2023
Mga Service Missionary na Nagtatayo ng Simbahan
Abril 2023


Digital Lamang

Mga Service Missionary na Nagtatayo ng Simbahan

Paano nakatulong ang mga service missionary sa buong kasaysayan ng Simbahan sa pagbabahagi ng ebanghelyo.

isang collage ng mga service missionary

Nang matapos ni Elder Nathaniel Johnson ang kanyang full-time mission, pinagnilayan niya ang nakaraang dalawang taon—ang mga ginawa niya, ang mga taong napagpala niya, at kung paano siya umunlad. Siya ay naatasang maglingkod sa isa sa 124 na bishop storehouse na pinamamahalaan ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo. Nagbababa siya ng mga suplay mula sa mga trak, naglalagay ng mga suplay sa mga istante, at pinananatiling malinis ang storehouse.

Para sa kanya, ang mga pinakamakabuluhang karanasan niya ay ang pagtulong sa mga patron na punan ang mga order para sa kinakailangang pagkain at kagamitan. Sabi niya, “Dinadala ko ang liwanag ni Cristo sa buhay ng ibang tao para malaman nila na bahagi sila ng plano ng Ama sa Langit.”

Sa abalang mga araw noong kasagsagan ng pandemyang COVID-19, napakaraming mga patron ang nakapila at ang storehouse ay bukas ng 10 oras kada araw. “Nalaman ko na kapag kasama natin ang Panginoon, magagawa natin ang anumang bagay at makakayanan natin ang anumang hamon,”1 ang sabi niya.

Ipinagpatuloy ni Elder Johnson ang matagal nang tradisyon ng mga missionary na tinawag na itayo ang Simbahan bukod pa sa pagtuturo. Simula noong mga unang araw ng Simbahan, ang mga missionary ay tinawag na maglingkod sa mga minahan, magpintura ng mural sa mga templo, magtipon ng genealogy, magtayo ng mga paaralan at gusali ng Simbahan, at tumulong sa welfare at humanitarian service. Ang mga pagsisikap nila ay nagsulong sa gawain ng Simbahan na pasiglahin at pagpalain ang mga anak ng Diyos sa intelektuwal, pakikipagkapwa, at temporal, gayundin sa espirituwal. Sa pagsisikap na ito, lumakas din ang patotoo ng mga missionary, at nagkaroon sila ng mga kasanayan at karanasan na hindi nila makakalimutan.

Mga Naunang Pagsisikap

Si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nagmimisyon kung minsan para sa iba pang mga layunin maliban sa pagtuturo. Noong Pebrero 24, 1834, halimbawa, tumanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag na nag-uutos sa kanya at sa pitong iba pa na “tipunin” ang “lakas ng sambahayan [ng Panginoon]” upang tubusin ang Sion (Doktrina at mga Tipan 103:22). Inutusan silang maglakbay sa “mga kongregasyon sa mga bansa sa silangan” at ipahayag na kailangan ang kalalakihan at salapi upang maisakatuparan ang pagtubos sa Sion (Doktrina at mga Tipan 103:29–40). Iniutos din kay Orson Hyde na kumolekta ng mga donasyon na magagamit ng Simbahan para bumili ng lupain sa Missouri at bayaran ang utang para sa Kirtland Temple.2

Noong maging Pangulo ng Simbahan si Brigham Young, tumawag siya ng mga indibiduwal para sa misyon na may mas maraming temporal na layunin, na nauunawaan na maging ang mga temporal na gawain ay may mga espirituwal na layunin. Noong 1856, nagtalaga siya ng mga missionary na naglakbay papunta sa Las Vegas para subukan ang pagmimina. Ang iba ay tinawag na magmina at magtunaw ng bakal.3 Ang ganitong uri ng mga temporal na misyon ay karaniwan noong ikalabingsiyam na siglo.

Mga Art Missionary

Noong huling taon ng ikalabingsiyam na siglo, nagpadala ang Simbahan ng mga piniling pintor para mag-aral sa Paris, France, upang makapagpintura sila ng mga mural sa Salt Lake Temple. Sina John Hafen, John B. Fairbanks, at Lorus Pratt ay tinawag at itinalaga noong 1890 bilang “mga art missionary.” Nag-aral sila sa prestihiyosong Académie Julian sa Paris. Tulad ng lahat ng missionary, umasa sila sa patnubay ng Panginoon at nadama ang Kanyang espiritu sa kanilang gawain. Isinulat ni John Hafen, “May patotoo ako na tutulungan ako ng Panginoon na maisakatuparan ang lahat ng kailangan sa taon na inilaan sa akin para manatili ako rito.”4 Ayon sa mga iskolar na sina Martha Elizabeth Bradley at Lowell M. Durham Jr., ang mga art missionary na ito ay “kakaiba. Simula noon ay hindi na tinangkang ulitin pa ang karanasang ito, bagama’t ang agarang mga resulta ng pagsisikap ay naging matagumpay.”5

Mga Education Missionary

Bukod pa sa pagpopondo ng mga indibiduwal na naghahangad na makapag-aral ng sining, tumawag ang Simbahan ng mga indibiduwal para mag-aral ng batas, engineering, at medisina. Ipinadala ni Brigham Young si Heber John Richards sa New York City noong 1867 upang magsanay sa Bellevue Hospital Medical College. Iniutos sa kanya na aktibong makibahagi sa kongregasyon ng mga Banal sa Lunsod ng New York at ipangaral ang ebanghelyo kapag walang klase. Tumugon si Romania Pratt sa panawagan ni Brigham Young na magkaroon ng mas maraming babaeng doktor. Bago siya umalis para mag-aral ng medisina sa Woman’s Medical College sa Philadelphia, Pennsylvania, USA, tumanggap ng basbas si Romania mula kay Pangulong Young, na nag-asikaso ng suportang pinansyal para kay Romania mula sa Relief Society.6

Ngayon, patuloy na sinusuportahan ng mga service missionary ang Church Educational System sa mga tungkuling tulad ng education specialist at teacher trainer.

Mga Genealogical Missionary

Ang gawaing magsagawa ng mga ordenansa para sa mga yumaong ninuno sa mga templo ay lumikha ng mahalagang pangangailangan para sa impormasyon tungkol sa genealogy. Marami ang nagboluntaryong maglakbay patungo sa mga archive at lupang sinilangan nila para tipunin ang mga ito. Bagama’t ang mga boluntaryong ito ay naglingkod nang walang opisyal na mga tungkulin, ginawa nila ito nang may basbas ng mga lider ng Simbahan. Patuloy na naglingkod ang mga boluntaryo sa mga tungkulin sa genealogy sa buong dekada ng 1900. Unti-unting ginawang opisyal ang kanilang paglilingkod. Noong 1979, tumawag ang Simbahan ng mga missionary na maglilingkod sa headquarters sa iba’t ibang katungkulan.7 Kaya natural lang noong 1981 na tumawag ng mga full-time missionary na maglilingkod sa Genealogical Library. Ngayon, ang mga missionary ay naglilingkod sa halos lahat ng aspekto ng gawain sa family history sa iba’t ibang panig ng mundo.8

Mga Building Missionary

Noong 1950, itinatayo ng Simbahan ang Liahona High School sa Tonga, ngunit hindi ito makahanap ng sapat na mahuhusay na manggagawa para makumpleto ito. Ang mission president sa Tonga ay “nagpasiyang tumawag ng isang grupo ng mga binatang Tongan para sa mga espesyal na misyon sa pagtatayo ng gusali.” Ang mga kabataang lalaking ito ay tumulong sa pagtatayo ng high school, tulad ng mga miyembro ng Simbahan sa Kirtland, Ohio, at Nauvoo, Illinois, na nagtrabaho para sa pagtatayo ng mga templo. Hindi nagtagal ay kumalat ang ideyang ito sa iba pang bahagi ng Pacific at kalaunan sa iba pang mga lugar sa buong mundo. Ang programa ay “biniyayaan ang maraming branch ng mga bago at magagandang chapel habang naglalaan ito ng vocational training para sa daan-daang kabataang lalaki.”9

Marami ang nagpasalamat sa pagkakataong maglingkod. Sinabi ni Boyd Richardson, na naglingkod sa isang proyekto ng pagtatayo ng gusali sa Ohio, “Natapos ko na ang isang proselyting mission dito sa U.S. at sa [kasagraduhan] ng karanasang iyon, iniiwan ko ang aking patotoo na ang kasiyahang nadama ng mga Builder ng Simbahan ay katulad ng nadama ng mga proselyting Elder.” Sabi pa ni Richardson, “Kung paano [nakaimpluwensya] ang proselyting mission sa buong buhay at pagkatao ng isang Elder, gayon din ang building mission.”

Napansin ng iba na ang programa mismo ng pagtatayo ay nakatulong sa pagdadala ng mga tao sa Simbahan at nagpalakas sa mga patotoo ng mga nabinyagang miyembro. Sabi ni Don H. Worthen, “Nakakatuwang tingnan ang mga tao sa pagdaan nila sa bawat araw at marinig ang kanilang mga komento. Nagiging interesado silang tumigil at magtanong, at pagkatapos ay nagkakaroon kami ng pagkakataong sabihin sa kanila ang tungkol sa ebanghelyo, at magpatotoo sa kanila.” Gayon din ang naisip nina James at Ruth Morse, na naglilingkod sa England. “Napansin namin ang malaking pagbabago ng saloobin ng mga di-aktibong miyembro sa Simbahan nang magsimula ang pagtatayo ng mga bagong chapel,” paliwanag ni Morses. “Tila ipinagmamalaki nila ang ginagawa ng [mga miyembro ng Simbahan] sa mga taong dinadala nila upang makita ito at pagkatapos ay sa maikling panahon, sila mismo ang nagtatrabaho sa proyekto at kadalasan, sila ay nagiging aktibong muli sa mga tungkulin sa Simbahan.”10

Ngayon, patuloy na sinusuportahan ng mga missionary ang pagpapanatili ng gusali sa iba’t ibang panig ng mundo sa iba’t ibang paraan depende sa mga lokal na pangangailangan.

Mga Welfare Missionary

Maraming mga indibiduwal at mag-asawa ang nakapaglingkod na sa internasyonal at lokal na mga welfare mission. Ang pagkakaiba-iba at saklaw ng kanilang paglilingkod ay lumawak kapwa sa buong mundo at ayon sa iba’t ibang pangangailangan ng mga tao. Habang naglilingkod sila sa mga proyekto kabilang na ang pagtuturo at praktikal na tulong sa seguridad ng pagkain, tulong medikal, pananahi, proyekto para sa malinis na tubig, at literasiya na tutulong sa mga may kapansanan, tinularan ng mga welfare missionary ang halimbawa ng Tagapagligtas na pangalagaan ang mga nangangailangan. Ipinapakita ng kanilang mga ulat ang espirituwal na bahagi ng temporal na paglilingkod na ito. Si Sister Connie Polve at ang kanyang kompanyon, kapwa mga nars na naglilingkod sa mga welfare mission sa Paraguay, ay tumulong sa pagpapagaling ng isang sanggol na may malalang impeksyon sa balat. Iniulat niya, “Malinaw kong nadama ang Espiritu Santo na bumaba sa akin at alam ko na hindi na ako kumikilos sa sarili ko, kundi naging literal na kasangkapan ako sa kamay ng Panginoon upang isagawa ang isang gawain para sa Kanya sa lupa.” Gumaling ang sanggol, at ang pamilya—na dati ay “walang pag-asa at nahihiyang mga tao”—ay nagkaroon ng “lakas at liwanag ni Cristo sa kanilang mukha.”11 Ngayon, mahigit 11,000 missionary ang nangangalaga sa mga nangangailangan sa 188 bansa.12

Isang Nagpapatuloy na Gawain ng Panginoon

Ngayon, patuloy na ginagawa ng mga service missionary ang gawain ng Panginoon sa iba’t ibang paraan. Maaaring kabilang sa mga pagkakataong iyon ang pagsuporta sa mga pangangailangan sa welfare, pagtulong sa mga indibiduwal at pamilya sa kanilang komunidad, pagtulong sa mga lokal na programa at operasyon ng Simbahan, pangangalaga sa mga pisikal na pasilidad, pagtulong sa komunikasyon, paggawa ng mga bagay na kailangan ng iba, pag-index at paggawa ng gawain sa family history, pakikipagtulungan sa mapagkawanggawang mga organisasyon, at marami pang iba. Kadalasan, ang mga missionary na ito ay maaari pa ngang maglingkod sa iba’t ibang tungkulin sa buong misyon nila habang nakikibahagi sila sa gawain ng Panginoon.

Ang mga kontribusyon ng mga henerasyon ng mga service missionary ay nakikiisa sa pagsisikap ng mga proselytizing missionary na itayo ang Simbahan at ang kaharian ng Diyos. Ang kanilang mga pagsisikap ay nagkakaugnay at nagiging isa, pinasisigla at pinagpapala ang mga anak ng Diyos sa lahat ng aspekto ng kanilang buhay. Ang mga missionary ay tumatanggap ng mga pagpapala batay sa kanilang sigasig sa tunay na iisang gawain: pagtulong sa Panginoong Jesucristo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan habang Kanyang “[isinasakatuparan] ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Mga Tala

  1. Nathaniel Johnson, interbyu ni John Heath, Okt. 20, 2022.

  2. Tingnan sa Alex D. Smith, Alexander L. Baugh, Brenden W. Rensink, Matthew C. Godfrey, at Max H. Parkin, eds., Documents, Volume 4: April 1834–September 1835, tomo 4 ng Documents series ng The Joseph Smith Papers, ed. Ronald K. Esplin at Matthew J. Grow (Salt Lake City: Church Historian’s Press, 2008), 82–84.

  3. Tingnan sa Morris A. Shirts at Kathryn H. Shirts, A Trial Furnace: Southern Utah’s Iron Mission (Provo, Utah: Brigham Young University Press, 2001).

  4. B. F. Larsen, “John Hafen,” hindi inilathalang manuskrito, Brigham Young University, Harold B. Lee Library, Special Collections, sa Martha Elizabeth Bradley at Lowell M. Durham Jr., “John Hafen and the Art Missionaries,” Journal of Mormon History 12 (1985), 99.

  5. Martha Elizabeth Bradley at Lowell M. Durham Jr., “John Hafen and the Art Missionaries,” Journal of Mormon History 12 (1985), 104.

  6. Tingnan sa Shana Montgomery, “Esther Romania Bunnell Pratt Penrose (1839–1932): An Uphill Climb,” sa Worth Their Salt, Too: More Notable But Often Unnoted Women of Utah, ed. Colleen Whitley (Logan, Utah: Utah State University Press, 2000), 29–39.

  7. Personnel Committee, President N. Eldon Tanner, Chairman, to Stake Presidents and Bishops on the Wasatch Front, Setyembre 5, 1979, Church History Library.

  8. Tingnan sa Experiences and Impressions of Genealogical Missionaries, 1981–1986, tomo 2, tinipon ni Zelda Merritt (Salt Lake City: Family History Library, 1986).

  9. R. Lanier Britsch, “The Church in the South Pacific,” Ensign, Peb. 1976, 27.

  10. Don H. Worthen, “Letter to Brother Mendenhall,” sa Testimonies of Church Building Supervisors and Church Builders, tinipon sa tanggapan ni Doris Taggart, Church History Library, 22; tingnan din sa James at Ruth Morse, “Testimony of James and Ruth Morse,” sa Testimonies of Church Building Supervisors and Church Builders, 22.

  11. Connie Polve, “Welfare Service Missionary Experience in Paraguay,” Church History Library.

  12. “Caring for Those in Need: 2021 Annual Report of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints,” latterdaysaintcharities.org.