“Paano Tayo Maaaring Magpakita ng Awa na Tulad ng Tagapagligtas?,” Liahona, Abr. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Paano Tayo Maaaring Magpakita ng Awa na Tulad ng Tagapagligtas?
Nang dalhin ng mga eskriba at Fariseo kay Jesucristo ang isang babaeng nahuling nangangalunya, itinanong nila kung dapat ba itong batuhin ayon sa batas ni Moises. Ngunit sa halip ay naawa rito si Jesus, na nagsasabing, “Hindi rin kita hinahatulan. Humayo ka na at mula ngayo’y huwag ka nang magkasala” (Juan 8:11). Hindi ito hinatulan ni Jesus, ni hindi Niya kinunsinti ang mga ginawa nito. Tulad Niya, maaari tayong magpakita ng habag habang naninindigan sa ating mga paniniwala.
Narito ang ilang alituntuning maituturo sa atin ng halimbawa ng Tagapagligtas kung paano pakitunguhan ang mga taong gumagawa ng mga pagpiling hindi natin sinasang-ayunan:
-
Hindi natin kailangang tumugon kaagad (tingnan sa Juan 8:6). Ang pag-uukol ng panahong pag-isipan ang ating sagot ay makakatulong sa atin na ipahayag nang mas mahabagin ang ating mga ideya.
-
Hinintay ni Jesus na makaalis ang mga nagpaparatang bago Niya tinuruan ang babae (tingnan sa Juan 8:9). Hindi kailangang magwala o ipahiya ang iba.
-
Kailangan nating bigyan ng panahon ang mga tao na magbago. Sabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Ang babaeng nahuling nangangalunya ay binigyan ng panahong magsisi, panahon na naipagkait sana ng mga taong gustong bumato sa kanya.”1
-
Ituro ang katotohanan ngunit hayaang pumili ang iba. “Sa halip na hatulan ang iba, dapat lamang nating ipahayag ang nalalaman natin at ang pinaniniwalaan natin at anyayahan ang iba na tularan ang Tagapagligtas. Pagkakataon nila iyon para piliin ang katotohanan, hindi natin iyon pagkakataon para mamilit.”2