2019
Ipinakilala ng mga Lider ang Bagong Inisyatibong Mga Bata at Kabataan
Nobyembre 2019


Ipinakilala ng mga Lider ang Bagong Inisyatibong Mga Bata at Kabataan

Ang Mga Bata at Kabataan ay ipatutupad sa Enero 2020 upang tulungan ang mga kabataan na masunod ang Tagapagligtas habang sila ay umuunlad sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal. Para sa mga mensahe sa magasin na ito na tumatalakay sa Mga Bata at Kabataan, tingnan sa mga pahina 40 at 53.

“Panahon na para sa bagong pamamaraan, na ginawa para tulungan ang mga bata at kabataan ngayon sa buong mundo,” sabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa isang espesyal na brodkast noong Setyembre 29, 2019.

“Sa halip na bigyan kayo ng maraming partikular na mga gagawin,” sinabi niya sa mga bata at kabataan, “inaanyayahan namin kayo na isangguni sa Panginoon kung paano kayo uunlad sa balanseng paraan. Magiging makabuluhan at masaya ito, ngunit kakailanganin din dito ang pagsisikap na mula sa inyo. Kakailanganin ninyong humingi ng paghahayag na para sa inyo. Kakailanganin ninyong magpasiya mismo kung paano ito gagawin. Kung minsan maaaring ipahiwatig sa inyo ng Espiritu na gumawa ng mahihirap na bagay. Palagay ko nakahanda kayo sa hamong ito. Magagawa ninyo ang mahihirap na bagay.”

Sinabi rin ni Pangulong Nelson na may mahalagang papel na gagampanan ang mga magulang. “Mangyaring patatagin ninyo ang ugnayan ninyo sa mga bata at kabataan,” sabi niya. “Makatutulong ang mga lider sa simbahan, ngunit ito ay mga anak ninyo. Walang mas makakaimpluwensya sa kanilang tagumpay nang higit sa inyo. Mahalin sila, palakasin ang kanilang loob, at payuhan, ngunit iwasan ninyong pangunahan sila. Magagawa nila ang pinakamainam kapag malaya silang magpasiya.

“Angkop din ang payong ito sa ating mabubuting lider at guro ng mga bata at kabataan,” sabi pa ni Pangulong Nelson. “Kailangang hayaan nating mamuno ang mga kabataan, lalo na ang mga tinawag at itinalagang maglingkod sa mga class at quorum presidency. Ang awtoridad ng priesthood ay ibibigay sa kanila. Matututuhan nila kung paano tumanggap ng inspirasyon sa pamumuno sa kanilang klase o korum.”

Sa talakayan ding iyon, ipinabatid ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang mithiin ng Mga Bata at Kabataan: “palakasin ang pananampalataya ng bagong henerasyon kay Jesucristo, at tulungan ang mga bata, kabataan, at ang kanilang pamilya na umunlad sa landas ng tipan sa pagharap nila sa mga hamon ng buhay.”1 Sinabi niya na “ang pagtulong sa mga bata at kabataan na magkaroon ng patotoo tungkol kay Jesucristo ay magpapala sa kanila at sa buhay nating lahat.”

Pagkatapos makibahagi sa isang aktibidad ang mga kabataan sa brodkast para ipakita ang paggamit ng Panimulang Gabay para sa mga Magulang at Lider, sinabi ni Pangulong Ballard: “Simula pa lang ito. Sinimulan lang natin ngayon ang aktibidad na ito. Ipagpapatuloy ninyo ito sa inyong mga pamilya at sama-samang gagawin. Hinihikayat namin kayo na ipagpatuloy ang aktibidad na ito. … Mga magulang, mangyaring ituloy ninyo ito sa inyong tahanan.” Binigyang-diin niya na “ito ay isang programa na nakasentro sa tahanan, at sinusuportahan ng Simbahan” at “kasama sa programang ito ang buong pamilya. Iyan ang talagang magpapaganda rito.”

Sa maraming lugar sa mundo, tumanggap din ang mga magulang at lider ng panimulang gabay. Ang ibang mga lugar ay tatanggap ng Mga Bata at Kabataan na isinalin sa kanilang wika sa 2020.

Ang pag-aaral ng ebanghelyo, paglilingkod at mga aktibidad, at personal na pag-unlad (kabilang ang pagtatakda at pagsasakatuparan ng mga mithiin) ay magiging pinakamahahalagang bahagi ng Mga Bata at Kabataan, at mga kabataan ang dapat na manguna sa pagpaplano. Ang mga bata at kabataan ay hihingi ng personal na paghahayag habang sumusulong sila sa landas ng tipan, at susuportahan ng pamilya, mga lider, at iba pa. Sinabi ni Pangulong Ballard na ang Mga Bata at Kabataan ay isang pandaigdigang inisyatibo at kung gayon maiaakma “sa lugar na tinitirhan ninyo at sa kalagayan ng inyong pamilya.”

Magbibigay ng mga karagdagang detalye at resources sa Face to Face broadcast para sa mga bata at kabataan sa Nobyembre 17, 2019, na magtatampok kay Elder Gerrit W. Gong ng Korum ng Labindalawang Apostol. Inaanyayahang dumalo ang mga bata at kabataan na magiging edad 8 hanggang 18 sa 2020, kanilang mga magulang, at lider ng Young Women, mga Aaronic Priesthood adviser, at lider ng Primary. Isumite ang inyong mga tanong tungkol sa programang Mga Bata at Kabataan kay Elder Gong sa facetoface.ChurchofJesusChrist.org. Pagkatapos ng live event, na ibobrodkast sa 18 wika, ang video ay ia-archive para ma-stream o mai-download anumang oras.