2019
Ang Malaking Pakikipagsapalaran Ninyo
Nobyembre 2019


Ang Malaking Pakikipagsapalaran Ninyo

Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas bawat araw na isantabi ang ating mga kaginhawahan at seguridad at samahan Siya sa paglalakbay sa pagkadisipulo.

Tungkol sa mga Hobbit

Isang paboritong fantasy novel na pambata na isinulat maraming taon na ang nakalipas ang nagsisimula sa pangungusap na “Sa isang butas sa lupa ay nanirahan ang isang hobbit.”1

Ang kuwento ni Bilbo Baggins ay tungkol sa isang pinakanormal at karaniwang hobbit na nabigyan ng pinakapambihirang pagkakataon—ang pagkakataong makipagsapalaran at ang pangako ng isang malaking gantimpala.

Ang problema ay ayaw ng mga hobbit na may paggalang sa sarili na makipagsapalaran. Ang gusto lang nila sa buhay ay kaginhawahan. Nasisiyahan silang kumain nang anim na beses isang araw kung kaya nila at maghapon sila sa kanilang hardin, nakikipagkuwentuhan sa mga bisita, kumakanta, tumutugtog ng mga instrumento, at ipinagdiriwang ang mga simpleng kagalakan sa buhay.

Gayunman, nang si Bilbo ay binigyan ng pagkakataong makipagsapalaran, nabuhayan ang kaibuturan ng kanyang puso. Nauunawaan niya mula sa simula na ang paglalakbay na ito ay magiging mahirap. Mapanganib kung tutuusin. Mayroon pa ngang posibilidad na hindi na siya makabalik.

Gayunman, ang tawag na makipagsapalaran ay tumimo sa kaibuturan ng kanyang puso. Kaya, iniwan ng karaniwang hobbit na ito ang kaginhawahan at nagsimula sa landas tungo sa malaking pakikipagsapalaran na magdadala sa kanya “roon at pabalik.”2

Ang Inyong Pakikipagsapalaran

Marahil isa sa mga dahilan kaya nakauugnay ang napakarami sa kuwentong ito ay dahil kuwento rin natin ito.

Matagal na panahon na ang nakalipas bago pa tayo ipinanganak, mga araw na nilimot na ng panahon at malabo na sa ating alaala, tayo ay inanyayahan rin na magsimulang makipagsapalaran. Ito ay iminungkahi ng Diyos, ang ating Ama sa Langit. Ang pagtanggap sa pakikipagsapalarang ito ay mangangahulugan ng paglisan sa kaginhawahan at kaligtasan sa Kanyang piling. Ibig sabihin nito pupunta tayo sa mundo para sa isang paglalakbay na puno ng hindi batid na panganib at pagsubok.

Alam natin na hindi ito magiging madali.

Subalit alam din natin na magtatamo tayo ng malaking kayamanan, kabilang na ang ating pisikal na katawan at ang pagdanas ng malaking kagalakan at kalungkutan sa mortalidad. Matututo tayong magsikap, maghanap, at makibaka. Matutuklasan natin ang mga katotohanan tungkol sa Diyos at sa ating sarili.

Siyempre, alam natin na makagagawa tayo ng maraming pagkakamali sa ating paglalakbay. Ngunit tayo ay binigyan din ng isang pangako: na dahil sa dakilang sakripisyo ni Jesucristo, malilinis tayo sa ating mga paglabag, magiging mas mabuti at dalisay ang ating mga espiritu, at, balang-araw ay mabubuhay na mag-uli at makakapiling ang mga mahal natin sa buhay.

Natutuhan natin kung gaano tayo kamahal ng Diyos. Binigyan Niya tayo ng buhay, at nais Niyang magtagumpay tayo. Kaya, naghanda Siya ng isang Tagapagligtas para sa atin. “Datapwat,” sabi ng ating Ama sa Langit, “ikaw ay maaaring mamili para sa iyong sarili, sapagka’t ito ay ibinigay sa iyo.”3

Marahil may mga bahagi ng mortal na pakikipagsapalaran na nagdulot ng pag-aalala at maging ng pangamba sa mga anak ng Diyos, dahil malaking bilang ng ating mga espirituwal na kapatid ang nagpasiya laban dito.4

Sa pamamagitan ng kaloob at bisa ng ating kalayaang moral, natukoy natin na talagang sulit ang panganib dahil sa maaari nating matutuhan at kahinatnan sa kawalang-hanggan.5

Kaya, nagtitiwala sa mga pangako at kapangyarihan ng Diyos at ng Kanyang Bugtong na Anak, tinanggap natin ang hamon.

Tinanggap ko.

At tinanggap rin ninyo.

Pumayag tayong lisanin ang seguridad ng ating unang kalagayan at magsimula sa ating malaking pakikipagsapalaran “doon at pabalik.”

Ang Tawag na Makipagsapalaran

At gayunman, ang mortal na buhay ay may paraan para guluhin tayo, hindi ba? Malamang na malimutan natin ang ating malaking pakikipagsapalaran, at mas naisin ang kaginhawahan at kariwasaan kaysa paglago at pag-unlad.

Gayunman, hindi maikakailang sa kaibuturan ng ating mga puso ay may pagnanais sa mas mataas at dakilang layunin. Ang pagnanais na ito ay isang dahilan kung bakit ang mga tao ay nababaling sa ebanghelyo at sa Simbahan ni Jesucristo. Sa isang banda, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay isang tawag na makipagsapalaran na matagal na nating tinanggap. Inaanyayahan tayo ng Tagapagligtas bawat araw na isantabi ang ating mga kaginhawahan at seguridad at samahan Siya sa paglalakbay sa pagkadisipulo.

Maraming pagsubok sa landas na ito. May mga burol, lambak, at mga pagliko. Mayroon pa ngang metaporikal na mga gagamba, mga troll, at maging isa o dalawang dragon. Ngunit kung mananatili kayo sa landas at magtitiwala sa Diyos, kalaunan ay mahahanap ninyo ang landas patungo sa inyong maluwalhating tadhana at pabalik sa inyong tahanan sa langit.

Kaya paano kayo magsisimula?

Madali lamang ito.

Ibaling ang Inyong Puso sa Diyos

Una, kailangan ninyong piliin na ibaling ang inyong puso sa Diyos. Sikaping hanapin Siya araw-araw. Pag-aralang mahalin Siya. At hayaang bigyang-inspirasyon kayo ng pagmamahal na iyon na matutuhan, maunawaan, at sundin ang Kanyang mga turo at matutuhang sundin ang mga kautusan ng Diyos. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay ibinigay sa atin sa payak at simpleng paraan na mauunawaan ng isang bata. Gayunman, ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may sagot sa pinakakumplikadong mga tanong sa buhay at malawak ang kalaliman at masalimuot na kahit sa habambuhay na pag-aaral at pagninilay ay hindi natin halos mauunawaan kahit na ang pinakamaliit na bahagi nito.

Kung nag-aalinlangan kayo sa pakikipagsapalarang ito dahil nagdududa kayo sa inyong mga kakayahan, tandaan na ang pagiging disipulo ay hindi tungkol sa paggawa sa mga bagay sa perpektong paraan; tungkol ito sa pagpiling gawin ang mga bagay. Higit pa sa mga kakayahan ninyo, ang inyong mga pagpili ang nagpapakita kung sino talaga kayo.6

Kahit na mabigo kayo, maaari ninyong piliin na huwag sumuko, kundi sa halip ay tuklasin ang inyong tapang, magpatuloy, at bumangon. Iyan ang malaking pagsubok sa paglalakbay.

Alam ng Diyos na hindi kayo perpekto, na mabibigo kayo kung minsan. Mahal pa rin kayo ng Diyos kayo man ay nahihirapan o nagtatagumpay.

Tulad ng isang mapagmahal na magulang, gusto lang Niya na patuloy kayong magsikap. Ang pagiging disipulo ay tulad ng pag-aaral na tumugtog ng piano. Marahil ang magagawa lamang ninyo sa simula ay ang matugtog lamang ang hindi makilalang rendisyon ng “Chopsticks.” Subalit kapag patuloy kayong nagsanay, ang mga simpleng tugtugin ay magbibigay-daan sa inyo kalaunan sa kagila-gilalas na mga sonata, rhapsody, at concerto.

Ngayon, ang araw na iyon ay maaaring hindi dumating sa buhay na ito, ngunit ito ay darating. Ang tanging hiling ng Diyos ay patuloy kayong magsikap nang may katapatan.

Tumulong sa Iba nang may Pagmamahal

Mayroong isang bagay na kawili-wili, halos kabalintunaan, tungkol sa landas na ito na inyong pinili: ang tanging paraan para umunlad kayo sa inyong pakikipagsapalaran sa ebanghelyo ay ang tulungan ang iba na umunlad rin.

Ang pagtulong sa iba ay ang landas ng pagkadisipulo. Ang pananampalataya, pag-asa, pag-ibig, pakikiramay, at paglilingkod ang nagpapadalisay sa atin bilang mga disipulo.

Sa pamamagitan ng inyong mga pagsisikap na tulungan ang mga maralita at mga nangangailangan, tulungan ang mga nababalisa, ang inyong pagkatao ay nadadalisay at nahahasa, ang inyong espiritu ay napalalaki, at lumalakad kayo nang mas may kumpiyansa.

Ngunit ang pagmamahal na ito ay wala dapat inaasahang sukli. Hindi ito maaaring maging isang uri ng paglilingkod na umaasa na makilala, hangaan, o mabigyan ng pabor.

Ang mga tunay na disipulo ni Jesucristo ay nagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mga anak nang walang inaasahang kapalit. Minamahal natin ang mga bumibigo sa atin, ang mga taong ayaw sa atin. Kahit ang mga nangungutya, nang-aabuso, o nagnanais na saktan tayo.

Kapag pinuno ninyo ang inyong puso ng dalisay na pag-ibig ni Cristo, wala nang magiging lugar para sa sama-ng-loob, panghuhusga, at panghihiya. Sinusunod ninyo ang mga utos ng Diyos dahil mahal ninyo Siya. Sa prosesong ito, unti-unti kayong nagiging mas katulad ni Cristo sa inyong mga iniisip at ginagawa.7 At anong pakikipagsapalaran ang makahihigit pa rito?

Ibahagi ang Inyong Kuwento

Ang ikatlong bagay na sinisikap nating magawa nang mahusay sa paglalakbay na ito ay ang taglayin natin ang pangalan ni Jesucristo at huwag ikahiya na miyembro tayo ng Simbahan ni Jesucristo.

Hindi natin itinatago ang ating pananampalataya.

Hindi natin ito ibinabaon.

Taliwas dito, sinasabi natin sa iba ang tungkol sa ating paglalakbay sa normal at natural na mga paraan. Iyan ang ginagawa ng mga kaibigan—sinasabi nila ang mga bagay na mahalaga sa kanila. Mga bagay na malapit sa kanilang puso at nakagagawa ng kaibhan sa kanila.

Iyan ang ginagawa ninyo. Sinasabi ninyo ang inyong mga kuwento at karanasan bilang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Kung minsan ay tumatawa ang mga tao dahil sa iyong mga kuwento. Kung minsan ay napapaluha sila dahil sa mga ito. Kung minsan ay tinutulungan ng mga ito ang iba na patuloy na harapin ang isa pang oras at isa pang araw at maging mas malapit sa Diyos.

Ibahagi ang inyong mga karanasan nang personal, sa social media, sa mga grupo, kahit saan.

Ang isa sa mga huling sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo ay humayo sila sa buong mundo at ibahagi ang kuwento ng nabuhay na Cristo.8 Ngayon ay nagagalak din tayong tanggapin ang dakilang utos na ito.

Napakamaluwalhati ng mensaheng ibabahagi natin: dahil kay Jesucristo, ang bawat lalaki, babae, at bata ay maaaring makabalik nang ligtas sa kanilang tahanan sa langit at doon ay mamuhay sa kaluwalhatian at kabutihan!

May iba pang mabubuting balitang marapat na ibahagi.

Nagpakita ang Diyos sa tao sa ating panahon! Tayo ay may buhay na propeta.

Hayaang ipaalaala ko sa inyo na hindi “ipinabebenta” ng Diyos sa inyo ang ipinanumbalik na ebanghelyo o ang Simbahan ni Jesucristo.

Inaasahan lamang Niya na hindi ninyo ito itatago sa ilalim ng takalan.

At kung magpasiya ang mga tao na ang Simbahan ay hindi para sa kanila, desisyon nila iyon.

Hindi ito nangangahulugan na kayo ay nabigo. Patuloy kayong maging mabait sa kanila. Hindi rin ito nangangahulugan na hindi na ninyo sila aanyayahang muli.

Ang pagkakaiba ng kaswal na pakikipagkapwa sa mahabagin at matapang na pagkadisipulo ay—ang pag-anyaya!

Minamahal at iginagalang natin ang lahat ng anak ng Diyos, anuman ang kanilang katayuan sa buhay, anuman ang kanilang lahi o relihiyon, anuman ang kanilang mga desisyon sa buhay.

Sa ganang atin, sasabihin natin, “Halina at tingnan! Alamin ninyo kung paano nagbibigay-kasiyahan at kadakilaan ang paglakad sa landas ng pagkadisipulo.”

Inaanyayahan natin ang mga tao na “pumunta at tumulong, habang nagsisikap tayo na gawing mas mabuti ang mundo.”

At sinasabi natin, “Halina at manatili! Kami ay inyong mga kapatid. Hindi kami perpekto. Nagtitiwala kami sa Diyos at nais na sundin ang Kanyang mga utos.

“Samahan ninyo kami, at kayo ay mas magpapabuti sa amin. At, sa prosesong ito ay magiging mas mabuti rin kayo. Makipagsapalaran tayo nang magkakasama.”

Kailan Ako Dapat Magsimula?

Nang nadama ng ating kaibigang si Bilbo Baggins ang pagnanais na makipagsapalaran, nagpasiya siyang matulog nang mahimbing, kumain ng masarap na agahan, at simulan ito kaagad sa umaga.

Nang magising si Bilbo, napansin niyang marumi ang kanyang bahay, at halos nawala ang isip niya sa kanyang magandang plano.

Ngunit dumating ang kanyang kaibigang si Gandalf at nagtanong, “Kailan ka ba pupunta?”9 Para makahabol sa kanyang mga kaibigan, kailangang magpasiya ni Bilbo para sa kanyang sarili.

Kaya, nakita ng napakanormal at karaniwang hobbit ang kanyang sarili na mabilis na lumabas sa kanyang pinto sa harapan patungo sa landas ng pakikipagsapalaran kung kaya’t nakalimutan niya ang kanyang sombrero, tungkod, at panyo. Hindi rin niya natapos kainin ang pangalawang agahan niya.

Marahil ay mayroon ding aral dito para sa atin.

Kung kayo at ako ay nakadama ng pagnanais na sumama sa malaking pakikipagsapalaran ng pamumuhay at pagbabahagi ng inihanda ng ating mapagmahal na Ama sa Langit para sa atin maraming taon na ang nakararaan, tinitiyak ko sa inyo, ngayon ang araw para sundin ang Anak ng Diyos at ang ating Tagapagligtas sa Kanyang landas ng paglilingkod at pagkadisipulo.

Maaari nating gugulin ang buong buhay natin sa paghihintay sa pagkakataong ganap na maayos na ang lahat. Ngunit ngayon ang panahon para tapat na mangako na lubos na hanapin ang Diyos, maglingkod sa iba, at magbahagi ng ating mga karanasan sa iba.

Iwanan ang inyong mga sombrero, tungkod, panyo, at maruming bahay.10

Sa mga naglalakad na sa landas, maging matapang, mahabagin, may kumpiyansa, at magpatuloy!

Sa mga lumihis ng landas, nakikiusap ako na bumalik na kayo, muli kaming samahan, gawin kaming mas malakas.

At sa mga hindi pa nagsisimula, bakit ninyo ito ipagpapaliban? Kung gusto ninyong maranasan ang mga hiwaga ng malaking espirituwal na paglalakbay na ito, simulan ang inyong sariling malaking pakikipagsapalaran! Kausapin ang mga missionary. Kausapin ang mga kaibigan ninyong Banal sa mga Huling Araw. Kausapin sila tungkol sa kagila-gilalas na gawain at kamangha-manghang bagay na ito.11

Panahon na para magsimula!

Halina at Sumama sa Amin!

Kung nadarama ninyo na ang inyong buhay ay magiging mas makabuluhan, magkakaroon ng mas mataas na layunin, mas malakas na pamilya, at mas malakas na ugnayan sa Diyos, nakikiusap ako, halina, at sumama sa amin!

Kung naghahanap kayo ng isang komunidad ng mga tao na nagsisikap na maging pinakamabuting bersyon ng kanilang sarili, tulungan ang mga nangangailangan, at gawing mas maganda ang mundo, halina, at sumama sa amin!

Halina at tingnan kung para saan ang kagila-gilalas, kamangha-mangha, at puno ng pakikipagsapalarang paglalakbay na ito.

Habang nasa daan ay matutuklasan ninyo ang inyong sarili.

Matutuklasan ninyo ang inyong kabuluhan.

Matutuklasan ninyo ang Diyos.

Matutuklasan ninyo ang pinakapuno ng pakikipagsapalaran at pinakamaluwalhating paglalakbay ng inyong buhay.

Pinatototohanan ko ito sa pangalan ng ating Manunubos at Tagapagligtas na si Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. J. R. R. Tolkien, The Hobbit or There and Back Again (Boston: Houghton Mifflin, 2001), 3.

  2. Pangalawang pamagat ng The Hobbit.

  3. Moises 3:17.

  4. Tingnan sa Job 38:4–7 (ang lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan); Isaias 14:12–13 (“itataas ang aking luklukan sa itaas ng mga bituin ng Dios”); Apocalipsis 12:7–11 (nagkaroon ng digmaan sa langit).

  5. “Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang kalayaan bilang ‘ang kasarinlan ng isip na iyon na saganang ibinigay ng langit sa sangkatauhan bilang isa sa mga pinaka-natatanging kaloob nito’ [Teachings of the Prophet Joseph Smith, comp. Joseph Fielding Smith (1977), 49]. Ang ‘kasarinlan ng isip’ na ito o kalayaan, ay ang kapangyarihan na nagpapahintulot sa mga indibiduwal na maging mga ‘kinatawan ng kanilang mga sarili’ (D at T 58:28). Saklaw nito kapwa ang kakayahang pumili sa pagitan ng mabuti at masama o magkakaibang antas ng mabuti at masama, at gayundin ang pagkakataong maranasan ang mga resulta ng pagpiling iyon. Mahal na mahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak kaya gusto Niyang maabot natin ang ating pinakamataas na potensiyal—ang maging katulad Niya. Para umunlad, kailangang taglayin ng isang tao ang likas na kakayahang gawin ang kanyang ninanais na pagpapasiya. Ang kalayaan ay napakahalaga sa Kanyang plano para sa Kanyang mga anak na ‘maging ang Diyos ay hindi maaaring gawing katulad ng kanyang sarili ang mga tao nang hindi niya sila pinalalaya’ [David O. McKay, “Whither Shall We Go? Or Life’s Supreme Decision,” Deseret News, Hunyo 8, 1935, 1]” (Byron R. Merrill, “Agency and Freedom in the Divine Plan,” sa Roy A. Prete, ed., Window of Faith: Latter-day Saint Perspectives on World History [2005], 162).

  6. Sa kanyang nobelang Harry Potter and the Chamber of Secrets, pinagsalita ng manunulat na si J. K. Rowling ang headmaster ng Hogwarts na si Dumbledore ng isang bagay na talagang pamilyar sa batang si Harry Potter. Napakagandang payo rin nito. Nagamit ko na ito sa mga mensahe ko noon at sa palagay ko ay marapat itong ulitin.

  7. “Mga minamahal, ngayon ay mga anak tayo ng Dios, at hindi pa nahahayag kung magiging ano tayo. Nalalaman natin, na kung Siya’y mahayag, tayo’y magiging katulad Niya; sapagka’t Siya’y ating makikitang gaya ng Kaniyang sarili” (I Ni Juan 3:2; idinagdag ang pagbibigay-diin).

    Bagama’t ang pagbabagong ito ay hindi natin kayang maunawaan, “ang Espiritu Santo rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios:

    “At kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.

    “Sapagka’t napatunayan ko na ang pagtitiis sa panahong ito’y hindi karapat-dapat maitumbas sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin” (Mga Taga Roma 8:16; idinagdag ang pagbibigay-diin).

  8. Tingnan sa Mateo 28:16–20.

  9. Tolkien, The Hobbit, 33.

  10. Tingnan sa Lucas 9:59–62.

  11. Tingnan sa LeGrand Richards, A Marvelous Work and a Wonder, rev. ed. (1966).