“Mga Saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Pasko ng Pagkabuhay
Mga Saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli
Ang mga saksi sa Bagong Tipan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas ay makakatulong sa iyo na matagpuan din ang sarili mong patotoo.
Noong Linggo ng umaga matapos ang Pagpapako kay Jesucristo sa Krus, pumunta si Maria Magdalena sa libingan kung saan naihimlay ang Kanyang katawan. Natagpuan niya ang napakalaki at mabigat na bato na nakagulong palayo at walang laman ang libingan.
Naniniwalang may kumuha sa katawan ng Tagapagligtas, nanangis si Maria. May lumapit sa kanya at nagtanong, “Babae, bakit ka umiiyak?”
Hindi nakilala ni Maria ang tinig na nangusap sa kanya. Iniisip na ang hardinero iyon, sinabi niya, “Sabihin mo sa akin kung saan mo siya inilagay, at siya’y aking kukunin.”
“Maria,” sagot ng tinig.
Nalaman kaagad ni Maria kung sino ang tumawag sa kanyang pangalan. Iyon ang Tagapagligtas—na ngayon ay niluwalhati at nabuhay na mag-uli! (tingnan sa Juan 20:15–16).
Si Maria ang unang nakakita na si Jesucristo ay buhay. Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na nasaksihan din ng iba na nadaig Niya ang kamatayan. Paano mapapalakas ng kanilang mga karanasan ang iyong pananampalataya? Paano mo mapapatotohanan, kahit hindi mo Siya pisikal na nakita, na ang Tagapagligtas ay buhay?
Dalawang Disipulo sa Daan Patungong Emaus
Isang araw, matapos ang Pagpapako kay Cristo sa Krus, may sumamang isang estranghero sa dalawang disipulong naglalakbay papuntang Emaus. Magkasama nilang tinalakay ang mga propesiya tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Napuspos ng kagalakan ang nalulungkot na mga disipulo sa pag-uusap na ito.
Pagdating nila sa Emaus, hiniling ng mga disipulo sa estranghero na manatili sa piling nila. Sa pagkain nila ng hapunan, binasbasan at inihain ng estranghero ang pagkain. Biglang nakilala ng mga disipulo ang estranghero, pero bago pa sila nakapagsalita, naglaho na ang estranghero. Natanto nila na nakasama nila ang Tagapagligtas sa buong paglalakad nila!
“Hindi ba nag-aalab ang ating puso sa loob natin?” tanong nila sa isa’t isa. Pinagtibay ng Espiritu na si Jesus talaga ang nakasama nila (tingnan sa Lucas 24:13–34).
Ang Sampung Apostol
Nagpakita si Jesucristo sa 10 sa Kanyang mga Apostol habang pinag-uusapan nila ang mga patotoong narinig nila tungkol sa Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli.
“Sumainyo ang kapayapaan,” wika Niya. “Tingnan ninyo ang aking mga kamay at mga paa, sapagkat ako nga ito. Hipuin ninyo ako, at tingnan, sapagkat ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:36, 39). Nakita at nadama ng bawat Apostol ang pilat na dulot ng pako sa mga kamay at paa ng Tagapagligtas.
Si Apostol Tomas
Wala roon si Tomas nang magpakita ang Tagapagligtas sa iba pang mga Apostol. Hindi siya makapaniwala na nagbangon talaga si Jesus. Sabi niya, “Malibang makita ko sa kanyang mga kamay ang bakas ng mga pako, … hindi ako maniniwala” (Juan 20:25).
Pagkaraan ng walong araw, muling nagpakita si Jesus sa mga Apostol. Sa pagkakataong ito si Tomas ay naroon at naniwala. Sinabi ni Jesus kay Tomas, “Sapagkat ako’y nakita mo ay sumampalataya ka. Mapapalad ang hindi nakakita, gayunma’y sumasampalataya” (tingnan sa Juan 20:26–29).
Pagkakaroon ng Sarili Mong Patotoo
Nagpakita si Jesucristo sa iba matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mateo 28:9–10; Mga Gawa 9:4–8; 1 Corinto 15:6). Bagama’t maaaring hindi mo Siya makikita na tulad ng pagkakita nila, maaari ka pa ring maging isang saksi.
Tinanong ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo, “Ano ba ang sinasabi ng mga tao kung sino ang Anak ng tao?” Sumagot sila, “Ang sabi ng iba ay si Juan na Tagapagbautismo … o isa sa mga propeta.”
Pagkatapos ay itinanong ni Jesus, “Ngunit ano ang sinasabi ninyo kung sino ako?”
Sagot ni Pedro, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Diyos na buhay.”
“Mapalad ka,” sabi ni Jesus kay Pedro. “Sapagkat hindi laman at dugo ang nagpahayag nito sa iyo kundi ang aking Ama na nasa langit” (Mateo 16:13–17).
Tumayo si Jesus sa harap ni Pedro. Naglakad si Pedro at nakipag-usap sa Kanya at nakita niya ang marami sa Kanyang mga himala, pero hindi iyon ang nagbigay kay Pedro ng kanyang patotoo. Itinuro ni Jesus na ang patotoo ni Pedro ay inihayag ng ating Ama sa Langit. Itinuro din niya na ang patotoong iyon ay mas tiyak kaysa makikita ng ating mga mata.
Kahit hindi mo pisikal na nakikita si Jesucristo, maaari mo Siyang personal na hanapin at mas matututo ka pa tungkol sa Kanya. Maaari kang sumampalataya sa Kanya sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Maaaring maantig ng Espiritu ang iyong kaluluwa at bigyan ka ng patotoo. Tulad ng mga tunay na nakakita sa nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, maaari ka ring tumayo at magpatotoo na Siya ay buhay, mahal Niya tayo, at nariyan Siya para sa atin ngayon.