“Kapag Nanghihina Ka,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Kapag Nanghihina Ka
Paano maaaring maging kalakasan ang ating kahinaan?
Lahat tayo ay may mga kahinaan—halimbawa, kung minsa’y nag-aalala ako tungkol sa mga bagay na hindi ko kayang kontrolin. Kung minsa’y ikinukumpara ko rin ang aking sarili sa iba. Kayo ba? May mga kahinaan ka ba? Baka nahihirapan kang labanan ang takot o tukso. Baka may pisikal na kahinaan ka na nagiging sanhi ng iyong pasakit o hirap. Marahil ang kahinaan mo ay nahihirapan kang patawarin ang iba, o gusto mo pang magalit sa Diyos dahil sa mga bagay na nangyari sa iyo. Lahat tayo ay may mga kahinaan.
Sa katunayan, si Apostol Pablo ay nagkaroon ng ilang kahinaan. Isinulat ni Pablo na para hindi siya maging mayabang, binigyan siya ng Panginoon ng “tinik sa laman” (2 Corinto 12:7). Hindi natin alam kung ano iyon, pero isang uri iyon ng kahinaan. Hindi lamang nagtanong si Pablo sa Panginoon kundi nagmakaawa siya sa Panginoon na alisin ang kahinaang ito. Hindi rin siya minsan lang nagmakaawa. Tatlong beses siyang nagmakaawa sa Panginoon na alisin ang kanyang kahinaan (tingnan sa 2 Corinto 12:8).
Baka gayundin ang nadama mo. Baka maraming beses ka nang nagmakaawa sa Panginoon na alisin ang isang partikular na tinik sa iyong laman. Pero hindi inalis ng Panginoon ang kahinaan ni Pablo. Kahit patuloy na nagsumamo si Pablo na alisin iyon, sinabi ng Panginoon, “Ang aking biyaya ay sapat na sa iyo: sapagkat ang aking kapangyarihan ay nagiging sakdal sa kahinaan” (2 Corinto 12:9).
Isipin ninyo ang pahayag na iyan. Totoo ba talaga iyon? Talaga bang mapupunan ng kapangyarihan ni Cristo ang ating kahinaan? Tutal, pinili Niya ang isang binatilyo na lumaking kasama ng isang masamang ama para maging si Abraham, ang ama ng maraming bansa. At pinili Niya ang isang bilanggong nagngangalang Jose para hindi magkaroon ng taggutom sa Ehipto at pumili rin ng Joseph, ito naman ay isang 14-na-taong-gulang na binatilyo, para ipanumbalik ang Kanyang ebanghelyo. Sinabi rin niya kay Gedeon na bawasan at gawing 300 ang kanyang hukbo nang humarap si Gedeon sa isang napakalaking hukbo, at tinulungan niya ang isang banyagang balo na nagngangalang Ruth na magpasimula ng dugong maharlika.
Talaga bang magagawang kalakasan ng kapangyarihan ni Cristo ang ating kahinaan?
Nagtagumpay si Elijah, nang mag-isa, laban sa mahigit 400 sa mga saserdote ni Baal. Nang tawagin ng Diyos si Jeremias, sinabi ni Jeremias, “Hindi ako marunong magsalita, sapagka’t ako’y kabataan pa” (Jeremias 1:6). Subalit naglingkod siya bilang isang propeta sa loob ng mga 40 taon. At kumilos ang Panginoon sa pamamagitan ng isang ulilang Judio na nagngangalang Esther para iligtas ang buong kaharian. Sa katunayan, talagang gumagawa ang Panginoon ng maraming himala sa pamamagitan ng ating kahinaan!
Alalahanin ang mga salita ng Tagapagligtas: “Ang aking [lakas] ay nagiging sakdal sa kahinaan.” Kapag nanghihina ka dahil sa sarili mong mga tinik sa laman, alalahanin na magagamit at gagamitin ka ng Diyos, ang iyong kahinaan at lahat-lahat na, para sa Kanyang mga layunin.
Isang kaibigan ko ang nagpunta kamakailan sa templo. Habang naghihintay siya sa chapel, napansin niya ang isang matandang lalaking tumutugtog ng organo. Humanga siya nang husto sa galing nitong tumugtog—at lalo pa siyang humanga nang mapansin niya na wala itong anumang piyesa. Halos perpekto ang pagtugtog nito ng maraming awitin. Sabi niya sa akin, “Nalaman ko kalaunan na bulag ang lalaking ito. Napagpala niya ako dahil naantig ako sa kanyang buhay na inilaan niya sa Panginoon.”
Ang kapangyarihan ni Jesucristo ay tunay na nakahihigit kaysa anumang kahinaang binabaka mo o binabaka ko. Kapag nanghihina siguro tayo, tanda iyon na hindi maglalaon at iimpluwensyahan ng kapangyarihan ni Cristo ang ating buhay kung papapasukin natin Siya.
Ang biyaya ng Tagapagligtas, o ang Kanyang kapangyarihang magbigay-kakayahan, ay isang mahalagang bahagi ng Kanyang Pagbabayad-sala. “Tinutulungan [Niya] tayo … na makaunawa at makagawa at maging mabuti sa mga paraang hindi mauunawaan o magagawa ng limitado nating mortal na kakayahan.”1
Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, nariyan ang Tagapagligtas para tulungan tayong pagsisihan ang ating mga kasalanan at palakasin din tayo kapag nanghihina tayo. Maaaring may mga bagay na hindi talaga natin magagawa—sa sarili nating mga limitadong kakayahan—ngunit sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ni Cristo, magagawa natin iyon.
Sinabi ng Panginoon kay Moroni: “Ikaw ay naging matapat; kaya nga, ang iyong mga kasuotan ay gagawing malinis. At dahil sa kinilala mo ang iyong kahinaan ikaw ay gagawing malakas, maging hanggang sa pag-upo sa lugar na inihanda ko sa mga mansiyon ng aking Ama” (Eter 12:37).
Pansinin na hindi sinabi ng Panginoon kay Moroni, “Magiging malakas ka sa buhay na ito.” Sa sitwasyon ni Moroni, ang magawang lubos na malakas ay darating sa kabilang-buhay. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, para sa bawat isa sa atin sa mortalidad, “ang pagiging perpekto ay nakabinbin. Darating lamang ito nang lubusan pagkaraan ng Pagkabuhay na Mag-uli at sa pamamagitan lamang ng Panginoon.”2
Matapos matanggap ang mensaheng ito mula sa Panginoon, pinayuhan ni Moroni ang mga mambabasa sa ngayon kung paano manatili sa biyaya ng Diyos. Sabi niya, “Ipinapayo ko sa inyo na hanapin ang Jesus na ito na siyang isinulat ng mga propeta at apostol, upang ang biyaya ng Diyos Ama, at gayon din ng Panginoong Jesucristo, at ng Espiritu Santo, na siyang nagpapatotoo sa kanila, ay maaari at manatili sa inyo magpakailanman” (Eter 12:41).
Kapag hinahanap natin si Jesus, madarama natin ang Kanyang nagpapalakas na kapangyarihan na tumutulong sa atin sa mga hamon na kinakaharap natin. Kapag nanghihina ka, maaaring iyan ang paraan ng pag-anyaya sa iyo ng Panginoon na humugot ng lakas at kapangyarihan sa Kanya.