Digital Lamang: Mga Young Adult
Pagtatayo sa Bato: Malalim na Pag-aaral ng mga Simpleng Katotohanan
Hindi natin kailangang malaman ang lahat ng detalye tungkol sa ebanghelyo para mapanatili ang ating patotoo. Ngunit kailangan nating magkaroon ng malalim na pagkaunawa sa mga katotohanan ng ebanghelyo.
Ang podcaster, ang influencer, ang mamamahayag, ang pulitiko, ang kaibigan, ang kapitbahay, ang estranghero.
Binibigyan ng internet ang lahat ng tao ng kapangyarihang magpahayag ng opinyon—at hindi nito palaging nasusuri kung totoo ang mga post na ito. Ang ilang tao ay nagbabahagi ng content na parang nakaayon sa ebanghelyo ni Jesucristo, ngunit ang kanilang mga ideya ay maaaring malihis mula sa dalisay na doktrinang itinuro sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa lahat ng panahon. Tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kamakailan, “Ang mga impluwensiya ng mundo ay kahika-hikayat at napakarami. Ngunit napakaraming impluwensiya ang mapanlinlang, mapanukso, at makapaglalayo sa atin sa landas ng tipan.”1
Alam ni Satanas na hindi tayo mapapaniwala sa hayagang kasinungalingan, ngunit maaari nating bitawan ang dalisay na katotohanan para tanggapin ang di-kumpletong kaibhan ng katotohanang nababasa natin online. Ang mga hindi kumpletong kaibhan na ito, o di-buong katotohanan, ay ang “ [mga] de-ilong lubid”2 na tinatangkang gamitin ni Satanas upang hilahin tayo palayo sa landas ng tipan (2 Nephi 26:22).
Kaya paano natin matutukoy ang mga de-ilong lubid ng kasinungalingan mula sa dalisay na katotohanan? Pinakamainam na sinagot ito ni Pangulong Nelson: “Busugin ang inyong sarili sa mga salita ng mga sinauna at makabagong propeta, … alamin ang lahat ng kaya ninyo tungkol sa ebanghelyo, … [at] gawing malaking bahagi ng inyong buhay ang maraming paghahayag na madali nating makukuha.”3
Ano ang Pag-aaralan Ko?
Ang malalim na pag-unawa sa ebanghelyo ay tutulong sa atin na matukoy ang kaibhan ng dalisay at bahagyang katotohanan. Magiging lubos ang ating tagumpay kung itutuon natin ang ating lakas sa pagtatayo “sa bato na ating Manunubos” (Helaman 5:12).
Noong miyembro siya ng Pitumpu, sinabi ni Elder Lawrence E. Corbridge: “Hindi mabilang ang mga pahayag at opinyon na sumasalungat sa katotohanan. … Maaari ninyong gugulin ang buong buhay ninyo sa paghahanap ng sagot sa bawat pahayag … at kailanma’y hindi malalaman ang pinakamahahalagang katotohanan.”4
Kaya sa halip na gugulin ang inyong lakas sa paghahanap sa indibiduwal na mga sagot sa tuwing may tanong kayo, mag-ukol ng oras bawat araw na palalimin ang inyong pag-unawa sa mga pangunahing katotohanang iyon na nagpapatatag sa inyong pananampalataya sa Bato na si Jesucristo.
Ang pangunahing doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo ay kinapapalooban ng pananampalataya, pagsisisi, mga tipan, mga propeta, paghahayag, Pagbabayad-sala ni Jesucristo, plano ng kaligtasan, at ating banal na identidad bilang mga anak ng Diyos.5 Ang mga katotohanang ito ay tumutulong sa atin na sumulong sa landas ng tipan; kinakailangan ang mga ito para sa ating kadakilaan.
Ang mga hindi pangunahing katotohanan, sa kabilang banda, ay hindi kailangan para sa ating kaligtasan.
Palaging Marami Pang Dapat Matutuhan
Kung minsan iniisip natin na nauunawaan na natin nang husto ang mga pangunahing katotohanan ng ebanghelyo. Maaaring narinig na natin ang mga ito nang daan-daang beses.
Ngunit ang kasalukuyang pagkaunawa natin sa mga alituntunin ng ebanghelyo ay maaaring hindi kasingkumpleto ng pagkaunawa ng Diyos sa mga ito. Hangga’t hindi tayo nagiging katulad ng Diyos, lagi tayong may matututuhan. “Siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag” (Doktrina at mga Tipan 50:24; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kabilang diyan ang bagong kaalaman tungkol sa mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo.
Si Pangulong Nelson ay isang magandang halimbawa ng patuloy na pagpapalalim ng kanyang pag-unawa. Sa pagiging Apostol sa loob ng 36 na taon, sinabi niya, “May bago akong nalaman kamakailan.”6
Kung ang pag-uusisa, sigasig, at Espiritu Santo ay makakaakay sa propeta ng Diyos sa bagong kaalaman tungkol sa pangunahing doktrina ng ebanghelyo, kung gayon maaakay din tayo “sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (Doktrina at mga Tipan 88:118).
Maghangad ng Personal na Patotoo
Kapag naghahanap tayo ng katotohanan sa napakaraming tinig na nakapaligid sa atin online, ang pinakamahalagang magagamit natin ay ang ating sariling patotoo mula sa Espiritu Santo.
Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), “Sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang katotohanan ay hinahabi sa bawat himaymay at litid ng katawan upang hindi ito malimutan.”7 Natututuhan natin kung ano ang pakiramdam ng pagtibayin ng Espiritu Santo ang dalisay na katotohanan sa ating puso.
Naniniwala tayo na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5). At bagama’t totoo iyan, mahalagang tandaan na ang isa sa mga tungkulin ng Espiritu Santo ay tulungan tayong magkaroon ng patotoo tungkol sa pangunahing doktrina—“tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang gawain at sa gawain ng Kanyang mga tagapaglingkod sa lupa” (Bible Dictionary, “Holy Ghost”).
Ang pag-aaral ng mga hindi pangunahing katotohanan ng ebanghelyo ay hindi masama. At kung minsan ay mapapalakas nito ang ating patotoo kapag nakakahanap tayo ng mga sagot sa ating mga tanong na “hindi masyadong mahalaga.” Ngunit ang patotoo ay hindi maisasalig sa mga hindi pangunahing katotohanan. Sinabi ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Dapat nating unawain at ipamuhay ang mga simple at pangunahing katotohanan at huwag gawing kumplikado ang mga ito. Ang ating mga pundasyon ay dapat matibay at malalim na nakabaon.”8
Ang pag-aaral sa paraang ito ay makatutulong sa atin na huwag malito sa maraming tinig na nakapaligid sa atin. Tayo ay “[lu]malakas sa kaalaman ng katotohanan” at nagiging mga tao na “may malinaw na pang-unawa” (Alma 17:2). At tulad ng panghihikayat ni Pangulong Nelson, ginagawa natin ang ating makakaya na magkaroon ng “matibay na espirituwal na pundasyon na itinayo sa bato na ating Manunubos na si Jesucristo.”9