“Ang Pag-asa ni Jonalin para sa Templo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Ang Pag-asa ni Jonalin para sa Templo
Si Jonalin ay hindi kasingsabik ng iba tungkol sa parating na templo sa American Samoa—hanggang sa hilingan siyang magsalita sa groundbreaking.
Isang araw, may tumawag kay Jonalin Y. sa telepono na hindi niya inaasahan.
Malapit na ang groundbreaking para sa Pago Pago American Samoa Temple, at hinilingan ng mga area leader ang 16-na-taong-gulang na si Jonalin na magbahagi ng kanyang patotoo tungkol sa templo sa seremonya ng groundbreaking. May isang problema nga lang. Hindi pa nakapunta si Jonalin sa isang templo. Noon pa man ay gusto na niyang mabuklod sa kanyang pamilya, pero hindi niya alam kung mangyayari iyan anumang oras.
“Nang ibalita nila na itinatayo ang templo rito, hindi ako nasabik o sumigla na tulad ng iba,” sabi ni Jonalin. “Naisip ko na wala namang dahilan para magsaya, dahil hindi miyembro ang tatay ko at hindi makakasama sa amin sa pagpasok sa templo. Hindi mababago ng isang templo ang katotohanan na hindi nakabuklod ang pamilya ko.”
Ang pamilya ng nanay ni Jonalin ay kasapi na ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa loob ng maraming henerasyon. Ang kanyang ina ang nagturo sa kanya at sa kanyang apat na kapatid ng ebanghelyo ni Jesucristo, at nabinyagan sila nang magwalong taong gulang sila. Pero pinili ng kanyang ama na hindi maging miyembro.
Sa abot ng alaala ni Jonalin, sinubukan na ng kanyang pamilya na tulungan ang tatay niya na magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo. Niyaya nila ito ng kanyang ina, tatlong kapatid na babae, at kapatid na lalaki na magsimba, at madalas siyang sumasama kapag wala siyang trabaho. Mayroon din silang home evening at inaanyayahan nila ito sa mga aktibidad ng Simbahan. Napakarami nang missionary na bumisita sa kanilang tahanan, pero hindi pa nakapagpasiya ang tatay ni Jonalin na magpabinyag.
Dahil dito, nalito si Jonalin tungkol sa kahilingan sa kanya na magsalita tungkol sa templo. Tila lahat ng kaibigan niya ay mas sabik tungkol sa templo kaysa sa kanya at hindi makapaghintay na pumunta roon kasama ang kanilang buong pamilya. “Naaalala ko lang na naisip ko, ‘Ako ang batang may tatay na hindi miyembro. Bakit ako?’” sabi ni Jonalin.
Isang Pagbabago ng Puso
Hindi nagtagal nagsimulang magbago ang damdamin ni Jonalin tungkol sa templo. “Nagbago ang damdamin ko nang piliin akong magbahagi ng aking patotoo,” sabi niya. “Parang ito ang paraan ng Diyos upang tulungan akong malaman na ang templo ay isang pagpapala. Alam ko na ito ang Kanyang paraan para panatagin ang puso kong nag-aalinlangan.”
“Nabalitaan ko na maganda ang templo, na payapa roon,” sabi niya. “Gusto ko talagang madama iyon para sa sarili ko. Ang paghahandang ibahagi ang aking patotoo ay nagbigay sa akin ng pagkakataong pag-isipan kung gaano kamangha-mangha na magtatayo ng templo na napakalapit sa amin. At binigyan ako nito ng pag-asa na balang-araw, ayon sa takdang panahon ng Diyos, mabubuklod ang pamilya ko sa templo.”
Ginagawa ni Jonalin ang lahat para magtiwala sa takdang panahon ng Diyos sa halip na sa sarili niyang takdang panahon. “Kumikilos ang Diyos sa mahiwagang mga paraan,” sabi niya. “Alam Niya ang tamang panahon para magtayo ng templo sa American Samoa, isang panahon na nawawalan ng pag-asa ang lahat dahil sa pandemya, isang panahon na kailangan ng napakaraming tao ang templo, at isang panahon na alam Niya ang pananabik kong mabuklod ang pamilya ko. Ang Kanyang takdang panahon ang perpektong panahon.”
Kagalakan sa Ebanghelyo
Ang isang dahilan kaya nais ni Jonalin na mabinyagan ang kanyang ama ay dahil naging malaking pagpapala ang ebanghelyo sa buhay niya mismo. “Gustung-gusto kong ipamuhay ang mga turo ng ebanghelyo sa paaralan, at talagang nakakatulong iyon,” sabi ni Jonalin. “Labis akong nagpapasalamat na maging miyembro at sabik akong maging bahagi ng dakila at kagila-gilalas na gawaing ito.”
Sinisikap din ni Jonalin na ibahagi ang kagalakan ng ebanghelyo sa kanyang mga kaibigan, na karamihan ay mga miyembro ng Simbahan. “Tuwing nag-aalala ako tungkol sa isang bagay, maaga akong gumigising sa umaga at tumitingin ako sa kalangitan. Nakakawala iyon ng lungkot,” sabi niya. “Kung minsan habang ginagawa ko ito, pakiramdam ko dapat akong magtala, tulad ng mga aral na natutuhan ko sa simbahan. Pagkatapos ay ipinadadala ko ang mga talang iyon sa mga kaibigan ko sa isang group chat. Mayroon akong isang kaibigang hindi miyembro, at ang makita siyang tumugon nang may pagmamahal—ang sarap talaga sa pakiramdam, at gustung-gusto ko iyon.”
Pag-asa sa Kinabukasan
Habang ibinabahagi ni Jonalin ang kanyang pananampalataya sa kanyang mga kaibigan, umaasa pa rin siya na balang-araw ay magbabalik-loob ang kanyang ama sa ebanghelyo ni Jesucristo. “Nakikita ng Diyos ang nasa puso ko at alam niya kung gaano ko kagustong mabinyagan ang tatay ko,” sabi niya. Pero nauunawaan din niya na may kalayaang pumili ang kanyang ama. “May mga pagkakataon na tinanong ko ang Diyos kung bakit natatagalan ang tatay ko. Pero iyon pa rin ang sagot ng Ama sa Langit: magtiyaga. Kaya, magtitiyaga ako.”
“Dalangin ko na balang-araw ay mabuklod ang pamilya ko para sa kawalang-hanggan,” sabi ni Jonalin. “Alam ko na ang ebanghelyo ay totoo. Napagpala nito ang pamilya ko sa napakaraming paraan. Pinatototohanan ko na dinirinig ng Diyos ang ating mga dalangin. Mapalad akong maging bahagi ng Kanyang gawain at patuloy akong mamumuhay ayon sa Kanyang kalooban.”