2019
Ang Mensahe, ang Kahulugan, at ang Maraming Tao
Nobyembre 2019


Ang Mensahe, ang Kahulugan, at ang Maraming Tao

Sa kabila ng patuloy na malakas na ingay at gambala sa ating buhay, nawa’y sikapin nating makita si Cristo sa sentro ng ating buhay, ng ating pananampalataya, at ng ating paglilingkod.

Mga kapatid, ito si Sammy Ho Ching, pitong buwan ang edad, na nanonood ng pangkalahatang kumperensya sa telebisyon sa bahay nila noong Abril.

Si Sammy Ho Ching habang nanonood ng kumperensya

Nang malapit nang sang-ayunan si Pangulong Russell M. Nelson at ang iba pang mga General Authority, abala si Sammy sa paghawak sa kanyang bote. Kaya ginawa niya ang susunod na pinakamabuting gawin.

Si Sammy Ho Ching sa oras ng pagsang-ayon

Binigyan ni Sammy ng panibagong kahulugan ang konsepto ng pagboto gamit ang inyong mga paa.

Maligayang pagdating sa ikalawang taunang kumperensyang ito ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Para makapagsimula ng talakayan tungkol sa kahulugan ng mga pagtitipong ito nang dalawang beses sa isang taon, isipin ninyo ang tagpong ito mula sa salaysay ni Lucas sa Bagong Tipan:1

“At nangyari, na nang nalalapit na [si Jesus] sa Jerico, isang bulag ay nakaupo sa tabi ng daan na nagpapalimos:

“… Pagkarinig na nagdaraan ang maraming tao, ay itinanong niya kung ano ang ibig sabihin noon.

“… Sinabi nila sa kaniya, na nagdaraan si Jesus na taga Nazaret.

“At siya’y nagsisigaw, na sinasabi, Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.”

Nagulat sa kanyang katapangan, sinubukan ng mga tao na patahimikin ang lalaki, ngunit “siya’y lalong nagsisigaw,” sabi roon. Dahil sa kanyang pagpupumilit, dinala siya kay Jesus, na nakarinig sa kanyang pagmamakaawang puno ng pananampalataya na ipanumbalik ang kanyang paningin at pinagaling siya.2

Naaantig ako sa malinaw na maikling kuwentong ito tuwing babasahin ko ito. Nadarama natin ang pagdurusa ng lalaking iyon. Halos maririnig natin siyang sumisigaw para mapansin ng Tagapagligtas. Napapangiti tayo sa pagtanggi niyang tumahimik—tunay ngang determinado siyang lakasan pa ang sigaw kahit sinasabihan siya ng lahat na tumahimik. Ito ay likas na magandang kuwento ng napaka-determinadong pananampalataya. Ngunit tulad sa buong banal na kasulatan, habang lalo nating binabasa ito, mas marami tayong natutuklasan.

Ang ideyang nakaapekto nang husto sa akin kamakailan lang ay ang magandang pananaw ng lalaking ito sa pagkakaroon ng espirituwal na sensitibong mga tao sa kanyang paligid. Ang buong kahalagahan ng kuwentong ito ay batay sa ilang di-kilalang kababaihan at kalalakihan na, nang tanungin ng kanilang kasamahan ng, “Ano ang ibig sabihin ng kaguluhang ito?” ay nagkaroon ng pananaw, kung mamarapatin ninyo, na tukuyin si Cristo bilang dahilan ng hiyawan; Siya ang Kahulugan Mismo. May aral sa maikling pag-uusap na ito para sa ating lahat. Tungkol sa pananampalataya at determinasyon, nakakatulong na ituon ang inyong tanong sa mga taong talagang mayroon nito! “Mangyayari bagang umakay ang bulag sa bulag?” minsa’y itinanong ni Jesus. “[Kung magkagayon,] di baga sila mangabubulid kapuwa sa hukay?”3

Ang layunin ng pagdalo sa mga kumperensyang ito ay para pag-ibayuhin ang ating pananampalataya at determinasyon, at sa pakikibahagi sa amin ngayon, matatanto ninyo na ito rin ang layunin ng lahat. Tumingin sa paligid ninyo. Sa bakurang ito nakikita ninyo ang iba’t ibang laki ng pamilya mula sa lahat ng lugar. Nagyayakapan ang dating magkakaibigan sa masayang pagkikitang muli, naghahandang kumanta ang isang kahanga-hangang koro, at nagsisigawan ang mga nagpoprotesta mula sa paborito nilang soapbox. Hinahanap ng mga missionary noong araw ang mga dati nilang kompanyon, at ang mga bagong returned missionary naman ay naghahanap ng bagong kompanyon (alam na ninyo ang ibig kong sabihin!). At mga retrato? Sobrang dami! Dahil bawat kamay ay may hawak na cell phone, ang layunin nating “bawat miyembro ay isang missionary” ay naging “bawat miyembro ay isang photographer.” Sa gitna ng lahat ng masayang kaguluhang ito, makatwirang itanong ng isang tao na, “Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?”

Tulad sa ating kuwento sa Bagong Tipan, kikilalanin ng mga biniyayaan ng paningin na, sa kabila ng lahat ng iba pang maiaalok sa atin ng tradisyong ito ng kumperensya, kakatiting o walang kahulugan ito maliban kung kay Jesus nakatuon ang lahat ng ito. Para maunawaan ang hangad natin, ang pangako Niyang pagpapagaling, ang kahalagahan na kahit paano’y alam nating narito, hindi tayo dapat pagambala sa kaguluhan—masaya man ito—at magtuon tayo ng pansin sa Kanya. Ang panalangin ng bawat tagapagsalita, ang pag-asa ng lahat ng kumakanta, ang pagpipitagan ng bawat bisita—lahat ay nakatuon sa pag-anyaya sa Espiritu Niya na nagmamay-ari ng Simbahang ito—ang buhay na Cristo, ang Kordero ng Diyos, ang Prinsipe ng Kapayapaan.

Ngunit hindi kailangang nasa conference center tayo para matagpuan Siya. Kapag binasa ng isang bata ang Aklat ni Mormon sa unang pagkakataon at lubhang nasiyahan sa tapang ni Abinadi o sa paglalakbay ng 2,000 kabataang mandirigma, maidaragdag natin na kay Jesus palagi nakatuon ang kahanga-hangang salaysay na ito, na nakatayong parang isang malaking estatuwa sa halos lahat ng pahina nito at nagkokonekta sa lahat ng iba pang mga tao rito na nagpapatibay ng pananampalataya.

Gayundin, kapag pinag-aaralan ng isang kaibigan ang ating relihiyon, maaari siyang malula nang kaunti sa ilan sa mga natatanging elemento at di-pamilyar na bokabularyo ng ating relihiyon—mga bawal na pagkain, suplay sa pag-asa sa sarili, pioneer trek, digitized family tree, na may napakaraming stake center kung saan walang-dudang inasahan ng ilan na mapagsilbihan ng masarap na charbroiled sirloin, medium rare. Kaya, habang maraming nakikita at naririnig ang bago nating mga kaibigan na bago sa kanila, kailangan nating ipaunawa sa kanila ang kahulugan at layunin ng lahat ng ito, sa mahalagang tuon ng walang-hanggang ebanghelyo—ang pagmamahal ng mga Magulang sa Langit, ang nagbabayad-salang sakripisyo ng isang banal na Anak, ang nakakaaliw na patnubay ng Espiritu Santo, ang pagpapanumbalik ng lahat ng katotohanang ito sa mga huling araw at napakarami pang iba.

Kapag nagpunta ang isang tao sa banal na templo sa unang pagkakataon, maaaring medyo mabigla siya sa karanasang iyon. Tungkulin nating tiyakin na hindi makagambala kailanman ang sagradong mga simbolo at inihayag na mga ritwal, ang pananamit sa seremonya at biswal na mga pagtatanghal, kundi sa halip ay magtuon sa Tagapagligtas, na naroon tayo upang sambahin. Ang templo ay bahay Niya, at Siya dapat ang manguna sa ating puso’t isipan—ang dakilang doktrina ni Cristo na laganap sa ating buong pagkatao na tulad sa mga ordenansa sa templo—mula sa sandaling mabasa natin ang nakasulat sa pintuan sa harapan hanggang sa pinakahuling sandaling gugugulin natin sa gusaling iyon. Sa gitna ng lahat ng paghanga natin, dapat nating tingnan, higit sa lahat, ang kahulugan ni Jesus sa templo.

Isipin ang napakaraming agresibong inisyatibo at mga bagong pahayag sa Simbahan nitong mga nakaraang buwan. Habang naglilingkod tayo sa isa’t isa, o pinagbubuti natin ang karanasan sa araw ng Sabbath, o tinatanggap ang bagong programa para sa mga bata at kabataan, hindi natin malalaman ang tunay na dahilan ng mga pagbabagong inihayag kung titingnan natin ang mga ito bilang mga elementong magkakaiba at di-magkakaugnay sa halip na bilang magkakaugnay na pagsisikap upang tulungan tayong maging mas matatag sa ibabaw ng Bato na ating Kaligtasan.4 Tiyak na tiyak na ito ang layon ni Pangulong Russell M. Nelson kaya niya ipinapagamit sa atin ang inihayag na pangalan ng Simbahan.5 Kung si Jesus—ang Kanyang pangalan, Kanyang doktrina, Kanyang halimbawa, Kanyang kabanalan—ay maaaring maging sentro ng ating pagsamba, pagtitibayin natin ang dakilang katotohanang minsa’y itinuro ni Alma: “Maraming bagay ang darating; [ngunit] masdan, may isang bagay na higit na mahalaga kaysa sa lahat ng ito— … ang Manunubos [na buhay at pumaparoon] sa kanyang mga tao.”6

Isang panghuling ideya: Ang ika-19-na-siglong kapaligiran ni Joseph Smith sa may hangganan ay puno ng napaka-masisigasig na Kristiyanong saksi na naglalabanan.7 Ngunit sa ingay na nilikha nila, ang nakakatawa, pinalabo pa ng masasayang revivalist na ito ang mismong Tagapagligtas na taimtim na hinanap ng batang si Joseph. Nakikibaka sa tinawag niyang “kadiliman at kaguluhan,”8 nagpunta siya sa kakahuyan kung saan nakita at narinig niya ang mas maluwalhating pagsaksi ng Tagapagligtas sa kahalagahan ng ebanghelyo kaysa anumang nabanggit natin dito ngayong umaga. May kaloob na hindi sukat-akalain at di-inaasahang paningin, nakita ni Joseph sa pangitain ang kanyang Ama sa Langit, ang dakilang Diyos ng sansinukob, at si Jesucristo, ang Kanyang perpektong Bugtong na Anak. Pagkatapos ay nagpakita ng halimbawa ang Ama na pinupuri natin ngayong umaga: Itinuro Niya si Jesus, sinasabing: “Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”9 Wala nang mas dakila pang pagpapakita ng banal na pagkatao ni Jesus, ng Kanyang sukdulang kahalagahan sa plano ng kaligtasan, at ng Kanyang katayuan sa paningin ng Diyos na maaaring humigit kailanman sa maikling walong-salitang pahayag na iyan.

Kaguluhan at kalituhan? Mga tao at pagtatalo? Marami niyan sa ating mundo. Totoong pinagtatalunan pa rin ng mga nagdududa at matatapat ang pangitaing ito at halos lahat ng nabanggit ko ngayon. Kung sakaling maaaring nagsisikap kayong makakita nang mas malinaw at maghanap ng kahulugan sa gitna ng maraming opinyon, hinihikayat ko kayong hanapin ang mga sagot sa Jesus ding iyon at pinatototohanan ko bilang apostol ang karanasan ni Joseph Smith, na nangyari mga 1,800 taon matapos matanggap ng kaibigan nating bulag ang kanyang paningin sa sinaunang Landas ng Jerico. Pinatototohanan ko kasama ng dalawang ito at ng marami pang iba sa paglipas ng panahon na tiyak na ang pinaka-kapana-panabik na makita at marinig sa buhay ay hindi lamang ang pagdaan10 ni Jesus kundi ang pagparito Niya sa atin, pagtigil sa tabi natin, at pagtahan Niya sa atin.11

Mga kapatid, sa patuloy na malakas na ingay at gambala sa ating buhay, nawa’y sikapin nating makita si Cristo sa sentro ng ating buhay, ng ating pananampalataya, at ng ating paglilingkod. Nariyan ang tunay na kahulugan. At kung sa ibang mga araw ay limitado ang ating paningin o nanghina ang ating pagtitiwala o sinusubukan at pinipino ang ating pananalig—na siguradong mangyayari—nawa’y mas malakas pa nating isigaw, “Jesus, ikaw na anak ni David, mahabag ka sa akin.”12 Ipinapangako ko nang may kataimtiman ng isang apostol at determinasyon ng isang propeta na pakikinggan ka Niya at sasabihin, sa malao’t madali, “Tanggapin mo ang iyong paningin: pinagaling ka ng pananampalataya mo.”13 Maligayang pagdating sa pangkalahatang kumperensya. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.