2023
Pag-reset ng Ating mga Espirituwal na Circuit Breaker
Abril 2023


“Pag-reset ng Ating mga Espirituwal na Circuit Breaker,” Liahona, Abr. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mateo 14:22–33

Pag-reset ng Ating mga Espirituwal na Circuit Breaker

Ang pananampalataya kay Jesucristo ay nagdudulot sa atin ng kapangyarihan at lakas.

taong may hawak na ilawan habang nagre-reset ng circuit breaker

Noong Pebrero 2021, naharap ang Texas sa napakalamig na klima. Nakaapekto ang lamig sa milyun-milyong tao, na nagresulta sa mga basag na tubo, pagkawala ng kuryente, at kawalan ng init. Ang pamilya ng anak kong babae, tulad ng napakaraming iba pa, ay ganap na nawalan ng kuryente. Binalot niya ang kanyang maliliit na anak sa makakapal na jacket at kumot para manatili silang maginhawa.

Pagkaraan ng ilang araw na nakaraos sila sa mga napakalamig na klima, napansin ng anak ko ang mga ilaw sa isang kalapit na apartment. Nagpasalamat siyang malaman na naibalik na ang suplay ng kuryente. Ngunit nagulat siyang matuklasan na ilang araw na palang naibalik iyon. Hindi niya napansin na nag-trip ang isang circuit breaker. Naroon na ang kuryente. Kinailangan lang niyang muling pitikin ang breaker!

Nang pag-isipan ko ang karanasan ng aking anak, natanto ko na bawat isa sa atin ay mayroon ding tinatawag na “espirituwal na circuit breaker.”

painting ng mukha ni Jesucristo

Light of the World [Ilaw ng Sanlibutan], ni Brent Borup

Sakdal na Kapangyarihan

Ang pagsampalataya kay Jesucristo ay nagbibigay ng malaking kapangyarihan mula sa Diyos. Araw-araw, maaaring dumaloy ang kapangyarihang iyan sa ating buhay. Maaaring masyado tayong masanay rito kaya ni hindi natin ito napapansin. Laging nariyan ang Kanyang kapangyarihan para sa atin. Pagkatapos, kung minsa’y nagkakaroon tayo ng espirituwal na krisis at nag-iisip kung nawala na ba ang kapangyarihang iyon. Sa gayong mga pagkakataon kailangan nating piliing manampalataya upang patuloy nating matanggap ang Kanyang ipinangakong kapangyarihan. Sa paggawa nito, maaari nating sabihing, inire-reset natin ang ating espirituwal na circuit breaker.

“Ang ating pananampalataya ang nagbubukas sa kapangyarihan ng Diyos sa ating buhay,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson. Itinuro din niya: “Ang Panginoon ay hindi humihingi ng perpektong pananampalataya para magamit natin ang Kanyang perpektong kapangyarihan. Ngunit hinihingi Niya na maniwala tayo.”1 Sabi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Hindi mahalaga ang laki ng inyong pananampalataya o antas ng inyong kaalaman—ang mahalaga ay ang katapatan ninyo sa inyong pananampalataya at sa katotohanang alam na ninyo.”2

Anuman ang antas ng ating pananampalataya, kapag pinili nating maniwala kay Cristo, makakaasa tayo sa Kanyang kapangyarihang tulungan tayo.

binatilyong nakangiti

Natuklasang may kanser sa buto sa edad na 14, naharap si Mason sa hamon sa pananampalataya. Ikinuwento ng kanyang ina, “Natakot pa rin si Mason, pero pinili niyang huwag itong humadlang sa kanyang pananampalataya at pagmamahal.”

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng pamilya ni Mason

Isang Pagpiling Harapin ang Takot nang May Pananampalataya

Noong Agosto ng 2021 nakilala naming mag-asawa ang isang butihing mag-asawa na ang pakikipagkaibigan ay nabigyan namin ng halaga. Katutuklas pa lamang na ang anak nilang si Mason ay may bihirang klaseng kanser sa buto na tinatawag na osteosarcoma. Bago ang pagsusuri, paano man siya tingnan ay mukhang isa siyang malusog na 14-anyos na masakit ang binti at marumi ang baseball uniform dahil sa pag-slide sa home plate.

Gayunman, hindi nagtagal ay tila bumaligtad ang buhay ni Mason. Agad siyang sinimulang kausapin ng mga propesyonal sa medisina tungkol sa chemotherapy, radiation, surgery, posibleng pagputol ng paa, at haba ng buhay. Inilarawan ng kanyang ina ang nangyari noong itanong ng mga doktor kung gusto niyang malaman ang posibilidad na mabuhay: “Pagkaraan ng mahabang katahimikan ng pagpoproseso ng bago at matinding emosyon, tahimik na tumulo ang mga luha sa sahig. Matapang siyang sumagot, ‘Hindi na, salamat na lang! Okey lang ako.’ Sa iilang salitang iyon, determinado siyang nagsimulang pumili kung paano niya haharapin ang kanyang pagsubok.”

Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang pananampalataya ay hindi humihingi ng sagot sa bawat tanong [kundi naghahanap] ng katiyakan at katapangan upang sumulong, at kung minsan ay tinatanggap na, ‘Hindi ko alam ang lahat, ngunit sapat ang nalalaman ko upang magpatuloy sa landas ng pagkadisipulo.’”3 Nakikita ang pananampalataya kapag pinipili nating sumulong, na hindi alam kung ano ang susunod na mangyayari.

Mabilis kumalat ang kanser ni Mason. Nilabanan ng kanyang katawan ang bawat panggagamot na nagpapahaba ng buhay. Ibinahagi ng kanyang ina, “Nakadama kami ng matinding pagnanais na patigilin ang oras, pero nagpatuloy ang oras at naranasan naming mawala ang lahat ng alam naming normal.” Sabi pa niya, “Sa kabila ng nakakapanlambot na takot sa hinaharap, nasaksihan din namin ang pagkakaroon ng lakas, kapangyarihan, at kapayapaan na wala kaming kakayahang taglayin sa lupa. Wala kaming iba pang paliwanag kaysa rito: Dinagdagan ng Diyos ang aming mga kakayahan. Nakatanggap kami ng mga himala, bagama’t naiiba kaysa sa gusto namin sa simula.”

Hindi Pagsuko

Minsa’y tinanong ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol si Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) kung anong mga aral ang natutuhan niya noong may leukemia siya. Sumagot si Elder Maxwell, “Natutuhan ko na ang hindi pagsuko ay mas mainam kaysa pananatiling buhay.”4 Ang pagpiling hindi sumuko ay nangangailangan ng pagkilos kahit sa harap ng takot. Ngunit nangangailangan ito ng kapangyarihang higit pa sa kakayahan ng tao.

Itinuro ni Isaias, “Siya’y nagbibigay ng lakas sa mahina; at sa kanya na walang kapangyarihan ay dinadagdagan niya ang kalakasan” (Isaias 40:29). Nang maharap ang mga tao ni Alma sa tila napakabigat na pagdurusa, pinanatag sila ng Panginoon dahil sa kanilang pananampalataya sa Kanya. Nagpasakop sila sa Kanyang kalooban at tumanggap ng kapangyarihang dalhin ang mga pasaning ipinataw sa kanila. (Tingnan sa Mosias 24:13–16.)

Lakas sa Kabila ng Kalungkutan

Ikinuwento ng ina ni Mason, “Isang gabi nagdaan si Mason sa tabi ng kuwarto kung saan ako nagdarasal na kasama ang kanyang walong-taong-gulang na kapatid na babae. Lumuluhang ipinagdasal niya ang kanyang mga alalahanin tungkol sa kanyang kapatid. Mahigpit ko siyang niyakap, at sabay kaming umiyak. Lumuhod si Mason sa tabi namin at pareho kaming niyakap sa kanyang nanghihinang mga bisig. Pinili niyang hindi matakot na madama ang matitinding damdamin at isantabi ang kanyang personal na takot upang matulungan niya kami ng kanyang kapatid. Pinalakas Niya kami sa pagharap sa aming kalungkutan sa pamamagitan ng pakikiisa sa aming kalungkutan.”

pamilyang nakatayo sa labas ng bahay

si Mason kasama ang kanyang pamilya.

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng pamilya ni Mason

Sinasabi sa mga banal na kasulatan na ang mga anak ni Helaman ay “mas naisip pa … ang kalayaan ng kanilang mga ama kaysa sa kanilang sariling mga buhay” (Alma 56:47). Mas nagtuon sila sa pagmamahal nila sa kanilang pamilya kaysa sa sarili nilang sitwasyon. Si Mason ay nakasumpong din ng lakas na higit pa sa kanyang sarili sa pamamagitan ng pag-una sa pagmamahal niya sa kanyang pamilya kaysa sa kanyang sariling damdamin, takot, at pag-aalinlangan.

“Natanto ni Mason na hindi niya kailangang maghintay na gumaling bago lumakas ang kanyang pananampalataya,” sabi ng kanyang ina. “Nagawa niyang magtiwala sa Diyos, at ito ang nagbigay-kakayahan sa kanya na hindi gaanong labanan ang sarili niyang panghihina. Minasdan ko ang mga himalang nalahad sa aming pamilya at maging sa loob ng komunidad nang tulungan kami ng Diyos na makita na ang pagmamahal noon—at ngayon—ay mas makapangyarihan kaysa takot. Natakot pa rin si Mason, pero pinili niyang huwag itong humadlang sa kanyang pananampalataya at pagmamahal.”

Ang pagsampalataya ay hindi nangyayari nang minsanan. Ang araw-araw na mga desisyon na magtiwala sa Diyos, na paulit-ulit na ginagawa, ay nagbibigkis sa atin sa Kanya at sa Kanyang kapangyarihan.

Anim na buwan lang pagkaraan ng kanyang unang pagsusuri, buong tapang na pumanaw si Mason. Paulit-ulit niyang piniling hayaang manaig ang Diyos at maligtas mula sa lahat ng kanyang takot.

Ang Pananampalatayang Makapagpalipat ng mga Bundok

Maaaring asamin ng mga pumipiling manampalataya kay Cristo ang masayang pagbati ng ating Tagapagligtas: “Magaling[, mabuti] at tapat na alipin. Naging tapat ka sa kaunting bagay, pamamahalain kita sa maraming bagay. Pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mateo 25:23).

Magiliw tayong binalaan ni Pangulong Nelson na sa darating na mga araw ay kakailanganin natin ang kapangyarihan ng Diyos.5 Ang kapangyarihang iyan ay para sa lahat ng sumusulong nang may pananampalataya kay Cristo. Anuman ang ating mga pagsubok, ang sagot ay buksan ang ating espirituwal na circuit breaker at umasa sa Kanyang kapangyarihan.

“Sa pamamagitan ng inyong pananampalataya,” sabi ni Pangulong Nelson, “daragdagan ni Jesucristo ang inyong kakayahang maglipat ng mga bundok sa inyong buhay, kasinglaki man ng Mount Everest ang inyong mga personal na problema.

“Ang inyong mga bundok ay maaaring kalungkutan, pag-aalinlangan, karamdaman, o iba pang mga personal na problema. Magkakaiba ang mga bundok ninyo, ngunit ang sagot sa bawat isa sa inyong mga problema ay dagdagan ang inyong pananampalataya.”6