“Paghahanda at Pag-unlad,” Liahona, Abr. 2023.
Para sa mga Magulang
Paghahanda at Pag-unlad
Mimamahal na mga Magulang,
Ang isyu sa buwang ito ay makakatulong sa inyo na simulang talakayin sa inyong mga anak kung paano nakakatulong ang paghahanda sa ating pag-unlad tungo sa walang-hanggang kaligtasan. Ang mga ideya sa ibaba ay sumasaklaw sa mga paksang tulad ng paghahanda para sa kawalang-hanggan, ang papel na ginagampanan ng Espiritu Santo sa temporal at espirituwal na edukasyon, at kung paano gawing mas makabuluhan ang linggo bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay.
Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo
Paghahanda para sa Kawalang-Hanggan
Basahin ang artikulo ni Pangulong Nelson na “Si Jesucristo ang AtingTagapagligtas,” sa pahina 4. May mga kapamilya ba kayo na inaasam ninyong makitang muli sa kabilang-buhay? Anong mga ordenansa ang makakatulong sa inyong pamilya na magkasama-sama sa kawalang-hanggan? Itanong: “Gumagawa ba tayo ng mga desisyon para sa ngayon o para sa kawalang-hanggan?”
Gawing Sentro ng Pasko ng Pagkabuhay si Cristo
Gamit ang mga ideya sa artikulong “Gawing Panahon ang Pasko ng Pagkabuhay para Alalahanin ang Tagapagligtas” sa pahina 8, tipunin ang inyong pamilya at talakayin kung ano ang magagawa ninyo para mas maalala ang Tagapagligtas sa inyong mga pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay. Alin sa mga talata sa banal na kasulatan, himno, o mga piraso ng sining ang interesadong mas matutuhan ng inyong pamilya?
Pag-unlad sa Pamamagitan ng Pagkatuto
Rebyuhin ang “Edukasyon: Isang Espirituwal na Pagsusumikap” sa pahina 18. Paano napagpala ang inyong pamilya nang humingi kayo ng tulong sa Espiritu Santo sa inyong pag-aaral? May mga paraan ba para maanyayahan ninyo ang Espiritu Santo na maging mas malaking bahagi ng inyong pagkatuto, kahit sa sekular na edukasyon? Ano ang ilang paraan na maaari kayong magtulungan ng inyong pamilya na mas makapag-aral pa? Akma ba ang isa sa mga programa ng Simbahan sa edukasyon para sa isang tao sa inyong pamilya?
Katuwaan ng Pamilya sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pagdama sa Paghahayag
Nakita at narinig ni Pedro ang mga turo ng Tagapagligtas. Gayunman, natanggap niya ang kanyang patotoo tungkol kay Cristo sa pamamagitan ng paghahayag sa halip na sa pamamagitan ng kanyang pisikal na mga pandama—ang kanyang “laman at dugo” (tingnan sa Mateo 16:13–17).
Magtipon ng ilang bagay (tingnan sa mga ideya sa ibaba). Maghalinhinan na mapiringan. Ipagamit sa bawat tao ang kanyang apat na pandama para hulaan kung ano ang bagay na ito.
Mga ideya:
-
Amuyin ang isang bulaklak
-
Tikman ang isang pagkain
-
Makinig sa isang awitin
-
Hipuin ang isang malambot na sweater
Talakayan: Basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:14–15 at 8:2–3. Paano natin malalaman ang katotohanan sa pamamagitan ng espirituwal na pagdama sa paghahayag sa halip na umasa lamang sa ating mga pisikal na pandama? Pansinin na lahat ay tumatanggap ng patotoo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ngunit iba ang pakiramdam ng ilan sa impluwensyang iyon kaysa sa iba. Paano mapapalalim ng personal na paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo ang ating patotoo kay Cristo?