2023
Tayo nang Mangisda
Abril 2023


“Tayo nang Mangisda,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023

Tayo nang Mangisda

Isang gabay para sa mga quorum at class presidency.

mga gamit sa pangingisda

Mga larawang-guhit ni Jarom Vogel

Marami sa mga naunang disipulo ni Jesucristo ang orihinal na nagtrabaho bilang mga mangingisda. Nang tinawag sila ng Tagapagligtas, sinabi Niya, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:18–20).

Hindi inutusan ng Tagapagligtas ang Kanyang mga disipulo na maglagay ng pain sa bingwit, ihagis ito sa maraming tao, at hatakin ang sinumang magpasiyang kumagat sa pain. Sa halip, ang ibig sabihin ng Tagapagligtas ay bilang Kanyang mga disipulo, trabaho nilang tulungan ang mga tao na lumapit kay Cristo at magkaroon ng kapayapaan sa Kanya.

Kayo rin ay “mamamalakaya ng mga tao”! At kung ikaw ay nasa isang quorum o class presidency, ikaw ay tinatawag, itinatalaga, at binibigyan ng awtoridad ng priesthood para tumulong na madala ang mga nasa iyong korum o klase sa Tagapagligtas. Kaya, tayo nang mangisda!

1 Sumakay sa Bangka

Sige, sandali lang. Una ay magsuot ng life jacket at magpahid ng sunscreen. Dalhin ang tanghalian mo at isang sagwan. Pagkatapos ay tiyaking makasakay sa bangka! (Kunwari lang, siyempre.) Bilang mamamalakaya ng mga tao, ang unang mahuhuli mo ay ang sarili mo. Ang pagiging isang binatilyo o dalagita na sumusunod sa Tagapagligtas ang una mong prayoridad.

2 Kunin ang mga Gamit Mo sa Pangingisda

Medyo mahirap mangisda nang walang gamit sa pangingisda, o pamingwit. Sa sitwasyong ito, bawat pamingwit ay kumakatawan sa isa sa mga pangunahing responsibilidad mo bilang miyembro ng isang quorum o class presidency.

1: Maghangad at umasang makatanggap ng personal na paghahayag.

Manalangin sa Ama sa Langit tungkol sa iyong calling. Magtanong sa Kanya, at kumilos ayon sa mga ideya at damdaming pumapasok sa iyong isipan. Nais Niyang gabayan ka sa iyong paglilingkod.

2: Magmahal at maglingkod.

Mag-ukol ng oras na makilala at mapaglingkuran ang bawat miyembro ng iyong korum o klase. Ang ilan sa kanila ay maaaring dumaranas ng napakahirap na mga pagsubok. Paano mo sila maaaring paglingkuran, mahalin, kaibiganin, at tulungang lumapit kay Cristo?

3: Magdaos ng mga presidency meeting.

Bilang mga quorum at class presidency, kumbaga, kayo ang kapitan ng barko. Tipunin nang madalas ang iyong presidency at mga adult adviser. Pag-usapan ang mga pangangailangan ng iyong korum o klase, talakayin kung paano ka maaaring lumahok sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan, magplano ng mga aktibidad at lesson tuwing Linggo, at magpasiya kung paano mo ipapakatawan sa iba ang iyong mga responsibilidad.

4: Mamuno at mangasiwa sa mga klase sa araw ng Linggo.

Ang Linggo ay mahalagang araw para maging mamamalakaya ng mga tao. Magdaos ng mga miting ng Young Women o ng Aaronic Priesthood quorum at pamunuan ang bahaging “Magsanggunian” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bago ang lesson.

5: Magplano at magsagawa ng paglilingkod at mga aktibidad.

Ang mahusay na pangingisda ay may kasamang mahusay na pagpaplano. Maghanda ng paglilingkod at mga aktibidad na may makabuluhang layunin—mga bagay na hindi lamang masaya, kundi tutulong sa iyong korum o klase na may matutuhang bago o maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

3 Mangisda

Handa ka na bang maging isang mamamalakaya ng mga tao? Kapag maipaparamdam mo sa mga miyembro ng iyong korum at klase na minamahal at kabilang sila, magkakaroon sila ng mga pagkakataong mas mapalapit sa Tagapagligtas at magkaroon ng kapayapaan sa Kanya. At magkakaroon ka rin ng kapayapaan habang tumutulong ka sa Tagapagligtas sa Kanyang gawain.