2023
Ministering nang May Pusong Nagpapasakop
Abril 2023


“Paglilingkod nang May Pusong Nagpapasakop,” Liahona, Abr. 2023.

Mga Alituntunin ng Ministering

Ministering nang May Pusong Nagpapasakop

Mapagbubuti ng higit na pagpapasakop at kahandaang magsakripisyo ang kakayahan nating mag-minister na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

lalaki at babaeng nagdarasal

Jesucristo: Ang Ating Halimbawa ng Sakripisyo at Pagpapasakop

Sa buong buhay Niya, naging handa si Jesucristo na isakripisyo ang kaginhawahan at kapanatagan upang mag-minister sa iba. Wala nang mas lilinaw pa kaysa sa Halamanan ng Getsemani at sa mga kaganapang humantong sa Kanyang sakripisyo sa krus. Nagpasakop ang Tagapagligtas sa kalooban ng Kanyang Ama. Naging handa Siyang isakripisyo ang Kanyang Sarili para sa iba, pati na sa magnanakaw na katabi Niya, sa malulupit na kawal, at sa mga taong hindi tumanggap sa Kanya (tingnan sa Lucas 23:34, 39–43).

ang Pagpapako kay Cristo sa Krus

The Crucifixion of Christ [Ang Pagpapako kay Cristo sa Krus], sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Sakripisyo at Pagpapasakop sa Ministering

Ang matutong isuko ang ating puso sa Diyos ay mahalagang bahagi ng ministering dahil mahalagang bahagi ito ng pagiging katulad Niya. Hindi lamang tayo tinutulungan nitong maabot ang ating ganap na potensyal, kundi ginagawa tayo nitong mas may kakayahang pagpalain ang iba.

“Ang pagsuko ng puso sa Diyos ay hudyat ng huling yugto ng ating espirituwal na pag-unlad,” pagtuturo ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Pagkatapos lamang noon tayo magsisimulang maging lubos na kapaki-pakinabang sa Diyos! Paano natin taimtim na maipagdarasal na maging kasangkapan tayo sa Kanyang mga kamay kung hangad nating tayo ang magsabi sa Kanya kung paano tayo kakasangkapanin?”1

Handa ba tayong tumanggap ng mga tungkulin o sundin ang mga pahiwatig na maglingkod, kahit hindi iyon madali? Handa ba tayong magpasakop sa kalooban ng Diyos at magsakripisyo ng ating oras at mga talento para pagpalain ang ibang nangangailangan sa atin, kahit nagkasala sila sa atin noong araw? Kung tutugon tayo na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, nang nagsasakripisyo at nagpapasakop, walang ipinagagawa sa atin na magiging imposibleng gawin (tingnan sa Marcos 14:36; Juan 19:30).

Pagkakaroon ng Pusong Nagpapasakop

Habang nakikilala natin ang Tagapagligtas, mas malalaman natin ang dapat nating gawin para makapag-minister para sa Kanya. Paano tayo maaaring magkaroon ng katangiang magpasakop na tulad ni Cristo?

  1. Maaari nating alalahanin ang lahat ng nagawa ng Diyos para sa atin. At maaari nating alalahanin na dahil ang Diyos ang nagbigay ng lahat ng mayroon tayo, ang pagpapasakop ng ating kalooban sa Kanya ang tanging bagay na tunay na atin para ibigay sa Kanya.2

  2. Maaari tayong mag-ayuno at ipagdasal na magkaroon ng pusong nagpapasakop (tingnan sa Alma 13:28; Helaman 3:35).

  3. Kapag nadama natin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo, maaari tayong maging tapat sa pagsuko at pagsunod sa mga iyon nang mas palagian (tingnan sa Mosias 3:19).

  4. Maaari nating tapat na suriin ang ating buhay at tanggapin ang pagwawasto ng Espiritu. Isipin ang sumusunod na mga tanong mula kay Pangulong Russell M. Nelson:

    1. “Handa ba kayong gawing pinakamahalagang impluwensya sa buhay ninyo ang Diyos?”

    2. “Tutulutan ba ninyong mauna ang Kanyang tinig kaysa sa iba?”

    3. Handa ba kayong unahin ang anumang kailangan Niyang ipagawa sa inyo kaysa sa lahat ng iba pang ambisyon?”

    4. Handa ba kayong magpasakop ng inyong kalooban sa Kanya?”3

  5. Mangako at magplanong alisin ang anumang bagay sa inyong buhay na mas nauuna sa kalooban ng Diyos. Kapag nagsasakripisyo tayo para sa Kanya, pinagpapala tayo.4