2019
Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—ang Panlaban na Estratehiya at Maagap na Plano ng Panginoon
Nobyembre 2019


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—ang Panlaban na Estratehiya at Maagap na Plano ng Panginoon

Inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga tao laban sa mga pag-atake ng kaaway. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang panlaban na estratehiya at maagap na plano ng Panginoon.

Nagagalak tayo sa pagtitipon nang magkakasama sa pangkalahatang kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Pagpapala ang matanggap ang kaisipan at kalooban ng Panginoon sa pamamagitan ng mga turo ng Kanyang mga propeta at apostol. Si Pangulong Russell M. Nelson ang buhay na propeta ng Panginoon. Lubos tayong nagpapasalamat sa kanyang inspiradong payo at patnubay na natanggap ngayon.

Idinaragdag ko ang aking pagsaksi sa mga ibinahagi na. Pinatototohanan ko ang Diyos, ang Amang Walang Hanggan. Buhay Siya at minamahal at binabantayan Niya tayo. Ang Kanyang plano ng kaligayahan ay naghahatid ng pagpapala sa buhay na ito sa lupa at nagtutulot sa atin na makabalik kalaunan sa Kanyang piling.

Pinatototohanan ko rin si Jesucristo. Siya ang Bugtong na Anak ng Diyos. Siya ang nagligtas sa atin mula sa kamatayan, at tinutubos Niya tayo mula sa kasalanan kapag nananampalataya tayo sa Kanya at nagsisisi. Ang Kanyang walang hanggang nagbabayad-salang sakripisyo para sa ating kapakanan ay nagdadala ng mga pagpapala ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Tunay nga, “Salamat sa Diyos sa Kanyang walang kapantay na kaloob na Kanyang banal na anak” (“Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,” Liahona, Mayo 2017, sa loob ng pabalat sa harapan).

Ang mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo ay mapalad na sambahin si Jesucristo sa Kanyang mga templo. Isa sa mga templong iyon ang kasalukuyang itinatayo sa Winnipeg, Canada. Ako at ang asawa kong si Anne Marie ay nagkaroon ng pagkakataon na bisitahin ang lugar na pagtatayuan nito noong Agosto ng taong ito. Maganda ang disenyo ng templo at tiyak na magiging kahanga-hanga ito kapag natapos na. Gayunman, hindi maaaring magkaroon ng isang kahanga-hangang templo sa Winnipeg, o saanman, nang walang matibay at matatag na saligan.

Hindi naging madali ang paghahanda ng saligan ng templo dahil sa paulit-ulit na pagkakaroon at pagkatunaw ng yelo at paiba-ibang kondisyon ng lupa sa Winnipeg. Samakatuwid, napagpasiyahan na ang saligan ng templo ay bubuuin ng 70 piraso ng bakal na nababalot ng semento. Ang mga bakal na ito ay 60 talampakan (18 m) ang haba at 12 hanggang 20 pulgada (30 hanggang 50 cm) ang dyametro. Ibinabaon ang mga ito sa lupa hanggang sa maabot ng mga ito ang kailaliman, humigit-kumulang 50 talampakan (15 m) sa ilalim ng lupa. Sa ganitong paraan, ang 70 piraso ng bakal ay naglalaan ng matibay at matatag na saligan para sa magiging magandang Winnipeg temple.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, nais natin ang matatag at tunay na saligan na katulad nito sa ating buhay—isang espirituwal na saligan na kailangan para sa ating paglalakbay sa buhay sa lupa at pabalik sa ating makalangit na tahanan. Ang saligang iyon ay nakatayo sa kailaliman ng ating pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo.

Maaalala natin ang mga turo ni Helaman mula sa Aklat ni Mormon: “At ngayon, mga anak ko, tandaan, tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, … hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Sa kabutihang-palad, nabubuhay tayo sa isang panahon kung kailan tinuturuan tayo ng mga propeta at apostol tungkol sa Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang pagsunod sa kanilang payo ay nakakatulong sa atin na magtayo ng matatag na saligan kay Cristo.

Noong nakaraang taon, sa kanyang pambungad na mensahe sa Oktubre 2018 na pangkalahatang kumperensiya, ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang pahayag at babalang ito: “Ang pangmatagalan na layunin ng Simbahan ay tulungan ang lahat ng mga miyembro na dagdagan ang kanilang pananampalataya sa ating Panginoong Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, tulungan sila sa paggawa at pagtupad ng mga tipan nila sa Diyos, at palakasin at ibuklod ang kanilang mga pamilya. Sa magulong mundo natin ngayon, hindi ito madali. Pinatitindi ng kalaban ang kanyang pag-atake sa pananampalataya at sa atin at sa mga pamilya natin sa napakabilis na paraan. Upang espirituwal na makaligtas, kailangan natin ng mga [panlaban na] estratehiya at mga [maagap] na plano” (“Pambungad na Mensahe,” Liahona, Nob. 2018, 7; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Pagkatapos ng mensahe ni Pangulong Nelson, ipinakilala ni Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na sanggunian para sa mga indibiduwal at pamilya. Kabilang sa kanyang mensahe ang mga sumusunod na pahayag:

Simula noong Enero ng taong ito, sinimulang pag-aralan ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo ang Bagong Tipan, gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na sanggunian bilang ating gabay. Sa isang lingguhang iskedyul, tinutulungan tayo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, ang doktrina ng ebanghelyo, at ang mga turo ng mga propeta at apostol. Ito ay kahanga-hangang sanggunian para sa ating lahat.

Matapos ang siyam na buwan ng pandaigdigang pagsisikap na ito sa pag-aaral ng banal na kasulatan, ano ang nakikita natin? Nakikita natin na ang mga Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ay lumalago sa pananampalataya at debosyon sa Panginoong Jesucristo. Nakikita natin na ang mga indibiduwal at pamilya ay naglalaan ng oras sa buong linggo upang pag-aralan ang mga salita ng ating Tagapagligtas. Nakikita natin na mas humuhusay ang pagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga klase sa Linggo habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan sa tahanan at ibinabahagi natin ang ating mga natutuhan sa simbahan. Nakikita natin na mas masaya at nagkakaisa ang mga pamilya dahil mula sa simpleng pagbabasa lamang ng mga banal na kasulatan ay naging mas malalim ang pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan.

Nagkaroon ako ng pagkakataon na makausap ang mga Banal sa mga Huling Araw at marinig nang personal ang kanilang mga karanasan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Napuspos ng kagalakan ang aking puso dahil sa pagpapahayag nila ng pananampalataya. Narito ang ilan sa mga komentaryong narinig ko mula sa iba’t ibang miyembro ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo:

  • Ibinahagi ng isang ama, “Nasisiyahan ako sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, dahil naglalaan ito ng pagkakataon na magpatotoo tungkol sa Tagapagligtas sa aking mga anak.”

  • Sa isa pang tahanan, sinabi ng isang anak: “Pagkakataon ko itong marinig ang aking mga magulang na magpatotoo.”

  • Ibinahagi ng isang ina: “Nabigyang-inspirasyon kami tungkol sa kung paano uunahin ang Diyos. Ang oras na [akala naming] ‘wala kami’ ay [napuspos] ng [matinding] pag-asa, kagalakan, kapayapaan, at tagumpay sa mga paraang hindi namin alam na posible.”

  • Napansin ng isang mag-asawa: “Talagang ibang-iba ang pagbabasa namin ng mga banal na kasulatan ngayon kaysa sa pagbabasa namin noon. Mas marami kaming natututuhan ngayon kaysa sa mga natutuhan namin noon. Nais ng Panginoon na maiba ang pagtingin namin sa mga bagay-bagay. Inihahanda kami ng Panginoon.”

  • Ipinahayag ng isang ina: “Gustung-gusto ko na sama-sama naming pinag-aaralan ang magkakaparehong bagay. Noon, binabasa namin ito. Ngayon, pinag-aaralan namin ito.”

  • Ibinahagi ng isang sister ang magandang pananaw na ito: “Noon, mayroon kang aralin at sinusuportahan ito ng mga banal na kasulatan. Ngayon, mayroon kang mga banal na kasulatan at sinusuportahan ito ng aralin.”

  • Sabi ng isa pang sister: “May pagkakaiba akong nadarama kapag ginagawa ko ito [kung ihahambing sa] kapag hindi. Nagiging mas madali para sa akin na makipag-usap sa iba tungkol kay Jesucristo at sa ating mga paniniwala.”

  • Ipinahayag ng isang lola: “Tinatawagan ko ang mga anak at apo ko tuwing Linggo, at nagbabahagi kami sa isa’t isa ng mga natutuhan namin mula sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin.”

  • Napansin ng isang sister: “Nadarama ko sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na para bang personal na naglilingkod sa akin ang Tagapagligtas. Ito ay inspirado ng langit.”

  • Sabi ng isang ama: “Sa paggamit namin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, tila katulad kami ng mga anak ni Israel, minamarkahan ang mga haligi ng aming mga pinto, pinangangalagaan ang aming mga pamilya mula sa impluwensya ng manlilipol.”

Mga kapatid, kagalakang makausap kayo at marinig kung paano pinagpapala ang inyong buhay dahil sa pagsisikap ninyo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Salamat sa inyong debosyon.

Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin bilang gabay ay nagpapatatag sa inyong pagbabalik-loob kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Hindi lamang natin pinapalitan ang isang oras sa simbahan bawat Linggo ng isang oras ng pag-aaral ng banal na kasulatan sa tahanan. Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay tuluy-tuloy na pagsisikap sa buong linggo. Katulad ng magandang ibinahagi sa akin ng isang sister, “Ang layunin ay hindi paikliin nang isang oras ang simba; ito ay para gawing mas mahaba nang anim na araw ang simba!”

Ngayon, isipin muli ang babalang ibinigay ng ating propetang si Pangulong Nelson noong sinimulan niya ang pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2018:

“Pinatitindi ng kalaban ang kanyang pag-atake sa pananampalataya at sa atin at sa mga pamilya natin sa napakabilis na paraan. Upang espirituwal na makaligtas, kailangan natin ng mga [panlaban na] estratehiya at mga [maagap] na plano” (Pambungad na Mensahe,” 7).

Pagkatapos (pagkalipas ng mga 29 oras), noong Linggo ng hapon, tinapos niya ang kumperensya gamit ang pangakong ito: “Habang masigasig ninyong ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang inyong tahanan, … ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay at tahanan ay mababawasan” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018, 113).

Paano tumitindi ang mga pag-atake ng kaaway sa napakabilis na paraan habang nababawasan ang impluwensya ng kaaway? Ito ay maaaring mangyari, at ito ay nangyayari sa buong Simbahan, dahil inihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga tao laban sa mga pag-atake ng kaaway. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ang panlaban na estratehiya at maagap na plano ng Panginoon. Katulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang bagong integrated na kurikulum na nakasentro sa tahanan at suportado ng Simbahan ay may potensyal na makalagan ang kapangyarihan ng pamilya.” Gayunman, kinakailangan at kakailanganin nito ang ating pinakamabuting pagsisikap; kailangan tayong sumunod nang “tapat at maingat [upang maging] … santuwaryo ng pananampalataya ang [ating] tahanan” (“Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” 113).

Pagkatapos ng lahat, katulad din ng sinabi ni Pangulong Nelson, “Bawat isa sa atin ay responsable sa ating indibiduwal na espirituwal na paglago” (“Pambungad na Mensahe,” 8).

Gamit ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin na sanggunian, inihahanda tayo ng Panginoon “para sa mapanganib na panahon na hinaharap natin” (Quentin L. Cook, “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo,” 10). Tinutulungan Niya tayo na maitayo ang “tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12)—ang saligan ng isang patotoong nakaangkla nang matatag sa kailaliman ng ating pagbabalik-loob sa Panginoong Jesucristo.

Nawa’y patatagin tayo ng ating araw-araw na pagsisikap sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at patunayan nito na karapat-dapat tayo sa mga ipinangakong pagpapala. Ito ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.