2023
Pagkita ng Pera para sa Misyon
Abril 2023


“Pagkita ng Pera para sa Misyon,” Para sa Lakas ng mga Kabataan, Abr. 2023.

Magagawa Ko ang Lahat ng Bagay sa Pamamagitan ni Cristo

Ibinahagi ng mga kabataan kung paano sila napalakas ni Cristo na gawin ang mahihirap na bagay (tingnan sa Filipos 4:13).

Pagkita ng Pera para sa Misyon

mga binatilyo

Noong una, ayaw kong magmisyon. Naisip ko na maraming iba pang bagay akong magagawa sa panahong ito, tulad ng pag-aaral sa kolehiyo o pagtatrabaho nang husto para makabili ng kotse. Kaya lang may narinig akong isang mensahe mula sa ating propetang si Pangulong Russell M. Nelson, kung saan tinalakay niya ang pananampalataya at binanggit ang paglilingkod sa misyon. Naisip ko kung paanong nalaman ko lang ang ebanghelyo dahil sa dalawang missionary na nagpasiyang maglingkod. Kaya kinausap ko ang bishop ko tungkol sa pagmimisyon.

Natanto ko na kailangan kong magtrabaho para mabayaran ang aking misyon, pero mahirap makahanap ng trabaho sa panahon ng pandemya. Isang araw namroblema ako sa pagkita ng pera. Nagpasiya akong manalangin sa Diyos. Nang magnilay ako, pumasok sa isip ko ang mga salitang “Magbenta ka ng bottled water.” Napakalakas ng pahiwatig! Sa Brazil, madalas magbenta ang mga tao ng mga pagkain o inumin sa mga stoplight. Agad akong nagkaroon ng maraming tanong tungkol sa pagbebenta ng tubig, pero nabigyang-inspirasyon ako kung paano gawin iyon. Nagsaliksik ako at nagpasiyang magbenta ng tubig sa mas propesyonal na paraan.

Mahirap magbenta ng tubig, dahil napakainit ng panahon. Noong unang araw na nagsimula kaming magtrabaho, malupit na 100 degrees Fahrenheit (38 degrees Celsius) ang temperatura at sobrang maalinsangan, at hindi kami makatagal sa ilalim ng payong dahil naroon din ang mga cooler. Sa araw na iyon, limang oras kaming tuluy-tuloy na nagtrabaho sa ilalim ng nakakapasong init ng araw. Sa lahat ng oras na iyon patuloy kong inisip na, “Para ito sa mithiin ko. Magmimisyon ako!” Sa aking kalooban alam kong kasama ko ang Panginoon at poprotektahan at tutulungan Niya akong malampasan ito.

Ako lang ang miyembro ng Simbahan sa aking pamilya, kaya ang naggaganyak sa akin ay ang pananampalataya ko kay Jesucristo. Alam ko na kahit nag-iisa ako sa ilang paraan, nariyan Siya para sa akin. At kung gagawin natin ang hinihiling Niya, na nagtitiwala sa Kanya, tutulungan Niya tayong makarating sa dapat nating puntahan.

Kahit maraming unos sa ating buhay, alam ko na maaari kong piliing palakasin ang aking pananampalataya sa mga kapighatian. Si Jesucristo ay may kapangyarihang tulungan ako na mas mapalapit sa Kanya at masaksihan ang mga himala na hindi ko sana nasaksihan kung walang kapighatian. Kung susundin ko Siya at pagsisisihan ko ang aking mga pagkakamali, lahat ng aking sakripisyo ay magiging para sa isang dakilang layunin, at nagdudulot iyon sa akin ng kapayapaan.

Ítalo O., Brazil