2023
Muling Pagpapatibay ng Aking Pananampalataya Matapos Mag-alinlangan
Abril 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Muling Pagpapatibay ng Aking Pananampalataya Matapos Mag-alinlangan

Nang lisanin ng isang mahal sa buhay ang Simbahan, nawala ang sariling patotoo ko.

dalagitang nakangiti

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Hindi ako kailanman nag-alinlangan sa pananampalataya ko sa ebanghelyo ni Jesucristo hanggang sa magsimulang sabihin sa akin ng ate ko kung paano nagbago ang kanyang mga pananaw. Malakas ang pananampalataya niya noon, kaya nang marinig ko ang mga sinabi niya at makitang umaalis din ang iba pang mga kaibigan ko, nagsimula akong mag-isip kung totoo ang ebanghelyo.

Sa unang pagkakataon, nagsimula akong mag-alinlangan sa aking mga pinaniniwalaan, at natakot ako. Hindi ako sigurado kung saan ako babaling. Nagdasal ako, nagbasa ng mga banal na kasulatan, at humingi ng patnubay, ngunit talagang nayanig ang aking pananampalataya.

Isang Di-Inaasahang Tungkulin

Hindi nagtagal, hinayaan kong mapalayo ako sa Espiritu. Nadama kong napakalayo ko sa Tagapagligtas.

Ngunit, nang di-inaasahan, hinilingan akong mag-organisa ng isang YSA conference para sa mga eastern European young adult at maglingkod bilang counselor sa FSY.

Sigurado ako na maling tao ang napili ng aking stake president—pakiramdam ko ay napakababa ng aking espirituwalidad. Paano ko mapasisigla ang iba gayong halos hindi ko maibangon ang aking sarili?

Ayaw ko, pero labag sa loob kong tinanggap ang tungkulin.

Muling Pagkonekta sa Aking Pananampalataya

Marami akong natutuhan nang i-organisa ko ang mga kaganapang ito na nagpapalakas ng pananampalataya. Ang pinakagusto ko ay ang muling pakikipag-ugnayan sa mga kaibigan kong young adult na tumulong sa akin na maalala ang pananampalataya ko noong hindi pa ako nag-aalinlangan.

Napakaraming kaibigan ang nakinig sa aking mga alalahanin at tanong nang may habag. Ibinahagi rin nila sa akin ang kanilang pananampalataya at patuloy na ipinaalala sa akin kung gaano sila napalakas ng aking patotoo noon. Ipinaalala nila sa akin ang damdamin ko noon tungkol sa ebanghelyo, at naalala ko ang napakagagandang espirituwal na karanasan ko sa buhay.

Natanto ko na bagama’t may mga tanong ako, gusto kong manampalataya kay Jesucristo. Gusto kong sundin ang mga kautusan, pumunta sa templo, magsimba, at patatagin at ibahagi ang aking patotoo.

Noong nag-aalinlangan ako, nagsimula akong maniwala na hindi ko kailangan ang Diyos. Ngunit gumaan ang aking mga pasanin, at mas lumiwanag ang aking landas nang magtiwala ako sa Kanya at anyayahan Siyang muli sa aking buhay.

Alalahanin ang Iyong Espirituwal na mga Karanasan

Ang pagtanggap sa tungkuling ito ay isang pagpapala dahil natanto ko kung gaano ko hinanap-hanap ang Espiritu sa buhay ko.

Nagsalita si Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa bisa ng paggunita sa ating mga espirituwal na karanasan at kung paano natin matutulungan ang mga mahal natin sa buhay na maalala ang kanilang mga karanasan. Itinuro niya:

“Kapag pinadidilim ng personal na paghihirap, pagdududa, o panghihina ng loob ang ating landas … ang mga alaala na espirituwal na nagpapatibay mula sa ating aklat ng buhay ay parang kumikinang na mga bato na nililiwanagan ang daang tinatahak natin, na tinitiyak sa atin na kilala tayo ng Diyos, mahal Niya tayo, at isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong makauwi. At kapag isinantabi ng tao ang kanilang mga alaala na nagpapatibay at sila ay naliligaw o nalilito, ibinabaling natin sila sa Tagapagligtas habang ibinabahagi natin ang ating pananampalataya at mga alaala sa kanila, at tinutulungan silang matuklasang muli yaong mahahalagang espirituwal na sandali na minsan nilang pinahalagahan.”1

Ito mismo ang ginawa ng mga kaibigan ko para sa akin, na nakatulong sa akin na gawin din ito sa aking sarili.

Ginagawang madali ng mundo na makalimutan natin ang ating mga walang-hanggang mithiin, pag-unlad, at kaugnayan sa Diyos. Ngunit sa mga sandali ng pag-aalinlangan, maaari tayong magtuon sa dahilan kung bakit pinili nating sundin si Jesucristo at alalahanin ang mga ipinangakong pagpapala at ang Kanyang impluwensya sa ating buhay.

Basahin ang iyong journal, tingnan ang mga lumang larawan noong panahon na napuspos ng Espiritu ang iyong buhay, at kausapin ang matagal nang matatapat na kaibigan. Paglingkuran ang iba, ibahagi ang iyong patotoo, at buksan ang iyong puso sa mga patotoo ng iba.

Hindi ko pa rin nasagot ang lahat ng mga tanong ko, ngunit nang talikuran ko ang mga tinig ng mundo at pinili kong manampalataya kay Jesucristo at sa Ama sa Langit, ibinibigay Nila ang kailangan ko at ginagabayan Nila ako tungo sa kagalakan.

Alam ko na habang patuloy kong pinagninilayan ang aking mga espirituwal na karanasan noon at sinisikap kong magkaroon ng mga bagong karanasan, patuloy kong patitibaying muli ang aking pananampalataya nang paisa-isang hakbang.