2019
Kabanalan at ang Plano ng Kaligayahan
Nobyembre 2019


Kabanalan at ang Plano ng Kaligayahan

Ang mas malaking kaligayahan ay nagmumula sa higit na personal na kabanalan.

Mahal kong mga kapatid, nagdasal ako para sa kapangyarihan na tulungan kayo sa inyong personal na pagsasaliksik para sa kaligayahan. Ang ilan ay maaaring masaya na, ngunit tiyak na walang tatanggi sa alok na dagdag na kaligayahan. Kahit sino ay masasabik na tanggapin ang tiyak na alok ng tumatagal na kaligayahan.

Ito ang alok ng Ama sa Langit; ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo; at ng Espiritu Santo sa bawat espiritung anak ng Ama sa Langit na nabubuhay ngayon, mabubuhay, o nabuhay sa mundong ito. Ang alok na iyon ay tinatawag kung minsan na plano ng kaligayahan. Ganito ang tawag ni propetang Alma nang turuan niya ang kanyang anak na lugmok sa hirap ng kasalanan. Alam ni Alma na ang kasamaan ay hindi kailanman magiging kaligayahan para sa kanyang anak—o sa sinumang anak ng Ama sa Langit.1

Itinuro niya sa kanyang anak na ang paglago sa kabanalan ang tanging landas tungo sa kaligayahan. Nilinaw niya na ang higit na kabanalan ay posible lamang sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na naglilinis at nagpeperpekto sa atin.2 Tanging sa pananampalataya kay Jesucristo, patuloy na pagsisisi, at pagtupad ng mga tipan natin maaangkin ang tumatagal na kaligayahan na nais nating maranasan at mamalagi.

Dalangin ko ngayon na matulungan ko kayong maunawaan na ang mas malaking kaligayahan ay mula sa dagdag na personal na kabanalan upang kumilos kayo sa paniniwalang iyon. At ibabahagi ko ang alam kong magagawa natin upang maging marapat sa kaloob na pagiging mas banal.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na bukod sa iba pang bagay, tayo ay mapababanal o magiging mas banal kapag nananampalataya tayo kay Cristo,3 ipinakikita ang ating pagsunod,4 nagsisisi,5 nagsasakripisyo para sa Kanya,6 tinatanggap ang mga sagradong ordenansa, at tinutupad ang ating mga tipan sa Kanya.7 Para maging marapat sa kaloob na kabanalan kailangan ng kababaang-loob,8 kaamuan,9 at tiyaga.10

Ang isang karanasan ng paghahangad ng dagdag na kabanalan ay dumating sa akin sa Salt Lake Temple. Pumasok ako sa templo sa unang pagkakataon na kaunti lang ang nasabing dapat kong asahan. Nakita ko ang mga salita na nasa gusali: “Kabanalan sa Panginoon” at “Ang Bahay ng Panginoon.” Nakadama ako ng matinding pag-asam. Gayunman naisip ko kung karapat-dapat ba ako.

Nauna sa paglakad sina Inay at Itay habang papasok kami sa templo. Hiniling na ipakita namin ang aming mga recommend, bilang patunay na karapat-dapat kami.

Kilala ng mga magulang ko ang lalaki sa recommend desk. Nakipag-usap sila sandali sa kanya. Nauna na ako sa malawak na lugar kung saan ang lahat ay kumikinang sa puti. Tumingin ako sa kisame sa itaas na parang langit na nakabukas. Nang sandaling iyon, dumating sa akin ang malinaw na impresyon na galing na ako doon noon.

Subalit, narinig ko ang isang banayad na tinig—hindi ang sarili kong tinig. Ganito ang mga salitang binigkas nang banayad: “Hindi ka pa nakapasok dito. Naaalala mo ang sandaling bago ka isinilang. Nasa ganitong sagradong lugar ka noon. Nadama mong papalapit ang Tagapagligtas sa iyong kinatatayuan. At nakadama ka ng kaligayahan dahil sabik kang makita Siya.”

Ang karanasang iyon sa Salt Lake Temple ay saglit lamang. Ngunit ang alaala nito ay may hatid pa ring kapayapaan, galak, at tahimik na kaligayahan.

Natuto ako ng maraming aral noong araw na iyon. Ang isa ay ang Espiritu Santo ay nangungusap sa marahan at banayad na tinig. Naririnig ko Siya kapag may espirituwal na kapayapaan sa puso ko. Hatid Niya ay kaligayahan at katiyakan na ako ay nagiging mas banal. At palagi iyang nagdudulot ng kaligayahang nadama ko sa mga unang sandaling iyon sa templo ng Diyos.

Namasdan mo sa sarili mong buhay at sa buhay ng iba ang himala ng kaligayahan na nagmumula sa kabanalan, nagiging mas katulad ng Tagapagligtas. Sa mga linggong nagdaan, nasa tabi ako ng higaan ng mga taong maaaring pumanaw nang may ganap na pananalig sa Tagapagligtas at masasaya ang mukha.

Isa dito ang lalaking napalilibutan ng kanyang pamilya. Silang mag-asawa ay tahimik na nag-uusap pagpasok namin ng anak ko. Matagal ko na silang kilala. Nakita ko ang epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa kanilang buhay at sa buhay ng mga miyembro ng kanilang pamilya.

Magkasama nilang pinili na huwag nang gumamit ng tulong medikal para pahabain ang kanyang buhay. May tahimik na damdamin habang nagsasalita sila sa amin. Ngumiti siya nang magpasalamat siya para sa ebanghelyo at sa nakadadalisay na mga epekto nito sa kanya at sa pamilyang mahal niya. Binanggit niya ang maliligaya niyang taon ng paglilingkod sa templo. Sa kahilingan ng lalaking ito, pinahiran ng anak ko ng inilaang langis ang kanyang ulo. Pinagtibay ko ang pagpapahid ng langis. Nang gawin ko ito, nagkaroon ako ng malinaw na impresyon na di magtatagal makikita na niya ang kanyang Tagapagligtas, nang harapan.

Nangako ako sa kanya na makadarama siya ng kaligayahan, pagmamahal, at pagsang-ayon ng Tagapagligtas. Magiliw siyang ngumiti nang umalis kami. Ang huling sinabi niya sa akin ay “Pakisabi kay Kathy mahal ko siya.” Ang asawa kong si Kathleen, sa paglipas ng maraming taon ay hinikayat ang mga henerasyon ng kanyang pamilya na tanggapin ang paanyaya ng Tagapagligtas na lumapit sa Kanya, gumawa at tuparin ang mga sagradong tipan, at maging marapat sa kaligayahan na bunga ng dagdag na kabanalang ito.

Namatay siya makalipas ang ilang oras. Sa loob ng ilang linggo pagkamatay niya, nagdala ang kanyang balo ng regalo sa aming mag-asawa. Nakangiti siya habang nag-uusap kami. Masaya niyang sinabi, “Umasa akong malulungkot ako. Napakasaya ko. Sa tingin mo, ayos lang iyon?”

Batid kung gaano niya kamahal ang kanyang asawa at kung paano nila kapwa nakilala, minahal, at pinaglingkuran ang Panginoon, sinabi kong ang nadarama niyang kaligayahan ay pangakong regalo dahil siya, sa matapat niyang paglilingkod, ay mas pinabanal. Dahil sa kanyang kabanalan siya ay naging marapat sa kaligayahang iyon.

Ang ilang nakikinig ngayon ay maaaring nagtataka: “Bakit hindi ko nadarama ang kapayapaan at kaligayahang ipinangako sa matatapat? Naging matapat ako sa kabila ng matinding paghihirap, pero hindi ako maligaya.”

Kahit ang Propetang Joseph Smith ay naharap sa pagsubok na ito. Nanalangin siya ng kaluwagan noong nakakulong siya sa Liberty, Missouri. Naging matapat siya sa Panginoon. Lumago siya sa kabanalan. Gayunman nadama niyang ipinagkait sa kanya ang kaligayahan.

Itinuro sa kanya ng Panginoon ang aral ng pagtitiyaga na kakailanganin nating lahat kahit paano, at marahil sa mahabang panahon, sa pagsubok sa atin sa buhay na ito. Narito ang mensahe ng Panginoon sa Kanyang matapat at nagdurusang propeta:

“At kung ikaw ay itatapon sa hukay, o sa mga kamay ng mga mamamatay-tao, at ang kahatulan ng kamatayan ay ihahatol sa iyo; kung ikaw ay itapon sa kalaliman; kung ang dumadaluyong na alon ay magkaisa laban sa iyo; kung ang malakas na hangin ay iyong maging kaaway; kung ang kalangitan ay magtipon ng kadiliman, at ang lahat ng elemento ay magsama-sama upang harangan ang daan; at higit sa lahat, kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.

“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?

“Samakatwid, maging matatag sa iyong landas, at ang pagkasaserdote ay mananatili sa iyo; sapagkat ang kanilang hangganan ay nakatakda, sila ay hindi makararaan. Ang iyong mga araw ay nababatid, at ang iyong mga taon ay hindi nababawasan ng bilang; kaya nga, huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”11

Iyon din ang aral na ibinigay ng Panginoon kay Job, na nagbayad ng malaki para tulutan ang Pagbabayad-sala na gawin siyang mas banal. Alam nating banal si Job, mula sa mga tagubilin na nasa atin tungkol sa kanya: “May isang lalaki sa lupain ng Uz na ang pangalan ay Job; ang lalaking iyon ay walang kapintasan, matuwid, may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan.”12

Pagkatapos ay nawala kay Job ang kanyang kayamanan, pamilya, at maging ang kanyang kalusugan. Maaalala ninyo na nagduda si Job na ang kanyang dagdag na kabanalan, na nakamit sa dagdag na paghihirap, ay nagpagindapat sa kanya para sa mas malaking kaligayahan. Tila kay Job ang kabanalan ay nagdulot ng paghihirap.

Gayunman ibinigay ng Panginoon kay Job ang aral ng pagtutuwid na ibinigay Niya kay Joseph Smith. Hinayaan Niyang makita ni Job ang makadurog-pusong kalagayan gamit ang espirituwal na mga mata. Sabi niya:

“Bigkisan mo tulad sa lalaki ang iyong baywang, tatanungin kita at ikaw sa akin ay magsasaysay.

“Nasaan ka nang ilagay ko ang mga pundasyon ng lupa? Sabihin mo, kung mayroon kang pang-unawa.

“Sinong nagpasiya ng mga sukat niyon—tiyak na alam mo! o sinong nag-unat ng panukat sa ibabaw nito?

“Sa ano nakabaon ang kanyang mga pundasyon? o sinong naglagay ng batong panulok niyon;

“Nang sama-samang umawit ang mga tala sa umaga, at ang lahat ng mga anak ng Diyos ay nagsigawan sa tuwa?”13

At, matapos magsisi si Job sa pagsasabing hindi patas ang Diyos, tinulutan si Job na makita ang kanyang mga pagsubok sa mas mataas at mas banal na paraan. Nagsisi siya.

“Pagkatapos ay sumagot si Job sa Panginoon, at sinabi,

“Alam kong magagawa mo ang lahat ng mga bagay, at wala kang layunin na mahahadlangan.

“Sino itong nagkukubli ng payo na walang kaalaman?’Kaya’t aking nasambit ang hindi ko nauunawaan? mga bagay na lubhang kahanga-hanga para sa akin, na hindi ko nalalaman.

“Makinig ka at magsasalita ako; tatanungin kita at sa akin ay ipahayag mo.

“Narinig kita sa pakikinig ng tainga, ngunit ngayo’y nakikita ka ng aking mata.

“Kaya’t ako’y namumuhi sa sarili ko, at nagsisisi ako sa alabok at mga abo.”14

Matapos magsisi si Job at sa gayon ay naging mas banal, biniyayaan siya ng Panginoon nang higit pa sa lahat ng nawala sa kanya. Ngunit marahil ang pinakamalaking pagpapala kay Job ay ang magkaroon ng dagdag na kabanalan sa pamamagitan ng paghihirap at pagsisisi. Kwalipikado siyang magkaroon ng mas malaking kaligayahan sa natitirang araw ng kanyang buhay.

Ang dagdag na kabanalan ay hindi darating sa paghingi lamang nito. Darating ito sa paggawa ng kinakailangan para mabago tayo ng Diyos.

Ibinigay ni Pangulong Russell M. Nelson ang tila pinakamainam na payo kung paano susulong sa landas ng tipan para sa dagdag na kabanalan. Itinuro niya ang daan nang sabihin niyang:

“Danasin ang nagpapalakas na kapangyarihan ng araw-araw na pagsisisi—ng paggawa at pagiging mas mabuti sa bawat araw.

“Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating magbago! Tinutulutan natin ang Tagapagligtas na baguhin tayo at gawin tayong pinakamabuting bersyon ng ating sarili. Pinipili nating umunlad sa espirituwal at magkaroon ng kagalakan—ang kagalakan na matubos Niya. Kapag pinipili nating magsisi, pinipili nating maging higit na katulad ni Jesucristo!”

Nagpatuloy si Pangulong Nelson upang hikayatin tayo sa pagsisikap nating maging mas banal: “Hindi inaasahan ng Panginoon na perpekto na tayo sa puntong ito. … Ngunit ang inaasahan Niya sa atin ay maging mas dalisay tayo. Ang araw-araw na pagsisisi ay landas patungo sa kadalisayan.”15

Si Pangulong Dallin H. Oaks, sa mas naunang mensahe sa kumperensya, at tinulungan din ako na makita nang mas malinaw kung paano tayo umuunlad sa kabanalan at paano natin malalaman na doon tayo papunta. Sabi niya: “Paano natin nakakamit ang espirituwalidad? Paano natin nakakamit ang antas na iyon ng kabanalan kung saan palagi nating makakasama ang Espiritu Santo? Paano natin nakikita at nasusuri ang mga bagay ng mundong ito taglay ang pananaw ng kawalang hanggan?”16

Ang sagot ni Pangulong Oaks ay nagsimula sa mas malaking pananampalataya kay Jesucristo bilang ating mapagmahal na Tagapagligtas. Aakayin tayo niyan na hangaring mapatawad araw-araw at alalahanin Siya araw-araw sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang mga utos. Ang mas malaking pananampalataya kay Jesucristo ay dumarating sa araw-araw nating pagpapakabusog sa Kanyang salita.

Ang himnong “Kabanalang Lalo, Aking Kahilingan” ay nagmumungkahi kung paano hihingi ng tulong na maging mas banal. Matalinong iminumungkahi ng awtor na ang kabanalang hanap natin ay kaloob mula sa mapagmahal na Diyos, na ibinibigay sa paglipas ng panahon, matapos ang lahat ng ating magagawa. Naaalala ninyo ang huling talata:

Kabanalang lalo,

Ang kahilingan,

At sa kasalanan

Ay kalungkutan.

Lalong pananalig,

Sa Manunubos,

Sa paglilingkod ko’y—

Ligayang lubos.17

Anuman ang ating katayuan, nasaan man tayo sa landas ng tipan pauwi, nawa masagot ang ating mga dalangin para sa dagdag na kabanalan. Alam kong kapag ipinagkaloob ang ating samo, madaragdagan ang ating kaligayahan. Maaaring mabagal itong dumating, ngunit darating ito. Tiniyak iyan sa akin ng mapagmahal na Ama sa Langit at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo.

Nagpapatotoo ako na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos, na si Pangulong Russell M. Nelson ang ating buhay na propeta ngayon. Buhay ang Diyos Ama at mahal Niya tayo. Nais Niyang umuwi tayo sa Kanya bilang mga pamilya. Inaanyayahan tayo ng mapagmahal nating Tagapagligtas na sundan Siya sa ating paglalakbay papunta roon. Inihanda Nila ang daan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.