“7 Nakatagong Pakinabang ng Pagkatuto,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Tulong sa Buhay
7 Nakatagong Pakinabang ng Pagkatuto
Ang habambuhay na pagkatuto ay may ilang malalaking pakinabang—ang ilan ay maaaring ni hindi ninyo naiisip!
“Hay! Kailan ko kaya kakailanganing gamitin ang math problem na ito?” Naranasan nating lahat iyan. Math man iyon, pagsulat, o biology, kung minsa’y iniisip natin kung may alinman dito sa masigasig nating sinisikap na pag-aralan ang makakatulong sa atin sa buhay kalaunan.
Nauunawaan ng karamihan sa atin ang kaugnayan sa pagitan ng edukasyon at ng mga pagkakataong makapagtrabaho. Gayunman, pagdating sa pagkatuto, dumarating ang ilang pagpapala sa mga paraang hindi natin inaasahan. Narito ang ilang di-gaanong kilalang pakinabang ng pagkatuto.
1. Mas marami kang masasabi kapag may nakilala kang mga tao.
Hindi lamang ito pagbanggit sa mga bagay na di-gaanong mahalaga. Kapag mas marami kang natututuhan sa buhay, mas marami kang paraan para makaugnay sa isang bagong kakilala.
2. Makakatipid ka.
Kapag mas marami kang alam kung paano gawin, mas hindi mo kailangang bayaran ang iba para gawin ang isang bagay para sa iyo.
3. Mas mapaglilingkuran mo ang iba.
Kung na-flat ang gulong ng kaibigan mo sa tabing-daan, at talagang alam mo kung paano magpalit o mag-ayos ng flat na gulong, bida ka sa kanila! Itinurong minsan ni Pangulong Russell M. Nelson, “Edukasyon ang nagiging kaibhan sa pagitan ng pangangarap na makatulong kayo sa ibang tao at [ng] pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila.”1
4. Ang matutuhan ang isang bagong bagay ay maaaring humantong sa isang libangang nagbibigay-yaman sa buhay.
Ang pag-uusisa—tulad ng pag-alam kung paano ginagawa ang hand-blown glass—ay maaaring mauwi sa pagiging isang makabuluhang bagong libangan para sa iyo. At ang mga libangan ay mabuti para sa kalusugan ng kaisipan!
5. Magkakaroon ng mas maraming pagkakaiba-iba sa buhay mo.
Kapag bumibili ka ng tinapay, limitado ka sa ibinebenta nila sa tindahan. Pero alamin kung paano mag-bake ng sarili mong tinapay at hindi ka mauubusan kailanman ng mga bagong opsiyon na susubukan!
6. Kapag mas marami kang natututuhan, mas nagiging katulad ka ng Diyos.
Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 93:36; Abraham 3:19.
7. Mas nakakalamang ka na sa kabilang-buhay.
Hindi mo madadala ang mga ari-arian mo pagkatapos ng buhay na ito (tingnan sa Alma 39:14). Pero ang kaalamang napagsikapan mong makamit habambuhay ay mananatili sa iyo magpakailanman (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 130:19).