2019
Mga Pagbabago para Palakasin ang mga Kabataan
Nobyembre 2019


Mga Pagbabago para Palakasin ang mga Kabataan

Mas maraming kabataang lalaki at kabataang babae ang tutugon sa matinding hamon na ito at mananatili sa landas ng tipan dahil sa mala-laser na pokus na ito sa ating mga kabataan.

Salamat, mahal naming Pangulong Nelson, sa nakalulugod na paghahayag na gabay patungkol sa mga saksi sa pagbibinyag at sa patnubay na nais mong ibahagi namin para tulungang lumakas ang mga kabataan at mapaunlad ang kanilang sagradong potensyal.

Bago ko ibahagi ang mga pagbabagong iyon, nais naming ipaabot ang taos naming pasasalamat sa pambihirang pagtugon ng mga miyembro sa patuloy na pagsulong ng Ipinanumbalik na ebanghelyo. Tulad nang iminungkahi ni Pangulong Nelson noong nakaraang taon, ininom ninyo ang inyong mga bitamina!1

Masaya ninyong pinag-aaralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa tahanan.2 Tumalima din kayo sa mga pagbabago sa simbahan. Ang mga miyembro ng elders quorum at Relief Society presidency ay nagkakaisa sa gawain ng kaligtasan.3

Nag-uumapaw ang aming pasasalamat.4 Pinasasalamatan namin lalo na ang patuloy na pagiging malakas at tapat ng ating mga kabataan.

Ang ating mga kabataan ay nabubuhay sa nakasasabik na panahon ngunit puno ng hamon. Ang mga pagpipilian noon ay hindi kailanman naging kasingtindi ng mga pagpipilian ngayon. Isang halimbawa: ang makabagong smartphone ay nagbibigay ng access sa mahahalaga at nakapupukaw na impormasyon, kabilang na ang family history at mga banal na kasulatan. Taliwas dito, naglalaman ito ng kahangalan, imoralidad, at kasamaan na hindi madaling makita noon.

Kurikulum na nakasentro sa tahanan
Aktibidad ng mga kabataan

Para matulungan ang ating mga kabataan na hindi malito sa pagpili sa napakaraming pagpipilian, naghanda ang Simbahan ng tatlong malalim at malawak na inisyatibo. Una, pinalakas at pinalawak ang kurikulum hanggang sa tahanan. Ikalawa, isang programa para sa mga bata at kabataan na kinapapalooban ng mga nakatutuwang gawain at personal na pag-unlad ang ipinaalam nito lamang nakaraang Linggo nina Pangulong Russell M. Nelson, Pangulong M. Russell Ballard, at ng mga General Officer. Ang ikatlong inisyatibo ay ang mga pagbabago sa organisasyon upang lalong mabigyan ng pokus ng ating mga bishop at iba pang mga lider ang ating mga kabataan. Ang pokus na ito ay dapat may espirituwal na impluwensiya at tumulong sa ating mga kabataan na maging mga kabataang batalyon na hiniling ni Pangulong Nelson na kahinatnan nila.

Magkakaugnay na mga Huwaran

Ang mga pagsisikap na ito, kasama ang mga naipabatid sa nakaraang ilang taon, ay hindi hiwalay na mga pagbabago. Bawat pagbabagong ito ay mahalagang bahagi ng isang magkakaugnay na huwaran upang pagpalain ang mga Banal at ihanda sila sa pagharap sa Diyos.

Isang bahagi ng huwaran ang nauugnay sa bagong henerasyon. Hinihiling sa ating mga kabataan na dagdagan ang kanilang indibiduwal na responsibilidad sa mas murang edad—hindi kailangang akuin ng mga magulang at lider ang mga bagay na magagawa ng kabataan para sa kanilang sarili.5

Pabatid

Ngayon ipababatid namin ang mga pagbabago sa organisasyon para sa mga kabataan sa ward at stake level. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Nelson, tatalakayin ni Sister Bonnie H. Cordon ang mga pagbabago para sa mga kabataang babae ngayong gabi. Ang isang layunin ng pagbabago na tatalakayin ko ngayon ay para palakasin ang mga Aaronic Priesthood holder, quorum, at mga quorum presidency. Ang mga pagbabagong ito ay nagtutugma ng ginagawa natin na mababasa sa Doktrina at mga Tipan 107:15, “Ang [bishopric] ang panguluhan ng [Aaronic priesthood na] ito, at humahawak sa mga susi o kapangyarihan ng nabanggit.”

Isa sa mga tungkulin ng bishop ayon sa banal na kasulatan ay ang mangulo sa mga priest at umupo sa kapulungan kasama nila, upang turuan sila ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan.6 Dagdag pa rito, ang first counselor sa bishopric ay magkakaroon ng partikular na responsibilidad para sa mga teacher at ang second counselor naman ang para sa mga deacon.

Dahil dito, bilang pagtugma sa paghahayag na ito sa Doktrina at mga Tipan, ang mga Young Men presidency sa ward ay hindi na ipagpapatuloy. Napakarami nang kabutihang nagawa ng matatapat na kapatid na ito, at pinasasalamatan namin sila.

Umaasa kami na bibigyang-diin at pagtutuunan ng bishopric ang mga responsibilidad sa priesthood ng mga kabataang lalaki at tutulungan sila sa kanilang mga tungkulin sa korum. Ang mga may kakayahang Young Men adviser ay tatawagin upang tulungan ang mga Aaronic Priesthood quorum presidency at bishopric sa kanilang mga tungkulin.7 Naniniwala kami na mas maraming kabataang lalaki at kabataang babae ang tutugon sa matinding hamon na ito at mananatili sa landas ng tipan dahil sa mala-laser na pokus na ito sa ating mga kabataan.

Sa inspiradong huwaran ng Panginoon, ang bishop ang may responsibilidad sa lahat ng miyembro ng ward. Pinagpapala niya ang mga magulang ng mga kabataan gayundin ang kabataan. Nalaman ng isang bishop nang kausapin niya ang isang binatilyo na may problema sa pornograpiya na matutulungan lamang niyang magsisi ito kung tutulungan niya ang mga magulang na tumugon nang may pagmamahal at pag-unawa. Ang paggaling ng binatilyo ay paggaling din ng kanyang pamilya at naging posible iyon dahil nagkatulungan ang bishop at ang buong pamilya. Ang binatilyo ay isa na ngayong marapat na Melchizedek Priesthood holder at full-time missionary.

Tulad ng ipinapahiwatig ng kuwentong ito, ang mga pagbabagong ito ay:

  • Makatutulong sa mga bishop at kanilang mga counselor na magpokus sa kanilang mga pangunahing responsibilidad sa mga kabataan at sa mga bata sa Primary.

  • Gagawing sentro ang mga kapangyarihan at tungkulin ng Aaronic Priesthood sa personal na buhay at mga mithiin ng bawat kabataang lalaki.

Gayundin, ang mga pagbabagong ito ay:

  • Magbibigay-diin sa mga responsibilidad ng Aaronic Priesthood quorum presidency at kanilang direktang pagrereport sa bishopric.

  • Maghihikayat sa mga adult leader na tulungan at turuan ang mga Aaronic Priesthood quorum presidency sa pagganap na mabuti ayon sa kapangyarihan at awtoridad ng kanilang katungkulan.

Tulad ng nabanggit, hindi binabawasan ng mga pagbabagong ito ang responsibilidad ng bishopric para sa mga kabataang babae. Tulad ng itinuro ni Pangulong Nelson, “Ang una at pangunahing responsibilidad ng [bishop] ay pangalagaan ang mga kabataang lalaki at kabataang babae ng kanyang ward.”8

Paano magagampanan ng ating pinakamamahal at masisipag na bishop ang responsibilidad na ito? Maaalala ninyo, noong 2018, binago ang mga Melchizedek Priesthood quorum para mas makipagtulungan sa mga Relief Society upang ang mga elders quorum at Relief Society, sa patnubay ng bishop, ay makatulong sa pagganap sa mahahalagang responsibilidad na dating pinag-uukulan niya ng maraming oras. Kabilang sa mga responsibilidad na ito ang gawaing misyonero at gawain sa templo at family history sa ward9—pati na rin ang paggawa ng ministering sa mga miyembro ng ward.

Mga responsibilidad ng bishop

Hindi maaaring italaga ng bishop ang ilang responsibilidad, tulad ng pagpapalakas sa mga kabataan, pagiging pangkalahatang hukom, pangangalaga sa mga nangangailangan, at pangangasiwa sa pananalapi at temporal na kapakanan. Gayunman, mas kaunti ang mga ito kaysa sa maaaring naunawaan natin noon. Tulad ng ipinaliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland noong isang taon nang ipinabatid ang pagbabago sa mga Melchizedek Priesthood quorum: “Ang bishop ay nananatili, mangyari pa, na namumunong high priest sa ward. Sa bagong pagtutugmang ito ng [elders quorum at Relief Society] siya ang dapat mangulo sa gawain ng Melchizedek Priesthood at Relief Society nang hindi niya kinakailangang gawin ang gawain ng alinman sa mga grupong iyon.10

Halimbawa, ang Relief Society president at elders quorum president, kapag inatasan, ay maaaring gampanan ang tungkulin na kausapin at payuhan ang mga nakatatanda—gayundin sa isang Young Women President na nagpapayo sa mga kabataang babae. Bagama’t mga bishop lang ang naglilingkod bilang pangkalahatang hukom, ang iba pang mga lider na ito ay may karapatan ding tumanggap ng paghahayag mula sa langit para makatulong sa mga problema na hindi na nangangailangan ng pangkalahatang hukom o sa mga bagay na may kinalaman sa anumang uri ng pang-aabuso.11

Hindi ibig sabihin niyan na hindi na dapat kausapin ng isang dalagita ang bishop o ang kanyang mga magulang. Ang pokus nila ay ang mga kabataan! Ngunit ang ibig sabihin nito ay pinakamainam na makatutugon ang lider ng Young Women sa mga pangangailangan ng isang kabataang babae. Ang bishopric ay may malasakit kapwa sa mga kabataang babae at mga kabataang lalaki, ngunit kinikilala natin na may lakas na nagmumula sa mga matatag, aktibong nakatutok, at nakapokus na mga lider ng Young Women na nagmamahal at nagtuturo, nang hindi sinasakop ang mga tungkulin ng mga class presidency, kundi tumutulong sa mga kabataan na magtagumpay sa mga papel na iyon.

Magbabahagi pa si Sister Cordon ng karagdagan at nakasasabik na mga pagbabago para sa mga kabataang babae ngayong gabi. Gayunman, ipababatid ko na ang mga Young Women president ay magrereport at diretso nang sasangguni sa bishop ng ward. Noon, ang tungkuling ito ay maaaring italaga sa isang counselor, ngunit mula ngayon, ang mga kabataang babae ay direktang responsibilidad na ng taong may hawak ng mga susi ng pangungulo para sa ward. Ang Relief Society president ay patuloy na magrereport nang diretso sa bishop.12

Sa general at stake level, patuloy tayong magkakaroon ng mga Young Men presidency. Sa stake level, isang high councilor ang magiging Young Men president13 at, kasama ang mga high councilor na nakatalaga sa Young Women at Primary, ay magiging bahagi ng Aaronic Priesthood–Young Women Committee ng stake. Ang kalalakihang ito ay makikipagtulungan sa mga stake Young Women presidency sa komite na ito. Ngayong isang counselor na ng stake president ang mamumuno, mas magiging mahalaga ang komiteng ito dahil marami sa mga programa at mga aktibidad sa bagong inisyatibo para sa mga Bata at Kabataan ang gagawin na sa stake level.

Ang mga high councilor na ito, sa pamamahala ng stake presidency, ay maaaring magsilbing resource person para sa bishop at mga Aaronic Priesthood quorum tulad ng paglilingkod na ibinibigay ng mga high councilor sa mga elders quorum ng ward.

Kaugnay niyan, isa pang high councilor ang maglilingkod bilang stake Sunday School president at, kung kinakailangan, ay maaaring maglingkod sa stake Aaronic Priesthood–Young Women committee.14

Ang mga karagdagang pagbabago sa organisasyon ay ipapaliwanag pang mabuti sa impormasyong ipadadala sa mga lider. Kabilang sa mga pagbabagong ito ang:

  • Ang bishopric youth committee meeting ay papalitan na ng ward youth council.

  • Ang salitang “Mutual” ay hindi na gagamitin at magiging “Mga Aktibidad ng Young Women,” “Mga Aktibidad ng Aaronic Priesthood quorum” o “mga aktibidad ng mga kabataan,” at gaganapin linggu-linggo hangga’t maaari.

  • Ang badyet ng ward para sa mga aktibidad ng kabataan ay hahatiin nang patas sa mga organisasyon ng Young Men at Young Women ayon sa bilang ng mga kabataan sa bawat organisasyon. Sapat na halaga ang ilalaan para sa mga aktibidad ng Primary.

  • Sa lahat ng lebel—ward, stake, at panglahatan—gagamitin natin ang katagang “organisasyon” sa halip na ang katagang “auxiliary.” Ang mga namumuno sa mga organisasyon ng General Relief Society, Young Women, Young Men, Primary, at Sunday School ay kikilalanin bilang “Mga General Officer.” Ang mga namumuno sa mga organisasyon sa ward at stake level ay kikilalanin bilang “mga ward officer” at “mga stake officer.”15

Ang mga pagbabagong ipinabatid ngayon ay maaari nang simulan anumang oras na handa na ang mga branch, ward, district, at stake, ngunit dapat ay ganap nang naisagawa ito pagsapit ng Enero 1, 2020. Ang mga pagbabagong ito, kapag pinagsama-sama at inilakip sa mga naunang pagbabago, ay naglalarawan ng espirituwal at organisadong pagsisikap na alinsunod sa doktrina upang pagpalain at palakasin ang bawat lalaki, babae, kabataan, at bata, na tinutulungan ang bawat isa na masunod ang halimbawa ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, habang umuunlad tayo sa landas ng tipan.

Mahal kong mga kapatid, ipinangangako at pinatototohanan ko na ang mga komprehensibong pagbabagong ito, sa ilalim ng pamamahala ng inspiradong pangulo at propeta, si Russell M. Nelson, ay magbibigay ng kakayahan at lakas sa bawat miyembro ng Simbahan. Ang ating mga kabataan ay magkakaroon ng mas malakas na pananampalataya sa Tagapagligtas, mapoprotektahan mula sa mga tukso ng kaaway, at magiging handa sa pagharap sa mga hamon ng buhay. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, sa “Latter-day Saint Prophet, Wife and Apostle Share Insights of Global Ministry,” Newsroom, Okt. 30, 2018, newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Dagdag pa rito, gumawa kayo ng mga partikular na pagsisikap na gamitin ang tamang pangalan ng Simbahan tulad ng itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson at alalahanin ang ating Tagapagligtas nang may pagmamahal at pagpipitagan sa paggawa nito.

  3. “Ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay ipinadala ‘upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao’” (Doktrina at mga Tipan 138:56). Kabilang sa gawaing ito ng kaligtasan ang gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatiling aktibo, pagpapaaktibo sa hindi gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo. Ang bishopric ang namamahala sa gawaing ito sa ward, sa tulong ng iba pang miyembro ng ward council” (Handbook 2: Administering the Church, 5.0, ChurchofJesusChrist.org).

  4. Bilang mga lider, mahal namin ang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa inyong kabutihan at pagiging disipulo. Pinupuri namin ang mga indibiduwal, mga nanay, mga tatay, mga kabataan, at mga anak na tumatahak sa landas ng tipan—at ginagawa ito nang may katapatan at kagalakan.

  5. Sa 2019, ang mga 11-taong-gulang na deacon ay nagsimula nang magpasa ng sakramento, at ang 11-taong-gulang na mga kabataang babae at kabataang lalaki ay tumanggap na ng limited-use temple recommend. Noong nakaraang taon, hinikayat ni Pangulong Nelson ang ating mga kabataang lalaki at babae na maging bahagi ng isang batalyon ng mga kabataan na magtitipon sa ikinalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing (tingnan sa “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa kabataan, Hunyo 3, 2018], HopeofIsrael.ChurchofJesusChrist.org). Napakaraming tumugon.

    Ang mga full-time missionary ay naglilingkod ngayon sa kahanga-hangang paraan sa mas batang edad. Simula noong Oktubre 6, 2012, ang mga kabataang lalaki ay maaari nang maglingkod sa edad na 18 at ang mga kabataang babae sa edad na 19.

  6. “Gayon din ang tungkulin ng pangulo sa Pagkasaserdoteng Aaron ay mamuno sa [mga priest], at umupo sa kapulungan kasama nila, upang turuan sila ng mga tungkulin ng kanilang katungkulan. … Ang pangulong ito ay kailangang maging isang obispo, dahil ito ang isa sa mga tungkulin ng pagkasaserdoteng ito” (Doktrina at mga Tipan 107:87–88).

  7. Ang mga adult leader ay tatawagin din bilang mga Aaronic Priesthood quorum specialist upang tumulong sa mga programa at aktibidad at dumalo sa mga miting ng quorum upang regular na mabisita ng bishopric ang mga klase at aktibidad ng Young Women at mabisita paminsan-minsan ang Primary. Maaaring tumawag ng ilang specialist para tumulong sa isang partikular na kaganapan tulad ng kamping; ang iba ay maaaring tawaging maglingkod nang pangmatagalan upang tulungan ang mga quorum adviser. Laging magkakaroon ng dalawang nakatatandang kalalakihan sa bawat miting, programa, o aktibidad ng korum. Bagama’t mababago ang mga tungkulin at titulo, hindi natin inaasahang mababawasan ang bilang ng nakatatandang kalalakihan na maglilingkod at susuporta sa mga Aaronic Priesthood quorum.

  8. Russell M. Nelson, “Witnesses, Aaronic Priesthood Quorums, and Young Women Classes,” Liahona, Nob. 2019, 39, idinagdag ang pagbibigay-diin; tingnan din sa Ezra Taft Benson, “To the Young Women of the Church,” Ensign, Nob. 1986, 85.

  9. Pinapayuhan din namin ang mga bishop na mag-ukol ng karagdagang panahon sa mga young single adult at kani-kanilang pamilya.

  10. Jeffrey R. Holland, general conference leadership meeting, Abr. 2018; tingnan din sa “Effective Ministering,” ministering.ChurchofJesusChrist.org. Itinuro ni Elder Holland na ang mga responsibilidad ng bishop na hindi maipagagawa sa iba ay ang pamumuno sa mga Aaronic Priesthood quorum at sa mga kabataang babae, pagiging pangkalahatang hukom, pangangasiwa sa pananalapi at mga temporal na gawain ng Simbahan, at pangangalaga sa mga maralita at nangangailangan. Ang mga pangunahing responsibilidad ng mga elders quorum at Relief Society presidency ay gawaing misyonero, gawain sa templo at family history, ang kalidad ng pagtuturo sa ward, at pangangalaga at paggawa ng ministering sa mga miyembro ng Simbahan.

  11. Bukod pa sa mga sitwasyon na nangangailangan ng mga susi ng isang pangkalahatang hukom, ang mga isyu tungkol sa anumang uri ng pang-aabuso ay dapat pangasiwaan ng mga bishop ayon sa patakaran ng Simbahan.

  12. Ang stake Relief Society president ay patuloy na magrereport nang diretso sa stake president.

  13. Ang mga counselor ng stake Young Men president ay maaaring tawagin mula sa mga miyembro ng stake, o kung kailangan, maaaring tawagin ang high councilor na nakatalaga sa Young Women at ang high councilor na nakatalaga sa Primary.

  14. Ang kapatid na naglilingkod bilang Sunday School president ay may malaking responsibilidad para sa kurikulum ng mga kabataan sa dalawang araw ng Linggo bawat buwan.

  15. Ang mga presidency ng Relief Society, Young Women, Young Men, Primary, at Sunday School sa general at stake level ay tatawaging mga General Officer o mga stake officer. Sa ward, ang bishopric ang namumuno sa mga kabataang lalaki, kaya ang mga Aaronic Priesthood quorum adviser ay hindi mga ward officer.