2019
Mga Espirituwal na Kayamanan
Nobyembre 2019


Mga Espirituwal na Kayamanan

Kapag nanampalataya kayo sa kapangyarihan ng Panginoon at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood, ang kakayahan ninyong magamit ang espirituwal na kayamanang ibinigay ng Panginoon ay madaragdagan.

Salamat sa napakagandang musika. Habang nakatayo tayong lahat para awitin ang intermediate hymn na, “Salamat, O Diyos, sa Aming Propeta,” pumasok sa isipan ko ang dalawang nakakaantig na bagay. Ang isa ay tungkol kay Propetang Joseph Smith, ang propeta ng dispensasyong ito. Tumitindi ang pagmamahal at paghanga ko sa kanya sa paglipas ng bawat araw. Ang pangalawa ay nang tingnan ko ang aking asawa, mga anak, mga apo, at mga apo-sa-tuhod. Nadama ko na gusto kong makasama ang bawat isa sa kanila bilang bahagi ng aking pamilya.

Ilang buwan na ang nakararaan, matapos ang isang sesyon ng endowment sa templo, sinabi ko sa asawa kong si Wendy, “Umaasa ako na nauunawaan ng kababaihan ang mga espirituwal na kayamanan na napapasakanila sa templo.” Mga kapatid, madalas ko kayong naiisip, isa na rito ay noong nakaraang dalawang buwan nang bumisita kami ni Wendy sa Harmony, Pennsylvania.

Panunumbalik ng Aaronic Priesthood

Pangalawang pagbisita na namin iyon doon. Sa parehong pagkakataon naantig kami nang lubos habang naglalakad kami sa sagradong lugar na iyon. Doon malapit sa Harmony nagpakita si Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery at ipinanumbalik ang Aaronic Priesthood.

Panunumbalik ng Melchizedek Priesthood

Doon nagpakita sina Apostol Pedro, Santiago, at Juan upang ipanumbalik ang Melchizedek Priesthood.

Doon sa Harmony naglingkod si Emma Hale Smith bilang unang tagasulat ng kanyang asawa habang isinasalin ng Propeta ang Aklat ni Mormon.

Sa Harmony din natanggap ni Joseph ang paghahayag na nagpapabatid ng kalooban ng Panginoon para kay Emma. Iniutos ng Panginoon kay Emma na ipaliwanag ang mga banal na kasulatan, manghikayat sa Simbahan, tanggapin ang Espiritu Santo, at mag-ukol ng kanyang panahon sa “pag-aaral nang lubos.” Ipinayo rin kay Emma na “isantabi muna ang mga bagay ng daigdig na ito, at hangarin ang mga bagay na mas mabuti” at tuparin ang kanyang mga tipan sa Diyos. Tinapos ng Panginoon ang Kanyang tagubilin sa mapanghimok na mga salitang ito: “Ito ang aking tinig sa lahat.”1

Lahat ng bagay na nangyari sa lugar na ito ay may malaking epekto sa inyong buhay. Ang panunumbalik ng priesthood, at ang payo ng Panginoon kay Emma, ay papatnubay at magpapala sa bawat isa sa inyo. Inaasam ko na mauunawaan ninyo na ang panunumbalik ng priesthood ay mahalaga hindi lamang sa kalalakihan kundi sa inyo ring kababaihan. Dahil naipanumbalik na ang Melchizedek Priesthood, ang kababaihan at kalalakihan na tumutupad ng tipan ay maaaring mapagkalooban ng “lahat ng pagpapalang espirituwal ng simbahan”2 o, masasabi nating, ng lahat ng mga espirituwal na kayamanan na inilalaan ng Panginoon sa Kanyang mga anak.

Bawat babae at bawat lalaki na nakikipagtipan sa Diyos at tumutupad sa mga tipang iyon, at karapat-dapat na nakikibahagi sa mga ordenansa ng priesthood, ay matatanggap mismo ang kapangyarihan ng Diyos. Yaong mga tumanggap ng endowment sa bahay ng Panginoon ay tumatanggap ng kaloob na kapangyarihan ng priesthood ng Diyos dahil sa bisa ng kanilang tipan, at ng kaloob na kaalaman upang malaman kung paano gagamitin ang kapangyarihang iyon.

Ang kalangitan ay bukas din sa kababaihan na pinagkalooban ng kapangyarihan ng Diyos na nagmumula sa kanilang mga tipan sa priesthood tulad ng kalalakihan na nagtataglay ng priesthood. Dalangin ko na maunawaan ng inyong puso ang katotohanang iyan dahil naniniwala ako na babaguhin nito ang inyong buhay. Mga kapatid, may karapatan kayong magamit tuwina ang kapangyarihan ng Tagapagligtas upang tulungan ang inyong pamilya at iba pang mga mahal ninyo sa buhay.

Ngayon, maaaring sinasabi ninyo sa inyong sarili, “Mukhang napakaganda nito, pero paano ko ito gagawin? Paano ko magagamit ang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa buhay ko?”

Wala kayong makikitang detalyadong paliwanag ng prosesong ito sa anumang manwal. Ang Espiritu Santo ang inyong magiging personal na tagapagturo habang sinisikap ninyong maunawaan ang nais ng Panginoon na malaman at gawin ninyo. Hindi mabilis at madali ang prosesong ito, ngunit ito ay espirituwal na nagpapalakas. Ano pa ba ang mas nakasisiya kaysa sa gumawa na kasama ang Espiritu upang maunawaan ang kapangyarihan ng Diyos—ang priesthood?

Ang maaari kong sabihin sa inyo ay na ang pagtatamo ng kapangyarihan ng Diyos sa buhay ninyo ay nangangailangan din ng mga bagay na ipinagawa ng Panginoon kay Emma at sa bawat isa sa inyo.

Kaya, inaanyayahan ko kayong pag-aralan nang may panalangin ang bahagi 25 ng Doktrina at mga Tipan at tuklasin kung ano ang ituturo ng Espiritu Santo sa inyo. Ang inyong personal at espirituwal na pagsisikap ay magdudulot sa inyo ng kagalakan habang inyong natatanggap, nauunawaan, at nagagamit ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa inyo.

Bahagi ng pagsisikap na ito ang pangangailangang isantabi ang maraming bagay sa mundong ito. Kung minsan halos kaswal lang nating pinag-uusapan ang pag-iwas sa mga sigalot, laganap na tukso, at mga maling pilosopiya sa mundo. Ngunit upang talagang magawa ito kailangang suriin ninyong mabuti at palagi ang inyong buhay. Kapag ginawa ninyo ito, ipahihiwatig sa inyo ng Espiritu Santo kung ano ang hindi na kinakailangan, ano ang hindi na ninyo karapat-dapat na pag-ukulan ng panahon at lakas.

Kapag inalis na ninyo ang tuon sa mga panggagambala ng mundo, ang mga bagay na tila mahalaga sa inyo ngayon ay hindi na gaanong magiging prayoridad. Kakailanganin ninyong tanggihan ang ilang bagay, kahit tila hindi naman nakapipinsala ang mga ito. Kapag sinimulan at ipinagpatuloy ninyo habambuhay ang paglalaang ito ng inyong buhay sa Panginoon, mamamangha kayo sa mga pagbabago sa inyong pananaw, damdamin, at espirituwal na lakas!

Ngayon kaunting babala lamang. May mga taong pahihinain ang kakayahan ninyong magsumamo sa kapangyarihan ng Diyos. May ilang uudyukan kayong pagdudahan ang sarili at maliitin ang katangi-tanging espirituwal na kakayahan ninyo bilang matwid na babae.

Walang dudang hindi gusto ng kaaway na maunawaan ninyo ang mga tipang ginawa ninyo sa binyag, o ang dakilang pagkakaloob ng kaalaman at kapangyarihan na inyong natanggap o matatanggap sa loob ng templo—ang bahay ng Panginoon. At walang dudang ayaw ni Satanas na maunawaan ninyo na sa tuwing karapat-dapat kayong naglilingkod at sumasamba sa templo, aalis kayong nasasakbitan ng kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga anghel ay “ma[nga]ngalaga” sa inyo.3

Palaging tatangkain ni Satanas at ng kanyang mga kampon na maglagay ng mga balakid para hindi ninyo maunawaan ang mga espirituwal na kaloob na ibinigay sa inyo at maibibigay pa. Nakakalungkot na ilan sa mga balakid na ito ay maaaring bunga ng maling pag-uugali ng iba. Nakapanlulumo para sa akin na naramdaman ng sinuman sa inyo na wala kayong silbi o hindi pinagtitiwalaan ng isang priesthood leader o inaabuso o pinagtataksilan ng asawa, ama, o inaakalang kaibigan. Ikinalulungkot ko nang labis na naramdaman ng sinuman sa inyo na binabale-wala kayo, nilalapastangan, o hinuhusgahan. Ang gayong panananakit ng kalooban ay walang puwang sa kaharian ng Diyos.

Sa kabilang banda, ikinatutuwa ko kapag naririnig ko na may mga priesthood leader na gustung-gustong nakikibahagi ang kababaihan sa mga ward at stake council. Inspirasyon para sa akin ang bawat lalaki na nagpapakita na ang pinakamahalagang responsibilidad niya bilang mayhawak ng priesthood ay ang pangalagaan ang kanyang asawa.4 Pinupuri ko ang lalaking iyan na lubos na iginagalang ang kakayahan ng kanyang asawa na tumanggap ng paghahayag at pinahahalagahan siya bilang kapantay na katuwang sa kanilang pagsasama bilang mag-asawa.

Kapag nauunawaan ng lalaki ang karingalan at kapangyarihan ng isang matwid, mapagsaliksik, at pinagpalang babaeng Banal sa mga Huling Araw, nakapagtataka pa ba na parang gusto niyang tumayo bilang paghanga kapag pumasok ito sa silid?

Mula pa sa simula ng panahon, pinagkalooban na ang kababaihan ng kakaibang gabay sa moralidad—ang kakayahang malaman ang kaibhan ng tama sa mali. Ang kaloob na ito ay nag-iibayo sa mga taong gumagawa at tumutupad ng mga tipan. At humihina ito sa mga taong sadyang binabalewala ang mga utos ng Diyos.

Gusto kong kaagad na idagdag na hindi ko inaalisan ang kalalakihan sa anupamang paraan ng responsibilidad na sundin ang utos ng Diyos na dapat din nilang makita ang pagkakaiba ng tama at mali. Ngunit mahal kong mga kapatid, ang kakayahan ninyo na matukoy ang katotohanan sa kamalian, na maging mga tagapangalaga ng moralidad ng lipunan, ay napakahalaga sa mga huling araw na ito. At inaasahan namin na tuturuan din ninyo ang iba na gayon din ang gawin. Hayaan ninyong pakalinawin ko ang tungkol dito: kung mawawalan ang mundo ng kabutihan ng kababaihan nito, ang mundo ay hindi kailanman mapapabuti.

Tayong mga Banal sa mga Huling Araw ay hindi taga sanglibutan; kabilang tayo sa pinagtipanang Israel. Tinawag tayo upang ihanda ang mga tao para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Ngayon, lilinawin ko ang ilang karagdagang paksa tungkol sa kababaihan at sa priesthood. Noong italaga kayo na maglingkod sa isang tungkulin sa ilalim ng pamamahala ng taong may hawak ng mga susi ng priesthood—tulad ng inyong bishop o stake president—kayo ay binigyan ng awtoridad ng priesthood na gumawa sa tungkuling iyan.

Gayundin, sa banal na templo pinahihintulutan kayo na magsagawa at mangasiwa sa mga ordenansa sa priesthood tuwing dadalo kayo. Inihahanda kayo ng inyong endowment sa templo na gawin ito.

Kung kayo ay tumanggap ng endowment ngunit hindi pa ikinasal sa isang lalaki na maytaglay ng priesthood at may nagsabi sa inyo, “Ikinalulungkot ko na wala kang priesthood sa tahanan mo,” sana’y maunawaan ninyo na hindi tama ang pahayag na iyan. Wala mang maytaglay ng priesthood sa inyong tahanan, ngunit tumanggap at gumawa kayo ng mga sagradong tipan sa Diyos sa Kanyang templo. Mula sa mga tipang iyon naipagkakaloob ang kapangyarihan ng Kanyang priesthood sa inyo. At tandaan, kung pumanaw ang inyong asawa, kayo ang mangungulo sa inyong tahanan.

Bilang isang mabuti, at tumanggap na ng endowment na babaeng Banal sa mga Huling Araw, nagsasalita at nagtuturo kayo nang may kapangyarihan at awtoridad mula sa Diyos. Sa pagpapayo o pag-uusap man, kailangan namin ang inyong tinig na nagtuturo ng doktrina ni Cristo. Kailangan namin ang inyong opinyon sa family, ward, at stake council. Ang inyong pakikibahagi ay mahalaga at hindi kailanman palamuti lamang!

Mahal kong mga kapatid, madaragdagan ang inyong kapangyarihan kapag naglilingkod kayo sa iba. Ang inyong mga panalangin, pag-aayuno, oras na inuukol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan, paglilingkod sa templo at gawain sa family history ay magbubukas sa inyo ng kalangitan.

Hinihiling ko sa inyo na pag-aralan nang may panalangin ang lahat ng katotohanan na makikita ninyo tungkol sa kapangyarihan ng priesthood. Maaari kayong magsimula sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 84 at 107. Dadalhin kayo ng mga bahaging iyon sa iba pang mga talata. Ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag sa panahon ngayon ay puno ng mga katotohanang ito. Kapag lumawak ang inyong pang-unawa at nanampalataya kayo sa Panginoon at sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood, ang kakayahan ninyong magamit ang espirituwal na kayamanang ibinigay ng Panginoon ay madaragdagan. Kapag ginawa ninyo ito, makikita ninyo ang inyong sarili na mas may kakayahang tumulong na bumuo ng mga pamilyang pang-walang hanggan na nagkakaisa, nabuklod sa templo ng Panginoon, at puno ng pagmamahal sa ating Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Lahat ng pagsisikap nating paglingkuran ang isa’t isa, ipangaral ang ebanghelyo, gawing ganap ang mga Banal, at tubusin ang mga patay ay konektado sa banal na templo. Ngayon ay mayroon na tayong 166 na mga templo sa buong mundo, at marami pa ang itatayo.

Tulad ng alam ninyo, ang Salt Lake Temple, Temple Square, at ang katabing plaza na malapit sa Church Office Building ay babaguhin sa isang proyektong magsisimula sa pagtatapos ng taong ito. Ang sagradong templong ito ay dapat pangalagaan at ihanda para maging inspirasyon sa mga darating na henerasyon, tulad ng pag-impluwensya nito sa atin sa henerasyong ito.

Habang lumalago ang Simbahan, mas maraming templo ang itatayo upang mas maraming pamilya ang magkaroon ng pagkakataon na matamo ang pinakadakila sa lahat ng mga pagpapala, ang buhay na walang hanggan.5 Itinuturing natin ang templo bilang ang pinakasagradong istruktura sa Simbahan. Sa tuwing may ibinabalitang mga plano sa pagtatayo ng bagong templo, nagiging mahalagang bahagi ito ng ating kasaysayan. Tulad ng tinalakay natin ngayong gabi, kayong kababaihan ay mahalaga sa gawain sa templo, at ang templo ang lugar kung saan matatanggap ninyo ang pinakamahahalagang espirituwal na kayamanan.

Mangyaring makinig na mabuti at nang may pagpipitagan habang ibinabalita ko ngayon ang mga plano na magtayo ng walong bagong templo. Kung ibabalita ko ang isang templo sa lugar na espesyal sa inyo, iminumungkahi ko na yumuko na lamang kayo at manalangin na nagpapasalamat sa inyong puso. Ikinalulugod naming ibalita ang mga plano na magtayo ng mga templo sa mga sumusunod na lugar: Freetown, Sierra Leone; Orem, Utah; Port Moresby, Papua New Guinea; Bentonville, Arkansas; Bacolod, Philippines; McAllen, Texas; Cobán, Guatemala; at Taylorsville, Utah. Salamat sa inyo, mahal na mga kapatid. Lubos kaming nagpapasalamat sa pagtanggap ninyo sa mga planong ito at sa mapitagan ninyong pagtugon.

Ngayon, sa pagtatapos, gusto kong mag-iwan ng basbas sa inyo, na nawa’y inyong maunawaan ang kapangyarihan ng priesthood na ipinagkaloob sa inyo at na inyong pag-ibayuhin ang kapangyarihang iyan sa pamamagitan ng pagpapakita ng inyong pananampalataya sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihan.

Mga minamahal kong kapatid, nang may lubos na paggalang at pasasalamat, ipinahahayag ko ang pagmamahal ko sa inyo. Mapagpakumbaba kong ipinahahayag na buhay ang Diyos! Si Jesus ang Cristo. Ito ang Kanyang Simbahan. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.