“Paano ko maaaring kilalanin ang araw-araw na espirituwal na mga karanasan ko sa buhay?” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.
Mga Tanong at mga Sagot
“Paano ko maaaring kilalanin ang araw-araw na espirituwal na mga karanasan ko sa buhay?”
Isulat ang mga Damdamin at Pahiwatig
“Maghanap ng mga damdamin ng kapanatagan, kaligayahan, at pahiwatig na gumawa ng mabuti. Ang mga bagay na ito ay nagmumula sa Espiritu Santo. Kapag nahanap mo ang mga ito, isulat ang mga ito. Ang muling pagbasa sa isinulat mo ay makakatulong sa iyo na kilalanin ang mga paraan na nangungusap sa iyo ang Espiritu. Maaari din itong magbigay ng kapanatagan sa mahihirap na panahon.”
Jordan P., 15, Virginia, USA
Magtuon sa Tagapagligtas
“Kailangan tayong manatiling nakatuon sa Tagapagligtas at magtanong sa ating sarili kung ano ang matututuhan natin mula sa ating mga karanasan.”
Chloe P., 14, Idaho, USA
Bilangin ang Iyong mga Pagpapala
“Kapag tayo ay natatakot, nagdududa, o nalulungkot, madarama natin ang Espiritu sa pamamagitan ng pagbilang sa ating mga pagpapala. Tinutulutan tayo nitong magkaroon ng patotoo kung gaano tayo kamahal ng Diyos, at ipinapakita nito sa atin ang mga paraan na pinagpapala Niya tayo. Kapag napapansin natin ang mga pagpapalang ito, mas nakakaya nating sumunod sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Nakikita natin ang espirituwal na mga karanasang naibigay sa atin at kung paano tayo napalakas ng mga ito sa mga oras ng pagsubok.”
Bella R., 14, Arizona, USA
Magpasalamat at Makinig
“Kinikilala ko ang araw-araw na espirituwal na mga karanasan sa pamamagitan ng pasasalamat, pakikinig sa mga pahiwatig ng Espiritu nang may pagsunod, at pagsuporta sa aking pamilya sa mga debosyon sa umaga at gabi.”
Richard A., 12, Nigeria
Hangarin at Asahang Magkaroon ng mga Himala
“Inanyayahan tayo ng propeta na hangarin at asahang magkaroon ng mga himala. Sa pagsunod sa payo ng propeta, makikita natin ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay sa halip na ituring ang mga himala sa ating buhay na nagkataon lamang.”
Evelyn L., 20, Brazil
Alam ng Diyos ang Pinakamainam para sa Iyo
“Hanapin ang mabuti sa lahat ng bagay. Kung minsa’y parang laban sa iyo ang mundo, pero kasama mo ang Diyos. Huwag kalimutan kailanman na ang pinakamalulungkot na araw ay maaaring maging pinakamainam para sa iyo. ‘Ang [pagsubok sa] inyong pananampalataya [ay] mas mahalaga kaysa ginto’ (1 Pedro 1:7).”
Broc C., 17, Utah, USA