan din sa Marcos 15:38; Lucas 23:45).
Inihiwalay ng tabing ang Dakong Kabanal-banalan, na simbolo ng kinaroroonan ng Diyos, mula sa iba pang bahagi ng templo. Tanging sa Araw ng Pagbabayad-sala puwedeng magdaan ang namumunong mataas na saserdote sa tabing at magwisik ng dugo ng handog para sa kasalanan upang magbayad-sala para sa mga kasalanan ng buong Israel.
Nang magpadanak ng Kanyang dugo si Jesucristo, isinagawa Niya ang huli at “walang hanggang pagbabayad-sala” (2 Nephi 9:7) at tinupad ang batas. Ang pagkapunit ng tabing ng templo ay simbolo na nagdaan na ang Dakilang Mataas na Saserdote sa tabing ng kamatayan, malapit nang pumasok sa kinaroroonan ng Kanyang Ama, at nabuksan na sa lahat ang pagkakataong magdaan din sa tabing patungo sa walang-hanggang presensya ng Diyos.4
Kasama ang aking mga Kapatid sa Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, sumasaksi ako sa katotohanan ng pangakong iyon ng langit.
Sumasaksi ako na tayo ay maaaring “[magkaroon] ng pag-asa sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo at sa kapangyarihan ng kanyang pagkabuhay na mag-uli, na ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa [ating] pananampalataya sa kanya alinsunod sa pangako” (Moroni 7:41).
Sumasaksi ako na dahil sa himala ng Pagkabuhay na Mag-uli at Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, “ang bawat tuhod ay luluhod at ang bawat dila ay magpapahayag sa pagsamba sa Kanya. Bawat isa sa atin ay tatayo upang hatulan Niya ayon sa ating mga gawa at naisin ng ating mga puso.”5
Nawa’y maghanda tayo para sa maluwalhating araw na iyon.