2023
Ang Kaloob na Iyong Atensyon
Abril 2023


“Ang Kaloob na Iyong Atensyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.

Ang Kaloob na Iyong Atensyon

Ang kakayahan mong magbigay ng atensyon ay isang kaloob mula sa Diyos. Narito ang ilang ideya para mapakinabangan mo ito nang husto.

mga device

Larawang-guhit ni Dave Klug

Ang kakayahan mong magbigay ng atensyon ay talagang kamangha-mangha. Hayaan mong ilarawan ko ito:

Ano ang mga bagay na nasa kaliwa at kanan mo? Ano ang pakiramdam ng damit na suot mo sa balat mo? Ano ang mga ingay na naririnig mo? Ano ang mga naaamoy mo? Ano ang kasalukuyang nalalasahan ng bibig mo?

Malamang ay ngayon mo lang naisip ang anuman sa mga bagay na iyon. Ang iyong atensyon ay nasa artikulong ito (na lubos kong pinasasalamatan). Ang katotohanan na nagawa mong hindi pansinin ang lahat ng iba pang impormasyon ay talagang kamangha-mangha.

Ang iyong mga pandamdam ay lantad sa napakaraming impormasyon, pero lahat ng iyon ay sinasala ng utak mo at tinutulungan kang magtuon sa kung ano ang mahalaga sa iyo. Kung wala ang pagsala na ito, palagi kang mapupuno ng labis na gagawin at impormasyon. At galing pa lang iyan sa mundo sa labas. Mayroon ka ring mga alaala, kaisipan, at damdamin sa iyong kalooban na makakaagaw ng iyong atensyon.

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Nilalang ng Diyos bilang kaloob sa inyo, [ang inyong katawan] ay talagang kagila-gilalas! … Ang utak ninyo ang tumutulong sa inyo na matuto, mag-isip, at mangatwiran.”1

Ang isang paraan na tinutulungan ka ng utak mo ay sa kakayahan mong magbigay ng atensyon. Ginagawa nitong mas ligtas, mas simple, at mas makabuluhan ang buhay. Ito ay isang kaloob mula sa Ama sa Langit na tumutulong sa iyo na gumawa ng mga pagpapasiya at matuto.

Pero hindi palaging madaling magbigay ng atensyon—o malaman kung ano ang karapat-dapat mong bigyan ng atensyon.

Ito ay Isang Kaloob—Kaya Angkinin Mo Ito

Ang makabagong buhay ay maaaring puno ng maraming bagay na nag-aagawan sa iyong atensyon. Sa ganitong mga kalagayan, maaaring mangyari ang dalawang bagay: (1) maaaring mahirapan kang malaman kung ano ang mahalaga at ano ang hindi, at (2) maaaring mahirapan kang magbigay ng atensyon sa isang bagay nang napakatagal.

Nasisiyahan si Satanas sa alinman sa mga resultang ito. Ayaw niyang magtuon ka sa tunay na mahalaga, kaya kung ang buong atensyon mo ay nakatuon sa mas maliliit na bagay, nasisiyahan siya. Sa kabilang dako, magugustuhan din niya na palagi kang nagagambala para magpalipat-lipat ang iyong atensyon sa iba’t ibang bagay. Sa gayon ay hindi gayon kalalim ang iyong mga karanasan kailanman at hindi ka gaanong natututo at lumalago.

Narito ang ilang ideya sa pag-angkin ng kaloob na iyong atensyon:

  • Magnilay at magdasal. Lumapit sa iyong Ama sa Langit. Isipin ang mga katotohanan at turo tungkol sa Kanya at sa Kanyang plano. Mag-isang magdasal sa Kanya. Humingi ng tulong sa Kanya.

  • Magbasa. Ang pagbabasa ay isa sa pinakamagagandang bagay na magagawa mo para magamit ang iyong utak at madisiplina ang sarili mo na magpokus. Magbasa ng mga banal na kasulatan. Magbasa ng iba pang “pinakamabubuting aklat” na interesado kang basahin (Doktrina at mga Tipan 88:118). Magbasa ng isa pang artikulo sa magasing ito. Mag-ukol lang ng oras at magbasa.

  • Maging maalalahanin at magkaroon ng layunin. Sikaping alamin kung ano ang umaagaw sa iyong atensyon, saan ka talaga interesado, at ano ang nakakagambala sa iyo. Sadyang panatilihin ang atensyon sa mahahalagang bagay. Maglaan ng kaunting oras sa iyong maghapon para magpokus. Disiplinahin ang sarili mo na bigyang pansin ang alam mong mahalaga. At tandaan, “Dumarating [ang kalakasan] sa pagbibigay natin ng atensyon at pagsisikap sa mga pangunahing alituntunin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.”2

  • Itigil ang ginagawa mo o isantabi ang mga ito. Itigil o isantabi ang anumang bagay na alam mong nakakagambala sa iyo—mga device, telebisyon, musika—kahit ano. Ang partikular na mga tunog sa paligid ay maaaring makatulong sa iyo na magpokus, pero ang iba ay hindi. At ang palagiang mga pabatid mula sa isang device ay siguradong hindi nakakatulong.

Magtuon sa Kagalakan

Tinutulungan ka ng kakayahan mong magpokus na matuto, at tinutulungan ka rin nitong makadama ng kagalakan. Sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson:

“Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin ng pansin sa buhay.

“Kapag nakatuon ang ating buhay sa plano ng kaligtasan … at kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo, makadarama tayo ng kagalakan anuman ang nangyayari—o hindi nangyayari—sa ating buhay.”3

Gamitin nang husto ang kaloob na iyong atensyon. Isaisip ang mga panganib ng maling direksyon at gambala. At magalak sa pagbibigay ng iyong atensyon sa mga bagay na pinakamahalaga.