“Pananampalaya kay Jesucristo,” Liahona, Abr. 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Pananampalataya kay Jesucristo
Pagsampalataya kay Jesucristo ang unang alituntunin ng ebanghelyo (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:4). Tutulungan tayo ng ating pananampalataya na gumawa ng mga pagpili na aakay sa atin pabalik sa ating Ama sa Langit. Maaari tayong magsikap na palakasin ang ating pananampalataya sa buong buhay natin.
Ano ang Pananampalataya?
Ang pananampalataya ay isang matibay na paniniwala o pagtitiwala sa isang bagay. Ang pagsampalataya ay kinabibilangan ng pag-asa at paniniwala sa mga bagay na totoo, kahit hindi natin nakikita o lubos na nauunawaan ang mga ito (tingnan sa Mga Hebreo 11:1; Alma 32:21).
Pananampalatayang Nakasentro kay Jesucristo
Para humantong sa kaligtasan, kailangang nakasentro ang ating pananampalataya kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Ang ibig sabihin ng manampalataya kay Cristo ay magtiwala sa Kanya. Ang ibig sabihin nito ay lubos na umasa sa Kanya—magtiwala sa Kanyang kapangyarihan, katalinuhan, at pagmamahal. Kabilang din dito ang paniniwala at pagsunod sa Kanyang mga turo.
Pagpapalago ng Ating Pananampalataya
Ang pananampalataya ay isang kaloob mula sa Diyos, ngunit kailangan natin itong hangarin at pagsikapan na mapanatili itong malakas. Mapapalago natin ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta sa mga huling araw. Pinalalakas din natin ang ating pananampalataya kapag namumuhay tayo nang matwid at tinutupad natin ang ating mga tipan.
Pamumuhay nang May Pananampalataya
Ang pananampalataya ay higit pa sa paniniwala lamang. Kabilang dito ang pagkilos ayon sa paniniwalang iyan. Ipinapakita natin ang ating pananampalataya sa paraan ng ating pamumuhay. Ang pananampalataya kay Jesucristo ay naggaganyak sa atin na tularan ang Kanyang perpektong halimbawa. Inaakay tayo ng ating pananampalataya na sumunod sa mga kautusan, magsisi sa ating mga kasalanan, at gumawa at tumupad ng mga tipan.
Ang Pananampalataya ay Maaaring Humantong sa mga Himala
Ang tunay na pananampalataya ay naghahatid ng mga himala, na maaaring kabilangan ng mga pangitain, panaginip, pagpapagaling, at iba pang mga kaloob na nagmumula sa Diyos. Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng maraming kuwento ng mga taong tumanggap ng mga himala mula sa Panginoon dahil sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Tingnan sa “Himala” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa ilang halimbawa.
Ang Pananampalataya ay Maaaring Maghatid ng Kapayapaan
Ang pagsampalataya sa Diyos at sa Kanyang plano ng kaligtasan ay maaaring magpalakas sa atin sa ating mga pagsubok. Ang pananampalataya ay maaaring magbigay sa atin ng lakas na sumulong at harapin ang ating mga paghihirap nang may tapang. Kahit tila walang katiyakan ang hinaharap, maaaring magbigay sa atin ng kapayapaan ang pananampalataya natin sa Tagapagligtas.
Ang Pananampalataya kay Jesucristo ay Humahantong sa Kaligtasan
Ang pagsampalataya kay Cristo ay hahantong sa ating kaligtasan. Naghanda na si Cristo ng daan para matanggap natin ang buhay na walang hanggan. Kapag namuhay tayo nang may pananampalataya sa Kanya, mapapatawad tayo sa ating mga kasalanan at makakabalik upang muling makapiling ang Diyos.