Konteksto ng Bagong Tipan
Mga Pananaw ng mga Judio tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli
Ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli ay magbibigay sa atin ng pag-asa para sa hinaharap gayundin ng motibasyong mamuhay nang matwid sa kasalukuyan.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli ay tumutukoy sa pagbangon ng Diyos mula sa mga patay “upang maging imortal, na may katawang may laman at buto.”1 Ang pag-unawa sa iba’t ibang paniniwala noon tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay makatutulong sa atin na mas mapahalagahan ang kapangyarihan ng mga turo ng mga sinaunang Kristiyano tungkol sa paksang ito at kung paano natatangi at nakasalig ang mga ito sa mga ideyang tanggap na noon pa man.
Iba’t ibang Ideya tungkol sa Kabilang Buhay
Marami noong panahon ni Jesus ang hindi naniniwala tungkol sa kabilang-buhay at naniniwala na ang mga patay ay tumitigil lamang sa pag-iral. Sa mga taong naniniwala sa kabilang buhay, inakala ng ilan na ang espiritu lamang ang naliligtas at itinuring ang kabilang-buhay na tila isang madilim na lugar na pupuntahan ng lahat ng tao anuman ang kanilang ginawa sa mortalidad. Ang lugar na ito ay tinukoy sa iba’t ibang pangalan, kabilang na ang Sheol, Gehenna, at Hades.2
Pagkabuhay na Mag-uli sa mga Isinulat ng mga Judio
Ipinahihiwatig sa mga sinaunang source na ang mga Judio noong panahon ni Jesus ay may iba’t ibang palagay tungkol sa tadhana ng pisikal na katawan pagkatapos ng kamatayan. Tulad ng itinala ng mananalaysay na Judio na si Josephus, itinuro ng mga Fariseo na ang mabubuti ay “magkakaroon ng kapangyarihang huminga at mabuhay na muli,”3 samantalang ang mga Saduceo ay naniwala na “ang mga kaluluwa ay namamatay na kasama ng mga katawan.”4 Nakita ni Jesus at ng Kanyang mga pinakaunang disipulo ang gayong mga paniniwala. Sa katunayan, inilarawan ni Pablo ang kanyang sarili bilang “isang Fariseo, anak ng [isang] Fariseo,” at nakatala sa Mga Gawa 23:6–7 kung paano naging mas nakahihikayat sa mga Fariseo ang pangangaral ni Pablo tungkol kay Cristo sa pagbabahagi niya ng paniniwala sa pagkabuhay na mag-uli.
Ang mga pananaw ng mga Judio tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay nakasaad sa literatura na pinahahalagahan ng mga Judio, kabilang na ang ngayon ay tinatawag na Lumang Tipan. Ang aklat ni Daniel, halimbawa, ay nagsasalaysay tungkol sa isang panahon na “marami sa mga natutulog sa alabok ng lupa ay magigising, ang iba’y tungo sa buhay na walang hanggan, at ang iba’y tungo sa kahihiyan at sa walang hanggang paghamak” (Daniel 12:2). Ang gayong malinaw na pagtukoy sa pagkabuhay na mag-uli, bagama’t bihira sa Lumang Tipan, ay kadalasang isinusulat sa panahon ng kapighatian, pagpapatapon, at pag-uusig, na nagpapakita ng potensyal ng doktrina na magbigay ng pag-asa at kapanatagan sa mga nagdurusa.5
Isa pang popular na teksto ng mga Judio ang tungkol sa pitong magkakapatid na Judio na pinaslang dahil sa kanilang pananampalataya. Bago pinatay ang huling kapatid, hinikayat siya ng kanyang ina na manatiling tapat “upang sa awa ng Diyos ay muli kitang makuha kasama ng iyong mga kapatid” (2Macabees 7:29, New Revised Standard Version). Sa talatang ito, ang pananampalataya sa pagkabuhay na mag-uli ang nagbigay ng kakayahan sa isang ina at sa kanyang anak na tapat na harapin ang kanilang mga pagsubok. Ang kanilang pananampalataya ay nagbigay rin sa kanila ng tiwala na ang pagkasira ng katawan at kapighatian ay hindi magpapatuloy sa kabilang-buhay.
Pagkabuhay na Mag-uli sa Isinulat ng mga Kristiyano at Kalaunan sa Isinulat ng mga Judio
Ang mga turo sa Bagong Tipan tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay naghihikayat din ng pag-asa at nagbibigay ng kapanatagan. Binigyang-diin ni Pablo na sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli, madaraig natin ang kamatayan, pasakit, at kawalan. Sumulat siya sa mga Banal sa Corinto: “Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay. O kamatayan, nasaan ang iyong tibo? O kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?” (1 Corinto 15:54–55).
Ang kakaibang itinuro ng Kristiyanismo tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ay ang paniniwalang ang pagkabuhay na mag-uli ay naging posible sa pamamagitan ni Jesucristo at na Siya ang unang nabuhay na mag-uli sa lahat, ang “unang bunga ng mga namatay” (Corinto 15:20).6
Sa literatura ng mga Judio na isinulat pagkatapos ni Jesus, ang paniniwala sa pagkabuhay na mag-uli ay itinuring na mahalagang saligan ng pananampalataya7, ngunit nagkaroon ng mga pagkakaiba sa opinyon tungkol sa kung saan mananahan ang mga nabuhay na mag-uling nilalang, gaano katagal bago mabuhay na mag-uli ang isang tao, at gaano natutulad ang kabilang-buhay sa mortal na buhay—kung kumakain, umiinom, at marami pang iba.8 Bukod sa mga Kristiyano at Judio, ang isa pang mga sinaunang tao na naniwala sa pagkabuhay na mag-uli ay ang mga Zoroastrian ng Persia.9
Tulad noong unang panahon, ang doktrina ng pagkabuhay na mag-uli ay makapagbibigay sa mga makabagong tagasunod ni Jesucristo ng pag-asa para sa hinaharap gayon din ng kapanatagan, tapang, at motibasyong mamuhay nang matwid sa kasalukuyan. Ito ay isang patotoo na mayroon tayong Tagapagligtas na buhay at nagmamahal sa Kanyang mga tao.