2019
Magtiwala sa Panginoon
Nobyembre 2019


Magtiwala sa Panginoon

Ang tanging tunay na maaasahan natin ay magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak.

Mahal kong mga kapatid, sisimulan ko ang aking mensahe sa liham na natanggap ko noon. Pinag-iisipan ng sumulat na magpakasal sa templo sa isang lalaki na naibuklod na sa pumanaw na asawa. Siya ang magiging pangalawang asawa. Ito ang tanong niya: magkakaroon ba siya ng sariling bahay sa kabilang-buhay, o kakailanganin niyang makitira sa kanyang asawa at sa unang asawa nito? Sinabi ko lang sa kanya na magtiwala sa Panginoon.

Itutuloy ko ito sa isang karanasang narinig ko mula sa kasamahang pinagtitiwalaan ko, na ibabahagi ko nang may pahintulot niya. Nang mamatay ang pinakamamahal niyang asawa at ina ng kanyang mga anak, nag-asawang muli ang ama. Tinutulan ng ilan sa mga anak na malalaki na ang muling pag-aasawa at humingi ng payo sa malapit na kamag-anak na isang respetadong lider ng Simbahan. Matapos marinig ang mga dahilan ng kanilang mga pagtutol, na nakatuon sa mga kundisyon at ugnayan sa daigdig ng mga espiritu o sa mga kaharian ng kaluwalhatian na kasunod ng Huling Paghuhukom, sinabi ng lider na ito: “Maling mga bagay ang ikinababahala ninyo. Ang dapat na inaalala ninyo ay kung makakapasok ba kayo sa mga lugar na iyon. Iyan ang pagtuunan ninyo ng pansin. Kung makakarating kayo roon, mas maganda pa sa inaasahan ninyo ang lahat ng naroon.”

Napakalaking kapanatagan ang aral na ito! Magtiwala sa Panginoon!

Mula sa mga liham na natanggap ko, alam kong nagugulumihanan ang iba sa mga tanong tungkol sa daigdig ng mga espiritu na titirhan natin matapos tayong mamatay at bago tayo mabuhay na muli. Sa palagay ng ilan magpapatuloy sa daigdig ng mga espititu ang ilang temporal na kalagayan at alalahanin na nararanasan natin sa buhay na ito. Ano ang talagang alam natin sa mga kundisyon sa daigdig ng mga espiritu? Naniniwala ako na tama ang artikulong isinulat ng propesor sa relihiyon mula sa BYU tungkol sa paksang ito: “Kapag itinatanong natin sa ating sarili kung ano ang alam natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu mula sa mga pamantayang mga banal na kasulatan, ang sagot ay ‘hindi gaanong katulad ng madalas na iniisip natin.’”1

Mangyari pa, alam natin mula sa mga banal na kasulatan na pagkatapos mamatay ang ating mga katawan ay patuloy tayong mabubuhay bilang mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu. Itinuturo din ng mga banal na kasulatan na ang daigdig ng mga espiritu ay nahahati sa pagitan ng mga yaong naging “mabuti” o “matwid” noong nabubuhay sila at ng mga naging masama. Inilalarawan din ng mga ito ang ilang matatapat na espiritu na itinuturo ang ebanghelyo sa masasama o rebelde (tingnan sa I Ni Pedro 3:19; Doktrina at mga Tipan 138:19–20, 29, 32, 37). Higit sa lahat, ibinubunyag ng makabagong paghahayag na ang gawain ng kaligtasan ay nagpapatuloy sa daigdig ng mga espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30–34, 58), at bagama’t tayo ay hinihimok na huwag ipagpaliban ang ating pagsisisi habang nasa mortalidad (tingnan sa Alma 13:27 Alma 13:27), itinuturo sa atin na maaari pa ring magsisi doon (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:58).

Ang gawain ng kaligtasan sa daigdig ng mga espiritu ay kinapapalooban ng pagpapalaya ng mga espiritu mula sa madalas ilarawan ng mga banal na kasulatan na “pagkagapos.” Lahat ng nasa daigdig ng mga espiritu ay nasa ilalim ng pagkagapos. Ang napakagandang paghahayag na natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith, na itinuring nang banal na kasulatan sa bahagi 138 ng Doktrina at mga Tipan, ay naglalahad na ang mabubuting namatay, na nasa kalagayan ng “kapayapaan” (Doktrina at mga Tipan 138:22) habang naghihintay sa Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Doktrina at mga Tipan138:16), “ay tumingin sa matagal na pagkawala ng kanilang mga espiritu mula sa kanilang mga katawan bilang isang pagkagapos” (Doktrina at mga Tipan 138:50).

Ang masasama ay dumaranas din ng karagdagang pagkagapos. Dahil sa mga kasalanan na hindi pinagsisihan, sila ay nasa kalagayan na tinawag ni Apostol Pedro na “bilangguan” ng espiritu (I Ni Pedro 3:19; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 138:42). Ang mga espiritung ito ay inilarawan bilang “nakagapos” o bilang “mga bilanggo” (Doktrina at mga Tipan 138:31, 42) o “itatapon sa labas na kadiliman” na may “pagtangis, at panaghoy, at pagngangalit ng mga ngipin” habang hinihintay nila ang pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom (Alma 40:13–14).

Ang pagkabuhay na mag-uli ng mga nasa daigdig ng mga espiritu ay natiyak dahil sa Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo (tingnan sa I Mga Taga Corinto 15:22), bagama’t nangyayari ito sa iba’t ibang panahon para sa iba’t ibang grupo. Hanggang sa itinalagang panahong iyon, ang sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan tungkol sa gawain sa daigdig ng mga espiritu ay pangunahing nakatuon sa gawain ng kaligtasan. Wala nang iba pang inihayag. Ipinangaral ang ebanghelyo sa mga mangmang, hindi nagsipagsisi at sa mga mapanghimagsik para sila ay mapalaya mula sa pagkaalipin at patuloy na kamtin ang mga pagpapalang inilaan ng isang mapagmahal na Ama sa Langit para sa kanila.

Ang pagkagapos sa daigdig ng mga espiritu para sa mabubuting kaluluwang nagbalik-loob ay ang pangangailangan nilang maghintay—at marahil ay mapahintulutan pa na gabayan—ang pagsasagawa sa mundo ng mga ordenansa para sa kanila nang sa gayon ay maaari na silang mabinyagan at matamasa ang mga pagpapala ng Espiritu Santo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:30–37, 57–58).2 Ang mga ordenansang ito na isinasagawa sa mundo ay nagbibigay din sa kanila ng kapangyarihan na sumulong sa ilalim ng awtoridad ng priesthood upang paramihin ang mga hukbo ng mabubuti na maaaring mangaral ng ebanghelyo sa mga espiritung nasa bilangguan.

Maliban sa mga ito, kakaunti lamang ang nilalaman ng ating mga banal na kasulatan tungkol sa daigdig ng mga espiritu matapos ang kamatayan at bago ang Huling Paghuhukom.3 Kung gayon ano pa ang alam natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu? Maraming miyembro ng Simbahan ang nagkaroon ng mga pangitain o iba pang inspirasyon upang ipaalam sa kanila kung paano pinakikilos o inoorganisa ang mga bagay-bagay sa daigdig ng mga espiritu, ngunit ang mga personal na karanasang ito ay hindi dapat ituring o ituro bilang opisyal na doktrina ng Simbahan. At, mangyari pa, napakaraming haka-haka ng mga miyembro at iba pa sa mga inilathalang impormasyon tulad ng mga aklat tungkol sa mga karanasang nasa bingit ng kamatayan.4

Kaugnay ng lahat ng ito, mahalagang tandaan ang mga paalala nina Elder D. Todd Christofferson at Neil L. Andersen sa mga nakaraang pangkalahatang kumperensya. Itinuro ni Elder Christofferson: “Dapat ding alalahanin na hindi lahat ng pahayag ng isang lider ng Simbahan, noon o ngayon, ay doktrina na kaagad. Nauunawaan ng lahat sa Simbahan na ang isang pahayag ng isang lider sa isang pagkakataon ay kadalasang kumakatawan sa personal na opinyon, bagama’t pinag-isipang mabuti, at hindi nilayong maging opisyal o may bisa sa buong Simbahan.”5

Sa sumunod na kumperensya, itinuro ni Elder Andersen ang alituntuning ito: “Ang doktrina ay itinuturo ng lahat ng 15 miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawa. Hindi ito nakatago sa malabong talata ng isang mensahe.”6 Ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak, na nilagdaan ng lahat ng 15 propeta, tagakita, at tagapaghayag, ay isang magandang halimbawa ng alituntuning iyon.

Higit pa sa pormal na bagay na tulad ng pagpapahayag tungkol sa pamilya, ang mga turo ng propeta ng mga Pangulo ng Simbahan, na pinatotohanan ng iba pang mga propeta at apostol, ay isa ring halimbawa nito. Hinggil sa mga kalagayan sa daigdig ng mga espiritu, nagbigay si Propetang Joseph Smith ng dalawang aral sa pagtatapos ng kanyang ministeryo na madalas itinuro ng mga humalili sa kanya. Isa sa mga ito ang kanyang itinuro sa King Follett sermon na ang mga matwid na miyembro ng pamilya ay magsasama-sama sa daigdig ng mga espiritu.7 Ang isa pa ay ang pahayag na ito sa isang burol sa huling taon ng kanyang buhay: “Ang mga espiritu ng mga matwid ay dinadakila sa mas mataas at mas maluwalhating gawain … [sa] daigdig ng mga espiritu. … [Sila] ay hindi malayo sa atin, at nalalaman at nauunawaan ang ating mga iniisip, nadarama, at ikinikilos, at kadalasang nasasaktan dahil doon.”8

Kaya, ano naman ang tungkol sa tanong na binanggit ko kanina tungkol sa kung saan naninirahan ang mga espiritu? Kung ang tanong na iyan ay tila kakatwa o hindi gaanong mahalaga sa inyo, isipin ang marami sa sarili ninyong mga tanong, o maging yaong natutukso kayong sagutin batay sa narinig ninyo mula sa ibang tao. Para sa lahat ng tanong tungkol sa daigdig ng mga espiritu, may dalawang sagot ako. Una, tandaan na mahal ng Diyos ang Kanyang mga anak at tiyak na gagawin ang pinakamainam para sa bawat isa sa atin. Ikalawa, tandaan ang pamilyar na turong ito mula sa Biblia, na lubos na nakatutulong sa akin sa maraming tanong na hindi nasagot:

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo; at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan.

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:5–6).

Gayundin, winakasan ni Nephi ang kanyang dakilang awit sa mga salitang ito: “O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman.” Hindi ako magtitiwala sa bisig ng laman” (2 Nephi 4:34).

Maaaring pag-isipan nating lahat nang sarilinan ang tungkol sa kalagayan sa daigdig ng mga espiritu, o kaya ay talakayin ang mga ito o ang iba pang mga tanong na hindi nasagot sa pamilya o sa mga taong malapit sa atin. Ngunit huwag nating ituro o gamitin bilang opisyal na doktrina ang hindi akma sa mga pamantayan ng isang opisyal na doktrina. Ang paggawa nito ay hindi makapagsusulong sa gawain ng Panginoon at maaaring ikawala pa ng paghahangad ng mga tao ng kapanatagan o lakas sa pamamagitan ng personal na paghahayag na ibinigay ng plano ng Panginoon para sa bawat isa sa atin. Ang labis na pag-asa sa personal na mga turo o haka-haka ay maaaring maging dahilan para hindi na natin pagtuunan ang pag-aaral o pagsisikap na magpapalawak ng ating pang-unawa at tutulong sa ating magpatuloy sa landas ng tipan.

Ang pagtitiwala sa Panginoon ay isang pamilyar at tunay na turo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Iyan ang itinuro ni Joseph Smith nang nakaranas ang mga naunang Banal ng matinding pang-uusig at tila napakalalaking hadlang.9 Iyan pa rin ang pinakamainam na alituntuning magagamit natin kapag ang ating pagsisikap na matuto o makahanap ng kapanatagan ay makahahadlang sa mga bagay na hindi pa naihayag o pinagtibay bilang opisyal na doktrina ng Simbahan.

Ang gayunding alituntunin ay angkop sa mga tanong na hindi nasagot tungkol sa pagbubuklod sa kabilang-buhay o ninanais na muling pag-aakma dahil sa mga pangyayari o mga paglabag sa mortalidad. Napakarami nating hindi alam na ang tanging tunay na maaasahan natin ay ang magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang pagmamahal sa Kanyang mga anak.

Bilang pagtatapos, ang tiyak na nalalaman natin tungkol sa daigdig ng mga espiritu ay ang pagpapatuloy doon ng gawain ng kaligtasan ng Ama at ng Anak. Pinasimulan ng ating Tagapagligtas ang gawain ng pagpapahayag ng kalayaan sa mga bihag (tingnan sa I Ni Pedro 3:18–19; 4:6; Doktrina at mga Tipan 138:6–11, 18–21, 28–37), at magpapatuloy ang gawain na iyan dahil ang mga karapat-dapat at kwalipikadong mga sugo ay patuloy na mangangaral ng ebanghelyo, kabilang na ang pagsisisi, sa mga taong patuloy na nangangailangan ng nakalilinis na epekto nito (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 138:57). Ang layunin ng lahat ng iyan ay inilarawan sa opisyal na doktrina ng Simbahan, na ibinigay sa makabagong paghahayag.

“Ang mga patay na magsisisi ay matutubos, sa pamamagitan ng pagsunod sa mga ordenansa ng bahay ng Diyos,

“At pagkatapos nilang mabayaran ang kaparusahan sa kanilang mga kasalanan, at mahugasang malinis, ay tatanggap ng gantimpala alinsunod sa kanilang mga gawa, sapagkat sila ay mga tagapagmana ng kaligtasan” (Doktrina at mga Tipan 138:58–59).

Ang tungkulin ng bawat isa sa atin ay ituro ang doktrina ng ipinanumbalik na ebanghelyo, sundin ang mga utos, mahalin at tulungan ang isa’t isa, at gawin ang gawain ng kaligtasan sa mga banal na templo.

Pinatototohanan ko ang aking mga sinabi rito at ang mga katotohanang itinuro at ituturo sa kumperensyang ito. Lahat ng ito ay naging posible dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Tulad ng alam natin sa makabagong paghahayag, Siya ay “lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay” (Doktrina at mga Tipan 76:43; idinagdag ang pagbibigay-diin). Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “What’s on the Other Side? A Conversation with Brent L. Top on the Spirit World,” Religious Educator, tomo 14, blg. 2 (2013), 48.

  2. Tingnan sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith (1976), 309–10; Joseph Smith, “Journal, December 1842–June 1844; Book 2,” p. 246, The Joseph Smith Papers, josephsmithpapers.org.

  3. Isang paghahayag kay Joseph Smith na madalas banggitin tungkol sa daigdig ng mga espiritu ang nagsasabing, “Yaon ding lipunan na umiiral sa atin dito ang iiral sa atin doon” (Doktrina at mga Tipan 130:2). Ito ay maaaring maglarawan sa isang kaharian ng kaluwalhatian sa halip na daigdig ng mga espiritu, dahil ito ay magpapatuloy, “Lamang ito ay may kakabit na walang hanggang kaluwalhatian, kung aling kaluwalhatian ay hindi pa natin ngayon tinatamasa” (talata 2).

  4. Halimbawa, George G. Ritchie, Return from Tomorrow (1978) at Raymond Moody, Life after Life (1975).

  5. D. Todd Christofferson, “Ang Doktrina ni Cristo,” Liahona, Mayo 2012, 88; tingnan din sa Joseph F. Smith, Gospel Doctrine, ika-5 ed. (1939), 42. Tingnan, halimbawa, ang paglalarawan sa Doktrina at mga Tipan 74:5 ng isang personal na turo ni Apostol Pablo.

  6. Neil L. Andersen, “Pagsubok sa Inyong Pananampalataya,” Liahona, Nob. 2012, 41.

  7. Tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 179.

  8. History of the Church, 6:52; kasama sa Teachings of the Prophet Joseph Smith, 326; madalas banggitin, tulad sa Henry B. Eyring, To Draw Closer to God (1997), 122; tingnan din sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Brigham Young (1997), kabanata 38, “Ang Daigdig ng mga Espiritu.”

  9. Tingnan sa Teachings: Joseph Smith, 231–33.