2014
Ang Gawain ng Kaligtasan: Noon at Ngayon
Setyembre 2014


Ang Gawain ng Kaligtasan Noon at Ngayon

Ang limang responsibilidad sa gawain ng kaligtasan ay hindi na bago sa dispensasyong ito. Itinuro at isinagawa ang mga ito sa panahon ng Aklat ni Mormon.

Patungkol sa mga huling araw at sa inihayag na katotohanan na kalaunan ay lalaganap sa mundo, nagpropesiya si Nephi na “makararating [ang mga tao] sa kaalaman ng kanilang Manunubos at sa bawat bahagi ng kanyang doktrina, nang malaman nila kung paano lalapit sa kanya at maligtas” (1 Nephi 15:14; tingnan din sa Moises 7:62). Bilang katuparan ng propesiya ni Nephi, hangad ng Simbahan ngayon na tulungan ang kalalakihan at kababaihan sa iba’t ibang panig ng mundo na malaman ang doktrina ng Tagapagligtas at mamuhay ayon dito upang sila ay makalapit sa Kanya at makatahak sa landas tungo sa kaligtasan.

Itinuturo sa atin ng mga buhay na propeta at apostol na “ang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo ay isinusugo ‘upang gumawa sa kanyang ubasan para sa kaligtasan ng mga kaluluwa ng tao’ (D at T 138:56). Ang gawaing ito ng kaligtasan ay kinabibilangan ng gawaing misyonero ng mga miyembro, pagpapanatili sa mga nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong mga miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.”1

Ipinapakita sa Aklat ni Mormon na binigyang-diin ng mga miyembro ng Simbahan noong unang panahon ang “gawaing misyonero, pagpapanatili sa nabinyagan, pagpapaaktibo sa di-gaanong aktibong miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.” Ang katotohanan na ang mahahalagang responsibilidad na ito ng mga miyembro ay hindi nagbabago sa lahat ng dispensasyon ay malakas na patotoo na ang Diyos ay hindi nagbabago at mahal Niya ang lahat ng Kanyang mga anak, saanman at kailanman sila nabuhay.

illustration of man standing on temple stairs and preaching to people walking by

Gawaing Misyonero

Malinaw na itinuturo ng Aklat ni Mormon ang doktrinang batayan ng gawaing misyonero. Halimbawa, isinulat ni Nephi na “kung inyong susundin ang Anak, nang may buong layunin ng puso, nang walang pagkukunwari at walang panlilinlang sa harapan ng Diyos, kundi may tunay na hangarin, nagsisisi sa inyong mga kasalanan, nagpapatotoo sa Ama na nahahanda kayong taglayin sa inyong sarili ang pangalan ni Cristo, sa pamamagitan ng binyag—oo, sa pamamagitan ng pagsunod sa inyong Panginoon at inyong Tagapagligtas doon sa tubig, alinsunod sa kanyang salita, masdan, pagkatapos ay inyong tatanggapin ang Espiritu Santo; oo, at pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo” (2 Nephi 31:13; tingnan din sa 3 Nephi 11:31–40; 27:13–22).

Kaya nga, hindi nakakagulat na may nakaaantig na mga salaysay tungkol sa gawaing misyonero sa Aklat ni Mormon. Halimbawa, bawat isa sa mga anak ni Mosias ay tumangging tanggapin ang mga responsibilidad na kasama sa tungkulin bilang hari ng mga Nephita, at sa halip ay nagpunta sila sa lupain ng Nephi upang ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita, na malupit na kaaway ng mga Nephita. Ang kanilang misyon ay tumagal nang mga 14 na taon, at libu-libo ang sumapi at nagpabinyag sa Simbahan. (Tingnan sa Mosias 28; Alma 17–27.)

Sa pagsunod sa halimbawa ng gawaing misyonero sa Aklat ni Mormon, ang Simbahan ngayon ay may gawaing misyonero na walang-kapantay sa anumang panahon ng kasaysayan nito.

Pagpapanatiling Aktibo sa mga Nabinyagan

Sumulat din si Nephi tungkol sa paghihikayat sa mga bagong miyembro na manatiling aktibo sa ebanghelyo upang magkaroon sila ng buhay na walang hanggan:

“Matapos na kayo ay mapasamakipot at makitid na landas, itinatanong ko kung ang lahat ay nagawa na? Masdan, sinasabi ko sa inyo, Hindi; sapagkat hindi pa kayo nakalalapit maliban sa ito ay sa pamamagitan ng salita ni Cristo na may hindi matitinag na pananampalataya sa kanya, na umaasa nang lubos sa mga awa niya na makapangyarihang magligtas.

“Kaya nga, kinakailangan kayong magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao. Samakatwid, kung kayo ay magpapatuloy, nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at magtitiis hanggang wakas, masdan, ganito ang wika ng Ama: Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:19–20).

Ang mga lider ng Simbahan sa panahon ng Aklat ni Mormon ay nagsagawa ng mga tiyak na hakbang para tulungan ang mga bagong miyembro na manatili sa makipot at makitid na landas. Dahil nakita ang ating panahon at batid na makakaharap natin ang gayon ding mga hamon (tingnan sa Mormon 8:35), isinama ni Moroni sa kanyang pagsulat ang ilan sa mga gawaing iyon para tulungan ang mga bagong miyembro na manatiling tapat sa kanilang mga tipan:

“At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, at nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang patuloy silang mapanatili sa mataimtim na panalangin, umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya.

“At ang mga kasapi sa simbahan ay madalas na nagtitipun-tipon upang mag-ayuno at manalangin, at makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa” (Moroni 6:4–5).

Sinusunod ng Simbahan sa panahong ito ang Aklat ni Mormon sa pagpapanatili sa mga nabinyagan sa ating mga ward council, priesthood quorum, at iba pang mga organisasyon.2

illustration of baptism at the waters of Mormon

Pagpapaaktibo sa Di-gaanong Aktibong mga Miyembro

Sa pagtatapos ng kanyang ministeryo, lubhang nag-alala si Alma tungkol sa espirituwal na kapakanan ng isang grupo ng mga tumiwalag sa Simbahan na tinawag ang kanilang sarili na mga Zoramita. Ikinuwento sa Aklat ni Mormon na ang “kanyang puso ay nagsimulang muling malungkot dahil sa kasamaan ng mga tao.

“Sapagkat ito ang dahilan ng labis na kalungkutan ni Alma na malamang may kasamaan sa kanyang mga tao; anupa’t ang kanyang puso ay labis na nalungkot dahil sa paghiwalay ng mga Zoramita mula sa mga Nephita” (Alma 31:1–2).

Nagplano si Alma na muling maibalik ang mga Zoramita. Pumili siya ng matatapat na kasama at nanalangin para sa kanyang sarili at sa kanyang mga kasama sa gawain, na hinihiling sa Diyos na “aliwin ninyo ang kanilang mga kaluluwa kay Cristo,” bigyan sila ng lakas para matiis ang mga paghihirap na kaakibat ng kanilang mga gawain, at ipagkaloob sa kanila na ang “tagumpay ay matamo [nila] sa muling pagdadala sa [mga Zoramita] sa [Ama] sa pamamagitan ni Cristo” (Alma 31:32, 34). Pagkatapos ay binigyan niya ang kanyang mga kasama ng mga basbas ng priesthood, at sinimulan nila ang kanilang mga gawain (tingnan sa Alma 31:36).

Nang personal na magministeryo ang muling nabuhay na Panginoon sa mga tao sa lupaing Masagana, itinuro Niya sa Kanyang piniling mga disipulo na patuloy na sagipin ang mga lumayo sa makipot at makitid na landas. Sinabi niya, “Sa mga yaon kayo ay patuloy na maglilingkod; sapagkat hindi ninyo alam kung sila ay magbabalik at magsisisi, at lalapit sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko sila; at kayo ang magiging daan ng pagdadala ng kaligtasan sa kanila” (3 Nephi 18:32).

Ang pagsisikap ng Simbahan sa panahong ito na muling pagningasin ang pananampalataya sa puso ng mga di-gaanong aktibong miyembro ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at ng mga propeta na nakatala sa Aklat ni Mormon.

Gawain sa Templo at Family History

Matapos humiwalay ang mga Nephita sa mga Lamanita, nagtayo sila ng templo. Itinala ni Nephi: “At ako, si Nephi, ay nagtayo ng templo; at ito ay itinayo ko alinsunod sa pagkakayari ng templo ni Solomon maliban sa ito ay hindi niyari sa maraming [mamahaling] bagay; sapagkat ang mga ito ay hindi matatagpuan sa lupain, kaya nga, ito ay hindi mayayari na katulad ng templo ni Solomon. Datapwa’t ang paraan ng pagkakagawa ay katulad ng templo ni Solomon; at ang pagkakayari niyon ay labis na mahusay” (2 Nephi 5:16).

Nakatala sa Aklat ni Mormon na sina Jacob, Haring Benjamin, Alma at Amulek ay pawang nagturo sa mga templo (tingnan sa Jacob 1:17; Mosias 1:18; Alma 16:13). Binanggit sa mga aklat nina Alma at Helaman ang iba’t ibang templo sa kalipunan ng mga tao (tingnan sa Alma 16:13; Helaman 3:9).

Pinili ng Tagapagligtas ang templo sa lupaing Masagana kung saan Siya nagpakita sa mga nakaligtas na mga Nephita at Lamanita pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa 3 Nephi 11:1). Tiniyak din Niya na ang doktrinang batayan sa gawain sa family history ay itinuro sa mga tao. Binanggit Niya ang sinabi ni Malakias hinggil sa pagpapakita ni Elijah sa mga huling araw, na sinasabing:

“Masdan, isusugo ko sa inyo ang propetang si Elias bago dumating ang dakila at kakila-kilabot na araw ng Panginoon;

“At kanyang ibabaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama; kung hindi, ako ay paparito at parurusahan ang lupa ng isang sumpa” (3 Nephi 25:5–6).

Madalas banggitin sa Aklat ni Mormon ang pag-iingat ng mga kasaysayan ng pamilya. Pinabalik ni Lehi ang kanyang mga anak sa Jerusalem upang kunin ang mga laminang tanso, na naglalaman ng “talaan ng mga Judio at gayon din ang isang talaangkanan ng [kanyang] mga ninuno” (1 Nephi 3:3). Ang aklat ni Eter ay naglalahad ng mga pangalan ng sunud-sunod na pamamahala ng mga pinuno at, kung kailangan, ng kanilang mga kapatid at anak, na nagpapakita na nagtago ng maraming talaan ng kasaysayan ng pamilya ang mga tao.

Ang mga gawain sa mga templo at family history ng Simbahan sa buong mundo ay naaayon sa mga turo ng Aklat ni Mormon.

Pagtuturo ng Ebanghelyo

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay itinuro sa buong Aklat ni Mormon. Marahil ang mga salitang ito ni Nephi ay malinaw na nagpapaliwanag ng kahalagahan at kasagraduhan ng layunin ng masigasig na pagtuturong iyon: “Nangungusap tayo tungkol kay Cristo, nagagalak tayo kay Cristo, nangangaral tayo tungkol kay Cristo, nagpopropesiya tayo tungkol kay Cristo, at sumusulat tayo alinsunod sa ating mga propesiya, upang malaman ng ating mga anak kung kanino sila aasa para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan” (2 Nephi 25:26).

Marami sa magagandang turo sa Aklat ni Mormon ay mula sa mga magulang na nagtuturo sa kanilang mga anak. Isipin si Lehi na nagtuturo kay Jacob tungkol sa “pagsalungat sa lahat ng bagay” (2 Nephi 2:11) o si Alma na nagtuturo kay Corianton na “ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10) o sa mga kabataang mandirigma na “tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila mag-aalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” (Alma 56:47).

Ang limang responsibilidad sa gawain ng kaligtasan ay hindi na bago sa mundo sa huling dispensasyong ito. Ang mga ito ay itinuro at isinagawa sa panahon ng Aklat ni Mormon at noon pa man ay bahagi na ng “bawat bahagi ng … doktrina [ni Cristo]” (1 Nephi 15:14).

Mga Tala

  1. Handbook 2: Administering the Church (2010), 5.0.

  2. Tingnan sa Handbook 2, mga bahagi 4 at 5.

Mga paglalarawan ni Dan Burr