“Ang Iyong Tagapagligtas at ang Iyong Kinabukasan,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Ang Iyong Tagapagligtas at ang Iyong Kinabukasan
Ginagawang posible ni Jesucristo ang lahat ng mabubuting bagay sa iyong kinabukasan dito at sa kawalang-hanggan.
Ikaw ay nasa isang kagila-gilalas na panahon ng buhay. Mayroon kang gawain sa paaralan, mga kaibigan, mga responsibilidad sa pamilya, trabaho siguro, at iba pang mga aktibidad at libangan na aagaw sa iyong oras at atensyon.
Kasabay nito, maaari kang mag-isip tungkol sa iyong kinabukasan:
Ano ang naghihintay sa iyo? Ano ang gusto mong maisakatuparan? Ano ang magiging trabaho mo? Anong mga hamon ang makakaharap mo? Simple lang ang sagot ko sa gayong mga uri ng tanong: Hindi ko alam! Walang nakakaalam kung ano ang ihahatid ng kinabukasan o hinaharap.
Pero alam ko talaga na maraming naghihintay na magagandang pagkakataon para sa iyo sa hinaharap para ikaw ay matuto, lumago, at sumulong. Gusto kong ibahagi sa iyo kung paano mo mapapakinabangan nang husto ang iyong kinabukasan dito at matatanto ang lahat ng posibilidad sa iyong walang-hanggang kinabukasan sa buhay na darating.
Pahalagahan ang Iyong Maluwalhating Kinabukasan
Lahat ng bagay na mabubuti sa iyong kinabukasan at bawat pagpapalang may walang-hanggang kahalagahan ay posible dahil sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Higit sa anupaman, nais Niya at ng Ama sa Langit na piliin mong maging katulad Nila at makabalik sa piling Nila at makapamuhay na tulad Nila.
Kung wala si Jesucristo, hindi magiging posible ang maluwalhating pagkakataong ito. Kung wala Siya, lahat ay magwawakas sa kamatayan. Dahil sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala, ang imortalidad—ang mabuhay magpakailanman—ay mangyayari para sa lahat, at ang buhay na walang hanggan—ang mabuhay magpakailanman sa presensya ng Diyos—ay isang posibilidad para sa lahat ng karapat-dapat. Ang mga di-nagbabagong katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay maaaring gumabay sa iyo sa lahat ng nailaan ng Tagapagligtas para sa iyo ngayon at sa iyong kinabukasan.
Tandaan Kung Sino Ka
Sa lahat ng ginagawa mo ngayon, huwag kalimutan kailanman kung sino ka. Ikaw ay anak ng Diyos na may walang-hangganan at banal na potensyal. Ang iyong espiritu ay pumarito sa lupa sa isang pisikal na katawan. Magkasama, ang iyong espiritu at katawan ay isang buhay na kaluluwa na may kakayahang dumanas ng mortalidad sa mga paraang hindi magiging posible sa ibang paraan (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:15). Ang tungkulin mo ay hayaang mahubog ng mga desisyong ginagawa mo ngayon at para sa kawalang-hanggan ang iyong tunay na pagkatao bilang anak ng Diyos.
Unawain ang Kinabukasan ng Iyong Kaluluwa
Kalaunan ay darating ang panahon na mamamatay ka. Ang iyong katawan at espiritu ay maghihiwalay at, sa kalagayang iyon, “hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan” (Doktrina at mga Tipan 93:34). Pero dahil kay Jesucristo, ikaw ay mabubuhay na mag-uli. Hindi mo ito maiiwasan—ikaw ay mabubuhay na mag-uli!
Ang iyong katawan ay lubos na manunumbalik, at hindi na muling mahihiwalay sa iyong espiritu. Pagkatapos ay magiging isa kang walang-hanggang kaluluwa. Pero magiging karapat-dapat ba ang kaluluwa mo sa kahariang selestiyal? Ikaw ang nagpapasiya sa pamamagitan ng pagpili sa buhay na ito na sundin si Jesucristo at tanggapin ang mga kaloob na inaalok Niya. Itinuturo sa mga banal na kasulatan na “[tatamasahin natin] yaong [ating] handang tanggapin.” Ang nakakalungkot, ang ilan ay hindi “handang tamasahin yaong kanila sanang tatanggapin” (Doktrina at mga Tipan 88:32; idinagdag ang diin).
Ano ang handa mong tanggapin at tamasahin? Matatanggap mo ba ang kapayapaan at kagalakang nagmumula sa masigasig na paghahanap at pagsunod kay Jesucristo? Magagalak ka ba sa pag-asang dulot ng buhay na walang-hanggan at “sa kanya [na] siyang nagkaloob ng handog [na iyon]”? (Doktrina at mga Tipan 88:33). Kung ang sagot mo ay “Oo!” nanaisin mong tanggapin ang mga kaloob na ito at ang iba pang mga kaloob na kusang-loob na naibigay ni Jesucristo sa iyo at sa lahat ng tatanggap sa mga ito.
Hangarin ang Pagpapala ng Pagsisisi
Sa buhay na ito, kung minsan ay matutukso ka at magkakasala. Kapag nangyari ito, mapagmahal kang inaalok ng Tagapagligtas ng kakayahang magbago. Ito ay tinatawag na pagsisisi. Nais ni Satanas na ituring mong negatibo ang pagsisisi na dapat iwasan at katakutan kaya walang daan pabalik mula sa kasalanan. Hindi talaga ito totoo.
Laging may daan pabalik. Si Jesucristo ang daan. Kailanma’y hindi ka gaanong malayo para matulungan Niya. Nakatayo Siyang nakaunat ang mga kamay na handa at sabik na pagalingin, linisin, dalisayin, at pabanalin ka. Habang bumabaling ka sa Tagapagligtas at gumagawa ng mga hakbang para magsisi, madarama mo kung gaano ka Niya kamahal. Patatawarin ka Niya at babaguhin Niya ang puso mo. Dahil kay Jesucristo, maaari kang makagawa nang mas mahusay at maging mas mahusay bawat araw!
Magkaroon ng Lakas para Makapagtiis Hanggang Wakas
Paminsan-minsa’y daranas ka ng kalungkutan at pagdurusa. Sa mahihirap na sandaling ito, mapapalakas ka ng Tagapagligtas para makapagtiis hanggang wakas, tulad Niya.
Kusang-loob na pinasan ni Jesus ang lahat ng iyong kasalanan at pasakit at tiniis ang lahat ng iyong paghihirap at pagdurusa. Sa kabila ng lahat ng ito, hindi Siya sumuko. Nagdusa Siya nang husto dahil mahal na mahal ka Niya! (tingnan sa 1 Nephi 19:9–10). Isinuko Niya ang Kanyang buhay, at makalipas ang tatlong araw, nadaig Niya ang kamatayan at Siya ang unang nabuhay na mag-uli.
Dahil ang Tagapagligtas ay nagtiis hanggang wakas, may kapangyarihan Siyang palakasin ka. Sinabi Niya, “Tumingin kayo sa akin, at magtiis hanggang wakas, at kayo ay mabubuhay; sapagkat siya na makapagtitiis hanggang wakas ay bibigyan ko ng buhay na walang hanggan” (3 Nephi 15:9).
Umasa sa Iyong Tagapagligtas
Maganda ang pananaw ko sa iyong kinabukasan. Napakarami mong dapat asamin! Kapag lumalapit ka kay Jesucristo nang may pananampalataya, makakaya mong harapin ang iyong kinabukasan nang may tiwala.
Darating ang araw, tatayo ka sa harap ng Tagapagligtas para hatulan. Sa sandaling iyon, mag-uumapaw ang iyong kagalakan na makapunta sa Kanyang banal na presensya. Maghahagilap ka ng mga salita para pasalamatan Siya sa Kanyang walang-hanggan at sakdal na pag-ibig at nagbabayad-salang sakripisyo na ginagawang posibleng makapiling mo Siya at ang iyong pamilya magpakailanman.
Si Jesucristo ang iyong Tagapagligtas. Inaanyayahan kitang umasa sa Kanya at gawin Siyang sentro ng iyong buhay. Bibigyan ka Niya ng kahulugan at pag-asa at gagawing posible ang imposible sa iyo. Dahil Siya ay nasa iyong tabi, maaari nang mapasaiyo ngayon ang mga kamangha-manghang tagumpay at karanasang halos hindi mo nawawari.
Dahil sa Kanya, isang kahanga-hanga at nakasisiyang kinabukasan, kapwa sa buhay na ito at sa kabilang-buhay, ang nasa harapan mo!