Digital Lamang
Pagtitiwala sa Panginoon: Ang Aking Pinakamagandang Natutuhan
Ang Panginoon ay gumagawa ng paraan kapag sinusunod natin ang Kanyang mga pahiwatig at kautusan.
Ang mga karanasan natin sa buhay ay nilayong palalimin ang ating tiwala sa Diyos at ang ating ugnayan sa Kanya. At ang pag-aaral ay hindi eksepsiyon diyan. Natutuhan ko mula sa personal na karanasan na karaniwan ay walang magandang oras para pumasok sa paaralan, ngunit palaging magandang oras ito para magtiwala sa Panginoon. Gusto kong magbahagi ng ilang karanasan kung saan marami akong natutuhan tungkol sa pananampalataya sa tunay na paraan.
Nagtrabaho ako sa Disney Interactive Studios nang mga 13 taon bilang artist at producer, at isang araw nang pindutin ko ang elevator button paakyat sa opisina, nadama ko na hindi ako dapat naroon. Kinalimutan ko muna iyon at patuloy akong nagtrabaho. Paano ko iiwan ang isang trabaho na matatag at gusto ko? Paano ko iiwan ang mabubuting taong minahal ko at nakatrabaho ko sa nakalipas na dekada o mahigit pa?
Pero patuloy kong nadama ito, at alam kong hindi mawawala ang damdaming ito. Sinikap kong magplano para may kalalagyan ako bago umalis, pero gaano man ako nagsikap, hindi ito nangyari. Kaya umalis ako nang walang trabaho o oportunidad. Umiyak ako at nagkaroon ng maraming malalim at taos-pusong pakikipag-usap sa aking Ama sa Langit sa panahong ito.
Ang natutuhan ko ay ang plano na hindi magkaroon ng plano. Nalaman ko kung sino ako nang hindi alintana ang aking titulo, propesyon, o katayuan. Bagama’t napakasakit ng pagbabagong ito, napakahalaga para sa akin na malaman ang tungkol sa sarili ko at sa kaugnayan ko sa aking Ama sa Langit. Dalawang buwan lang matapos akong umalis, ang studio na akala ko ay matatag ay nagsara nang hindi inaasahan at walang babala.
Sa karanasan ko sa pag-alis sa Disney, pinagnilayan at sinaliksik ko ang pahayag na ito mula kay Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang seguridad ay hindi nagmumula sa labis na kayamanan kundi sa di-matatawarang pananampalataya.”1 Ang tunay na seguridad at kapayapaan natin ay nagmumula sa pananampalataya kay Jesucristo. Ang pananampalatayang iyan kay Cristo ay isang pagpiling magagawa natin. Nagpapasalamat ako na tinulutan Niya ako na piliin Siya.
Makalipas ang isang buwan, nadama ko na dapat akong maghanap ng trabaho na may kaugnayan sa pagkakawanggawa at non-profit work. Ang mga requirement sa trabaho ang naging dahilan para alamin ko ang tungkol sa isang degree, ang Master of Public Administration sa BYU. Hindi ako nagplanong mag-aral muli matapos kong matanggap ang bachelor’s degree ko. Ngunit ipinakita Niya sa akin na may magandang naghihintay sa akin o, sa madaling salita, higit pa ang mararating ko kaysa sa inaakala ko.
Ang deadline ng graduate school application ay ilang araw na lamang, ngunit sa tulong Niya kahit paano ay naisumite ko ang lahat ng kailangang papeles, rekomendasyon, at interbyu. Natanggap ako sa grad school at, pagkatapos niyon, natanggap ako bilang manager ng animation team ng Simbahan, isa pang di-inaasahang oportunidad.
Ngayon ay magsisimula ako sa grad school at sa bagong mahirap na trabaho, at patuloy na naglilingkod bilang ward Young Women president ng mahigit 50 kabataang babae. Parang hindi ito posible, pero tama ang nararamdaman ko sa lahat ng ito. Kaya nagtiwala ako sa Kanya. Siya lamang ang makapagpapakita sa akin kung paano ko ito magagawa, at ipinakita nga Niya sa akin.
Sa loob ng tatlong taon ko sa grad school, patuloy kong nakikita ang Kanyang kapangyarihan na nagpalakas sa akin sa mga paraang hindi ko inakalang posible. Hinawi Niya ang “Dagat na Pula” (tingnan sa Exodo 14) ng aking buhay, at gumawa ng paraan para mangyari ang mga bagay-bagay at para lumawak ang aking mga kakayahan.
Ang Panginoon ay gumagawa ng paraan kapag sinusunod natin ang Kanyang mga pahiwatig at kautusan. Ipinahayag ng propetang si Nephi ang katotohanang ito nang sabihing niyang, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila” (1 Nephi 3:7).
Ang Panginoon ay maghahanda ng paraan para maisakatuparan natin ang mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin. Kung nahihirapan kayo sa pinansyal o sa pag-aaral, dapat ninyong malaman na kung nadarama ninyong mag-aral sa panahong ito, maghahanda ang Panginoon ng paraan tulad ng ipinahayag ni Nephi. Magtiwala sa Kanya. Mahal Niya kayo at hangad Niyang pangalagaan kayo at gagawin Niya ito kung pipiliin ninyong manampalataya sa Kanya.
Sa abalang panahong iyon bilang estudyante, may mga panahon na kinailangan kong pumili kung tutulungan ko ang mga kabataang babae sa mga aktibidad ng ward o mag-aaral para sa aking mid-terms. Pinili kong pakinggan ang Tinig ding iyon na umakay sa akin patungo sa lugar na iyon at nagpasiya akong samahan ang mga kabataang babae. Pagkatapos ay nagdasal ako at ginawa ko ang lahat para mag-aral sa nalalabing oras ko.
Sa mga panahong kukuha ako ng pagsusulit at kahit paano’y maganda ang resulta nito—laging mas maganda kaysa inaasahan ko. Ang Panginoon ay napakamaawain at napakabait. Mahalagang aral iyan na natutuhan ko maliban pa sa aking pag-aaral: ang katangian ng Diyos at ang Kanyang pagmamahal sa akin bilang Kanyang anak.
Ang isa pang natututuhan ko mula sa aking pag-aaral ay na kapag inuna natin ang Panginoon at tinupad ang ating mga tipan sa Kanya, lahat ng bagay ay naaayos sa tamang kinalalagyan ng mga ito, at natatanggap natin ang kaloob ng Kanyang kapayapaan at tulong sa gitna ng unos. Napapayapa tayo dahil alam natin na kasama natin Siya. Kapag pinili natin Siya, mabibiyayaan tayo ng lahat ng kailangan natin kapag dumaranas tayo ng mga hamon na inilagay Niya sa ating harapan.
Mahal ko ang Panginoon. Pinatototohanan ko na pinamumunuan Niya ang Simbahang ito sa pamamagitan ng ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Sa pamamagitan ng Kanyang sakripisyo magkakaroon tayo ng kapayapaan, na hindi maabot ng pag-iisip (tingnan sa Filipos 4:7). Ang Kanyang kapayapaan at pagmamahal ang magpapalakas sa atin sa gitna ng imposible o di-kanais-nais na mga pangyayari. Maghahanda Siya ng paraan, kapag tinupad natin ang ating mga tipan at nagtiwala sa Kanya nang buong puso (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5). Ito ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan sa lupa, at nasa atin ang kabuuan ng Kanyang ebanghelyo. Alam kong Siya ay buhay at mahal Niya kayo! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.