“Gawing Panahon ang Pasko ng Pagkabuhay para Alalahanin ang Tagapagligtas,” Liahona, Abr. 2023.
Gawing Panahon ang Pasko ng Pagkabuhay para Alalahanin ang Tagapagligtas
Narito ang ilang araw-araw na debosyonal—iminungkahing mga talata sa banal na kasulatan, sining, at musika—para tulungan kayong espirituwal na maghanda para sa Pasko ng Pagkabuhay.
Para sa marami sa atin, ang pagdiriwang ng pagsilang ni Jesus sa Pasko ay mas natural kaysa paggunita sa Kanyang pagdurusa, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli sa Pasko ng Pagkabuhay. Ang pamilyar at masasayang tradisyon ng Pasko ay nagsisimula nang maaga sa buwan ng Disyembre. Subalit kailangan nating alalahanin ang itinuro ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Hindi magkakaroon ng Pasko kung walang Pasko ng Pagkabuhay. Ang sanggol na si Jesus ng Betlehem ay magiging pangkaraniwang sanggol kung wala ang pagtubos ni Cristo sa Getsemani at sa Calvario, at ang matagumpay na katunayan ng Pagkabuhay na Mag-uli.”1
Kamakailan lamang, sa Linggo ng Palaspas noong 2021, inanyayahan tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na gawing mas banal ang linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay:
“Matapos ang lahat ng ginawa ni Jesucristo para sa inyo, inaanyayahan ko kayong gumawa ng isang bagay sa linggong ito para masunod ang Kanyang mga turo. …
“Ngayong Pasko ng Pagkabuhay, hinihikayat ko kayong magtuon sa Tagapagligtas.”2
Ang mga sumusunod ay ilang mungkahi na makakatulong sa inyo na magtuon sa Tagapagligtas sa buong linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay. Bagama’t nauunawaan ng mga iskolar sa loob at labas ng Simbahan na hindi natin palaging matitiyak kung anong mga araw nangyari ang mga kaganapang ito, ang naibigay natin ay pang-araw-araw na iskedyul ng debosyonal.3 Nagbibigay ito sa mga indibiduwal at pamilya ng isang bagay na pag-aaralan at aalalahanin sa bawat araw ng buong linggo hanggang sa Pasko ng Pagkabuhay.
Ginamit na natin ang mga ideyang ito sa sarili nating mga pamilya sa loob ng ilang taon at nakatulong ang mga ito. Hindi ito opisyal na programa ng Simbahan, ngunit nadarama natin na ang sadyang paghahanda para sa Pasko ng Pagkabuhay ay magpapalakas sa ating pananampalataya at pananatilihin si Cristo sa sentro ng pista-opisyal. Kapag hinaluan ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan tungkol sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas ng pagninilay, panalangin, musika, sining, at makabuluhang mga tradisyon, maaari itong magbigay ng inspirasyon sa personal na tradisyon o tradisyon ng pamilya.
Linggo ng Palaspas
Ang Linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ang nagpapasimula sa huling linggo ng buhay ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng paggunita sa pagpasok ni Jesus sa Jerusalem nang iwagayway ng mga taong sumusunod sa Kanya ang mga sanga ng palaspas at ipahayag Siyang Hari.
Tulad ng napansin ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Akmang-akma na sa linggong ito, mula Linggo ng Palaspas hanggang umaga ng [Linggo ng Pagkabuhay], ay ibinabaling natin ang ating mga isipan kay Jesucristo, ang pinagmumulan ng liwanag, buhay, at pagmamahal.”4 Sa paggunita sa isang pagkakataon sa Kanyang ministeryo na kinilala ng marami si Jesus bilang Hari na Siya naman talaga, makakaasa tayo sa Kanyang maluwalhating Ikalawang Pagparito, kung kailan paparito Siya para mamuno at maghari sa buong mundo.5
Mga Banal na Kasulatan
-
Matagumpay na Pagpasok: Marcos 11:1–10; or Mateo 21:1–11; Lucas 19:28–40; Juan 12:12–19
-
Ang unang panaghoy ni Jesus sa Jerusalem: Lucas 19:41–44
-
Si Jesus at ang templo: Mateo 21:12–17; o Lucas 19:45–48
Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Paano natin gagamitin ang linggong ito upang makapaghanda para sa Pasko ng Pagkabuhay?
Sining
-
Minerva Teichert, Christ Entering Jerusalem [Pagpasok ni Cristo sa Jerusalem]
-
Walter Rane, Triumphal Entry [Matagumpay na Pagpasok]
Musika
-
“Luwalhati at Papuri” (Mga Himno, blg. 38)
-
“Hosanna” (Children’s Songbook, 66–67)
Lunes
Nakatala sa Marcos 11 na isinumpa ni Jesus ang puno ng igos na walang bunga. Sa pag-uugnay ng himalang ito sa paglilinis ng templo, maaaring iminumungkahi ni Marcos ang pagtatakwil sa mga taong nagpapahayag na mga tao sila ng Diyos ngunit walang ibinubunga sa sarili nilang buhay. Ang pagninilay tungkol sa mga ginawa at turo ni Jesus sa sumusunod na mga talata sa banal na kasulatan ay naghahanda sa atin na ipagdiwang ang Kanyang pagdaig sa kasalanan at kamatayan at itinutuon ang ating isipan sa Kanyang maluwalhating pagbalik at paghahari sa hinaharap.
Sabi ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakikigalak tayo sa mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli at sa ipinangako sa atin na pagkabuhay na mag-uli. Nawa’y paghandaan natin ang Kanyang pagparito sa palaging pagsasaisip sa maluluwalhating pangyayaring ito kasama ang mga taong mahal natin. … Pinatototohanan ko na Siya ay buhay. ‘Halina, Hari ng Lahat’ [Mga Himno, blg. 32.”6
Mga Banal na Kasulatan
-
Pagsumpa sa puno ng igos: Marcos 11:12–14, 20–26; o Mateo 21:18–22
-
Paglilinis ng templo: Marcos 11:15–19
-
Pagtuturo sa templo: Lucas 19:47–48
-
Pagtatakwil sa Israel na walang pananalig: Marcos 11:27–12:12; o Mateo 21:23–22:15; Lucas 20:1–19
-
Si Jesus at ang parating na oras: Juan 12:20–36
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Sa anong mga paraan natin nakikita na sumisibol ang mabuting bunga sa ating buhay?
-
Paano natin maitataas si Jesucristo bilang ilaw ng sanlibutan?
-
Ano ang itinuturo sa atin ng paglilinis ng templo tungkol sa kahalagahan ng templo?
Sining
-
James Tissot, Jesus Goes Out to Bethany in the Evening [Nagpunta si Jesus sa Betania sa Gabi]
-
James Tissot, The Pharisees Question Jesus [Tinanong ng mga Fariseo si Jesus]
Musika
-
“Halina, Hari ng Lahat” (Mga Himno, blg. 32.)
-
“Beautiful Savior” (Children’s Songbook, 62‒63)
-
“We Love Thy House, O God” (Hymns, no. 247)
-
“Templo’y Ibig Makita” (Aklat ng mga Awit Pambata, 99.)
Martes
Tinanong si Jesus ng mga awtoridad sa relihiyon at pulitika sa Jerusalem, na nagtatangkang hanapan Siya ng mali. Halos kasabay nito, sinusuri ng mga saserdote sa templo kung may dungis ang mga kordero bago dumating ang piging ng Paskua. Dinala rin ni Jesus ang ilan sa Kanyang pinakamalalapit na disipulo sa Bundok ng mga Olibo, kung saan ipinropesiya Niya ang darating na pagkawasak ng Jerusalem at ang huling paglipol sa masasama sa katapusan ng mundo.
Tungkol sa paghatol sa araw na iyon, itinuro na ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kung alam nating haharap tayo sa Panginoon bukas … ano ang gagawin natin ngayon? … Nagpapatotoo ako kay Jesucristo, na darating Siya, tulad ng pangako Niya. At dalangin kong maging handa tayo sa pagharap sa Kanya.”7
Mga Banal na Kasulatan
-
Mga pagtatangkang hulihin si Jesus sa Kanyang mga salita: Marcos 12:13–37; o Mateo 22:15–46; Lucas 20:20–47
-
Pitong kapighatian ng propeta: Mateo 23:13‒36
-
Ang handog ng babaeng balo: Marcos 12:41–44; o Lucas 21:1–4
-
Ang pangalawang panaghoy ni Jesus sa Jerusalem: Mateo 23:37‒39
-
Bundok ng mga Olibo: Marcos 13:1–37; o Mateo 24–25; Lucas 21:5–38
-
Buod ng turo ni Jesus: Lucas 21:37–38; Juan 12:37–50
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Ano ang itinuturo sa atin ng mga talinghaga ng sampung dalaga at ng mga tupa at kambing tungkol sa mga bagay na kailangan nating gawin upang makapaghanda para sa Ikalawang Pagparito?
-
Paano natin maibibigay ang lahat natin sa Panginoon kapag minamahal at pinaglilingkuran natin ang iba?
Sining
-
Liz Lemon Swindle, The Widow’s Mite [Ang Lepta ng Balo]
Musika
-
“Jehova na Panginoon ng Langit at Lupa” (Mga Himno, blg. 170)
-
“Sa Kanyang Pagbabalik” (Aklat ng mga Awit Pambata, 46–47)
Miyerkules
Nakatala sa Marcos 14 ang pagsasabwatan ng mga lider ng Jerusalem laban kay Jesus at ang pagpayag ni Judas Iscariote na ipagkanulo ang Tagapagligtas. Gayunman, sa pagitan ng dalawang salaysay na ito, may magandang tagpo kung saan pumasok ang isang babae sa isang piging sa Betania at pinahiran ng langis si Jesus. Hindi lamang nito inihanda si Jesus para sa Kanyang darating na libing, kundi tila may patotoo rin ito na Siya ang hinirang na Hari at ang Tagapagligtas ng sanlibutan.
Tungkol sa paglilingkod ng babaeng ito, sinabi ni Pangulong Linda K. Burton, dating Relief Society General President: “Nawa’y … tumulong [tayo] nang may [pagkakaisa] sa pagtulong sa mga nangangailangan kapag kaya natin at inspirado tayong gawin iyon. Sa gayon marahil ay masasabi tungkol sa atin, tulad ng sinabi ng Tagapagligtas sa isang mapagmahal na babaeng naglingkod sa Kanya: ‘Mabuting gawa ang ginawa niya sa akin. … Ginawa niya ang kanyang makakaya’ [Marcos 14:6, 8].”8
Mga Banal na Kasulatan
-
Ang masamang balak na patayin si Jesus: Marcos 14:1–2; o Mateo 26:1–5; Lucas 22:1–2
-
Pinahiran ng langis ng isang babaeng hindi pinangalanan si Jesus: Marcos 14:3–9; o Mateo 26:6–13
-
Pumayag si Judas na ipagkanulo si Jesus: Marcos 14:10–11; o Mateo 26:14–16; Lucas 22:3–6
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Paano tayo mananatiling tapat sa Tagapagligtas sa kabila ng oposisyon mula sa mundo?
-
Ano ang magagawa natin para paglingkuran ang iba sa maliit at makabuluhang mga paraan?
Musika
-
“Pag-ibig na Luwalhati ni Cristo” (Mga Himno, blg. 184). Kasama sa himnong ito ang magagandang linyang, “Pag-ibig na nagbubuklod, / Mag-anak ang binubunsod, / Walang hangganan ang lukob— / Puso ko’y puspusin.” Ang mga pagtukoy ng himnong ito sa pag-ibig “na sa pait pumapawi” at ginagawang kaibigan ang kaaway ay kabaligtaran ni Judas, na tumalikod sa kanyang kaibigan nang gabing iyon.
Sining
-
James Tissot, Conspiracy of the Jews [Pagsasabwatan ng mga Judio]
-
James Tissot, The Meal in the House of the Pharisee [Ang Hapunan sa Bahay ng Fariseo]
Huwebes
Noong gabi bago Siya ipinako sa krus, kumain ng Huling Hapunan si Jesus kasama ang Kanyang mga disipulo. Sa hapunang ito, itinatag Niya ang sakramento, hinugasan ang mga paa ng Kanyang mga kaibigan, at binigkas ang Kanyang huling mga turo. Pagkatapos sa Halamanan ng Getsemani, taimtim Siyang nanalangin sa Ama, na nagpapasakop sa Kanyang kalooban at inaako sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan, kahinaan, pighati, pasakit, at kalungkutan. Matapos ipagkanulo ni Judas Iscariote at talikuran ng Kanyang mga kaibigan, dinakip si Jesus at dinala sa mataas na saserdote at iba pang mga pinunong Judio, kung saan pinagtatanong Siya at inabuso.
Tinawag ito ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol na “pinakamalungkot na paglalakbay”9 at binanggit na “ang mga oras na paparating … ay [binago] ang kahulugan ng kasaysayan ng buong sangkatauhan. … Ang oras ng nagbabayad-salang sakripisyo ay dumating na. Ang sariling Anak ng Diyos, ang Kanyang Bugtong na Anak sa laman, ay malapit nang maging Tagapagligtas ng mundo.”10
Mga Banal na Kasulatan
-
Ang Huling Hapunan: Marcos 14:12–31; o Mateo 26:17–35; Lucas 22:7–38; Juan 13:1–30; ikumpara ang 1 Corinto 11:23‒26
-
Ang mga diskurso ng pamamaalam: Juan 13:31–17:26
-
Si Jesus sa Getsemani: Marcos 14:32–42; o Mateo 26:36–47; Lucas 22:39–46; Juan 18:1
-
Pagkakanulo at pagdakip kay Jesus: Marcos 14:43–52; o Mateo 26:47–56; Lucas 22:47–53; Juan 18:2–11
-
Si Jesus sa harap ng mga awtoridad na Judio: Marcos 14:43–65; o Mateo 26:57–68; Lucas 22:54–71; Juan 18:12–28
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Anong mga pagpapala ang natatanggap natin sa pamamagitan ng pagtanggap ng sakramento bawat linggo? Ano ang isinisimbolo ngayon ng tinapay at tubig?
-
Ibahagi sa isa’t isa ang inyong patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo (maaari din ninyong basahin ang Alma 7:11–13 o Doktrina at mga Tipan 19:15–20).
Sining
-
Carl Bloch, The Denial of Peter [Ang Pagtatatwa ni Pedro]
-
Walter Rane, This Do in Remembrance of Me [Gawin Ninyo Ito sa Pag-aalaala sa Akin]
Musika
-
Isang paboritong himno sa sakramento (tingnan sa Mga Himno, blg. 99–117)
-
Movements 9‒38 ng St. Matthew Passion ni Bach
-
Christ on the Mount of Olives ni Beethoven
Biyernes
Sa huling araw na iyon ng mortal na buhay ni Jesus, Siya ay pinagtatanong, sinuri, nilait, inabuso, at hinatulang ipako sa krus. Sa krus, natapos ni Jesus ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, inialay ang Kanyang buhay para sa ating lahat. Sa huli, inilibing Siya sa isang libingang inilaan ni Jose na taga-Arimatea.
Tungkol sa mga pangyayaring ito, itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Walang sinumang may kapangyarihang kunin ang buhay ng Tagapagligtas mula sa Kanya. … Hinayaan Niyang Siya’y mahagupit, makutya, magdusa, at sa huli [ay] mapako sa krus dahil sa Kanyang dakilang pagmamahal sa mga anak ng tao (tingnan sa 1 Nephi 19:9–10).”11
Mga Banal na Kasulatan
-
Si Jesus sa mga kamay ng mga Romano: Marcos 15:1–20; o Mateo 27:1–31; Lucas 23:1–25; Juan 18:29–19:16
-
Si Jesus ay ipinako sa krus: Marcos 15:21–32; o Mateo 27:32–44; Lucas 23:26‒43; Juan 19:17‒24
-
Ang mga huling sandali at salita ni Jesus sa mortalidad: Marcos 15:33–36; o Mateo 27:45–49; Lucas 23:44; Juan 19:25‒29
-
Pagkamatay at libing ni Jesus: Marcos 15:37–47; o Mateo 27:50–66; Lucas 23:45–56; Juan 19:30‒42
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Ang pag-alaala natin sa Pagpapako sa Krus ng Tagapagligtas ay maraming nagagawa sa paghubog ng ating karanasan sa Pasko ng Pagkabuhay. Maraming magagawa para gumanda ang pakiramdam sa painting na nakadispley at sa musikang pinatutugtog sa ating tahanan sa araw na ito. Bagama’t karaniwa’y hindi nagdidispley ang mga Banal sa mga Huling Araw ng maraming larawan ng pagdurusa ni Cristo o Pagpapako sa Kanya sa Krus, ito ay isang araw kung kailan maaaring angkop idispley ang gayong painting. Hindi natin palaging iniisip at pinag-uusapan ang pagkamatay ng Tagapagligtas o ang malupit na pagpatay sa Kanya. Sa halip, ipinagdiriwang natin ang Kanyang pagdaig sa kamatayan.
Sining
-
Antonio Ciseri, Ecce Homo
-
Alinman sa mga tagpong mabisang inilarawan ni James Tissot
-
Mga paglalarawan ng Pagpapako sa Krus tulad ng ginawa ni Carl Bloch, ni Harry Anderson, o ni J. Kirk Richards
Musika
-
Movements 39‒68 ng St. Matthew Passion ni Bach o ang buo niyang St. John Passion
-
Part 2 ng Messiah ni Handel
-
Movements mula sa The Redeemer ng Latter-day Saint composer na si Robert Cundick
-
“O Savior, Thou Who Wearest a Crown” (Hymns, no. 197)
-
“Doon sa Krus sa Kalbaryo” (Mga Himno, blg. 114)
-
“Masdan N’yo ang Anak ng Diyos” (Mga Himno, blg. 113)
-
“May Luntiang Burol” (Mga Himno, blg. 117)
Video
-
Bisitahin ang BibleVideos.org para matingnan ang mga pagtatanghal ng huling araw ng buhay ni Jesus, pati na ang paglilitis at Pagpapako sa Krus sa Kanya.
Sabado
Habang nakahiga ang katawan ni Jesus sa libingan, nagpunta ang Kanyang espiritu sa paraiso. Inorganisa Niya roon ang espiritu ng mga matwid para gumawa ng gawaing misyonero sa mga patay. Sa gawain sa templo, ginagawang posible niyan ang kaligtasan para sa mga taong nawalan ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo sa buhay na ito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138).
Kapag gumagawa tayo ng family history at gawain sa templo, nakikiisa tayo kay Cristo sa Kanyang gawaing magligtas. Itinuro ni Pangulong Hinckley: “Ang nangyayari sa bahay ng Panginoon … ay mas malapit sa diwa ng sakripisyo ng Panginoon kaysa anumang iba pang gawaing alam ko. Bakit? Dahil ginagawa ito ng mga taong buong layang nagbibigay ng oras at yaman, nang walang anumang inaasahang pasasalamat o gantimpala, upang gawin para sa iba ang hindi nila kayang gawin para sa kanilang sarili.”12
Mga Banal na Kasulatan
-
Isang bantay ang inilagay sa puntod: Mateo 27:62–66
-
Simbolismo ng mga pagkawasak at kadiliman na lumukob sa Bagong Daigdig nang mamatay si Jesus: 3 Nephi 8–10
-
Nagpatotoo si Jesus tungkol sa Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli: 3 Nephi 9:14‒22
-
Nagtungo si Jesus sa daigdig ng mga espiritu at inorganisa ang Kanyang gawain doon: 1 Pedro 3:18–19; 4:6; Doktrina at mga Tipan 138
Mga Paksa para sa Posibleng Talakayan
-
Paano tayo iniligtas ng pagkamatay at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo mula sa isang simbolikong kadiliman na katulad ng kadilimang naranasan ng mga tao sa Bagong Daigdig?
-
Ano ang ginawa ng Tagapagligtas sa daigdig ng mga espiritu habang nasa libingan ang Kanyang katawan?
-
Anong mga plano ang puwede nating gawin para makagawa ng gawain sa family history at makadalo sa templo?
Sining
-
James Tissot, The Watch over the Tomb [Ang Bantay sa Libingan]
Musika
-
Movements mula sa The Redeemer ng Latter-day Saint composer na si Robert Cundick
-
Requiem ng Latter-day Saint composer na si Mack Wilberg
Linggo ng Pagkabuhay
Ang pag-aaral ng mga salaysay tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli mula sa mga Ebanghelyo, pagkanta ng mga himno tungkol sa Pasko ng Pagkabuhay sa simbahan, at pagsasaya sa iba’t ibang tradisyon natin sa Pasko ng Pagkabuhay ay mahahalagang paraan ng pagdiriwang ng pagdaig ni Jesus sa kamatayan at ng himala ng libingang walang laman.
Pinatotohanan ni Pangulong Howard W. Hunter (1907–95): “Sa maganda at sagradong Sabado at Linggo ng Pagkabuhay, tiyak na walang doktrinang magiging paksa ng mas maraming sermon ni pakay ng mas maraming papuri kaysa sa nagbabayad-salang sakripisyo at literal na pagkabuhay na mag-uli ng Panginoong Jesucristo. At gayon din dapat sa Pasko ng Pagkabuhay at sa lahat ng iba pang panahon ng taon, sapagkat walang doktrina sa pamantayang Kristiyano na mas mahalaga sa buong sangkatauhan kaysa sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos. Sa pamamagitan niya mabubuhay na mag-uli ang lahat ng lalaki, babae, at batang naisilang—o isisilang pa lang—sa mundo.”13
Mga Banal na Kasulatan
-
Ang mga babae at ang libingang walang laman: Marcos 16:1–8; o Mateo 28:1–10; Lucas 24:1–11
-
Maria Magdalena, Pedro, at ang minamahal na disipulo sa libingan: Lucas 24:12; Juan 20:1–10
-
Si Maria Magdalena at ang nagbangong Panginoon: Marcos 16:9–11; o Juan 20:11–18
-
Dalawang disipulo sa daan patungong Emaus: Lucas 24:13–35; o Marcos 16:12–13
-
Mga unang pagpapakita sa mga disipulo sa Jerusalem: Lucas 24:36–48; o Marcos 16:14; Juan 20:20–25
-
Pagpapakita kay Tomas: Juan 20:26–29
-
Ang layunin ng ebanghelyo: Juan 20:30–31
Mga Aktibidad
-
Magtipon kayo ng inyong mga mahal sa buhay para sa isang debosyonal ng pamilya at isang espesyal na kainan sa holiday o pista-opisyal.
-
Mag-alay ng panalangin ng pamilya at magbahagi ng mga patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli.
-
Magsimba at tumanggap ng sakramento.
Sining
-
Minerva Teichert, Touch Me Not [Huwag Mo Akong Hipuin]
-
Harry Anderson, Behold My Hands and My Feet [Masdan ang Aking mga Kamay at Ang Aking mga Paa]
Musika
-
“Si Cristo Ngayo’y Nabuhay” (Mga Himno, blg. 120)
-
“S’ya’y Nabuhay!” (Mga Himno, blg. 119)
-
Part 3 ng Messiah ni Handel
Umaasa kami na matutulungan kayo ng mga ideyang ito na iukol ang linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay para gunitain ang buhay, kamatayan, at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesus. Tulad lang ng ang paggamit ng mga banal na kasulatan, sining, at musika hanggang sa Pasko ay makakatulong na mapanatili si Cristo bilang sentro ng holiday o pista-opisyal na iyon, ang paggawa nito sa Pasko ng Pagkabuhay ay makakatulong sa atin na maalala Siya at mapalakas ang ating pananampalataya sa Kanya.