2023
Pananampalatayang Harapin ang Kawalang-Katiyakan
Abril 2023


“Pananampalatayang Harapin ang Kawalang-Katiyakan,” Liahona, Abr. 2023.

Mga Larawan ng Pananampalataya

Pananampalatayang Harapin ang Kawalang-Katiyakan

Dahil sa mga kumplikasyon sa kalusugan ng aming bagong silang na anak na babae, espesyal para sa akin ang kahalagahan ng araw bago sumapit ang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas sa araw ng Linggo.

isang ina at kanyang anak na nakangiti

Mga larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Ang anak naming si Alexis ay isinilang na premature dahil 26 na linggo ko pa lamang siyang ipinagbubuntis. Dahil isinilang siya na hindi pa ganap na buo ang baga, kinailangan niya ng suporta sa paghinga para matulungan siyang huminga.

Nakatakdang umuwi si Alexis pagkaraan ng tatlong buwan sa neonatal intensive care unit. Pero biglang lumala ang kanyang kalagayan nang magkaroon siya ng alta-presyon sa mga ugat na nagsusuplay ng dugo sa kanyang mga baga, isang kundisyong tinatawag na pulmonary hypertension.

Naaalala ko pa rin ang araw na nagkulay-asul siya habang nahihirapang huminga. Isa iyon sa maraming nakakatakot na sandaling naranasan namin sa loob ng 12 buwang ginugol niya sa ospital. Ang taon na iyon ay puno ng napakasaya at napakalungkot na mga pangyayari para sa aming mag-asawa.

Nadagdag sa pag-aalala namin ang pagkawalay namin sa iba. Dahil sa epidemyang COVID-19, nawalay ako sa mga kamag-anakan ko. Gayundin, nahirapan kaming mag-asawa na makahanap ng suporta sa labas ng ospital. Tila iilang tao lang ang nakaunawa sa pinagdaraanan namin. Wala akong nagawa at naging desperado ako, at ilang beses akong nag-iiyak sa ospital.

Nagpapasalamat ako sa mga Relief Society sister na tumulong sa aking pamilya sa oras ng aming pangangailangan. Bago ako sa ward, dahil kalilipat lang namin sa Singapore mula sa Hong Kong. Maraming sister na hindi ko kilala ang nagdala ng pagkain at tiningnan ang lagay ko. Naantig ako sa pagmamahal at mga pagdarasal nila para sa aking pamilya.

Sa madidilim na sandali, bumaling ako sa Diyos. Hindi niya sinagot kaagad ang aking mga dalangin, pero patuloy akong nagdasal. Sinuportahan ako ng asawa ko, bagama’t hindi siya miyembro ng Simbahan, sa pamamagitan ng pakikiisa sa aking mga pagdarasal. Nalampasan namin ang bawat araw nang may pananampalataya sa aming puso na hindi kami pababayaan ng Diyos. Ginawa namin ang lahat para sa aming mahal na anak at ipinaubaya sa Kanya ang iba pa.

ina na kalong ang kanyang anak na babae sa ospital

Sa patnubay ng Diyos, nakagawa kami ng isang desisyon na ilang buwan naming pinag-isipan. Nadama namin na ginabayan kaming ipailalim si Alexis sa tracheostomy. Nagplano ang mga surgeon na hiwaan siya sa harap ng leeg sa kanyang lalamunan at pagkatapos ay pasukan ng tubo ang lalamunan para direktang makapasok ang hangin sa kanyang mga baga. Sa gayon ay makakahinga si Alexis nang hindi ginagamit ang kanyang ilong o bibig.

Isang Sabadong Walang Katapusan

Kapag pinagninilayan ko ang aming karanasan kay Alexis, naiisip ko ang nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas. Pamilyar tayong lahat sa Pagpapako sa Krus sa Kanya at sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Ang panahon sa pagitan ng dalawang mahahalagang kaganapang ito ay halos hindi nabanggit sa mga banal na kasulatan. Pero espesyal ang kahalagahan ng panahong iyon para sa akin, at ginagawang napaka-makabuluhan ang Pasko ng Pagkabuhay.

Halimbawa, ang Sabado ay isang araw ng kawalang-katiyakan. Hindi gaanong nakita ng mga disipulo ng Tagapagligtas ang kaluwalhatiang darating pa sa araw ng Linggo. Ang Sabado, tulad ng Biyernes, ay isang araw na nahirapan silang tiisin.

Sa mahabang pagkaospital ng aming anak, naranasan namin ang isang parang walang-katapusang Sabado. Naharap kami sa labis na kawalang-katiyakan kaya hindi namin alam ang mangyayari kinabukasan. Sa nakakatakot na mga sandali na mukhang mamamatay si Alexis, hindi namin makita na bubuti ang sitwasyon kalaunan, ni hindi kami nakadama ng pag-asa.

Pero sa karanasang iyon, nalaman ko na alam na alam ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak ang nangyayari sa amin at ang aming mga pagsubok. Nagpapasalamat ako sa Tagapagligtas at namamangha ako sa Kanyang Pagbabayad-sala. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong tumanggap ng walang-alinlangang tulong para malampasan ang mga Sabado sa ating buhay kapag patuloy tayong umasa sa mga pagpapala sa hinaharap.

Nagtagumpay ang operasyon kay Alexis. Ipinagdiwang niya kamakailan ang kanyang ikatlong kaarawan. Sa kabila ng pinagdaanan niya, isa siyang masayang batang paslit na mahilig ngumiti at makipagkilala sa mga taong baguhan sa parke sa aming lugar. Hindi siya makapagsalita dahil sa tubo sa kanyang lalamunan, pero mahilig siyang mag-sign language tungkol sa mga kulay at magbasa ng mga aklat. Mapalad kaming makasama siya sa bawat sandali na gising kami.