2014
Pinag-iisa ang mga Tao Mula sa Iba’t Ibang Kultura sa Toronto
Setyembre 2014


Mga Young Adult Profile

Pinag-iisa ang mga Tao Mula sa Iba’t Ibang Kultura sa Toronto

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ano ang pakiramdam ng maging matapat na young adult sa Ontario, Canada? Ibinahagi ng isang young adult ang kanyang kultura at pananampalataya.

Editorial shots of Jonathan Porter from Toronto, Canada

Matatagpuan sa sentro ng Toronto, Canada, makikita sa Kensington Market ang marami at iba’t ibang kultura sa mundo. Nakahilera sa makikitid na daan ang mga puwesto, tindahan, at restawran na may mga tindang pagkain mula sa maraming kultura—una na riyan ang Salvadorian, Mexican, Peruvian at French. Sa alinmang sulok, makikita ninyo ang mga basket ng makukulay na prutas at gulay, mesa-mesa ng maiinit at maninipis na pastry, at matitingkad at magagandang disenyo ng katutubong kasuotan ng iba’t ibang kultura.

Ang mga pinagsama-samang kultura ng Toronto ay binubuo ng mga dayuhan, katutubo, refugee, at estudyante. Sabi ni Jonathan Porter, isang 25-taong-gulang na binatang naninirahan sa Toronto, “Ang maglingkod na kasama ng mga miyembro sa ward namin na iba’t iba ang pinagmulan ay nakatulong sa akin na makita ang pagkakaiba ng mga kultura sa aking paligid—kabilang na ang sarili kong kulturang Canadian—at ang kultura ng ebanghelyo. Nakatutuwang makita na tinatanggap ng bawat kultura na mabuti ang mga inuturo ng ebanghelyo. Iyan ang nagbibigay-daan para makapag-usap nang may gabay ng Espiritu Santo, na tumutulong sa mga tao na magkaunawaan at pahalagahan hindi lamang ang kanilang sariling kultura.”

Nakita na rin ni Jonathan ang impluwensya ng ebanghelyo sa mga tungkulin sa pamumuno: “Kahit madalas ay magkakaiba ang mga estilo ng mga lider sa pamumuno ayon sa kanilang kultura, hindi iyon mahalaga. Lahat sila ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng paghahayag at sa awtoridad ng priesthood, at sila ay pinagpapala.”

Para kay Jonathan, naibigay sa kanya ng institute ang isang bagay na mahalaga sa kanya: “Dahil lumaki ako sa Toronto, kakaunti ang mga kabarkada kong miyembro ng Simbahan, kaya pakiramdam ko ay ligtas at tanggap ako sa institute. Nagkakaisa kami dahil sa aming pagmamahal sa ebanghelyo. Napapansin ng ibang tao ang ating pamumuhay, nakikita ang ating mga pamantayan, at natatanto na tayo ay kakaiba.”

Ang mga karanasan ni Jonathan ay nakapagturo sa kanya ng kahalagahan ng pag-ibig sa kapwa, “ang dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47). “Talagang kakaiba ang mga young adult sa institute, hindi laging likas na madaling mahalin ang isa’t isa,” sabi niya. “Natutuhan ko na ang kahulugan ng pag-ibig sa kapwa ay paglilingkod sa kapwa, kahit sa maliliit na paraan, at mahalin sila saan man sila nagmula.”

Ang pagmamahal at pagkakaiba-ibang ito ay nakabuti sa gawaing misyonero. “Napakarami sa mga tagarito ang una- o kaya’y ikalawang henerasyon ng mga convert. Kung minsan sumasapi sa Simbahan dito ang mga tao at bumabalik sa kanilang bansa at ibinabahagi ang ebanghelyo sa kanilang pamilya at naghahatid ng lakas sa kanilang kultura. Para sa akin, iyan ang pamana ng Simbahan sa Toronto.”

Editorial shots of Jonathan Porter from Toronto, Canada

MGA LARAWANG KUHA NI Kevan Ashworth