Pagkakaroon ng Kagalakan sa Pagbabahagi ng Ebanghelyo
Tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit, na naghihintay na lumapit tayo sa Kanya para pagpalain ang ating buhay at ang buhay ng mga nasa ating paligid.
Isa sa mga paborito kong himno sa Primary ang nagsisimula sa mga salitang ito:
Ako ay kabilang sa Simbahan ni Jesucristo.
Nalalaman ko
Kanyang plano.
Ito’y susundin ko.
Sa Tagapagligtas nananalig.1
Napakasimple at napakagandang pagpapahayag ng mga katotohanang ating pinaniniwalaan!
Bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, alam natin kung sino tayo. Alam natin na ang “Diyos ang Ama ng ating mga espiritu. Tayo ay … mga anak Niya, at mahal Niya tayo. Nabuhay tayo … [sa piling Niya sa langit] bago pa tayo [naparito] sa lupa.”
Alam natin ang plano ng Diyos. Naroon tayo kasama Niya nang ilahad Niya ito. Ang “buong layunin ng ating Ama sa Langit—ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian—ay bigyan tayo ng kakayahan na matamasa ang lahat ng Kanyang mga pagpapala. Naglaan Siya ng perpektong plano para maisagawa ang Kanyang layunin. Naunawaan at tinanggap natin ang planong ito … ng kaligayahan, … pagtubos, at … kaligtasan” bago tayo naparito sa lupa.
“Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, natupad ni Jesucristo ang layunin ng Kanyang Ama at ginawang posible na makamtan ng bawat isa sa atin ang imortalidad at buhay na walang-hanggan. Si Satanas, o ang diyablo, ang kumakalaban sa plano ng Diyos” at gayon na mula pa sa simula.
“Ang pagpili, o kakayahang pumili, ay isa sa pinakadakilang mga kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak. … Dapat tayong pumili kung susundin ba natin si Jesucristo o si Satanas.”2
Ang mga ito ay simpleng katotohanan na maibabahagi natin sa iba.
Hayaang ikuwento ko sa inyo nang ibahagi ng aking ina ang mga simpleng katotohanan sa pamamagitan ng pagiging bukas sa pakikipag-usap at pagkilala sa isang oportunidad.
Maraming taon na ang nakalipas, pabalik noon ang aking ina sa Argentina para bisitahin ang kapatid ko. Ayaw talaga ng nanay kong sumasakay sa eroplano, kaya humingi siya ng basbas ng kapanatagan at proteksyon sa isa sa mga anak ko. Nadama niyang basbasan ang kanyang lola ng espesyal na patnubay at paggabay mula sa Espiritu Santo upang palakasin at antigin ang puso ng maraming tao na nais malaman ang tungkol sa ebanghelyo.
Sa Salt Lake airport, may nakilala ang nanay at kapatid ko na pitong-taong gulang na batang babae na pauwi na mula sa pag-ski kasama ang kanyang pamilya. Nang mapansin ng mga magulang niya na matagal na siyang kausap ng nanay at kapatid ko, nagpasiya silang sumali sa kanila. Nagpakilala sila at ang anak nila bilang sina Eduardo, Maria Susana, at Giada Pol. May likas at malapit na koneksyon sa magiliw na pamilyang ito.
Masaya ang dalawang pamilya na magkasamang maglakbay sa iisang eroplano papuntang Buenos Aires, Argentina. Sa patuloy nilang pag-uusap, napansin ng nanay ko na noon lang nila narinig ang tungkol sa ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.
Isa sa mga unang tanong ni Susana ay, “Puwede mo bang sabihin sa akin ang tungkol sa magandang museo na may ginintuang estatwa sa tuktok?”
Ipinaliwanag ni nanay na ang magandang gusali ay hindi museo kundi templo ng Panginoon kung saan tayo nakikipagtipan sa Diyos upang makabalik tayo sa Kanyang piling balang-araw. Inamin ni Susana sa nanay ko na bago sila nagpunta sa Salt Lake nagdasal siya na mapalakas ang kanyang espiritu.
Habang sakay ng eroplano, ibinigay ng nanay ko ang kanyang simple ngunit malakas na patotoo ukol sa ebanghelyo at inimbita si Susana na hanapin ang mga missionary sa kanyang bayan. Tanong ni Susana sa nanay ko, “Paano ko sila mahahanap?”
Sagot ni Inay, “Tiyak na makikita mo sila; dalawang binata na nakasuot ng puting polo at kurbata o kaya naman ay dalawang dalaga na maayos manamit, at lagi silang may suot na nametag na may pangalan nila at ng ‘Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.’”
Nagpalitan ng mga numero ng telepono ang dalawang pamilya at nagpaalaman sa airport sa Buenos Aires. Si Susana, na naging mabuting kaibigan ko mula noon, ay maraming beses na nagsabi sa akin na lungkot na lungkot siyang iwan ang nanay ko sa airport. Sabi niya, “Nagliliwanag ang nanay mo. Hindi ko maipaliwanag, pero may kung anong liwanag na nakapalibot sa kanya na ayaw kong iwanan.”
Kaagad pagkabalik ni Susana sa kanyang bayan, siya at ang anak niyang si Giada, ay ikinuwento ang karanasang ito sa nanay ni Susana, na nakatira ilang kanto lang ang layo mula sa kanilang tahanan. Habang sakay sila ng kotse, nagkataong nakita ni Susana ang dalawang binatang naglalakad sa kalye na gaya ng inilarawan ni nanay. Itinigil niya ang kanyang kotse sa gitna ng kalsada, bumaba, at tinanong ang dalawang binatang ito, “Kayo ba ay mula sa Simbahan ni Jesucristo?”
“Opo,” ang sabi nila.
“Mga missionary?” tanong niya.
Kapwa sila sumagot ng, “Opo!”
Pagkatapos ay sinabi niyang “Sumakay na kayo sa kotse ko; iuuwi ko kayo para turuan ako.”
Makalipas ang dalawang buwan, si Maria Susana ay nabinyagan. Ang anak niyang si Giada, ay nabinyagan din nang maging siyam na taong gulang siya. Tinutulungan pa rin namin si Eduardo, na mahal namin kahit ano ang mangyari.
Magmula noon, si Susana ay naging isa sa mga pinakamagagaling na missionary na nakilala ko. Tulad siya ng mga anak ni Mosias na nagdadala ng maraming kaluluwa kay Cristo.
Sa isa sa mga pag-uusap namin, tinanong ko siya, “Ano ang sikreto mo? Paano mo ibinabahagi ang ebanghelyo sa iba?”
Sabi niya sa akin, “Simple lang. Araw-araw bago ako lumabas ng bahay, nagdarasal ako sa Ama sa Langit na ituro sa akin ang isang tao na nangangailangan ng ebanghelyo sa kanyang buhay. Kung minsan may dala akong Aklat ni Mormon para ibigay sa kanila o mga pass-along card mula sa mga missionary—at kapag kausap ko na ang isang tao, tinatanong ko lang sila kung narinig na nila ang tungkol sa Simbahan.”
Sabi rin ni Susana, “Minsan naman nakangiti lang ako habang hinihintay ang tren. Isang araw tumingin sa akin ang isang lalaki at sinabing, ‘Bakit ka nakangiti?’ Nagulat ako sa tanong niya.
“Sagot ko, ‘Nakangiti ako kasi masaya ako!’
“Pagkatapos sinabi niya, ‘At bakit ka naman masaya?’
“Sumagot ako na, ‘Miyembro ako ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, at iyon ang nagpapasaya sa akin. Narinig mo na ba ang tungkol dito?’”
Nang sinabi nitong hindi, binigyan niya ito ng pass-along card at inimbitang dumalo sa araw ng Linggo. Nang sumunod na Linggo, binati niya ang lalaki sa pinto.
Itinuro ni Pangulong Dallin H. Oaks:
“May tatlong bagay na magagawa ang lahat ng miyembro para makatulong sa pagbabahagi ng ebanghelyo. …
“Una, manalangin tayong lahat na magkaroon ng hangaring tumulong sa mahalagang bahaging ito ng gawain ng kaligtasan. …
“Pangalawa, sundin natin ang mga kautusan. … Palaging nasa matatapat na miyembro ang Espiritu ng Tagapagligtas na gagabay sa kanila kapag hinahangad nilang makibahagi sa dakilang gawain ng pagbabahagi ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo.
“Pangatlo, manalangin tayo na bigyan ng inspirasyon kung ano ang dapat nating gawin sa … pagbabahagi natin ng ebanghelyo sa iba … [at] manalangin nang may pangakong gagawin ang inspirasyong matatanggap [natin].”3
Mga kapatid, mga bata, at kabataan, kaya ba nating maging tulad ng kaibigan kong si Susana at ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Kaya ba nating anyayahan ang isang kaibigan na hindi natin kapanalig na magsimbang kasama natin sa Linggo? O kaya naman ay bigyan ng Aklat ni Mormon ang isang kamag-anak o kaibigan? Kaya ba nating matulungan ang iba na mahanap ang kanilang mga ninuno sa FamilySearch o ibahagi sa iba ang natutuhan natin sa buong linggo ng pag-aaral natin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin? Kaya ba nating maging mas katulad ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo at ibahagi sa iba ang naghahatid ng kagalakan sa ating buhay? Ang sagot sa mga tanong na ito ay oo! Kaya nating gawin ito!
Mababasa natin sa mga banal na kasulatan na ang “mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay isinusugo ‘upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao’ (Doktrina at mga Tipan 138:56). Kasama sa gawaing ito ng kaligtasan ang gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatiling aktibo sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.”4
Kailangan tayo ng Panginoon para tipunin ang Israel. Sinabi Niya sa Doktrina at mga Tipan, “Ni huwag kayong mabalisa kung ano ang inyong sasabihin; kundi papagyamanin sa inyong mga isipan tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon yaong bahagi na nararapat ipagkaloob sa bawat tao.”5
Bukod dito, nangako Siya sa atin:
“At kung mangyayaring kayo ay gagawa nang buo ninyong panahon sa pangangaral ng pagsisisi sa mga taong ito, at magdala, kahit isang kaluluwa sa akin, anong laki ng inyong kagalakang kasama niya sa kaharian ng aking Ama!
“At ngayon, kung ang inyong kagalakan ay magiging malaki sa isang kaluluwa na inyong nadala sa akin sa kaharian ng aking Ama, anong laki ng inyong kagalakan kung makapagdadala kayo ng maraming kaluluwa sa akin!”6
Ang awit sa Primary na sinimulan ko ay nagtatapos sa malalim na pahayag na ito:
Pinatototohanan ko na ang mga salitang ito ay totoo at tayo ay may mapagmahal na Ama sa Langit na naghihintay na lumapit tayo sa Kanya para pagpalain ang ating buhay at ang buhay ng mga nasa ating paligid. Nawa’y hangarin nating dalhin ang ating mga kapatid kay Cristo ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.