2019
Pasanin ang Ating Krus
Nobyembre 2019


Pasanin ang Ating Krus

Ang pasanin ang ating mga krus at pagsunod sa Tagapagligtas ay nangangahulugan ng pagpapatuloy nang may pananampalataya sa landas ng Panginoon at hindi pagkalulong sa mga makamundong gawi.

Minamahal kong mga kapatid, nakatanggap tayo ng mga kahanga-hangang turo mula sa ating mga lider nitong nakaraang dalawang araw. Pinatototohanan ko na kung sisikapin nating ipamuhay ang mga inspirado at napapanahong turong ito, ang Panginoon, sa Kanyang awa, ay tutulong sa bawat isa sa atin na pasanin ang ating mga krus at pagaanin ang ating mga pasanin.1

Habang nasa paligid ng Caesarea Philippi, inihayag ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo kung ano ang Kanyang daranasin sa kamay ng mga elder, mga punong saserdote, at mga eskriba sa Jerusalem. Partikular Niyang itinuro sa kanila ang tungkol sa Kanyang kamatayan at maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli.2 Sa mga oras na iyon, hindi lubusang naunawaan ng Kanyang mga disipulo ang Kanyang banal na misyon sa lupa. Si Pedro mismo, nang marinig niya ang sinabi ng Tagapagligtas, siya mismo ang nagdala sa Kanya sa tabi at sinabihan Siya, “Panginoon, malayo ito sa iyo: kailan man ay hindi mangyayari ito sa iyo.”3

Upang tulungan ang Kanyang mga disipulo na maunawaan na ang debosyon sa Kanyang gawain ay kinabibilangan ng pagiging masunurin at pagdurusa, mariing ipinahayag ng Tagapagligtas:

“Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

“Sapagka’t ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito; at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin ay makakasumpong niyaon.

“Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?”4

Sa pamamagitan ng pahayag na ito, binigyang-diin ng Tagapagligtas na ang lahat ng handang sumunod sa Kanya ay kailangang ikaila ang kanilang mga sarili at kontrolin ang kanilang mga pagnanasa, kagustuhan, at simbuyo ng damdamin, isinasakripisyo ang lahat, maging ang mismong buhay nila kung kinakailangan, lubos na masunurin sa kalooban ng Ama—tulad ng ginawa Niya.5 Katunayan, ito ang kinakailangang kabayaran para sa kaligtasan ng kaluluwa. Sadya at matalinghagang ginamit ni Jesus ang simbolo ng krus upang tulungan ang Kanyang mga disipulo na mas maunawaan kung ano ang tunay na kahulugan ng sakripisyo at debosyon sa gawain ng Panginoon. Ang imahe ng krus ay tanyag sa Kanyang mga disipulo at sa mga naninirahan sa Imperyo ng mga Romano dahil sapilitang ipinadadala ng mga Romano sa mga biktima ng pagpapapako sa krus ang kanilang krus o pahigang poste papunta sa lugar kung saan magaganap ang kanilang pagbibitay.6

Nang matapos ang Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas ay doon lamang nabuksan ang isipan ng mga disipulo para maunawaan ang lahat ng nasusulat tungkol sa Kanya7 at kung ano ang kakailanganin mula sa kanila sa panahong iyon.8

Sa parehong paraan, tayong lahat, na magkakapatid, ay kailangang buksan ang ating mga puso at isipan upang mas maunawaan pa ang kahalagahan ng pagpapasan sa ating mga sarili ng ating mga krus at sumunod sa Kanya. Natututuhan natin mula sa mga banal na kasulatan na ang mga nagnanais na dalhin sa kanilang sarili ang kanilang krus ay nagmamahal kay Jesucristo sa paraan na pinagkakaitan nila ang kanilang sarili ng lahat ng kasamaan at ng bawat makamundong pagnanasa at sumusunod sa Kanyang mga utos.9

Ang ating determinasyong itatwa ang lahat ng salungat sa kalooban ng Diyos at isakripisyo ang lahat ng hinihiling na ibigay natin at pagsikapang sundin ang Kanyang mga turo ay tutulong sa atin na magtiis sa landas ng ebanghelyo ni Jesucristo—maging sa oras ng pagdurusa, kahinaan ng ating mga kaluluwa, o sa pamimilit ng lipunan at ng mga makamundong pilosopiya na sumasalungat sa Kanyang mga turo.

Halimbawa, para sa mga hindi pa nakakatagpo ng walang hanggang kasama at maaaring nakakaramdam ng kalungkutan at kawalang-pag-asa, o para sa mga diborsyado at nakakaramdam na sila ay inabandona o kinalimutan, tinitiyak ko sa inyo na ang pagtanggap sa paanyaya ng Tagapagligtas na dalhin sa inyong mga sarili ang inyong mga krus at sundan Siya ay nangangahulugan ng pagpapatuloy nang may pananampalataya sa landas ng Panginoon, na pinananatili ang huwaran ng dignidad, at hindi pagpapakalulong sa mga makamundong gawi na kalaunan ay mag-aalis sa ating pag-asa sa pagmamahal at awa ng Diyos.

Ang katulad na mga alituntunin ay magagamit din ninyo na nakararanas ng pagkaakit sa katulad na kasarian at pinanghihinaan ng loob at wala nang magawa. At marahil sa dahilang ito, ang ilan sa inyo ay nakadarama na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hindi na para sa inyo. Kung ito ang inyong kalagayan, gusto kong tiyakin sa inyo na palaging mayroong pag-asa sa Diyos Ama at sa Kanyang plano ng kaligayahan, kay Jesucristo at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, at sa pamumuhay ng Kanilang mapagmahal na mga kautusan. Sa Kanyang perpektong karunungan, kapangyarihan, katarungan, at awa, maaari tayong tatakan ng Panginoon bilang Kanya, nang tayo ay madala sa Kanyang piling at magkaroon ng walang-hanggang kaligtasan, kung tayo ay matatag at di-natitinag sa pagsunod sa mga kautusan10 at palaging nananagana sa mabubuting gawa.11

Para sa mga nakagawa ng mabibigat na kasalanan, bukod sa iba pang mga bagay, ang pagtanggap sa parehong imbitasyon ay nangangahulugan ng pagpapakumbaba ng iyong sarili sa Diyos, at paghingi ng payo sa angkop na mga lider ng Simbahan, at pagsisisi at pagtalikod sa inyong mga kasalanan. Pagpapalain din ng prosesong ito ang mga lumalaban sa nakapagpapahinang mga adiksyon, kabilang na ang opioid, droga, alak, at pornograpiya. Ang paggawa sa mga hakbang na ito ay tutulong sa inyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas, na tunay na magpapalaya sa inyo mula sa pagkakasala, kalungkutan, at espirituwal at pisikal na pagkabihag. Dagdag pa rito, maaari kayong humingi ng suporta sa inyong pamilya, mga kaibigan, at maaasahang mga propesyonal sa medisina o sa pagpapayo.

Pakiusap, huwag sumuko matapos ang sunod-sunod na kabiguan at isiping hindi ninyo kayang tumalikod sa kasalanan at daigin ang adiksyon. Hindi kayo dapat tumigil na sumubok at pagkatapos ay magpatuloy sa kahinaan at kasalanan! Laging sikaping gawin ang lahat ng inyong makakaya, ipinapakita sa pamamagitan ng inyong mga gawa ang pagnanais na linisin ang iyong kalooban, tulad ng itinuro ng Tagapagligtas.12 Minsan ang solusyon sa ilang pagsubok ay darating pagkatapos ng ilang buwan ng patuloy na pagsisikap. Ang pangakong matatagpuan sa Aklat ni Mormon na “naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa,”13 ay angkop sa mga kalagayang ito. Alalahanin na ang kaloob ng biyaya ng Tagapagligtas “ay hindi nalilimitahan sa panahong ginugol sa ‘kabila’ ng lahat ng ating magagawa. Maaari nating matanggap ang Kanyang biyaya bago, habang, at matapos ang panahon na nagawa na natin ang lahat.”14

Pinatototohanan ko na kung patuloy tayong magsisikap na malampasan ang ating mga pagsubok, pagpapalain tayo ng Diyos ng mga kaloob na pananampalataya upang gumaling at ng paggawa ng mga himala.15 Gagawin Niya para sa atin ang hindi natin magagawa para sa ating sarili.

Dagdag pa rito, para sa mga may hinanakit, galit, nasaktan, nakagapos sa kalungkutan, para sa mga nakakaramdam na hindi sila karapat-dapat, ang pasanin ang krus at sundin ang Tagapagligtas ay nangangahulugan ng pagsisikap na isantabi ang mga damdaming ito at bumaling sa Panginoon upang mapalaya Niya tayo mula sa mga ganitong kalagayan ng isip at tutulungan tayong makahanap ng kapayapaan. Sa kasamaang-palad, kung panghahawakan natin ang mga negatibong pakiramdam at damdaming ito, maaari nating matagpuan ang ating sarili na namumuhay nang wala ang impluwensya ng Espiritu ng Panginoon sa ating buhay. Hindi tayo makakapagsisi para sa ibang tao, ngunit maaari natin silang patawarin—sa pamamagitan ng pagtanggi na maging mga hostage ng mga taong nakasakit sa atin.16

Itinuturo ng mga banal na kasulutan na may paaran para makaalis sa mga sitwasyong ito—sa pamamagitan ng pag-anyaya sa Tagapagligtas na tulungan tayong palitan ang ating mga pusong bato ng panibagong puso.17 Upang mangyari ito, kailangan nating idulog sa Panginoon ang ating mga kahinaan18 at hingin ang Kanyang tulong at pagpapatawad,19 lalo na sa mga sagradong sandali sa tuwing tumatanggap tayo ng sakramento bawat Linggo. Nawa ay piliin nating hangarin ang Kanyang pagpapatawad at ang Kanyang tulong at gawin ang mahalaga at mahirap na hakbang ng pagpapatawad sa mga taong nakasakit sa atin upang magsimulang maghilom ang ating mga sugat. Ipinapangako ko sa inyo na kapag ginawa ninyo iyon, ang inyong mga gabi ay mapupuno ng ginhawa na nagmumula sa kaisipang may kapayapaan sa Panginoon.

Habang nasa Liberty Jail noong 1839, sumulat si Propetang Joseph Smith sa mga miyembro ng Simbahan ng isang liham na naglalaman ng mga propesiyang lubos na angkop sa mga kalagayan at situwasyong ito. Isinulat niya, “Lahat ng luklukan at nasasakupan, mga pamunuan at kapangyarihan, ay ipahahayag at ipagkakaloob sa lahat ng magiting na nagtiis para sa ebanghelyo ni Jesucristo.”20 Samakatuwid, minamahal kong mga kapatid, ang mga nagtataglay sa kanilang sarili ng pangalan ng Tagapagligtas, nagtitiwala sa Kanyang mga pangako at nagtitiyaga hanggang sa wakas, ay maliligtas21 at maaaring manahanang kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan.22

Lahat tayo ay may kinakaharap na mahihirap na kalagayan sa ating buhay na magdudulot sa atin na lungkot, kawalang-kakayahan, kawalan ng pag-asa, at kung minsan ay panghihina. Ang ilan sa mga pakiramdam na ito ay maaaring maging dahilan upang itanong sa Panginoon, “Bakit ko nararanasan ang mga situwasyong ito?” o “Bakit hindi nangyayari ang mga inaasahan ko?” Samantalang ginagawa ko naman ang lahat ng aking makakaya upang pasanin ang aking krus at sundin ang Tagapagligtas!”

Minamahal kong mga kaibigan, dapat nating tandaan na ang pagpasan sa ating mga krus sa ating sarili ay kinabibilangan ng pagiging mapagpakumbaba at ng pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang walang-hanggang karunungan. Dapat nating kilalanin na nalalaman Niya ang tungkol sa bawat isa sa atin at sa ating mga pangangailangan. Mahalaga ring tanggapin natin ang katotohanan na ang itinatakdang panahon ng Panginoon ay naiiba kaysa sa atin. Kung minsan naghahangad tayo ng pagpapala at nagtatakda kung kailan ito dapat tuparin ng Panginoon. Hindi tayo maaaring magbigay ng kondisyon sa ating katapatan sa Kanya sa pamamagitan ng pagpilit sa Kanya ng isang takdang panahon para tugunan ang ating mga ninanais. Kung gagawin natin ito, magiging katulad tayo ng mga nagdududang Nephita noong unang panahon, na kinukutya ang kanilang mga kapatid sa pagsasabi na natapos na ang panahon para tuparin ang mga sinabi ni Samuel na Lamanita, na nagpapalito sa mga naniniwala.23 Kailangan natin na sapat na magtiwala sa Panginoon para tayo ay maging mapayapa at malaman na Siya ang Diyos, na alam Niya ang lahat ng bagay, at nalalaman Niya ang tungkol sa bawat isa sa atin.24

Si Elder Soares ay naglilingkod kay Sister Calamassi

Kamakailan lamang ay nagkaroon ako ng pagkakataon na nagminister sa isang balo na sister na nagngangalang Franca Calamassi, na may malubhang sakit. Si Sister Calamassi ang una sa kanyang pamilya na sumapi sa ipinanumbalik na Simbahan si Jesucristo. Kahit hindi nabinyagan ang kanyang asawa, pumayag siyang makipagkita sa mga missionary at madalas na dumalo sa mga miting sa Simbahan. Sa kabila ng mga ito, nanatiling tapat si Sister Calamassi at pinalaki ang kanyang apat na anak sa ebanghelyo ni Jesucristo. Isang taon matapos pumanaw ang kanyang asawa, dinala ni Sister Calamassi ang kanyang mga anak sa templo, at gumawa ng mga sagradong ordenansa at sama-sama silang nabuklod bilang pamilya. Ang mga pangakong kalakip ng mga ordenansang ito ay nagbigay sa kanya ng labis na pag-asa, kagalakan, at kasiyahan na tumulong sa kanyang magpatuloy sa buhay.

Pamilya Calamassi sa templo

Nang lumabas ang mga unang sintomas ng sakit, binigyan siya ng kanyang bishop ng isang pagbabasbas. Sa mga oras na iyon sinabi niya sa bishop niya na handa na siyang tanggapin ang kalooban ng Panginoon, ipinapahayag ang kanyang pananampalataya na gumaling at pananampalatayang tiisin ang kanyang karamdaman hanggang sa huli.

Sa aking pagbisita, habang hawak ang kamay ni Sister Calamassi at nakatingin sa kanyang mga mata, nakakita ako ng mala-anghel na liwanag mula sa kanyang mukha—ipinapakita ang kanyang kumpiyansa sa plano ng Diyos at ang kanyang ganap na kaliwanagan ng pag-asa sa pag-ibig at plano ng Ama para sa kanya.25 Naramdaman ko ang kanyang matibay na determinasyon na magtiis nang may pananampalataya hanggang sa huli sa pamamagitan ng pagpasan niya ng kanyang krus, sa kabila ng mga pagsubok na kinakaharap niya. Ang buhay ng sister na ito ay isang patotoo kay Cristo, isang pahayag ng kanyang pananampalataya at katapatan sa Kanya.

Mga kapatid, nais kong patotohanan sa inyo na ang pasanin ang ating krus at sundin ang Tagapagligtas ay humihiling sa atin na sundin ang Kanyang halimbawa at sikapin na maging katulad Niya,26 matiyagang harapin ang mga kalagayan sa buhay, tanggihan at kainisan ang mga pagnanasa ng likas na tao, at maghintay sa Panginoon. Isinulat ng Mang-aawit:

“Magantay ka sa Panginoon: ikaw ay magpakalakas, at magdalang tapang ang iyong puso; Oo, umasa ka sa Panginoon.”27

“Siya’y aming saklolo at aming kalasag.”28

Pinatototohanan ko sa inyo na sa pamamagitan ng pagsunod sa mga yapak ng ating Panginoon at paghihintay sa Kanya na tunay na manggagamot ng ating buhay, mabibigyan ng kapahingahan ang ating mga kaluluwa at mapapagaan ang ating mga pasanin.29 Ang mga bagay na ito ay pinatototohanan ko sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.