2023
Social Media: Ano ang Ibinabahagi Mo?
Abril 2023


“Social Media: Ano ang Ibinabahagi Mo?,” Liahona, Abr. 2023.

Mga Young Adult

Social Media: Ano ang Ibinabahagi Mo?

Magagamit natin ang social media para masaksihan ng iba ang kagalakang nagmumula sa ebanghelyo.

mga taong gumagamit ng mga electronic device

Mga larawang-guhit ni David Green

Ano ang ibinabahagi mo sa social media? Ibinabahagi mo ba kung ano ang nagdudulot sa iyo ng kagalakan? Nagpo-post ka ba tungkol sa mga karanasan mo sa buhay? Naghahangad ka ba ng mga like at papuri? Higit sa lahat, nagpo-post ka ba tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo?

Ang pagbabahagi ng ebanghelyo sa aking misyon ay napakagandang karanasan para sa akin kaya gusto kong patuloy na gawin iyon pagkauwi ko sa Peru. Pero hindi nagtagal ay natanto ko na wala akong oras para makausap ang lahat ng taong gusto kong makausap, tulad ng ginawa ko sa aking misyon.

Kaya bumaling ako sa social media.

Gumawa ako ng blog para ibahagi sa iba ang mga karanasan ko sa misyon, ang mga naiisip ko mula sa aking lingguhang pag-aaral ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, at ang iba pang mga ideyang may kaugnayan sa ebanghelyo. At habang ibinabahagi ko ang aking blog, nagsimula akong tumanggap ng magigiliw na mensahe mula sa mga kaibigan na nagpapasalamat sa aking pagbabahagi. Hindi ko inasahan iyon! Kaya naisip ko: “Bakit hindi na lang ako gumawa ng iba pa sa social media?” At ganyan nagsimula ang aking landas tungo sa paglikha ng isang platform sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa Instagram at YouTube.

Ang Lihim sa Gawaing Misyonero sa Social Media

Ang pagbabahagi ng iyong pananampalataya sa social media ay hindi kailangang maging kumplikado, pero kung minsa’y maaaring natatakot tayong magbahagi dahil ang social media ay puno ng panghuhusga, mga makamundong ideya, at paimbabaw na mga post. Kung minsa’y parang iyon ang pinakahuling lugar na dapat nating ibahagi ang ating pananampalataya. Ngunit ang totoo, dahil ang social media ay puno ng napakaraming tahi-tahi at kasinungalingan, kailangan nating ibahagi ang kagalakan at kapayapaan at katotohanang natatanggap natin bilang mga disipulo ni Jesucristo.

Madalas akong matanong: “Ale, ano ang gumaganyak sa iyong ibahagi ang ebanghelyo sa pamamagitan ng social media? Ano ang sekreto sa pagbabahagi nito nang napaka-natural at pag-uugnay nito sa pang-araw-araw na buhay?” At ang sagot ko ay palaging ganito: “Walang sekreto! Ang susi ay ipamuhay ang ebanghelyo at gawing bahagi iyon ng buhay ko araw-araw.”

Habang lalo kong sinisikap na ipamuhay ang ebanghelyo at palalimin ang aking pananampalataya, lalo kong hinahangad na ibahagi iyon sa iba. Ang gumaganyak sa aking maglaan ng maraming oras sa pagbabahagi ng aking patotoo sa iba ay nagmumula sa mga espirituwal na karanasan ko sa aking Ama sa Langit.

Sa aking mga karanasan, natutuhan ko na ang pagbabahagi ng ebanghelyo ay maaaring maging kasindali ng pagbabahagi ng ating mga karanasan araw-araw sa pagiging bahagi ng kawan ng Tagapagligtas. Hindi ko palaging alam kung naaapektuhan ko ang sinuman sa ibinabahagi ko, pero alam ko na “sa pamamagitan ng maliliit at mga karaniwang bagay ay naisasakatuparan ang mga dakilang bagay” (Alma 37:6).

iba’t ibang taong gumagamit ng mga electronic device

Ang Paanyaya ng Tagapagligtas na Ibahagi ang Ating Pananampalataya

May mga tao sa mundo na naghahanap ng mga paalala kung sino sila at bakit dapat silang patuloy na sumulong nang may pag-asa. At sino pa ang mas makakapagbahagi ng mga katotohanang ito kaysa sa atin? Bilang mga alagad ni Cristo, alam natin ang tungkol sa mga pangako ng Diyos at ang magandang planong naihanda Niya para sa Kanyang mga anak. Tandaan, ang ilang tao ay “napagkakaitan lamang ng katotohanan sapagkat hindi nila alam kung saan ito matatagpuan” (Doktrina at mga Tipan 123:12)—at matutulungan natin silang mahanap ito.

Tulad ng sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol:

“Ibahagi ang inyong mga karanasan nang personal, sa social media, sa mga grupo, kahit saan.

“Ang isa sa mga huling sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ay humayo sila sa buong mundo at ibahagi ang kuwento ng nabuhay na Cristo. Ngayon ay nagagalak din tayong tanggapin ang dakilang utos na ito.”1

Ang pagiging mga disipulo ni Jesucristo ay dapat sumaklaw sa ating pag-uugali hindi lamang sa tunay na buhay kundi maging sa social media. Kapag nagtataas tayo ng ating tinig para ipahayag ang mga katotohanan ng ebanghelyo, magagampanan natin ang malaking responsibilidad na naipagkatiwala ni Jesucristo sa atin.

Ipakita natin sa mundo kung paano tayo naglalaan ng oras para sa Panginoon araw-araw, kung paano natin hinaharap ang ating mga paghihirap at kalungkutan, at kung paano tayo nakasusumpong ng kapayapaan. Alam ko na sa pagbabahagi ng mga bagay na mahalaga, magiging malaking kasangkapan tayo sa mga kamay ng Diyos para tipunin ang Israel.

Kailangan tayo ng Ama sa Langit. Tumigil tayo sa paggamit ng ating device at sa halip ay gamitin natin ang mga iyon para kumonekta sa iba. Maging bahagi tayo ng Kanyang gawain at huwag i-post kung ano kundi kung Sino ang nagbibigay sa atin ng kagalakan—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo.