“Paano Ko Mapapaniwalaan ang Hindi Ko pa Nakita Kailanman?,” Liahona, Abr. 2023.
Mga Young Adult
Paano Ko Mapapaniwalaan ang Hindi Ko pa Nakita Kailanman?
Kahit kapag tila hindi mahawakan ang ebanghelyo, mapipili pa rin nating manampalataya.
“Hindi ko talaga maunawaan kung paano mo mapapaniwalaan ang hindi mo pa nakikita kailanman. Hindi ko alam kung paano magkaroon ng gayong uri ng pananampalataya.”
Nabigla ako sa pahayag ng kapatid ko. Maganda ang relasyon namin, at ipinagtatapat niya sa akin ang ilang hamon na kinakaharap niya. Ilang taon na siyang hindi aktibo sa Simbahan, kaya ibinahagi ko ang aking mga hangarin para sa kanya na maniwala sa isang bagay—kahit ano, talaga—hinggil sa isang mapagmahal na Ama sa Langit at sa mas mataas na layunin ng mortalidad.
Pero pinagnilayan ko ang sinabi niya: Bakit nga ba ako naniniwala kay Cristo at sa lahat ng bagay tungkol sa ebanghelyo kahit napakaraming hindi mahawakan?
Pananampalataya ang Pinakamalaking Kapangyarihan
Patuloy tayong hinihimok ni Pangulong Russell M. Nelson na palalimin ang ating pananampalataya, upang matiis natin ang mga pag-atake ng kaaway sa darating na mga araw. Para sa akin mahalaga na puwede niyang piliing turuan tayo tungkol sa anumang bagay hinggil sa ebanghelyo, pero palagi siyang nagtuturo tungkol sa pinakapangunahing pundasyon ng ebanghelyo—pananampalataya—sa pamamagitan ng paghihikayat sa atin na palakasin ang ating mga espirituwal na pundasyon,1 panatilihin ang ating espirituwal na momentum,2 at pagkakaroon ng pananampalatayang magpapalipat ng mga bundok.3
Pananampalataya ang pinakamabisang sagot sa mga tanong tungkol sa ebanghelyo. Ayon kay Alma, ang “[pagnanais na] maniwala” (Alma 32:27) ang simpleng simula sa buong ebanghelyo ni Jesucristo, subalit ang pananampalataya ay maaaring maging “ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito”4 para sa paghahanap ng mga sagot at pagkapit sa pag-asa.
Nakikita man o Hindi Nakikita, ang Pananampalataya ay Isang Pagpili
Nang pag-aralan ko ang Lumang Tipan noong nakaraang taon, may ilang bagay akong natanto tungkol sa pananatiling nananampalataya. Nabasa ko ang tungkol sa mga Israelita na pinalaya ng Diyos mula sa pagkaalipin sa Ehipto, at inisip ko kung ano kaya ang pakiramdam ng masaksihan ang lantaran at halos hindi kapani-paniwalang mga himalang nakita nila noong nabubuhay sila.
Pero nadismaya ako nang mamasdan ko na pabagu-bago ang tindi ng kanilang pananampalataya—makakakita sila ng mga himala at pupurihin ang Diyos, at pagkatapos ay mawawalan sila ng pananampalataya at bubulung-bulong laban sa Kanya kapag naharap sila sa mga pagsubok o problema. Pinalaya sila ng Panginoon mula sa Ehipto, hinati ang Dagat na Pula para makaraan sila sa tuyong lupa, at nagpaulan ng “tinapay mula sa langit” (Exodo 16:4) (bilang isang taong mahilig sa tinapay, halos hindi ko ito maisip!), at kahit pagkatapos ng lahat ng ito, walang pananampalatayang sinabi ng mga anak ni Israel, “Bakit ninyo kami iniahon mula sa Ehipto, upang mamatay sa ilang?” (Mga Bilang 21:5).
Noong una, nabigla ako sa mga reaksyon nila. Paano nila naaatim na magduda sa Diyos at mawalan ng utang-na-loob pagkatapos ng lahat ng nakita nilang ginawa Niya para sa kanila?
“Kung nasaksihan ko ang gayong klaseng mga himala, hinding-hindi na ako muling magdududa sa aking pananampalataya o mag-aalinlangan sa Ama sa Langit!” naisip ko. Pero nang magnilay ako nang mas malalim, natanto ko na ganito rin kababaw ang aking pananampalataya.
Kapag nahaharap sa mga hamon, kung minsa’y nag-aalinlangan ako kung talaga bang kasama ko ang Ama sa Langit, kahit naiparamdam na Niya dati nang maraming beses ang Kanyang presensya. May naaalala akong mga sandali na nagkaroon ako ng mga pag-aalinlangan tungkol sa ebanghelyo o mga pagkakataon na pakiramdam ko ay nakaligtaan ako dahil ang pagsunod ko ay hindi nakahadlang sa kawalang-katarungan o hindi nakapaghatid kaagad ng mga himala ayon sa gusto ko.
Pero natutuhan ko na ang susi sa pagpapanatili ng aking pananampalataya sa mga sandaling ito ng pag-allinlangan ay hindi sa paghihintay na bumagsak ang tinapay mula sa langit kundi sa pagpili lamang:
Pagpiling maniwala.
Pagpiling Maniwala
Hihikayatin tayo ng mundo na humanap ng patunay o katwiran sa ating mga pagdududa o pag-aalinlangan mula sa mabilis na paghahanap sa Google o kahit sa tulong ng mga kakilala. Pero ang pagsampalataya at pag-anyaya sa Espiritu na gabayan tayo ang tanging paraan para makahanap ng mga dalisay at ganap na katotohanan.
Kapag nahaharap ako sa pagpiling maniwala o hindi, hinahangad ko ang Espiritu kahit mahirap ito; naaalala ko ang mga sandali na matindi kong nadama na ibinubulong sa akin ng Espiritu Santo ang katotohanan; pinagninilayan ko ang alam ng aking kaluluwa na totoo; iniisip ko kung kailan ko nadama ang sakdal na pagmamahal ng Ama sa Langit; at nagtutuon ako sa araw-araw na mga awa at himalang nakita ko sa buhay ko, tulad ng kakayahang makadama ng kapayapaan sa gitna ng mga paghihirap o kagalakan sa pagsisisi sa pamamagitan ni Cristo.
Alam ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo dahil laging inihahayag sa akin ng Espiritu ang katotohanang iyan kapag pinipili kong hanapin Siya sa halip na maghanap ng iba pang lugar para sa mga sagot—kapag hinahangad at pinipili kong maniwala.
Totoo, madaling manampalataya sa Ama sa Langit matapos masaksihan ang mga himala, pero ang mga himala ay hindi nagbubunga ng pananampalataya—pagsampalataya ang nag-aanyaya ng mga himala (tingnan sa Mateo 17:20). Ang pananampalataya ay hindi ang pagkakita at paniniwala—ito ay pagpiling maniwala bago mo lubos na maunawaan, paghahanap sa mga katotohanan nang buong puso, at pagpapatatag sa mga paniniwala sa pagiging matwid (tingnan sa Alma 32:40–43).
Pinagpapala Tayo Kapag Naniniwala Tayo
Sa pagbalik natin sa pag-uusap namin ng aking kapatid, hindi ko alam kung may masasabi ako na makakakumbinsi sa kanya sa mga katotohanang mahalaga sa puso ko. Pero bigla kong naalala ang kuwento ni Apostol Tomas. Kaya ibinahagi ko iyon sa kanya.
Si Tomas ay tapat sa Tagapagligtas noong Kanyang ministeryo pero ayaw nitong maniwala na nagbangong muli ang kanyang Panginoon hanggang sa makita niya Siya nang harapan. Nang madama niya ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay, sa huli ay naniwala siya, at sinabi sa kanya ng Tagapagligtas, “[Tomas,] sapagkat ako’y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” (Juan 20:29; idinagdag ang diin).
At pagkatapos ay nagpatotoo ako: “Nadaig ko ang napakaraming hamon sa buhay ko na huwag maniwala sa isang Ama sa Langit na nagmamahal sa akin at sa Isang Tagapagligtas na nakatulong sa akin na makasumpong ng kagalakan at kapayapaan sa kabila ng lahat ng ito. Maaaring hindi ko Sila personal na nakikita, pero nakikita ko Sila sa napakaraming pagkakataon ng kabutihan sa mundo. Mahirap ang buhay, pero ang pananampalataya sa Kanila ay nagpapaalala sa akin kung sino ako at kung ano ang aking layunin, at naaalala ko ang mga pagpapalang naipangako Nila sa akin. Sa tuwing pinipili kong manampalataya, nadarama ko sa puso ko na kasama ko Sila, at na ang ebanghelyo ay totoo.”
Masaya ang naging katapusan ng aming pag-uusap. Hindi ko alam kung pipiliin niyang bumalik kaagad sa ebanghelyo, pero inanyayahan ko siyang magsimula lang na may hangaring maniwala.
Hindi ginagawang madali ng mundo na palaging manampalataya. Sa katunayan, kung minsa’y maaari nating madama na ang mga pagsisikap nating maging tapat ay walang saysay kapag nahaharap tayo sa mga hamon o kapag pakiramdam natin ay sarado ang kalangitan sa atin. Ngunit ang pagpapalago at pagpapanatili ng ating pananampalataya ay isang proseso ng pagdadalisay na nangangailangan ng pag-asa sa Tagapagligtas, pagtitiwala sa Ama sa Langit, at pagkilos natin. At ang patuloy na pagpiling manampalataya ay maghahatid ng kahihinatnang inilarawan ni Elder L. Whitney Clayton, na noon ay miyembro ng Panguluhan ng Pitumpu: “Sa pagdaan ng panahon makikita ninyo na nagawa na ninyo ang pinakamagandang pagpiling posibleng magawa ninyo. Ang matapang na desisyon ninyong maniwala sa Kanya ay magpapala sa inyo nang napakalaki at magpakailanman.”5
Kapag pinipili kong maniwala, lalo na kapag nauunawaan ko na hindi ko dapat piliing maniwala, tumatanggap nga ako ng mga pagpapala, dunaranas ng mga himala, at nakadarama ng malalim na kagalakan tulad ng naipangako ng Tagapagligtas at ng propeta. At kung minsan, sa kabila ng mga hamong kinakaharap ko at mga tanong ko na hindi nasasagot, ang pinakadakilang himala sa buhay ko ay na kapag pinipili kong manampalataya kay Jesucristo, nakikita ko nga Siya. Napapansin ko ang Kanyang ginawa, Kanyang kapangyarihan, at Kanyang liwanag sa buhay ko.
Alam kong magagawa ninyo iyon.