“Edukasyon: Isang Espirituwal na Pagsusumikap,” Liahona, Abr. 2023.
Mga Pagpapala ng Self-Reliance
Edukasyon: Isang Espirituwal na Pagsusumikap
Ang Simbahan ay nag-aalok ng access sa mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo sa isang edukasyon na abot-kaya, online, at may espirituwal na batayan.
Tinawag ni Pangulong Russell M. Nelson ang edukasyon na “isang responsibilidad sa relihiyon.”1 Ngunit para sa maraming tao, ang edukasyon ay isang resource na mahirap makuha, na available lamang sa pinakamatalino o sa pinakamayayamang tao. Ipinaliwanag ni Brian K. Ashton, pangulo ng BYU–Pathway Worldwide, na sa maraming bansa, kung hindi ipapakita ng mga estudyante sa murang edad na kaya nilang magkolehiyo, wala silang pagkakataong makapag-aral sa hinaharap.2
Ngunit ang EnglishConnect at BYU–Pathway Worldwide (tingnan sa nakalakip na mga sidebar) ay nagbibigay ng mga pagkakataon sa mga miyembro ng Simbahan at kanilang mga pamilya at kaibigan na mas makapag-aral pa. Ang resources na ito ay nagbibigay ng pag-asa sa mga estudyante at nilayon para tulungan silang magtagumpay.
“Naglilingkod kami sa mga mag-aaral na adult, mga mag-aaral na first generation, at sinumang iba pang interesado sa isang abot-kayang pag-aaral online,” sabi ni Pangulong Ashton. “Para sa mga nagsasalita ng Ingles o gustong matuto ng Ingles, ang mga programang ito ay nagbibigay ng pagkakataong maturuan ng Espiritu Santo at maging katulad ng nais ng Diyos na kahinatnan nila. Iyan ay isang makapangyarihang mensahe para sa mga estudyante sa buong mundo.”
Ang Ating Pinakadakilang Kakampi sa Pag-aaral
Ang pinakadakila nating kakampi sa pagtatamo ng mas mataas na edukasyon ay hindi kung gaano tayo katalino kundi kung gaano tayo kasigasig na humingi ng tulong mula sa Espiritu Santo, sabi ni Pangulong Ashton. “Ang pagkatuto ay espirituwal na pagsusumikap, at ang pagkatuto sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay tinutulungan tayong matuto kung paano tumanggap ng paghahayag.”
Ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagtatamo ng degree o pagiging kwalipikado sa trabaho, dagdag pa ni Pangulong Ashton. “Mas malaki pa iyon kaysa riyan. Ito’y tungkol sa kung paano mamuhay, paano kumilos sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu Santo, at paano maging katulad ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.”
Sinabi ni Pangulong Ashton na kapag ginagawa natin ang mga bagay na nag-aanyaya sa Espiritu sa ating buhay, mapapabilis ng Espiritu Santo ang ating kakayahang matuto nang mas maayos at mas epektibo. Kabilang sa mga bagay na iyon ang pagsunod sa mga kautusan, pagiging masigasig, pagsampalataya, at pagsisimula ng ating pag-aaral sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal.
“Kapag natututo tayo ayon sa Espiritu Santo,” sabi niya, “nadarama natin ang masarap at nag-uumapaw na damdamin sa ating dibdib [tingnan sa Alma 32:28]. Mapapansin ang damdaming iyon kapag naging masaya ang pagkatuto! Tinutulungan tayo ng Church university system na magawa iyan, at para ito sa sinumang nais maturuan ng Espiritu Santo.”
Paghahayag at Pagkatuto
Sa pamamagitan ng EnglishConnect, tinanggap ni Haustia Rocha Ballam ang responsibilidad sa kanyang pag-aaral habang nadaragdagan ang kanyang patotoo sa ebanghelyo.
Ginusto ni Haustia Rocha Ballam na matuto ng Ingles para makakuha siya ng isang degree sa unibersidad sa pamamagitan ng BYU–Pathway Worldwide. Bilang bagong miyembro ng Simbahan, ginusto rin niyang matuto pa tungkol sa ebanghelyo. Ang EnglishConnect ang pagkakataon niya para magawa iyon pareho.
“Hindi ako marunong magsalita ng Ingles,” paggunita ni Haustia, mula sa Bahia, Brazil. “Ang nasasabi ko lang ay ‘Hi’ at ‘How are you?’”
Sabi ni Haustia, lagi niyang maaalala ang kanyang unang pagtitipon sa EnglishConnect in-person, kung saan inisip niya kung madaragdagan niya ang alam niyang Ingles nang higit pa sa mga simpleng pagbati. Nagbago iyan nang magpatotoo ang isa sa mga service missionary sa pagtatapos ng pagtitipon.
“Wala akong naunawaang anuman sa klase, pero naunawaan ko ang lahat ng sinabi niya dahil nadama ko ang Espiritu,” sabi niya. “Nakatulong iyon para hindi ako sumuko. Nang lisanin ko ang pagtitipon, napakasaya ko, na may determinasyong matuto ng Ingles at patuloy na mag-aral sa EnglishConnect.”
Sa determinasyong iyan—at sa maraming pagsisikap, panalangin, at pananampalataya—nadaig ni Haustia ang kanyang pagkamahiyain at takot. Natutuhan niya ang mga alituntunin ng ebanghelyo “na nakatulong sa akin na tanggapin ang responsibilidad na maging tulad ng nais kong kahinatnan sa hinaharap.” At siya ay naging “nangungunang estudyante,” nagkaroon ng panghabambuhay na mga kaibigan, tumulong sa iba, at nagkaroon ng tiwala sa sarili.
Pagkatapos ng EnglishConnect, nagpatuloy si Haustia sa BYU–Pathway Worldwide, kung saan nakatapos siya ng mga foundational course (tinatawag na PathwayConnect) at pagkatapos ay ng isang bachelor’s degree online sa applied health mula sa Brigham Young University–Idaho. Sinabi niya na ang kanyang pag-aaral ay nagbukas ng mga pinto sa maraming oportunidad sa trabaho. Ngayo’y nagtatrabaho na siya sa customer support na may kaugnayan sa kalusugan.
“Kapag natuto tayo ng Ingles at natuto tungkol sa ebanghelyo nang sabay, tinutulungan tayo ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng paghahayag na matuto,” sabi niya. “Sinasabi ko sa mga bagong estudyante, ‘Huwag ninyong isuko ang inyong mga pangarap. Tanggapin ninyo ang pambihirang pagkakataong ito na makapag-aral sa pamamagitan ng EnglishConnect at BYU–Pathway Worldwide. Magbibigay ito sa inyo ng mahahalagang pagkakataong makamit ang inyong mga mithiin sa pag-aaral at mga mithiing espirituwal.’”
Ihahanda ng Diyos ang Daan
Para kay Fu Pak Wai, isang ideya ang humantong sa isang negosyo na naging sagot sa isang panalangin.
Sa loob ng maraming taon, nagtrabaho si Fu Pak Wai sa computer animation sa Hong Kong. Masaya siya sa trabaho, pero maraming oras ang kinailangan doon.
“Pag-uwi ko mula sa trabaho tuwing gabi,” sabi niya, “tulog na ang anak ko.”
Habang naiisip ang kanyang pamilya at hinaharap, dumalo si Brother Fu sa isa sa mga self-reliance group ng Simbahan na “Pagsisimula at Pagpapalago ng Aking Negosyo.” Sa loob ng 12 linggo, tinalakay ng mga miyembro ng grupo kung paano magsimula, magpalago, magpondo, at magpalaki ng negosyo. Pinag-usapan din nila kung paano maghanap at mapanatili ang mga kostumer.
Taglay ang bagong kaalaman, nakaisip ng isang ideya ni Brother Fu, na humantong sa isang negosyo na naging sagot sa isang panalangin.
Sa kanyang libreng oras, nagsimulang magbenta si Brother Fu ng mga accessory para sa bisikleta at ng mga segunda-manong bisikleta online. Pagkatapos ay kumuha siya ng mga online course para matuto kung paano magkumpuni ng mga bisikleta. Sa huli, nakakita siya ng isang maliit na gusaling mauupahan na magkakasya ang isang tindahan ng bisikleta.
“Mayroon pa rin akong full-time na trabaho habang nagbebenta ako ng mga accessory para sa bisikleta at nagkukumpuni ng mga bisikleta nang part-time,” sabi niya. “Matapos gawin iyon sa loob ng isang taon, nagbitiw ako sa full-time na trabaho.”
Ngayo’y mas marami nang oras si Brother Fu para sa kanyang pamilya.
“Isang sagot iyon sa panalangin,” sabi niya. “At ngayo’y nakikita ko na ang anak ko sa umaga bago siya pumasok sa paaralan at sa hapon pagkatapos ng klase. “Iyong ang pinakamaganda.”
Ang pagsisimula ng sarili niyang negosyo ay nagbigay rin sa kanya ng mas maraming oras para maglingkod sa kanyang komunidad at sa kaharian ng Diyos, na gumagawa ng gawaing misyonero at tumutulong sa iba na umasa sa sarili.
“Nang mapalago ko ang aking negosyo,” paggunita ni Brother Fu, “nagkaroon din ako ng mas malakas na patotoo sa pagpapanatiling banal ng araw ng Sabbath at pagsunod sa batas ng ikapu. Hindi ko alam kung paano magiging maayos ang lahat. Hindi natin nakikita ang lahat ng mangyayari sa hinaharap. Sumusulong lang tayo sa paisa-isang hakbang, at ihahanda ng Diyos ang daan.”