2023
Personal na Marinig ang Tinig ng Espiritu
Abril 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Personal na Marinig ang Tinig ng Espiritu

Ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay nangungusap sa atin sa iba’t ibang paraan—nasa atin na ang matutuhang mahiwatigan ang tinig ng Espiritu.

missionary na nakaupo sa isang bangko

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Nais ng Ama sa Langit at ni Jesucristo na magkaroon ng malalim at personal na ugnayan sa bawat isa sa atin, at marami Silang alam tungkol sa atin—maging sa ating personalidad—kaya alam Nila kung paano Nila tayo maiimpluwensyahan. Naniniwala ako na madalas nilang ipinadadala ang Espiritu upang makipag-ugnayan sa atin sa mga paraan na personal nating mahihiwatigan (tingnan sa 2 Nephi 31:3).

Sa pag-aaral ng psychology, marami akong natutuhan tungkol sa mga personalidad. Lahat ng tao ay tumatanggap at nagpoproseso ng impormasyon sa iba’t ibang paraan. At marahil ay katulad rin ito sa paraan na nadarama natin ang Espiritu.

May iba’t ibang paraan para madama ang Espiritu Santo at makatanggap ng mga sagot. Halimbawa, sinabi ni Enos, “Masdan, ang tinig ng Panginoon ay sumaisip ko” (Enos 1:10). Itinuro ni Pablo na ang Espiritu ay dumarating bilang damdamin ng “pag-ibig, kagalakan, kapayapaan, pagtitiyaga, kagandahang-loob” (Galacia 5:22; tingnan din sa talata 23). At nalaman ni Joseph Smith na siya ay nakatatanggap ng paghahayag dahil isang ideya ang “sumasaklaw sa [kanyang] isipan, at tumitimo ito sa [kanyang] damdamin nang napakatindi” (Doktrina at mga Tipan 128:1).

Isinasaalang-alang ang payo ng mga propeta na hangarin ang Espiritu, lagi kong iniisip kung paano ko pinakamainam na makikilala ang Kanyang tinig sa aking buhay at kung kakausapin Niya ako sa paraang talagang espesyal sa akin.

Matutuhang Mahiwatigan ang Espiritu

Habang lumalaki ako inakala ko na ang Espiritu ay nagsasalita lamang sa tinig na naririnig, na nagpaisip sa akin na iilan lang ang may pribilehiyong marinig ang tinig na iyon. Kaya nang makilala ko ang mga missionary at tanggapin ang kanilang paanyaya na manalangin sa Ama sa Langit para sa pagpapatibay na ang ebanghelyo ay totoo, inasahan kong makaririnig ako ng isang tinig. At nalungkot ako nang wala akong narinig. Kahit nadama kong totoo ang kanilang mensahe, atubili akong magpabinyag dahil hindi ko narinig ang tinig ng Espiritu.

Nang mabinyagan at magpatotoo ang mga miyembro ng aking pamilya, pakiramdam ko ay may ginagawa akong mali, dahil hindi ako “kinakausap” ng Ama sa Langit. Nang magpunta ang aking ina at kuya sa templo, nadama ko na talagang bahay ng Panginoon ang templo at kailangan kong maghandang pumunta roon balang-araw. Ngunit hindi ko pa rin naunawaan na ang mga nadarama ko ay mga pahiwatig ng Espiritu.

Isang araw, nagbabasa ako mula sa Aklat ni Mormon kasama ang mga missionary, at malakas ang pakiramdam ko na totoo ang binabasa namin. Sinabi ko sa mga elder ang nadama ko, at tinulungan nila akong maunawaan na ang patotoong nadama ko ay ang Banal na Espiritu na nangungusap sa akin. Sa sandaling iyon natanto ko na nadarama ko na noon pa ang Espiritu sa napakaraming paraan, ngunit hindi ko naisip na magkakaiba ang pakikipag-usap Niya sa atin. Tinanggap ko ang paanyaya na mabinyagan sa araw na iyon.

Ang Presensya ng Espiritu sa Buhay Ko

Marami sa atin ang maaaring nahihirapang madama ang Espiritu o malaman kung Siya ay nangungusap sa atin. Ngunit kung matututuhan natin ang iba’t ibang paraan ng pakikipag-ugnayan Niya sa atin at humihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit, matutukoy natin ang mga pahiwatig, kahit sa paraan na iba sa inaasahan natin.

Napansin ko na para sa akin, laging dumarating ang mga pahiwatig sa pamamagitan ng aking damdamin. Bago pa man ako sumapi sa Simbahan, lagi akong nagkakaroon ng matinding damdamin na ang ebanghelyo ay totoo. Naaalala ko noong dumalo ako sa sacrament meeting sa unang pagkakataon at nakadama ng kapayapaan, na ngayon ay natutukoy ko na Espiritu pala.

Kahit natanto ko na madalas akong kausapin ng Espiritu sa pamamagitan ng aking damdamin, natututo pa rin ako kung paano mahihiwatigan ang Kanyang presensya sa buhay ko araw-araw.

Nagbigay ng payo si Pangulong Russell M. Nelson kung paano natin malalaman na nagsasalita ang Espiritu sa atin: “Ipanalangin sa pangalan ni Jesucristo ang inyong mga alalahanin, ang inyong mga takot, mga kahinaan—oo, ang pinakainaasam ng inyong puso. At makinig! Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga bagay na ipinahiwatig sa inyong gawin. Habang inuulit ninyo ang prosesong ito araw-araw, buwan-buwan, taun-taon, kayo ay ‘uunlad sa alituntunin ng paghahayag’ [Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 153].”1

Kapag nagsikap tayong mahiwatigan ang Espiritu, maaalala natin na kilala Niya tayo at nangungusap Siya sa bawat isa sa atin. Kung mamumuhay tayo nang marapat para sa Kanyang patnubay at mananampalataya kay Jesucristo, mahihiwatigan natin ang Kanyang tinig at hahayaan Siyang gabayan tayo.